Aklat ng Bibliya Bilang 1—Genesis
Manunulat: Si Moises
Saan Isinulat: Sa Ilang
Natapos Isulat: 1513 B.C.E.
Panahong Saklaw: “Nang pasimula” hanggang 1657 B.C.E.
1. Ano ang ilang mahalagang paksa na sinasaklaw sa Genesis?
GUNI-GUNIHIN ang isang aklat na mayroon lamang 50 maiikling kabanata at sa una o pangalawang pahina ay mabasa agad ang tanging wastong ulat ng pinakamaagang kasaysayan ng tao at ng kaugnayan ng tao sa Diyos, ang kaniyang Maylikha, at maging sa lupa na may laksa-laksang nilikha! Sa iilang pahinang ito, makakamit din ang malalim na unawa sa layunin ng Diyos para sa tao sa lupa. Sa patuloy na pagbasa, matutuklasan kung bakit namamatay ang tao at ang sanhi ng gipit na kalagayan niya ngayon, maliliwanagan ang tunay na saligan ng pananampalataya at pag-asa, pati na ang kasangkapan ng Diyos sa pagtubos—ang Binhing pangako. Ang kamangha-manghang aklat na bumabanggit ng lahat ng ito ay ang Genesis, ang una sa 66 na aklat ng Bibliya.
2. Ano ang kahulugan ng Genesis, at unang bahagi ito ng ano?
2 Ang “Genesis” ay nangangahulugan ng “Pinagmulan; Pagsilang,” isang pangalang hango sa Septuagint na saling Griyego ng aklat. Sa mga Hebreong manuskrito, ang pamagat ay siyang pambungad na salita, Bereʼ·shithʹ, “nang pasimula” (Griyego, en ar·kheiʹ ). Genesis ang unang aklat ng Pentateuko (isang Iningles na salitang Griyego na nangangahulugang “limang balumbon” o “limahang tomo”). Maliwanag na sa simula ito’y iisang aklat na tinawag na Torah (Kautusan) o “aklat ng kautusan ni Moises” subalit nang maglao’y hinati sa limang balumbon upang madaling mabuksan.—Jos. 23:6; Ezra 6:18.
3. (a) Sino ang May-akda ng Genesis, ngunit sino ang sumulat nito? (b) Papaano nakamit ni Moises ang impormasyong inilakip niya sa Genesis?
3 Diyos na Jehova ang May-akda ng Bibliya, ngunit kinasihan niya si Moises na isulat ang Genesis. Saan galing ang impormasyong isinulat ni Moises sa Genesis? Maaaring ang iba ay tuwiran niyang tinanggap bilang banal na kapahayagan at ang iba, sa patnubay ng banal na espiritu, ay sa paraang bibigan. Posible rin na tumanggap si Moises ng mga dokumentong naingatan ng kaniyang mga ninuno bilang mga mamahalin, mahahalagang ulat ng pinagmulan ng tao.a
4. (a) Saan at kailan tinapos ni Moises ang pagsulat? (b) Papaano nakamit ni Moises ang materyales para sa huling bahagi ng Genesis?
4 Malamang na natapos ni Moises ang kaniyang pagsulat sa ilalim ng pagkasi noong 1513 B.C.E. sa ilang ng Sinai. (2 Tim. 3:16; Juan 5:39, 46, 47) Saan kinuha ni Moises ang impormasyon para sa huling bahagi ng Genesis? Yamang si Levi na kaniyang nunò-sa-tuhod ay kapatid-sa-ama ni Jose, ang mga detalyeng ito ay wastong nababatid ng sarili niyang sambahayan. Ang buhay ni Levi ay maaari pa ngang umabot hanggang sa ama ni Moises, si Amram. Bukod dito, titiyakin talaga ng espiritu ni Jehova ang wastong pag-uulat ng bahaging ito ng mga Kasulatan.—Exo. 6:16, 18, 20; Bil. 26:59.
5. Anong panloob na ebidensiya ng Bibliya ang nagpapatunay sa pagsulat ni Moises?
5 Walang alinlangan kung sino ang sumulat ng Genesis. Ang “aklat ng kautusan ni Moises” at iba pang kahawig na pagtukoy sa unang limang aklat ng Bibliya, isa na ang Genesis, ay malimit masumpungan mula sa panahon ng kahalili ni Moises, si Josue, at patuloy. Ang totoo’y may 200 pagtukoy kay Moises sa 27 iba pang nahulíng aklat ng Bibliya. Kailanma’y hindi pinag-alinlangan ng mga Judio ang pagsulat ni Moises. Malimit banggitin si Moises sa mga Kristiyanong Kasulatang Griyego bilang manunulat ng “kautusan,” at ang pinakatampok na patotoo ay ang kay Jesu-Kristo. Sumulat si Moises sa tuwirang utos ni Jehova at sa ilalim ng Kaniyang pagkasi.—Exo. 17:14; 34:27; Jos. 8:31; Dan. 9:13; Luc. 24:27, 44.
6. Ano ang nagpapahiwatig na ang pagsulat ay maagang nagsimula sa kasaysayan ng tao?
6 Nagtanong ang ilang mapag-alinlangan, Papaano nakasulat si Moises at ang mga nauna sa kaniya? Hindi ba nang dakong huli na lamang napaunlad ng tao ang pagsulat? Maliwanag na ang pagsulat ay nagsimula maaga pa sa kasaysayan ng tao, marahil bago pa ang Baha ni Noe, noong 2370 B.C.E. May ebidensiya ba sa maagang kakayahan ng tao sa pagsulat? Bagaman totoo na ang ilang nahukay na sulatang putik ay pinetsahan ng mga arkeologo nang mas maaga kaysa 2370 B.C.E., ang gayon ay sapantaha lamang. Gayunman, tandaan na maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang pagtatayo ng mga lungsod, ang pagbuo ng mga kasangkapang panugtog, at ang pagpanday ng mga kagamitang bakal ay matagal nang nagsimula bago pa ang Baha. (Gen. 4:17, 21, 22) Makatuwiran lamang na ang tao ay hindi mahihirapan sa pagpapaunlad ng pagsulat.
7. Ano ang sekular na ebidensiya ng pangglobong baha at ng tatlong sangay ng lahi ng tao, gaya ng inilalarawan sa ulat ng Bibliya?
7 Sa maraming paraan, kamangha-mangha ang pagkakasuwato ng Genesis sa katotohanan. Genesis lamang ang naglalaan ng tunay at totoong ulat ng Baha at ng mga nakaligtas dito, bagaman ang mga ulat hinggil sa delubyo at pagkaligtas ng mga tao (sa maraming kaso ay dahil sa paglulan sa isang sasakyan) ay masusumpungan sa mga alamat ng maraming sangay ng pamilya ng tao. Tinutunton din ng Genesis ang pasimula ng iba’t-ibang sangay ng sangkatauhan, mula sa tatlong anak ni Noe—sina Sem, Ham, at Japhet.b Sinasabi ni Dr. Melvin G. Kyle, ng Xenia Theological Seminary, Missouri, E.U.A.: “Hindi matututulan, mula sa isang sentral na dako sa Mesopotamya, ang Hamitikong sangay ng lahi ay dumayo sa timog-kanluran, ang Japetikong sangay sa hilagang-kanluran, at ang Semitikong sangay ‘pasilangan’ tungo sa ‘lupain ng Sinar.’ ”c
8. Ano pang uri ng ebidensiya ang nagpapatunay sa pagiging-totoo ng Genesis?
8 Ang pagiging-totoo ng Genesis bilang bahagi ng banal na ulat ay makikita rin sa panloob na pagkakasuwato, at sa pagkakaayon nito sa ibang bahagi ng kinasihang Kasulatan. Sa pagka-prangko nito ay maaaninaw ang isang manunulat na may-takot kay Jehova at umiibig sa katotohanan at na hindi nag-atubiling sumulat tungkol sa mga kasalanan ng bansa at ng mga prominente sa Israel. Higit sa lahat, ang walang mintis na katuparan ng mga hula, gaya ng ipakikita sa dakong huli ng kabanatang ito, ay nagpapakilala sa Genesis bilang namumukod-tanging halimbawa ng isang pagsulat na kinasihan ng Diyos na Jehova.—Gen. 9:20-23; 37:18-35; Gal. 3:8, 16.
NILALAMAN NG GENESIS
9. (a) Ano ang isinasalaysay sa pambungad na kabanata ng Genesis tungkol sa paglalang ng Diyos? (b) Anong karagdagang detalye hinggil sa tao ang nasa ikalawang kabanata?
9 Paglalang sa langit at lupa, at paghahanda sa lupa bilang tahanan ng tao (1:1–2:25). Nagbabalik nang bilyun-bilyong taon sa nakalipas, ang Genesis ay nagbubukas sa kahanga-hangang kapayakan: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang mga langit at ang lupa.” Sa pambungad na ito makahulugan ang pagpapakilala sa Diyos bilang Maylikha at sa kaniyang materyal na lalang bilang ang mga langit at ang lupa. Sa maringal, piling-piling salita, ay ibinibigay ng unang kabanata ang pangkalahatang ulat ng paglalang sa lupa. Natapos ito sa anim na yugto ng panahon na tinatawag na mga araw, bawat isa’y nagsisimula sa gabi, kapag ang yugtong yaon ng paglalang ay malabo pa, at nagwawakas sa liwanag ng umaga, kapag ang kaluwalhatian ng paglalang ay malinaw nang nahahayag. Sa sunud-sunod na “mga araw” ay lumitaw ang liwanag; ang kalawakan ng atmospera; ang tuyong lupa at halaman; ang mga tanglaw na humahati sa gabi’t araw; mga isda at ibon; mga hayop sa katihan at sa wakas ay ang tao. Ipinababatid ng Diyos ang batas niya, ang di-malalampasang balakid na humahadlang sa pagbabago ng isang uri tungo sa iba. Palibhasa nilalang ang tao sa Kaniyang larawan, inihahayag ng Diyos ang Kaniyang tatluhang layunin para sa tao sa lupa: punuin ito ng matuwid na supling, supilin ito, at pamahalaan ang mga hayop. Ang ikapitong “araw” ay pinagpalà at pinaging-banal ni Jehova, na ‘nagpahinga sa lahat ng kaniyang ginawa.’ Ang ulat ay patuloy na nagbibigay ng malapitan, o pinalaking pananaw sa lalang ng Diyos kaugnay ng tao. Inilalarawan ang halamanan ng Eden at ang lokasyon nito, ang batas ng Diyos sa ipinagbabawal na punongkahoy, ang pagbibigay ni Adan ng pangalan sa mga hayop, at ang pagsasaayos ni Jehova ng unang pag-aasawa nang lalangin niya ang isang asawa mula sa sariling katawan ni Adan at nang dalhin ito sa kaniya.
10. Papaano ipinaliliwanag ng Genesis ang pinagmulan ng kasalanan at kamatayan, at anong mahalagang layunin ang ipinababatid dito?
10 Pumasok sa daigdig ang kasalanan at kamatayan; inihula ang “binhing” tagapagligtas (3:1–5:5). Kinain ng babae ang bawal na prutas at hinikayat ang asawa na sumama sa paghihimagsik, kaya ang Eden ay nadumhan ng pagsuway. Agad tinukoy ng Diyos ang paraan ng pagtupad sa kaniyang layunin: “Sinabi ng Diyos na Jehova sa ahas [si Satanas, ang di-nakikitang pasimuno ng paghihimagsik]: ‘ . . . Pag-aalitan ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Susugatan ka niya sa ulo at susugatan mo ang kaniyang sakong.’ ” (3:14, 15) Pinalayas ang tao sa halamanan upang mamuhay sa hirap at pagpapakasakit sa gitna ng mga tinik at dawag. Sa wakas, mamamatay siya at babalik sa lupang pinagkunan sa kaniya. Mga supling lamang niya ang makakaasa sa ipinangakong Binhi.
11. Papaano nagpatuloy ang pananalanta ng kasalanan sa labas ng Eden?
11 Ang kasalanan ay patuloy na nanalanta sa labas ng Eden. Si Cain, unang taong-sanggol na isinilang, ay pumaslang sa kapatid niyang si Abel, tapat na lingkod ni Jehova. Si Cain ay itinaboy ni Jehova sa lupain ng Pagiging-takas, at nang maglaon ang mga inianak niya ay nilipol ng Baha. Nagkaanak uli ng lalaki si Adan, si Set, naging ama ni Enos; noo’y sinimulan ng tao ang paimbabaw na pagtawag sa pangalan ni Jehova. Namatay si Adan sa edad na 930.
12. Papaano winasak ang lupa noong panahon ni Noe?
12 Ang lupa’y winasak ng balakyot na mga tao at anghel; pinasapit ng Diyos ang Baha (5:6–11:9). Inihaharap ang talaangkanan ni Set. Sa mga inapo ni Set namukod-tangi si Enoc, pagkat pinaging-banal niya ang pangalan ni Jehova at “lumakad [siya] na kasama ng tunay na Diyos.” (5:22) Ang susunod na lalaki na may pambihirang pananampalataya ay si Noe, apo-sa-tuhod ni Enoc, isinilang 1,056 na taon matapos lalangin si Adan. Noo’y may nangyari na nagpasidhi sa karahasan sa lupa. Nilisan ng mga anghel ang kanilang makalangit na tahanan at nag-asawa ng magagandang babaeng tao. Ang bawal na pagsisiping na ito ay nagluwal ng mestisong lahi ng mga higante na nakilala bilang Nepilim (ibig sabihin, “Mga Tagapagbagsak”), na gumawa ng pangalan, hindi ukol sa Diyos, kundi para sa sarili. Kaya sinabi ni Jehova kay Noe na lilipulin Niya ang tao at hayop dahil sa kasamaan ng tao. Si Noe lamang ang sinang-ayunan ni Jehova.
13. Papaano pinaging-banal ni Jehova ang pangalan niya?
13 Naging anak ni Noe sina Sem, Ham, at Japhet. Nang magpatuloy ang karahasan at paninira sa lupa, inihayag ni Jehova kay Noe na pakakabanalin Niya ang Kaniyang pangalan sa pamamagitan ng isang malaking baha, at inutusan Niya si Noe na magtayo ng daong ng kaligtasan, na may detalyadong plano. Sumunod si Noe at tinipon ang kaniyang pamilya na may walong kaanib, sampu ng mga hayop at ibon; sa kaniyang ika-600 taon (2370 B.C.E.) ay dumating ang Baha. Umulan nang 40 araw, at umapaw ang tubig nang 15 siko (c. 22 talampakan) sa pinakamatataas na bundok. Makaraan ang isang taon, si Noe at ang kaniyang pamilya ay lumabas sa daong, at agad siyang naghandog ng isang malaking hain ng pasalamat kay Jehova.
14. Ano ang iniutos at ipinakipagtipan ni Jehova, at ano pang mga pangyayari ang naganap sa buhay ni Noe?
14 Pinagpala ni Jehova ang sambahayan ni Noe at inutusan sila na punuin ang lupa ng kanilang supling. Ipinahintulot ng Diyos ang pagkain ng karne subalit ipinagbawal ang dugo, na siyang kaluluwa, o buhay, ng laman, at iniutos na patayin ang sinomang mamamatay-tao. Sa pamamagitan ng tipan ng bahaghari ay nangako ang Diyos na hindi na niya muling pababahain ang lupa. Nang maglaon, niwalang-galang ni Ham si Noe bilang propeta ni Jehova. Nang matuklasan ito, isinumpa ni Noe ang anak ni Ham na si Canaan, subalit pinagpala si Sem at ganoon din si Japet. Namatay si Noe sa edad na 950.
15. Papaano sinikap ng tao na mapatanyag ang kaniyang pangalan, at papaano binigo ni Jehova ang kanilang layunin?
15 Tinupad ng tatlong anak ni Noe ang utos na magpakarami at nailuwal ang 70 pamilya na naging ninuno ng kasalukuyang lahi ng tao. Hindi kabilang si Nimrod, apo ni Ham, pagkat siya’y naging “makapangyarihang mangangaso laban kay Jehova.” (10:9) Nagtatag siya ng kaharian at nagtayo siya ng mga lungsod. Noo’y iisa ang wika ng tao. Imbes na mangalat sa buong lupa upang punuin at linangin ito, nagtayo sila ng isang lungsod na may toreng abot sa langit upang mapatanyag ang kanilang pangalan. Binigo ni Jehova ang layuning ito nang lituhin niya ang kanilang wika at napangalat niya sila. Ang lungsod ay tinawag na Babel (ibig sabihi’y “Pagkalito”).
16. (a) Bakit mahalaga ang talaangkanan ni Sem? (b) Papaano tinawag si Abram na “kaibigan ni Jehova,” at anong mga pagpapala ang tinanggap niya?
16 Mga pakikitungo ng Diyos kay Abraham (11:10–25:26). Ang mahalagang talaangkanan ay tinatalunton mula kay Sem hanggang kay Abram na anak ni Tera, pati na ang kronolohikal na mga kawing. Sa halip na lumikha ng sariling pangalan, si Abram ay sumampalataya sa Diyos. Sa utos ng Diyos ay nilisan niya ang Ur sa Caldea at, sa edad na 75, ay tumawid sa Euprates tungo sa Canaan, na tumatawag sa pangalan ni Jehova. Dahil sa pananampalataya at pagsunod, tinawag siyang “kaibigan [mangingibig] ni Jehova,” at si Jehova ay nakipagtipan sa kaniya. (Sant. 2:23; 2 Cron. 20:7; Isa. 41:8) Iniligtas ni Jehova si Abram at ang asawa nito nang sila’y nasa Ehipto. Pagbalik sa Canaan, ipinakita ni Abram na siya’y mapagbigay at mapayapa nang si Lot, pamangkin at kapuwa mananamba, ay papiliin niya ng pinakamainam na bahagi ng lupain. Nang maglaon, iniligtas niya ito mula sa apat na haring bumihag sa kaniya. Nang pabalik mula sa digmaan ay nasalubong niya si Melkisedek, hari ng Salem, na bumasbas sa kaniya sapagkat siya’y saserdote ng Diyos, at sinuklian ito ni Abraham ng mga ikapu.
17. Papaano pinalawak ng Diyos ang kaniyang tipan, at ano ang inihayag tungkol sa binhi ni Abram?
17 Nang maglao’y nagpakita ang Diyos kay Abram at sinabing Siya’y kalasag nito at pinalawak ang tipang pangako nang isiwalat na ang binhi ni Abram ay magiging gaya ng mga bituin sa langit. Sinabi kay Abram na ang binhi niya’y 400 taóng maghihirap subalit sila’y ililigtas ng Diyos at hahatulan ang bansang nagpapahirap. Nang si Abram ay 85 taon na, si Hagar, alipin ng kaniyang asawa, ay ipinagkaloob ni Sarai upang masipingan ni Abram, palibhasa hindi pa siya nagkakaanak. Isinilang si Ismael at naging posible siyang tagapagmana. Subalit, iba ang layunin ni Jehova. Nang 99 na taon na si Abram, pinalitan ni Jehova ang pangalan niya ng Abraham, si Sarai ay naging Sara, at pinangakuan ito ng anak na lalaki. Ibinigay kay Abraham ang tipan ng pagtutuli at agad niyang tinuli ang kaniyang sambahayan.
18. Anong mahahalagang pangyayari ang napatampok sa buhay ni Lot?
18 Ipinagtapat ng Diyos kay Abraham na pupuksain ang Sodoma at Gomora dahil sa mabigat na pagkakasala. Binalaan si Lot ng anghel at itinakas siya sa Sodoma kasama ang asawa at dalawang anak na babae. Naging haliging asin ang kaniyang asawa nang ito’y buong panghihinayang na lumingon sa likuran. Upang magkasupling, nilasing si Lot ng kaniyang mga anak at, matapos siyang sipingan, ay nagluwal sila ng dalawang anak, na naging mga ama ng bansang Moab at Amon.
19. Anong pagsubok ang napagtagumpayan ni Abraham kaugnay ng Binhi, at ano pa ang inihayag ni Jehova na nagpatibay sa Kaniyang pangako?
19 Iniligtas ng Diyos si Sara sa panghahalay ng Pilisteong si Abimelec. Ang ipinangakong binhi, si Isaac, ay isinilang nang si Abraham ay 100 taon at si Sara ay 90. Makaraan ang limang taon, si Isaac ay inalipusta ng 19-anyos na si Ismael, kaya pinalayas sina Hagar at Ismael, bagay na sinang-ayunan ng Diyos. Pagkaraan ng ilang taon, Si Abraham ay sinubok ng Diyos nang utusan ito na ihandog si Isaac sa bundok ng Moriah. Hindi natigatig ang pananampalataya ni Abraham. Nang ihahandog na niya ang kaniyang anak at tagapagmana hinadlangan siya ni Jehova, na naglaan ng tupang lalaki bilang kahaliling hain. Inulit ni Jehova ang pangako kay Abraham at sinabing pararamihin ang binhi nito gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa dagat. Sinabi niya na aariin nito ang pintuan ng kaniyang kaaway at pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang sarili sa pamamagitan ng Binhi.
20. Anong pag-iingat ang ginawa ni Abraham sa pag-aasawa ni Isaac, at papaano naging tanging tagapagmana si Isaac?
20 Namatay si Sara sa edad na 127 at inilibing sa bukid na binili ni Abraham sa mga anak ni Het. Isinugo ni Abraham ang mayordomo niya sa lupain ng kaniyang mga kamag-anak upang ihanap ng asawa si Isaac. Inakay ito ni Jehova sa sambahayan ni Betuel na anak ni Nahor, at isinaayos na si Rebeka ay sumama pabalik. Kusang sumama si Rebeka, taglay ang pagpapala ng pamilya, at siya’y naging asawa ni Isaac. Si Abraham ay nag-asawa ng isa pa, si Ketura, na nagkaanak ng anim na lalaki. Subalit, pinayao niya sila na may dalang mga kaloob at pinili si Isaac bilang tanging tagapagmana. Sa wakas, namatay si Abraham sa edad na 175.
21. Papaano nagkaanak ng kambal sina Isaac at Rebeka?
21 Gaya ng inihula, si Ismael na kapatid-sa-ama ni Isaac ay naging pangulo ng malaking bansa na nagmula sa kaniyang 12 pinunong anak. Si Rebeka ay 20 taon nang baog, ngunit patuloy na nagsumamo si Isaac kay Jehova, kaya si Rebeka ay nagluwal ng kambal, sina Esau at Jacob, at sinabi ni Jehova na ang panganay ay maglilingkod sa bunso. Si Isaac ay 60 taon na.
22. Papaano minalas nina Esau at Jacob ang tipan kay Abraham, at ano ang mga resulta?
22 Si Jacob at ang kaniyang 12 anak na lalaki (25:27–37:1). Nahiligan ni Esau ang mangaso. Walang pagpapahalaga sa tipan kay Abraham, minsan ay umuwi siya mula sa pangangaso at ipinagbili kay Jacob ang pagkapanganay katumbas ng isang subong ulam. Nag-asawa siya ng dalawang Heteo (at nang maglao’y isang Ismaelita), na ikinasamâ ng loob ng kaniyang magulang. Sa tulong ng kaniyang ina, si Jacob ay nagkunwang si Esau upang pagpalain bilang panganay. Si Esau, na naglihim kay Isaac tungkol sa pagbibili ng pagkapanganay, ay binalak patayin si Jacob nang matuklasan ang ginawa nito, kaya pinayuhan ni Rebeka si Jacob na tumakas sa Haran sa kuya niyang si Laban. Bago umalis, binasbasan siya uli ni Isaac at pinayuhan na siya’y mag-asawa, hindi ng pagano, kundi ng kasambahay ng kaniyang ina. Sa Bethel, habang papunta sa Haran, nakita niya si Jehova sa panaginip, na tumiyak at nagpatunay sa tipan sa kaniya.
23. (a) Papaano nagkaroon si Jacob ng 12 anak na lalaki? (b) Papaano naiwala ni Ruben ang pagkapanganay?
23 Sa Haran, naglingkod si Jacob kay Laban at napangasawa ang mga anak nito, sina Lea at Rachel. Bagaman nasubo sa poligamya sa katusuhan ni Laban, pinagpala ito ng Diyos at si Jacob ay nagkaanak ng 12 lalaki at isang babae mula sa kaniyang mga asawa at sa mga aliping-babae nito, sina Zilpa at Bilha. Pinalago ng Diyos ang mga kawan ni Jacob at pinabalik siya sa kaniyang ninuno. Hinabol siya ni Laban, at nagtipan sila sa dakong tinawag na Galeed at Ang Bantayan (Hebreo, ham·Mits·pahʹ). Pinatnubayan siya ng mga anghel sa paglalakbay, at matapos ang magdamag na pakikipagbuno sa anghel, pinagpala siya at pinalitan ang pangalan niya ng Israel. Si Jacob ay payapang nakipagtagpo kay Esau at nagpatuloy sa Sechem. Dito, ang anak niyang si Dina ay hinalay ng anak ng pinunong Heveo. Gumanti ang mga kapatid niyang sina Simeon at Levi at pinaslang ang mga lalaki ng Sechem. Hindi nalugod si Jacob pagkat sumamâ ang pangalan niya sa lupain bilang kinatawan ni Jehova. Pinapunta siya ng Diyos sa Bethel upang magtayo ng dambana. Nang paalis na roon, namatay si Rachel habang isinisilang si Benjamin, ika-12 anak ni Jacob. Hinalay ni Ruben ang aliping babae ni Rachel, si Bilha, ina ng dalawang anak ni Jacob, kaya nawala ang karapatan niya bilang panganay. Namatay si Isaac at inilibing siya nina Esau at Jacob sa edad na 180.
24. Bakit lumipat ang sambahayan ni Esau sa kabundukan ng Seir?
24 Lumipat ang sambahayan ni Esau sa kabundukan ng Seir, sapagkat ang natipong kayamanan nina Esau at Jacob ay hindi nagpahintulot na sila’y magsama. Itinatala ang pangalan ng mga supling ni Esau, pati na ng mga sheik (pinunong Arabo) at hari ng Edom. Si Jacob ay nagpatuloy ng paninirahan sa Canaan.
25. Ano ang umakay sa pagkaalipin ni Jose sa Ehipto?
25 Tungo sa Ehipto upang makaligtas (37:2–50:26). Dahil sa lingap ni Jehova at dahil sa mga panaginip mula sa Diyos, si Jose ay kinapootan ng kaniyang mga kuya. Binalak nilang patayin siya ngunit ipinagbili na lamang sa mga mangangalakal na Ismaelita. Ipinakita nila kay Jacob ang guhitang damit ni Jose na kanilang isinawsaw sa dugo ng kambing bilang patotoo na ang 17-anyos na binata ay nilapa ng mabangis na hayop. Si Jose ay dinala sa Ehipto at ipinagbili kay Potipar, pinunò ng tanod-buhay ni Paraon.
26. Bakit mahalaga ang ulat ng pagsilang ni Perez?
26 Pansamantalang lumilihis ang kabanata 38 upang iulat ang pagsilang ni Tamar kay Perez, na gumamit ng estratehiya upang masipingan siya ni Juda na kaniyang biyenang-lalaki sa halip na ng anak nito. Idiniriin uli dito ang pagiging maingat ng Kasulatan sa pag-uulat ng bawat pagsulong sa paglitaw ng Binhing pangako. Si Perez na anak ni Juda ay naging ninuno ni Jesus.—Luc. 3:23, 33.
27. Papaano naging punong ministro sa Ehipto si Jose?
27 Samantala, si Jose ay pinagpala ni Jehova sa Ehipto, at naging dakila siya sa sambahayan ni Potipar. Nasangkot siya sa gusot nang iwasan niyang lapastanganin ang pangalan ni Jehova at makiapid sa asawa ni Potipar, kaya nabilanggo siya sa maling paratang. Ginamit siya ni Jehova upang bigyan ng kahulugan ang panaginip ng dalawang kapuwa bilanggo, ang tagapagdala ng saro at ang panadero ni Paraon. Nang si Paraon ay bagabagin ng panaginip, ang kakayahan ni Jose ay itinawag-pansin sa kaniya, kaya agad itong ipinatawag ni Paraon sa piitan. Iniuukol sa Diyos ang kapurihan, sinabi ni Jose na ang panaginip ay hula tungkol sa pitong taóng sagana, na susundan ng pitong taon ng gutom. Natalos ni Paraon na ang “espiritu ng Diyos” ay na kay Jose kaya ginawa niya itong punong ministro. (Gen. 41:38) Ngayo’y 30 taóng gulang na, buong-talinong nangasiwa si Jose at nag-imbak ng pagkain noong pitong taon ng kasaganaan. Nang magkagutom sa buong daigdig, pinagbilhan niya ng trigo ang mga Ehipsiyo at taga-ibang bansang naparoon.
28. Bakit lumipat sa Ehipto ng sambahayan ni Jacob?
28 Isinugo ni Jacob ang kaniyang sampung nakatatandang anak upang bumili ng pagkain sa Ehipto. Nakilala sila ni Jose, pero hindi siya nakilala. Ginamit niya si Simeon bilang prenda, at inutusan sila na isama ang kanilang bunsong kapatid sa muli nilang pagbili ng trigo. Nang magbalik ang siyam kasama si Benjamin, nagpakilala si Jose, pinatawad ang sampung may-salang kapatid, at ipinakaon si Jacob upang makaiwas sa gutom. Kaya, si Jacob at ang kaniyang 66 supling ay lumusong sa Ehipto. Pinatira sila ni Paraon sa Gosen, ang pinakamainam na bahagi ng lupain.
29. Anong mahalagang serye ng mga hula ang ginawa ni Jacob bago siya mamatay?
29 Nang mamamatay na, binasbasan ni Jacob sina Ephraim at Manasses, mga anak ni Jose, at ipinasundo ang kaniyang 12 anak na lalaki upang sabihin ang magaganap sa kanila sa “huling bahagi ng mga kaarawan.” (49:1) Isang serye ng detalyadong mga hula ang ibinigay niya, na pawang natupad sa kagila-gilalas na paraan.d Inihula niya na ang setro ay mananatili sa tribo ni Juda hanggang dumating ang Silo (nangangahulugang “Siya na Nagmamay-ari Nito; Siya na Kinauukulan Nito”), ang ipinangakong Binhi. Pagkatapos basbasan ang mga pangulo ng 12 tribo at ibilin na siya’y ilibing sa Lupang Pangako, si Jacob ay namatay sa edad na 147. Patuloy na nangalaga si Jose sa mga kapatid niya at sa kanilang sambahayan hanggang mamatay siya sa edad na 110, at ipinahayag niya uli ang kaniyang pag-asa na ibabalik ng Diyos ang Israel sa kanilang lupain at hiniling na ang mga buto niya ay dalhin sa Lupang Pangako.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
30. (a) Anong saligan ang inilalaan ng Genesis sa pag-unawa sa huling mga aklat ng Bibliya? (b) Sa anong wastong tunguhin umaakay ang Genesis?
30 Bilang pasimula ng kinasihang Salita ng Diyos, di-masukat ang pakinabang ng Genesis sa pagpapakilala ng maluwalhating layunin ng Diyos na Jehova. Ito’y napakahusay na saligan sa pag-unawa ng kasunod na mga aklat ng Bibliya. Sa malawak na saklaw nito ay inilalarawan ang simula at wakas ng matuwid na daigdig sa Eden, ang paglago at kapaha-pahamak na pag-aalis sa unang daigdig ng masasama, at ang pagbangon ng kasalukuyang balakyot na mundo. Bukod-tangi nitong inihaharap ang tema ng Bibliya na pagbabangong-puri kay Jehova sa pamamagitan ng Kaharian ng “binhing” pangako. Ipinakikita rin kung bakit namamatay ang tao. Mula sa Genesis 3:15 patuloy—at lalo na sa ulat ng pakikitungo ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob—ay inihaharap ang pag-asa ng buhay sa bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Binhi. Kapaki-pakinabang ang pagdiriin ng wastong tunguhin para sa lahat ng tao—pag-iingat ng katapatan at pagbanal sa pangalan ni Jehova.—Roma 5:12, 18; Heb. 11:3-22, 39, 40; 12:1; Mat. 22:31, 32.
31. Sa tulong ng kalakip na chart, ipakita na ang Genesis ay may (a) makahulugang mga hula at (b) mahahalagang simulain.
31 Ang mga Kristiyanong Kasulatang Griyego ay tumutukoy sa bawat mahalagang pangyayari at tauhan sa Genesis. Bukod dito, gaya ng makikita sa buong Kasulatan, ang mga hula sa Genesis ay natupad nang walang mintis. Isa rito, ang “apat na raang taon” ng paghihirap ng binhi ni Abraham, ay nagsimula nang tuyain ni Ismael si Isaac noong 1913 B.C.E. at nagwakas sa paglaya ng Ehipto noong 1513 B.C.E.e (Gen. 15:13) Makikita sa kalakip na chart ang iba pang makahulugang hula at ang mga katuparan nito. Ang banal na mga simulaing unang binabanggit sa Genesis ay kapaki-pakinabang din sa pagpapatibay ng pananampalataya at unawa. Ang sinaunang mga propeta, maging si Jesus at ang mga alagad, ay malimit tumukoy at sumipi sa Genesis. Makabubuting sundin ang kanilang halimbawa at ang pag-aaral sa kalakip na chart ay tutulong sa paggawa nito.
32. Anong mahalagang impormasyon ang nilalaman ng Genesis tungkol sa pag-aasawa, talaangkanan, at pagsukat ng panahon?
32 Buong-linaw na inihahayag ng Genesis ang kalooban at layunin ng Diyos sa pag-aasawa, sa wastong kaugnayan ng lalaki at babae, at sa mga simulain ng pagka-ulo at pagsasanay sa pamilya. Si Jesus mismo ay humalaw sa impormasyong ito at sumipi mula sa una at ikalawang kabanata ng Genesis sa isa niyang pangungusap: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila sa pasimula ay gumawa sa kanila na lalaki at babae at nagsabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kaniyang ama’t ina at makikipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’?” (Mat. 19:4, 5; Gen. 1:27; 2:24) Ang ulat sa Genesis ay mahalaga dahil sa paglalaan ng talaangkanan ng sambahayan ng tao at sa pagtantiya rin sa tagal ng pamamalagi ng tao sa lupa.—Gen., kab. 5, 7, 10, 11.
33. Bumanggit ng ilang simulain at kaugalian ng patriyarkal na lipunan na mahalaga sa pag-unawa ng Bibliya.
33 Ang pagsusuri sa patriyarkal na lipunan na inihaharap ng Genesis ay kapaki-pakinabang din sa estudyante ng Kasulatan. Ito ang pampamayanang anyo ng pampamilyang pamamahala na umiral sa bayan ng Diyos mula kay Noe hanggang sa pagbibigay ng Batas sa Bundok Sinai. Marami sa mga detalye ng tipang Kautusan ay matagal nang sinusunod sa patriyarkal na lipunan. Ang mga simulain ng biyayang pampamayanan (18:32), pananagutang pampamayanan (19:15), hatol na kamatayan at ang kabanalan ng dugo at ng buhay (9:4-6), at ang poot ng Diyos sa pagpaparangal sa tao (11:4-8) ay nakaapekto sa sangkatauhan mula pa noong una. Maraming legal na kaugalian at kataga ang nagbibigay-liwanag sa mga nahuling pangyayari, maging hanggang sa mga kaarawan ni Jesus. Kung nais natin ng maliwanag na unawa sa Bibliya, dapat maunawaan ang patriyarkal na batas tungkol sa pangangalaga sa katawan at ari-arian (Gen. 31:38, 39; 37:29-33; Juan 10:11, 15; 17:12; 18:9), ang paglilipat ng ari-arian (Gen. 23:3-18), at ang batas na umuugit sa mana ng panganay (48:22). Ang iba pang kaugalian ng patriyarkal na lipunan na inilakip sa Batas ay ang mga hain, pagtutuli (unang isinagawa ni Abraham), mga tipan, pag-aasawa-sa-bayaw (38:8, 11, 26), at ang pagsumpa upang tiyakin ang isang bagay.—22:16; 24:3.f
34. Anong mga leksiyon, na mahalaga sa mga Kristiyano, ang matututuhan sa Genesis?
34 Ang Genesis, unang aklat ng Bibliya, ay maraming leksiyon sa integridad, pananampalataya, katapatan, pagsunod, paggalang, mabuting asal, at tibay-loob. Ang ilang halimbawa ay: Ang pananampalataya at tibay-loob ni Enoc sa paglakad na kasama ng Diyos sa harap ng mararahas na kaaway; ang pagiging-matuwid, kawalang-kapintasan, at pagkamasunurin ni Noe; ang pananampalataya, determinasyon, at pagtitiyaga ni Abraham, ang pag-ibig, pagiging mapagbigay at pagiging responsableng ulo ng pamilya at guro ng mga anak sa tagubilin ng Diyos; ang kasipagan at pagpapasakop ni Sara sa kaniyang asawang-ulo; ang kahinahunan at pagpapahalaga ni Jacob sa pangako ng Diyos; ang pagkamasunurin ni Jose sa ama, ang kaniyang kalinisang asal, tibay-loob, at mabuting paggawi sa bilangguan, paggalang sa autoridad, mapagpakumbabang pagluwalhati sa Diyos, at maawaing pagpapatawad sa kapatid; ang masidhing pagnanais nilang lahat na pakabanalin ang pangalan ni Jehova. Ang kapuri-puring mga katangiang ito ay namumukod-tangi sa buhay ng mga nagsilakad na kasama ng Diyos sa 2,369 taon mula nang lalangin si Adan hanggang mamatay si Jose, na siyang sinasaklaw ng Genesis.
35. Bilang pagpapatibay ng pananampalataya, sa anong hinaharap umaakay ang Genesis?
35 Oo, ang Genesis ay kapaki-pakinabang sa pagpapatibay ng pananampalataya, samantalang naghaharap ng kagila-gilalas na mga halimbawa nito, ng subok na katangian ng pananampalataya na umaasa sa lungsod na itinayo at nilikha ng Diyos, ang Kahariang pamahalaan na matagal nang inihahanda sa pamamagitan ng ipinangakong Binhi, ang pangunahing tagapagbanal sa dakilang pangalan ni Jehova.—Heb. 11:8, 10, 16.
[Mga talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 919-20; Tomo 2, pahina 1212.
b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 328-9.
c Biblical History in the Light of Archaeological Discovery, 1934, D. E. Hart-Davies, pahina 5.
d Ang Bantayan, 1963, pahina 331-346, 357-376.
e Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 460-1, 776.
f The Watchtower, 1952, pahina 432-45.
[Chart sa pahina 18]
GENESIS—KINASIHAN AT KAPAKI-PAKINABANG
Mga Teksto Simulain Mga Reperensiya Mula
ng Genesis sa Ibang Manunulat
1:27; 2:24 Kabanalan, pagkapalagian Mat. 19:4, 5
ng tali ng pag-aasawa
2:7 Ang tao ay isang kaluluwa 1 Cor. 15:45
2:22, 23 Pagka-ulo 1 Tim. 2:13;
9:4 Kabanalan ng dugo Gawa 15:20, 29
20:3 Masama ang pangangalunya 1 Cor. 6:9
24:3; 28:1-8 Mag-asawa lamang sa 1 Cor. 7:39
kapananampalataya
28:7 Pagsunod sa magulang Efe. 6:1
Mga Hulang Natupad at Maka-hulang mga Pagkakatulad
12:1-3; Pagkakakilanlan ng Binhi Gal. 3:16, 29
22:15-18 ni Abraham
14:18 Si Melkisedek ay lumarawan Heb. 7:13-15
kay Kristo
16:1-4, 15 Makalarawang kahulugan nina Gal. 4:21-31
Sara, Hagar, Ismael, Isaac
49:1-28 Pagpapalà ni Jacob sa Jos. 14:1–21:45
12 tribo
49:9 Leon ng tribo ni Juda Apoc. 5:5
Ibang Teksto na Ginamit ng mga Propeta, ni Jesus, at ng mga Alagad—Bilang Paglalarawan, Pagkakapit, o bilang Halimbawa—Karagdagang Patunay sa Pagiging-Totoo ng Genesis
1:1 Nilalang ng Diyos ang langit Isa. 45:18;
at lupa Apoc. 10:6
1:26 Tao ginawa sa larawan ng Diyos 1 Cor. 11:7
3:1-6 Ahas dumaya kay Eba 2 Cor. 11:3
3:20 Buong sangkatauhan mula sa Gawa 17:26
iisang pares
4:9, 10 Dugo ni Abel Mat. 23:35
Kab. 5, 10, 11 Talaangkanan Luc., kab. 3
5:29 Noe Ezek. 14:14;
12:1-3, 7 Abrahamikong tipan Gal. 3:15-17
15:13, 14 Paninirahan sa Ehipto Gawa 7:1-7
18:1-5 Pagiging-mapagpatuloy Heb. 13:2
19:24, 25 Sodoma at Gomora winasak 2 Ped. 2:6; Jud. 7
19:26 Asawa ni Lot Luc. 17:32
20:7 Si Abraham isang propeta Awit 105:9, 15
21:9 Si Ismael tumuya kay Isaac Gal. 4:29
22:10 Tinangkang ihandog ni Abraham Heb. 11:17
si Isaac
25:23 Sina Jacob at Esau Roma 9:10-13;
25:32-34 Ipinagbili ni Esau ang Heb. 12:16, 17
pagkapanganay
37:28 Si Jose ipinagbili sa Ehipto Awit 105:17
41:40 Si Jose naging punong ministro Awit 105:20, 21