Huwag Manghihimagod sa Paggawa ng Kung Ano ang Mainam
“Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”—GALACIA 6:9.
1, 2. (a) Bakit kailangan ang pagbabata upang mapaglingkuran ang Diyos? (b) Paano nagpakita ng pagbabata si Abraham, at ano ang nakatulong sa kaniya upang magawa ito?
BILANG mga Saksi ni Jehova, nalulugod tayong gawin ang kalooban ng Diyos. Nakadarama rin tayo ng kaginhawahan sa pagpasan sa “pamatok” ng pagiging alagad. (Mateo 11:29) Gayunman, ang paglilingkod kay Jehova kasama ni Kristo ay hindi laging madali. Niliwanag ito ni Pablo nang kaniyang himukin ang mga kapuwa Kristiyano: “Nangangailangan kayo ng pagbabata, upang pagkatapos na magawa ninyo ang kalooban ng Diyos ay matanggap ninyo ang katuparan ng pangako.” (Hebreo 10:36) Kailangan ang pagbabata sapagkat maaaring maging mapanghamon ang paglilingkod sa Diyos.
2 Ang buhay ni Abraham ay tiyak na patotoo sa katotohanang iyan. Maraming beses siyang napaharap sa mahihirap na pagpili at maiigting na kalagayan. Ang utos sa kaniya na lisanin ang maalwang pamumuhay sa Ur ay pasimula lamang nito. Di-nagtagal, napaharap siya sa taggutom, sa galit ng kaniyang mga kalapit-lugar, sa muntik na pagkawala ng kaniyang asawa, sa poot ng ilang kamag-anak, at sa kalupitan ng digmaan. Mas matitinding pagsubok ang sumapit pa noon. Ngunit hindi nanghimagod si Abraham sa paggawa ng kung ano ang mainam. Ito ay kahanga-hanga kung isasaalang-alang na hindi niya taglay ang kumpletong Salita ng Diyos, di-gaya natin ngayon. Gayunman, walang-alinlangan na alam niya ang tungkol sa unang hula, na doo’y sinabi ng Diyos: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi.” (Genesis 3:15) Palibhasa’y sa kaniya magmumula ang Binhi, likas lamang na si Abraham ang maging tampulan ng poot ni Satanas. Ang pagkatanto sa katotohanang ito ay walang-pagsalang nakatulong kay Abraham upang mabata nang may kagalakan ang mga pagsubok sa kaniya.
3. (a) Bakit dapat asahan ng bayan ni Jehova sa ngayon ang mga kapighatian? (b) Anong pampatibay-loob ang ibinibigay sa atin ng Galacia 6:9?
3 Dapat ding asahan ng bayan ni Jehova sa ngayon ang mga kapighatian. (1 Pedro 1:6, 7) Kung sa bagay, nagbibigay ng babala ang Apocalipsis 12:17 na si Satanas ay ‘nakikipagdigma’ sa mga pinahirang nalabi. Dahil sa kanilang matalik na pakikipagsamahan sa mga pinahiran, ang “ibang mga tupa” ay nagiging tudlaan din ng poot ni Satanas. (Juan 10:16) Bukod sa pagsalansang na maaaring mapaharap sa mga Kristiyano sa kanilang pangmadlang ministeryo, maaari rin nilang maranasan ang mahihirap na panggigipit sa kanilang personal na buhay. Nagpayo si Pablo: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.” (Galacia 6:9) Oo, bagaman layunin ni Satanas na sirain ang ating pananampalataya, dapat tayong manindigan laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya. (1 Pedro 5:8, 9) Ano ang maaaring ibunga ng ating tapat na landasin? Ganito ang paliwanag sa Santiago 1:2, 3: “Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag napaharap kayo sa iba’t ibang pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subok na katangiang ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagbabata.”
Tuwirang Pagsalakay
4. Paano ginagamit ni Satanas ang tuwirang mga pagsalakay sa pagtatangkang sirain ang katapatan ng bayan ng Diyos?
4 Talagang inilalarawan ng buhay ni Abraham ang “iba’t ibang pagsubok” na maaaring mapaharap sa isang Kristiyano sa ngayon. Halimbawa, kinailangang tumugon siya sa pagsalakay ng mga manlulupig mula sa Sinar. (Genesis 14:11-16) Hindi nga kataka-taka, si Satanas ay patuloy na gumagamit ng mga tuwirang pagsalakay sa anyong pag-uusig. Mula nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II, maraming lupain ang nagpatupad ng pagbabawal ng pamahalaan sa edukasyonal na gawaing Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova. Inilalahad ng 2001 Yearbook of Jehovah’s Witnesses ang karahasang binatá ng mga Kristiyano sa Angola sa kamay ng mga kaaway. Palibhasa’y umaasa kay Jehova, ang mga kapatid natin sa gayong mga lupain ay matatag na tumangging huminto! Tumugon sila, hindi sa pamamagitan ng paggamit ng karahasan o paghihimagsik, kundi sa pamamagitan ng maingat na pagpapatuloy sa gawaing pangangaral.—Mateo 24:14.
5. Paanong ang mga kabataang Kristiyano ay maaaring maging mga biktima ng pag-uusig sa paaralan?
5 Gayunman, hindi laging nagsasangkot ng karahasan ang pag-uusig. Sa wakas ay pinagpala si Abraham ng dalawang anak—sina Ismael at Isaac. Sinasabi sa atin ng Genesis 21:8-12 na sa isang pagkakataon ay ‘tinutukso’ ni Ismael si Isaac. Sa kaniyang liham sa mga taga-Galacia, ipinakikita ni Pablo na mas malubha pa ito kaysa sa larong bata lamang, sapagkat inilalarawan niya si Ismael na nang-uusig kay Isaac! (Galacia 4:29) Kaya naman ang pangungutya ng mga kaeskuwela at bibigang mga pagsalakay ng mga sumasalansang ay maaaring wastong tawagin na pag-uusig. Nagugunita ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Ryan ang hirap na kaniyang dinanas sa kamay ng mga kaklase niya: “Ang 15-minutong biyahe sa bus patungo at pauwi mula sa paaralan ay waring maraming oras na paglalakbay habang ako ay bibigang inaabuso. Pinapaso nila ako sa pamamagitan ng mga paper clip na kanilang pinainit sa mga lighter ng sigarilyo.” Ang dahilan ng malupit na pagtratong ito? “Naiiba ako sa ibang kabataan sa paaralan dahil sa teokratikong pagsasanay sa akin.” Gayunman, sa tulong ng kaniyang mga magulang, si Ryan ay tapat na nakapagbata. Mga kabataan, nasisiraan ba kayo ng loob dahil sa panunuya ng iyong mga kasinggulang? Buweno, huwag sumuko! Sa pamamagitan ng tapat na pagbabata, mararanasan ninyo ang katuparan ng mga salita ni Jesus: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin.”—Mateo 5:11.
Mga Kabalisahan sa Araw-araw
6. Anong mga bagay ang maaaring makasira sa mga ugnayan ng mga kapuwa Kristiyano sa ngayon?
6 Karamihan sa mga pagsubok na napapaharap sa atin ngayon ay nagsasangkot ng karaniwang mga kabalisahan sa araw-araw. Kinailangang harapin mismo ni Abraham noon ang mga hidwaang bumangon sa pagitan ng kaniyang mga tagapag-alaga ng kawan at niyaong sa kaniyang pamangkin na si Lot. (Genesis 13:5-7) Sa katulad na paraan sa ngayon, ang mga pagkakaiba ng personalidad at walang-saysay na mga inggitan ay maaaring makasira sa mga ugnayan at maging banta pa nga sa kapayapaan ng kongregasyon. “Kung saan may paninibugho at hilig na makipagtalo, naroon ang kaguluhan at bawat buktot na bagay.” (Santiago 3:16) Napakahalaga nga para sa atin na huwag manghimagod kundi hayaang manaig ang kapayapaan sa pagmamapuri, gaya ng ginawa ni Abraham, at itaguyod natin ang mga kapakanan ng iba!—1 Corinto 13:5; Santiago 3:17.
7. (a) Ano ang dapat gawin ng isang tao kung nasaktan siya ng isang kapuwa Kristiyano? (b) Paano nagpakita ng mainam na halimbawa si Abraham sa pagpapanatili ng mabuting kaugnayan sa iba?
7 Ang pagiging mapagpayapa ay maaaring maging hamon kapag nadarama nating di-makatuwiran ang naging pagtrato sa atin ng isang kapananampalataya. Sinasabi ng Kawikaan 12:18: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak.” Ang mga salitang di-pinag-iisipan, kahit na binigkas nang walang masamang layunin, ay maaaring maging sanhi ng matinding kirot. Mas matindi pa ang kirot kung nadarama nating siniraang-puri tayo o ginawang biktima ng nakasasakit na tsismis. (Awit 6:6, 7) Ngunit hindi maaaring pahintulutan ng isang Kristiyano na ang nasaktang damdamin ay maging dahilan upang manghimagod siya! Kung ikaw ay nasa gayong situwasyon, magkusang ituwid ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa nagkasala sa isang mabait na paraan. (Mateo 5:23, 24; Efeso 4:26) Hangaring mapatawad ang taong iyon. (Colosas 3:13) Kung iwawaksi natin ang sama ng loob, pinangyayari nating maghilom kapuwa ang ating damdamin at ang kaugnayan natin sa ating kapatid. Si Abraham ay hindi nagkimkim ng sama ng loob na maaaring nadama niya kay Lot. Aba, agad pa ngang ipinagtanggol ni Abraham si Lot at ang kaniyang pamilya!—Genesis 14:12-16.
Mga Pagsubok na Kagagawan Natin
8. (a) Paano maaaring ‘pagsasaksakin [ng mga Kristiyano] ng maraming kirot ang kanilang sarili’? (b) Bakit nagawa ni Abraham na magkaroon ng timbang na pangmalas sa materyal na mga bagay?
8 Totoo, ang ilang pagsubok ay kagagawan natin. Halimbawa, iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw.” (Mateo 6:19) Gayunman, ‘pinagsasaksak [ng ilang kapatid] ng maraming kirot ang kanilang sarili’ dahil sa pag-una sa materyal na mga kapakanan kaysa sa mga kapakanan ng Kaharian. (1 Timoteo 6:9, 10) Handang isakripisyo ni Abraham ang mga materyal na kaalwanan upang mapalugdan ang Diyos. “Sa pananampalataya ay nanirahan siya bilang dayuhan sa lupain ng pangako na gaya ng sa isang banyagang lupain, at tumira sa mga tolda na kasama sina Isaac at Jacob, ang mga kasama niyang tagapagmana ng pangako ring iyon. Sapagkat hinihintay niya ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang tagapagtayo at maygawa ng lunsod na ito ay ang Diyos.” (Hebreo 11:9, 10) Ang pananampalataya ni Abraham sa isang panghinaharap na “lunsod,” o pamahalaan ng Diyos, ay tumulong sa kaniya upang hindi umasa sa mga kayamanan. Hindi ba’t katalinuhan na gayundin ang gawin natin?
9, 10. (a) Paanong ang hangaring maging tanyag ay lumilikha ng pagsubok? (b) Paano gagawi ang isang kapatid ngayon bilang “isang nakabababa”?
9 Isaalang-alang ang isa pang aspekto. Nagbibigay ang Bibliya ng ganito katinding tagubilin: “Kung iniisip ng sinuman na siya ay mahalaga samantalang siya ay walang anuman, nililinlang niya ang kaniyang sariling isipan.” (Galacia 6:3) Bukod dito, hinihimok tayo na ‘huwag gumawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi [nang] may kababaan ng pag-iisip.’ (Filipos 2:3) Inilalagay ng ilan ang kanilang sarili sa mga pagsubok dahil sa hindi pagkakapit sa payong ito. Palibhasa’y inuudyukan ng hangaring maging tanyag sa halip na ng hangaring gumawa ng “isang mainam na gawa,” sila ay nasisiraan ng loob at nasisiphayo kapag hindi sila nakatatanggap ng mga pribilehiyo sa kongregasyon.—1 Timoteo 3:1.
10 Si Abraham ay nagpakita ng mainam na halimbawa sa pamamagitan ng ‘hindi pag-iisip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin.’ (Roma 12:3) Nang makaharap niya si Melquisedec, si Abraham ay hindi kumilos na para bang nakatataas siya dahil sa kaniyang sinang-ayunang katayuan sa Diyos. Sa kabaligtaran, kinilala niya ang nakatataas na posisyon ni Melquisedec bilang saserdote sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng ikapu. (Hebreo 7:4-7) Ang mga Kristiyano sa ngayon ay dapat ding maging handang gumawi bilang ‘mga nakabababa’ at huwag humiling na mapatanyag. (Lucas 9:48) Kung ang mga nangunguna sa kongregasyon ay waring nagkakait sa iyo ng ilang pribilehiyo, gumawa ng tapat na pagsusuri sa sarili upang matiyak kung anong mga pagsulong ang magagawa mo sa iyong personalidad o sa paraan ng pangangasiwa mo sa mga bagay-bagay. Sa halip na maghinanakit dahil sa mga pribilehiyo na hindi mo taglay, lubusang samantalahin ang pribilehiyo na taglay mo—ang pribilehiyo na tulungan ang iba na makilala si Jehova. Oo, “magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon.”—1 Pedro 5:6.
Pananampalataya sa mga Bagay na Di-Nakikita
11, 12. (a) Bakit maaaring maiwala ng ilan sa kongregasyon ang kanilang pagkadama ng pagkaapurahan? (b) Paano nagpakita si Abraham ng mainam na halimbawa sa pag-uukol ng kaniyang buhay sa pananampalataya sa mga pangako ng Diyos?
11 Ang isa pang pagsubok ay maaaring may kaugnayan sa waring pagkaantala ng wakas ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Ayon sa 2 Pedro 3:12, dapat “na hinihintay at iniingatang malapit [ng mga Kristiyano] sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” Gayunman, marami ang naghintay sa “araw” na ito sa loob ng maraming taon, ang ilan ay sa loob ng maraming dekada pa nga. Bunga nito, ang ilan ay maaaring masiraan ng loob at mawalan ng pagkadama ng pagkaapurahan.
12 Minsan pa, isaalang-alang ang halimbawa ni Abraham. Iniukol niya ang kaniyang buong buhay sa pananampalataya sa mga pangako ng Diyos, bagaman walang posibilidad na matutupad ang lahat ng iyon sa panahong siya ay nabubuhay. Totoo, sapat na ang inilawig ng kaniyang buhay anupat nakita niya ang paglaki ng kaniyang anak na si Isaac. Ngunit maraming siglo pa ang lilipas bago maihahalintulad ang supling ni Abraham sa “mga bituin sa langit” o sa “mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” (Genesis 22:17) Gayunman, si Abraham ay hindi naghinanakit o nasiraan ng loob. Kaya naman sinabi ni apostol Pablo tungkol kay Abraham at sa iba pang patriyarka: “Sa pananampalataya ang lahat ng mga ito ay namatay, bagaman hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako, ngunit nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at malugod na inasahan ang mga iyon at hayagang sinabi na sila ay mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan sa lupain.”—Hebreo 11:13.
13. (a) Paanong ang mga Kristiyano sa ngayon ay katulad ng “mga pansamantalang naninirahan”? (b) Bakit pasasapitin ni Jehova ang wakas sa sistemang ito ng mga bagay?
13 Kung nakaya ni Abraham na panatilihing nakasentro ang kaniyang buhay sa mga pangako na ang katuparan ng mga ito ay “malayo” pa, dapat na lalo nating magagawa ito ngayon, yamang napakalapit na ng katuparan ng mga bagay na ito! Gaya ni Abraham, kailangang malasin natin ang ating sarili bilang “mga pansamantalang naninirahan” sa sistema ni Satanas, anupat tumatangging manirahan dito sa isang mapagpalayaw-sa-sariling istilo ng pamumuhay. Siyempre pa, mas nanaisin natin na dumating na ang “wakas ng lahat ng mga bagay” na ito, hindi lamang basta malapit na. (1 Pedro 4:7) Marahil ay dumaranas tayo ng malulubhang problema sa kalusugan. O baka masyado tayong pinabibigatan ng mga panggigipit sa kabuhayan. Gayunman, dapat nating tandaan na pinasasapit ni Jehova ang wakas hindi lamang upang iligtas tayo mula sa nakapipighating mga kalagayan kundi upang pakabanalin ang kaniyang sariling pangalan. (Ezekiel 36:23; Mateo 6:9, 10) Darating ang wakas, hindi naman kailangang sa panahon na kombinyente sa atin, kundi sa panahon na pinakamakabubuti sa mga layunin ni Jehova.
14. Paano nakikinabang sa pagtitiis ng Diyos ang mga Kristiyano sa ngayon?
14 Tandaan din na “si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, gaya ng itinuturing ng ilang tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Pansinin na ang Diyos ay “matiisin sa inyo”—mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Malamang, ang ilan sa atin ay nangangailangan ng higit na panahon upang makagawa ng mga pagbabago at mga pagtutuwid upang ‘masumpungan niya na walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.’ (2 Pedro 3:14) Kung gayon, hindi ba tayo dapat magpasalamat na nagpakita ang Diyos ng gayong pagtitiis?
Pagkasumpong ng Kagalakan sa Kabila ng mga Hadlang
15. Paano napanatili ni Jesus ang kaniyang kagalakan sa harap ng mga pagsubok, at paanong ang pagtulad sa kaniya ay kapaki-pakinabang sa mga Kristiyano sa ngayon?
15 Ang buhay ni Abraham ay nagtuturo ng maraming aral sa mga Kristiyano sa ngayon. Hindi lamang siya nagpakita ng pananampalataya kundi ng pagtitiis, katalinuhan, katapangan, at walang pag-iimbot na pag-ibig. Inuna niya sa kaniyang buhay ang pagsamba kay Jehova. Gayunman, dapat tandaan na ang pinakamahusay na halimbawa na dapat nating tularan ay yaong ipinakita ni Jesu-Kristo. Siya man ay napaharap sa napakaraming pagsubok at tukso, ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, hindi nawala kailanman ang kaniyang kagalakan. Bakit? Sapagkat pinanatili niyang nakatuon ang kaniyang isipan sa pag-asa sa hinaharap. (Hebreo 12:2, 3) Kaya naman nanalangin si Pablo: “Ngayon ay ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan na magkaroon sa gitna ninyo ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.” (Roma 15:5) Taglay ang tamang pangkaisipang saloobin, makasusumpong tayo ng kagalakan sa kabila ng mga hadlang na maaaring ilagay ni Satanas sa ating daan.
16. Ano ang magagawa natin kapag ang ating mga problema ay waring napakarami?
16 Kapag ang mga problema ay waring napakarami, alalahanin na kung paanong inibig ni Jehova si Abraham, iniibig ka rin niya. Nais niya na magtagumpay ka. (Filipos 1:6) Ilagak ang buong tiwala mo kay Jehova, anupat nananalig na “hindi niya hahayaang tuksuhin [ka] nang higit sa matitiis [mo], kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata [mo] iyon.” (1 Corinto 10:13) Linangin ang kaugaliang magbasa ng Salita ng Diyos araw-araw. (Awit 1:2) Magmatiyaga sa pananalangin, anupat hinihiling kay Jehova na tulungan kang magbata. (Filipos 4:6) Siya ay “magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Lucas 11:13) Samantalahin ang mga paglalaan na ginawa ni Jehova upang palakasin ka sa espirituwal, tulad ng ating mga salig-Bibliyang publikasyon. Gayundin, hilingin ang suporta ng kapatiran. (1 Pedro 2:17) Buong-katapatang daluhan ang mga Kristiyanong pagpupulong, sapagkat matatanggap mo roon ang pampatibay-loob na kailangan mo upang makapagbata. (Hebreo 10:24, 25) Magsaya sa pananalig na ang iyong pagbabata ay umaakay sa isang sinang-ayunang kalagayan sa paningin ng Diyos at na ang iyong katapatan ay nagpapasaya sa kaniyang puso!—Kawikaan 27:11; Roma 5:3-5.
17. Bakit hindi nagpapadaig sa kawalan ng pag-asa ang mga Kristiyano?
17 Si Abraham ay inibig ng Diyos bilang kaniyang “kaibigan.” (Santiago 2:23) Gayunman, ang buhay ni Abraham ay isang serye ng maiigting na pagsubok at kapighatian. Kaya gayundin ang maaasahan ng mga Kristiyano sa panahon ng balakyot na “mga huling araw” na ito. Sa katunayan, nagbibigay ng babala ang Bibliya na “ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama.” (2 Timoteo 3:1, 13) Sa halip na magpadaig sa kawalan ng pag-asa, tantuin na ang mga panggigipit na napapaharap sa atin ay katibayan na ang wakas ng balakyot na sistema ni Satanas ay malapit na. Ngunit ipinaaalaala sa atin ni Jesus na “siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Kaya, ‘huwag manghimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam!’ Tularan si Abraham, at maging kabilang sa mga “sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.”—Hebreo 6:12.
Napansin Mo Ba?
• Bakit dapat asahan ng bayan ni Jehova sa ngayon ang mga pagsubok at kapighatian?
• Sa anu-anong paraan maaaring gumamit si Satanas ng mga tuwirang pagsalakay?
• Paano malulutas ang personal na mga alitan sa pagitan ng mga Kristiyano?
• Paano lumilikha ng mga pagsubok ang pagmamapuri at egotismo?
• Sa anong paraan nagpakita ng mabuting halimbawa si Abraham sa paghihintay sa katuparan ng mga pangako ng Diyos?
[Larawan sa pahina 26]
Maraming kabataang Kristiyano ang dumaranas ng pag-uusig, palibhasa’y tinutuya ng mga kasinggulang
[Larawan sa pahina 29]
Noong panahon ni Abraham, ang katuparan ng mga pangako ng Diyos ay “malayo” pa, gayunma’y iniukol niya ang kaniyang buhay sa mga ito