Unang Liham sa mga Taga-Corinto
2 Kaya, mga kapatid, hindi ako pumunta noon para pahangain kayo gamit ang mahusay na pananalita+ o karunungan* habang inihahayag sa inyo ang sagradong lihim+ ng Diyos. 2 Dahil ipinasiya kong ituon ang pansin ninyo kay Jesu-Kristo at sa pagpako sa kaniya sa tulos.+ 3 Nang pumunta ako sa inyo, mahina ako, natatakot, at nanginginig; 4 at nang magsalita ako at mangaral, hindi ako gumamit ng mapanghikayat na pananalita gaya ng matatalino, kundi ng mga salitang nagpapakita ng kapangyarihan ng espiritu,+ 5 para ang pananampalataya ninyo ay maging batay sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.
6 At nagsasalita tayo ngayon sa gitna ng mga maygulang* tungkol sa karunungan,+ pero hindi tungkol sa karunungan ng sistemang ito o ng mga tagapamahala ng sistemang ito na maglalaho;+ 7 kundi nagsasalita tayo tungkol sa karunungan ng Diyos na nasa isang sagradong lihim,+ ang nakatagong karunungan, na patiunang itinakda ng Diyos para sa ating kaluwalhatian bago pa umiral ang mga sistema sa mundo. 8 Ang karunungang ito ay hindi nalaman ng mga tagapamahala ng sistemang* ito,+ dahil kung nalaman nila, hindi sana nila pinatay ang maluwalhating Panginoon.+ 9 Gaya ng nasusulat: “Hindi nakita ng mata, hindi narinig ng tainga, at hindi pumasok sa isip* ng tao ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.”+ 10 Sa atin isiniwalat ng Diyos ang mga ito+ sa pamamagitan ng kaniyang espiritu,+ dahil sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.+
11 May iba bang nakaaalam sa kaisipan ng isang tao maliban sa sarili niyang puso?* Sa katulad na paraan, walang nakaaalam sa kaisipan ng Diyos maliban sa espiritu ng Diyos. 12 Ngayon ay tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos,+ para maunawaan natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos. 13 At sinasalita rin natin ang mga ito, pero hindi gamit ang mga salitang mula sa karunungan ng tao.+ Gumagamit tayo ng espirituwal na mga salita, mga salitang itinuro ng espiritu,+ para ipaliwanag ang espirituwal na mga bagay.*
14 Pero hindi tinatanggap ng taong pisikal ang mga bagay na mula sa espiritu ng Diyos, dahil kamangmangan sa kaniya ang mga ito; at hindi niya mauunawaan ang mga ito, dahil kailangang suriin ang mga ito sa tulong ng espiritu. 15 Gayunman, sinusuri ng taong espirituwal ang lahat ng bagay,+ pero hindi siya masusuri ng sinumang tao. 16 Dahil “sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, para maturuan niya siya?”+ Pero taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.+