TAO
Ang pinakamataas na anyo ng buhay sa lupa at isa na ginawa ng Maylalang, ang Diyos na Jehova. Inanyuan ni Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa, inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, “at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Gen 2:7; 1Co 15:45) Matapos lalangin si Adan at matapos nitong pangalanan ang mga hayop, nagpasapit si Jehova sa kaniya ng isang mahimbing na tulog. Habang natutulog siya, kinuha ng Diyos ang isa sa mga tadyang ni Adan at ginamit iyon upang gawin ang babae. Kaya naman nang dalhin ang babae sa lalaki, sinabi ni Adan: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” Tinawag siya ni Adan na Babae, ʼish·shahʹ, “sapagkat kinuha ito mula sa lalaki.” (Gen 2:21-23) Nang maglaon ay pinangalanan siya ni Adan na Eva (nangangahulugang “Isa na Buháy”).—Gen 3:20.
Maraming terminong Hebreo at Griego ang tumutukoy sa tao. Ang ʼa·dhamʹ ay nangangahulugang “tao; makalupang tao; sangkatauhan” (panlahatan); ang ʼish, “lalaki; isang indibiduwal; isang asawang lalaki”; ang ʼenohshʹ, “isang taong mortal”; ang geʹver, “isang matipunong lalaki”; ang za·kharʹ, “isang lalaki”; at may ilang salitang Hebreo na kung minsan ay isinasalin ding “tao.” Ang Griegong anʹthro·pos ay nangangahulugang “tao; sangkatauhan” (panlahatan); ang a·nerʹ, “isang lalaki; isang taong lalaki; isang asawang lalaki.”
Bilang patotoo na ang tao ay nilalang ng Diyos na Jehova, sinabi ng apostol na si Pablo sa mga taga-Atenas: “Ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” (Gaw 17:26) Samakatuwid, iisa ang pinagmulan ng lahat ng mga bansa at mga lahi.
Nilalang sina Adan at Eva sa pagtatapos ng ikaanim na “araw” ng paglalang. (Gen 1:24-31) Walang aktuwal na mga rekord tungkol sa sinaunang tao, sa kaniyang mga akda, agrikultura, at iba pang mga gawain, bago ang 4026 B.C.E., ang petsa ng paglalang kay Adan. Yamang iniharap ng Kasulatan ang kasaysayan ng tao mula sa mismong paglalang sa unang mag-asawang tao, hindi maaaring magkaroon ng tinatawag na prehistoric man. Ang mga rekord ng fosil sa lupa ay walang inilalaan na kawing sa pagitan ng tao at ng mga hayop. Gayundin, walang tinutukoy na anumang nakabababang uri ng mga tao sa pinakamaaagang rekord ng tao, ang mga ito man ay nasusulat na dokumento, drowing sa yungib, eskultura, o anumang kagaya ng mga ito. Ang kabaligtaran nito ang nililinaw ng Kasulatan, na ang tao sa pasimula ay anak ng Diyos at pagkatapos ay naging masama. (1Ha 8:46; Ec 7:20; 1Ju 1:8-10) Ganito ang sinabi ng arkeologong si O. D. Miller: “Kung gayon, ang tradisyonal na paniniwala tungkol sa isang ‘ginintuang panahon’ ay hindi isang alamat. Ang matandang doktrina na nagsasabing iyon ay sinundan ng pagkapahamak, ng isang nakalulungkot na pagsamâ ng lahi ng tao, mula sa orihinal na kalagayang maligaya at dalisay, ay walang alinlangang isang mahalaga, ngunit nakapaghihinagpis na katotohanan. Ang ating makabagong mga pilosopiya hinggil sa kasaysayan, na nagsasabing ang sinaunang tao sa pasimula ay isang taong-gubat, ay maliwanag na nangangailangan ng bagong pambungad. . . . Hindi; ang sinaunang tao ay hindi isang taong-gubat.”—Har–Moad, 1892, p. 417.
Isinisiwalat ng Bibliya na ang orihinal na tahanan ng tao ay “isang hardin sa Eden.” (Gen 2:8; tingnan ang EDEN Blg. 1.) Ang ipinakikitang lokasyon nito ay malapit sa lugar ng sinaunang sibilisasyon ng sangkatauhan pagkaraan ng Baha. Ang pangmalas na karaniwang tinatanggap ng mga iskolar ay ipinaliwanag ni P. J. Wiseman sa ganitong paraan: “Lahat ng tunay na katibayang taglay natin, yaong sa Genesis, sa arkeolohiya, at sa mga tradisyon ng mga tao, ay nagpapakita na ang kapatagan ng Mesopotamia ang pinakamatandang tahanan ng tao. Ang lupaing ito ay hindi mahihigitan ng sibilisasyon sa Malayong Silangan, Tsino man iyon o Indian, kung tungkol sa pagiging sinauna ng mga tao rito, sapagkat kayang-kaya nitong patunayan ang pag-aangkin nito bilang ang sinilangan ng sibilisasyon.”—New Discoveries in Babylonia About Genesis, 1949, p. 28.
Sa anong diwa ginawa ang tao “ayon sa larawan ng Diyos”?
Nang isiwalat ng Diyos sa kaniyang “dalubhasang manggagawa” ang layunin niya na lalangin ang tao, sinabi niya: “Gawin natin ang tao [ʼa·dhamʹ] ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” (Gen 1:26, 27; Kaw 8:30, 31; ihambing ang Ju 1:1-3; Col 1:15-17.) Pansinin na hindi sinasabi ng Kasulatan na nilalang ng Diyos ang tao ayon sa larawan ng isang mabangis na hayop o ng isang alagang hayop o ng isang isda. Ginawa ang tao “ayon sa larawan ng Diyos”; siya ay isang “anak ng Diyos.” (Luc 3:38) May kinalaman sa anyo o hugis ng katawan ng Diyos, “hindi kailanman nakita ng sinuman ang Diyos.” (1Ju 4:12) Walang sinuman sa lupa ang nakaaalam kung ano ang hitsura ng maluwalhati, makalangit at espirituwal na katawan ng Diyos, kaya hindi natin maihahalintulad ang katawan ng tao sa katawan ng Diyos. “Ang Diyos ay Espiritu.”—Ju 4:24.
Gayunpaman, ang tao ay ginawa “ayon sa larawan ng Diyos” sa diwa na nilalang siya na may moral na mga katangiang tulad niyaong sa Diyos, samakatuwid nga, pag-ibig at katarungan. (Ihambing ang Col 3:10.) Mayroon din siyang mga kakayahan at karunungan na nakahihigit sa taglay ng mga hayop, at dahil dito ay napahahalagahan niya ang mga bagay na ikinasisiya at pinahahalagahan ng Diyos, gaya ng kagandahan at sining, pagsasalita, pangangatuwiran, at iba pang katulad na mga proseso ng pag-iisip at ng puso na hindi nagagawa ng mga hayop. Bukod diyan, ang tao ay may kakayahang maglinang ng espirituwalidad, anupat maaari niyang kilalanin ang Diyos at maaari siyang makipagtalastasan sa kaniya. (1Co 2:11-16; Heb 12:9) Dahil sa mga bagay na ito, ang tao ay naging kuwalipikadong kumatawan sa Diyos at magkaroon ng kapamahalaan sa mga uri ng nilalang na buháy sa kalangitan, sa lupa, at sa dagat.
Palibhasa’y nilalang ng Diyos, ang tao ay sakdal noong una. (Deu 32:4) Dahil dito, maaari sanang maipamana ni Adan sa kaniyang mga inapo ang kasakdalan at ang pagkakataong mabuhay nang walang hanggan sa lupa. (Isa 45:18) Sila ni Eva ay inutusan: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” Habang lumalaki ang kanilang pamilya, maaari sana nilang sakahin at pagandahin ang lupa ayon sa pagkakadisenyo ng kanilang Maylalang.—Gen 1:28.
Noong talakayin ng apostol na si Pablo ang relatibong mga posisyon ng lalaki at babae sa kaayusan ng Diyos, sinabi niya: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” Pagkatapos ay ipinakita niya na ang babae na nananalangin o nanghuhula sa kongregasyon nang di-nalalambungan ang kaniyang ulo ay humihiya sa isa na kaniyang ulo. Upang idiin ang kaniyang argumento, sinabi niya: “Sapagkat ang isang lalaki ay hindi dapat magtalukbong ng kaniyang ulo, yamang siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos; ngunit ang babae ay kaluwalhatian ng lalaki.” Unang nilalang ang lalaki at sa loob ng ilang panahon ay nag-iisa siya, anupat siya lamang noon ang larawan ng Diyos. Ang babae ay ginawa mula sa lalaki at dapat na magpasakop sa lalaki, isang kalagayang naiiba sa kalagayan ng Diyos, na hindi sakop ninuman. Gayunpaman, ang pagkaulo ng lalaki ay nasa ilalim ng pagkaulo ng Diyos at ni Kristo.—1Co 11:3-7.
May Kakayahan at Kalayaang Magpasiya. Yamang ang tao ay ginawa ayon sa larawan at wangis ng Diyos, mayroon siyang kakayahan at kalayaang magpasiya. May kalayaan siya na piliing gumawa ng mabuti o ng masama. Sa pamamagitan ng kaniyang kusang-loob at maibiging pagsunod sa kaniyang Maylalang, makapagbibigay siya ng karangalan at kaluwalhatian sa Diyos na malayong nakahihigit sa maibibigay ng nilalang na mga hayop. May-katalinuhan niyang mapapupurihan ang Diyos dahil sa Kaniyang kamangha-manghang mga katangian at maitataguyod niya ang Kaniyang soberanya. Ngunit ang kalayaan ni Adan ay may pasubali, hindi lubusan. Patuloy lamang siyang makapamumuhay nang maligaya kung kikilalanin niya ang soberanya ni Jehova. Naidiin ito sa kaniya nang pagbawalan siyang kumain mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Ang pagkain mula roon ay isang pagsuway, isang paghihimagsik laban sa soberanya ng Diyos.—Gen 2:9, 16, 17.
Yamang si Adan ay isang “anak ng Diyos” (Luc 3:38), ang kaugnayan niya sa Diyos ay gaya ng kaugnayan ng isang anak sa kaniyang ama, kaya naman dapat sana’y sumunod siya. Karagdagan pa, nilikha ng Diyos sa tao ang likas na pagnanasang sumamba. Ang pagnanasang ito, kung babaluktutin, ay aakay sa tao sa maling direksiyon at sisirain nito ang kaniyang kalayaan, anupat gagawin siya nitong alipin ng bagay na nilalang sa halip na ng Maylalang. Hahantong naman ito sa pagsamâ ng tao.
Dahil sa isang mapaghimagsik na espiritung anak ng Diyos, ang asawa ni Adan na si Eva ay nagkasala, at iniharap ni Eva ang tukso kay Adan, na kusa namang naghimagsik kay Jehova. (Gen 3:1-6; 1Ti 2:13, 14) Sila ay naging gaya niyaong mga inilarawan ni Pablo sa Roma 1:20-23. Dahil sa pagsalansang ni Adan, naiwala niya ang kaniyang katayuan bilang anak ng Diyos at ang kaniyang kasakdalan at naipasa niya ang kasalanan, pati na ang di-kasakdalan at kamatayan, sa kaniyang mga supling, ang buong lahi ng tao. Maging sa kanilang pagsilang, sila ay kalarawan ng kanilang amang si Adan, di-sakdal anupat gumagana sa kanilang mga katawan ang kamatayan.—Gen 3:17-19; Ro 5:12; tingnan ang ADAN Blg. 1.
“Ang Pagkatao Namin sa Loob.” Kapag tinutukoy ng Bibliya ang pakikipagpunyagi ng mga Kristiyano, pati na ang pakikipaglaban sa makasalanang laman, ginagamit nito ang mga pananalitang “aking pagkatao sa loob,” “ang pagkatao namin sa loob,” at iba pang katulad na mga parirala. (Ro 7:22; 2Co 4:16; Efe 3:16) Angkop ang mga pananalitang ito dahil ang mga Kristiyano ay ‘binago sa puwersa na nagpapakilos sa kanilang pag-iisip.’ (Efe 4:23) Ang nag-uudyok na puwersa o hilig ng kanilang pag-iisip ay nasa espirituwal na direksiyon. Gumagawa sila ng mga pagsisikap na ‘hubarin ang lumang personalidad [sa literal, lumang tao]’ at damtan ang kanilang sarili ng “bagong personalidad [sa literal, (isa na) bago].” (Col 3:9, 10; Ro 12:2) Yamang binautismuhan sila kay Kristo, ang mga pinahirang Kristiyano ay “binautismuhan sa kaniyang kamatayan”; ang lumang personalidad ay ibinayubay, “upang ang . . . makasalanang katawan ay gawing di-aktibo.” Ngunit hangga’t hindi sila namamatay sa laman at binubuhay-muli, naroon pa rin ang katawang laman na lumalaban sa ‘taong espirituwal.’ Isa itong mahirap na labanan, na tungkol dito ay sinabi ni Pablo, “Sa tinatahanang bahay na ito ay dumaraing nga tayo.” Ngunit ang haing pantubos ni Jesu-Kristo ang tumatakip sa mga kasalanan ng lumang personalidad kasama na ang makalamang mga pagnanasa na gumagana sa mga sangkap nito, malibang magpadaig ang mga Kristiyanong ito at sadyain nilang tumahak sa makalamang landasin.—Ro 6:3-7; 7:21-25; 8:23; 2Co 5:1-3.
Ang Taong Espirituwal. Ipinakita ng apostol ang pagkakaiba ng taong espirituwal sa taong pisikal. Sinabi niya: “Ngunit ang isang taong pisikal [sa literal, makakaluluwa] ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya.” (1Co 2:14) Ang “taong pisikal” na ito ay hindi lamang tumutukoy sa isa na naninirahan sa lupa o sa isa na may katawang laman, sapagkat maliwanag naman na ang mga Kristiyano sa lupa ay may mga katawang laman. Ang taong pisikal na tinutukoy rito ay isa na walang espirituwalidad sa kaniyang buhay. Siya ay “makakaluluwa” dahil sinusunod niya ang mga pagnanasa ng kaluluwa ng tao at ipinagwawalang-bahala ang espirituwal na mga bagay.
Sinabi rin ni Pablo na hindi mapag-aalaman ng “taong pisikal” ang mga bagay ng espiritu ng Diyos “sapagkat sinusuri ang mga ito sa espirituwal na paraan.” Pagkatapos ay sinabi niya: “Gayunman, ang taong espirituwal ay talagang nagsusuri sa lahat ng bagay, ngunit siya mismo ay hindi sinusuri ng sinumang tao.” Ang taong espirituwal ay may unawa hinggil sa mga bagay na isinisiwalat ng Diyos. Nakikita rin niya ang maling kalagayan at landasin ng taong pisikal. Ngunit ang kalagayan, mga pagkilos, at landasin sa buhay ng taong espirituwal ay hindi mauunawaan ng taong pisikal, ni mahahatulan man ng sinumang tao ang taong espirituwal, sapagkat ang Diyos lamang ang kaniyang Hukom. (Ro 14:4, 10, 11; 1Co 4:3-5) Sa pamamagitan ng ilustrasyon at argumento, sinabi ng apostol: “Sapagkat ‘sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, upang maturuan niya siya?’” Tiyak na wala nga. “Ngunit,” sinabi ni Pablo tungkol sa mga Kristiyano, “taglay nga natin ang pag-iisip ni Kristo.” Sa pamamagitan ng pagtatamo nila ng pag-iisip ni Kristo, na siyang nagsisiwalat sa mga Kristiyano tungkol kay Jehova at sa Kaniyang mga layunin, sila ay nagiging mga taong espirituwal.—1Co 2:14-16.
Tingnan ang ANAK NG TAO; MATANDANG LALAKI.