“Sundan Ninyo ang Landasin ng Pagkamapagpatuloy”
“Magbahagi kayo sa mga banal ayon sa kanilang mga pangangailangan. Sundan ninyo ang landasin ng pagkamapagpatuloy.”—ROMA 12:13.
1. Ano ang isang pangunahing pangangailangan ng tao, at paano ito nakikita?
NAKAPANLULUMONG karanasan sa ngayon ang maglakad sa isang malungkot na kalye sa isang naiibang kapaligiran kung kalaliman ng gabi. Subalit nakababalisa rin ang mapabilang sa isang pulutong na wala kang kakilala o nakakakilala sa iyo. Totoo naman, isang mahalagang bahagi ng kalikasan ng tao ang pangangailangan na pagmalasakitan, kailanganin, at ibigin. Walang sinuman ang ibig na pakitunguhan bilang isang estranghero o isang tagalabas.
2. Paano naglaan si Jehova para sa ating pangangailangan ng makakasama?
2 Alam na alam ng Diyos na Jehova, ang Maylikha at Maylalang ng lahat ng bagay, ang pangangailangan ng tao ng makakasama. Bilang Disenyador ng taong kaniyang nilalang, mula pa nang pasimula ay batid na ng Diyos na “hindi mabuti para sa lalaki na patuloy na mag-isa,” at may ginawa siya tungkol dito. (Genesis 2:18, 21, 22) Punung-puno ang ulat sa Bibliya ng mga halimbawa ng kabaitan na ipinamalas ni Jehova at ng kaniyang mga lingkod sa mga tao. Pinapangyayari nitong matuto tayo kung paano ‘susundan ang landasin ng pagkamapagpatuloy,’ sa ikagagalak at ikalulugod ng iba at sa ating sariling kasiyahan.—Roma 12:13.
Pagkamagiliw sa mga Estranghero
3. Ipaliwanag ang saligang kahulugan ng pagkamapagpatuloy.
3 Ang salitang “pagkamapagpatuloy” gaya ng pagkagamit sa Bibliya ay isinalin buhat sa Griegong salita na phi·lo·xe·niʹa, na binubuo ng dalawang salitang ugat na nangangahulugan ng “pag-ibig” at “estranghero.” Samakatuwid, ang pagkamapagpatuloy ay talagang nangangahulugan ng “pag-ibig sa mga estranghero.” Gayunman, hindi ito isang pormalidad lamang o tungkol sa pagiging magalang. Nasasangkot dito ang damdamin at pagmamahal ng isa. Ang pandiwang phi·leʹo, ayon sa Exhaustive Concordance of the Bible ni James Strong, ay nangangahulugan “na maging kaibigan ng (magiliw sa [isang tao o isang bagay]), ang ibig sabihin ay magkaroon ng pagmamahal sa (nagpapahiwatig ng personal na kaugnayan, may kinalaman sa saloobin o damdamin).” Kaya naman, ang pagkamapagpatuloy ay higit pa sa pag-ibig salig sa simulain, na marahil dahil sa pagkadama ng tungkulin o obligasyon. Ito ay karaniwan nang isang kapahayagan ng taimtim na pagkamagiliw, pagmamahal, at pagkakaibigan.
4. Kanino dapat na ipamalas ang pagkamapagpatuloy?
4 Ang tumatanggap ng pagkamagiliw at pagmamahal na ito ay ang “estranghero” (sa Griego, xeʹnos). Sino kaya ito? Muli, binigyang-katuturan ng Concordance ni Strong ang salitang xeʹnos bilang ‘banyaga (sa literal ay dayuhan, o sa makasagisag na diwa bago); sa pagpapahiwatig ay isang panauhin o (gayundin naman) estranghero.’ Kaya ang pagkamapagpatuloy, gaya ng paglalarawan sa Bibliya, ay nagpapaaninaw ng kabaitan sa isa na kinagigiliwan natin, o maipamamalas iyon maging sa isang ganap na estranghero. Ipinaliwanag ni Jesus: “Kung iniibig ninyo yaong mga umiibig sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba ang mga maniningil din ng buwis ay gumagawa ng gayunding bagay? At kung ang inyong mga kapatid lamang ang binabati ninyo, anong pambihirang bagay ang inyong ginagawa? Hindi ba ang mga tao rin ng mga bansa ay gumagawa ng gayunding bagay?” (Mateo 5:46, 47) Dinaraig ng taimtim na pagkamapagpatuloy ang pagkakabaha-bahagi at diskriminasyon na ibinubunga ng pagtatangi at pagkatakot.
Si Jehova, ang Sakdal na Punong-Abala
5, 6. (a) Ano ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya, “Ang inyong makalangit na Ama ay sakdal”? (b) Paano nahahayag ang pagkabukas-palad ni Jehova?
5 Pagkatapos tukuyin ang mga kakulangan ng pag-ibig ng mga tao sa isa’t isa, gaya ng nabanggit na, sinabi pa ni Jesus: “Kaya nga kayo ay dapat na maging sakdal, kung paanong ang inyong makalangit na Ama ay sakdal.” (Mateo 5:48) Sabihin pa, si Jehova ay sakdal sa lahat ng bagay. (Deuteronomio 32:4) Gayunman, itinatampok ni Jesus ang isang partikular na katangian ng kasakdalan ni Jehova, gaya ng nauna niyang sinabi: “Pinasisikat [ng Diyos] ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:45) Kung tungkol sa pagpapamalas ng kabaitan, hindi nagtatangi si Jehova.
6 Bilang ang Maylalang, si Jehova ang may-ari ng lahat ng bagay. “Sa akin ang bawat mabangis na hayop sa gubat, ang mga hayop sa ibabaw ng isang libong bundok. Kilala ko ang bawat may-pakpak na nilalang sa mga bundok, at ang pulutong ng mga hayop sa parang ay akin,” sabi ni Jehova. (Awit 50:10, 11) Gayunma’y hindi niya ipinagkakait ang anuman. Sa kaniyang pagkabukas-palad, naglalaan siya para sa lahat ng kaniyang nilalang. Ganito ang sabi ng salmista tungkol kay Jehova: “Binubuksan mo ang iyong kamay at binibigyang-kasiyahan ang pagnanasa ng lahat ng bagay na buhay.”—Awit 145:16.
7. Ano ang matututuhan natin mula sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa mga estranghero at sa mga nangangailangan?
7 Ibinibigay ni Jehova sa mga tao ang pangangailangan nila—maging sa mga tao na hindi nakakakilala sa kaniya, anupat mga estranghero sa kaniya. Ipinaalaala nina Pablo at Bernabe sa mga mananamba sa idolo sa lunsod ng Listra na “hindi iniwang walang patotoo [ni Jehova] ang kaniyang sarili sa bagay na gumawa siya ng mabuti, na nagbibigay sa inyo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupunô ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.” (Gawa 14:17) Lalo na doon sa mga nangangailangan, si Jehova ay mabait at bukas-palad. (Deuteronomio 10:17, 18) Marami tayong matututuhan kay Jehova sa pagpapakita ng kabaitan at pagkabukas-palad—sa pagiging mapagpatuloy—sa iba.
8. Paano nagpamalas si Jehova ng pagkabukas-palad sa pag-aasikaso sa ating espirituwal na mga pangangailangan?
8 Bukod pa sa saganang paglalaan ng materyal na mga bagay para sa kaniyang mga nilalang, inaasikaso ni Jehova ang kanilang mga pangangailangan sa espirituwal na paraan. Kumilos si Jehova sa pinakadakilang paraan para sa ating espirituwal na kapakanan, kahit na bago pa matanto ng sinuman sa atin na tayo ay nasa malubhang espirituwal na kalagayan. Mababasa natin sa Roma 5:8, 10: “Inirerekomenda ng Diyos ang kaniyang sariling pag-ibig sa atin sa bagay na, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin. . . . Nang tayo ay mga kaaway pa, tayo ay naipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.” Ang paglalaang iyan ang nagpaging posible sa makasalanang mga tao na magkaroon ng maligayang pampamilyang kaugnayan sa ating makalangit na Ama. (Roma 8:20, 21) Tiniyak din ni Jehova na tayo ay may wastong patnubay at direksiyon upang magtagumpay tayo sa buhay sa kabila ng ating makasalanan at di-sakdal na kalagayan.—Awit 119:105; 2 Timoteo 3:16.
9, 10. (a) Bakit natin masasabi na si Jehova ang sakdal na punong-abala? (b) Paano dapat na tularan si Jehova ng mga tunay na sumasamba sa kaniya hinggil sa bagay na ito?
9 Dahil dito, masasabi natin na si Jehova ang totoong sakdal na punong-abala sa napakaraming paraan. Hindi niya kinaliligtaan ang mga nagdarahop, ang mga hamak, at ang mabababang-loob. Siya’y totoong interesado at nagmamalasakit sa mga estranghero, maging sa kaniyang mga kaaway, at hindi siya naghihintay ng anumang materyal na bagay bilang kapalit. Sa lahat ng ito, hindi ba siya ang pinakadakilang halimbawa ng sakdal na punong-abala?
10 Bilang isang Diyos na may gayong maibiging-kabaitan at pagkabukas-palad, ibig ni Jehova na tularan siya ng mga sumasamba sa kaniya. Sa buong Bibliya, makakakita tayo ng natatanging mga halimbawa ng ganitong may kabaitang katangian. Sinabi ng Encyclopaedia Judaica na “sa sinaunang Israel, ang pagkamapagpatuloy ay hindi lamang isang bagay na may kinalaman sa mabuting asal, kundi isang moral na institusyon . . . Ang biblikal na mga kaugalian ng pagtanggap sa pagod na manlalakbay at pagtanggap sa estranghero ay siyang balangkas na kung saan ang pagkamapagpatuloy at lahat ng kaugnay na katangian nito ay humantong sa pagiging isang itinatanging kagalingan sa Judiong tradisyon.” Higit pa sa isang tatak ng alinmang partikular na bansa o lahi, ang pagkamapagpatuloy ay dapat na isang katangian ng lahat ng tunay na sumasamba kay Jehova.
Nagpatuloy sa mga Anghel
11. Anong natatanging halimbawa ang nagpapakita na ang pagkamapagpatuloy ay nagdudulot ng di-inaasahang mga pagpapala? (Tingnan din ang Genesis 19:1-3; Hukom 13:11-16.)
11 Ang isa sa lubhang kilalang ulat sa Bibliya tungkol sa pagkamapagpatuloy ay yaong kina Abraham at Sara nang sila’y nagkakampo sa gitna ng malalaking punungkahoy ng Mamre, malapit sa Hebron. (Genesis 18:1-10; 23:19) Tiyak na ang pangyayaring ito ang nasa isip ni Pablo nang magbigay siya ng ganitong payo: “Huwag ninyong kalimutan ang pagkamapagpatuloy, sapagkat sa pamamagitan nito ang ilan, nang hindi nila nalalaman, ay nag-asikaso sa mga anghel.” (Hebreo 13:2) Ang pag-aaral sa salaysay na ito ay tutulong sa atin na makitang ang pagkamapagpatuloy ay hindi lamang isang kaugalian o pagsasanay. Sa halip, ito ay isang maka-Diyos na katangian na nagdudulot ng kahanga-hangang mga pagpapala.
12. Paano ipinamalas ni Abraham ang kaniyang pag-ibig sa mga estranghero?
12 Ipinakikita ng Genesis 18:1, 2 na ang mga panauhin ay di-kilala at di-inaasahan ni Abraham, sabihin pang sila’y tatlong estranghero lamang na dumaraan. Ayon sa ilang komentarista, kaugalian sa mga taga-Silangan na ang isang naglalakbay sa isang naiibang lupain ay may karapatang umasang patuluyin kahit na wala siyang kakilala roon. Ngunit hindi na hinintay ni Abraham na gamitin ng mga estranghero ang kanilang karapatan; siya na ang nagkusa. Siya’y “nagtatakbo” upang salubungin ang mga estrangherong ito na medyo malayo pa sa kaniya—lahat ng ito sa “sa init ng araw,” at si Abraham noon ay 99 na taóng gulang na! Hindi ba ipinakikita nito kung bakit ipinahiwatig ni Pablo na si Abraham ay isang huwaran para sa atin? Iyan ang kahulugan ng pagkamapagpatuloy, ang pagkamagiliw o pag-ibig sa mga estranghero, ang pagkabahala sa kanilang mga pangangailangan. Ito ay isang positibong katangian.
13. Bakit “yumukod” si Abraham sa mga panauhin?
13 Sinasabi rin sa atin ng ulat na pagkatapos salubungin ang mga estranghero, si Abraham ay “yumukod sa lupa.” Yumukod sa ganap na mga estranghero? Buweno, ang pagyukod, gaya ng ginawa ni Abraham, ay isang paraan ng pagbati sa isang iginagalang na panauhin o sa isa na may mataas na katungkulan, anupat hindi dapat ipakahulugan na isang anyo ng pagsamba, na nakalaan tangi lamang sa Diyos. (Ihambing ang Gawa 10:25, 26; Apocalipsis 19:10.) Sa pagyukod, na hindi lamang pagyuko ng ulo kundi pagyukod “sa lupa,” pinag-ukulan ni Abraham ang mga estrangherong ito ng mahalagang karangalan. Siya ang ulo ng isang malaki at maunlad na patriyarkang pamilya, gayunma’y pinakitunguhan niya ang mga estrangherong ito bilang karapat-dapat sa mas malaking karangalan kaysa sa kaniyang sarili. Anong laking pagkakaiba nito sa kinagawiang paghihinala sa mga estranghero, ang saloobin ng pagiging sigurista! Tunay na ipinamalas ni Abraham ang kahulugan ng pangungusap: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”—Roma 12:10.
14. Anong pagsisikap at sakripisyo ang kasangkot sa pagpapamalas ni Abraham ng pagkamapagpatuloy sa mga estranghero?
14 Ang sumunod na mga pangyayari ay nagpapakita na taimtim si Abraham. Ang pagkain mismo ay di-pangkaraniwan. Kahit na sa isang malaking sambahayan na maraming alagang hayop, ang “isang sariwa at mainam na batang toro” ay hindi madalas kainin. Hinggil sa umiiral na mga kaugalian sa lugar na iyon, ganito ang komento ng Daily Bible Illustrations ni John Kitto: “Hindi kailanman nagpapakalabis sa mga karangyaan maliban na sa ilang kapistahan, o sa pagdating ng isang estranghero; at sa gayong mga okasyon lamang kumakain ng karne ng hayop, maging yaong nagmamay-ari ng maraming kawan at ganado.” Ang mainit na klima ay hindi nagpapahintulot na mag-imbak ng napapanis na pagkain, kaya upang maghanda ng gayong pagkain, ang lahat ay kailangang gawin sa mismong oras na iyon. Hindi nakapagtataka na sa maikling salaysay na ito, ang salitang “magmadali” o “pagmamadali” ay lumitaw nang tatlong ulit, at si Abraham ay talagang “tumakbo” upang ipahanda ang pagkain!—Genesis 18:6-8.
15. Ano ang tamang pangmalas sa materyal na paglalaan sa pagpapamalas ng pagkamapagpatuloy, gaya ng ipinakita ni Abraham?
15 Gayunman, ang layunin ay hindi lamang makapaghanda ng isang malaking piging upang pahangain ang isang tao. Kahit na gayon na lamang ang pagsisikap nina Abraham at Sara na ihanda at ihain ang pagkain, pansinin kung paano iyon tinukoy ni Abraham noong una: “Pakisuyong pahintulutan ninyong makakuha ng kaunting tubig, at mahugasan ang inyong mga paa. Pagkatapos ay humilig kayo sa ilalim ng punungkahoy. At kukuha ako ng isang piraso ng tinapay, at paginhawahin ang inyong puso. Pagkatapos nito, makapagpapatuloy na kayo, sapagkat iyan ang dahilan kung kaya dumaan kayo rito sa inyong lingkod.” (Genesis 18:4, 5) Ang “piraso ng tinapay” na iyon sa aktuwal ay isang bangkete ng pinatabang baka na may kasamang bilog na mga tinapay mula sa mainam na harina, mantikilya, at gatas—isang piging na angkop para sa isang hari. Ano ang aral? Kapag nagpapamalas ng pagkamapagpatuloy, ang mahalaga, o ang dapat idiin, ay hindi kung gaano kasagana ang pagkain at inumin, o kung gaano karangya ang ilalaang kaaliwan, at iba pa. Ang pagkamapagpatuloy ay hindi batay sa kakayahan ng isa na makapaglaan ng mamahaling mga bagay. Sa halip, iyon ay batay sa taimtim na pagmamalasakit sa kapakanan ng iba at sa pagnanais na gumawa ng mabuti sa iba hanggang sa abot ng makakaya ng isang iyon. “Mas mainam ang putahe ng gulay na may pag-ibig kaysa sa torong pinakain sa sabsaban at may pagkakapootan,” sabi ng isang kawikaan sa Bibliya, at ito ang susi sa taimtim na pagkamapagpatuloy.—Kawikaan 15:17.
16. Paano nagpakita ng pagpapahalaga si Abraham sa espirituwal na mga bagay sa kaniyang ginawa para sa mga panauhin?
16 Gayunman, dapat nating bigyang-pansin na mayroon ding ipinahihiwatig na espirituwal ang buong pangyayaring iyon. Sa paano man ay napag-unawa ni Abraham na ang mga panauhing ito ay mga mensahero mula kay Jehova. Ito ay ipinakita ng pagsasabi niya sa kanila ng mga salitang ito: “Jehova, kung ngayo’y nakasumpong ako ng pabor sa iyong mga mata, pakisuyong huwag mong lampasan ang iyong lingkod.”a (Genesis 18:3; ihambing ang Exodo 33:20.) Hindi patiunang alam ni Abraham kung sila ay may mensahe para sa kaniya o kung sila’y dumaraan lamang. Magkagayunman, naunawaan niya na nagaganap ang isang katuparan ng layunin ni Jehova. Ang mga indibiduwal na ito ay nagsasagawa ng isang misyon mula kay Jehova. Malulugod siya kung may magawa man siyang anuman ukol dito. Natanto niya na karapat-dapat sa mga lingkod ni Jehova ang pinakamainam, at ilalaan niya ang pinakamainam sa pagkakataong iyon. Sa paggawa nito, magkakaroon ng espirituwal na pagpapala, maging para sa kaniyang sarili o para sa iba. Gaya ng nangyari, sina Abraham at Sara ay lubhang pinagpala dahil sa kanilang taimtim na pagkamapagpatuloy.—Genesis 18:9-15; 21:1, 2.
Mapagpatuloy na Bayan
17. Ano ang hiniling ni Jehova sa mga Israelita hinggil sa mga estranghero at mga nagdarahop na kabilang sa kanila?
17 Ang natatanging halimbawa ni Abraham ay hindi dapat malimutan ng bansang nagmula sa kaniya. Kasali sa Batas na ibinigay ni Jehova sa mga Israelita ang mga paglalaan para sa pagpapakita ng pagkamapagpatuloy sa mga estranghero na kabilang sa kanila. “Ang naninirahang dayuhan na naninirahan bilang isang dayuhan na kasama ninyo ay dapat na maging isang katutubo sa inyo; at iibigin mo siya kagaya ng iyong sarili, sapagkat kayo ay naging naninirahang dayuhan sa lupain ng Ehipto. Ako si Jehova na inyong Diyos.” (Levitico 19:34) Bibigyan ng pantanging pansin ng bayan yaong nangangailangan ng materyal na tulong at hindi sila kaliligtaan. Kapag pinagpala sila ni Jehova ng saganang ani, kapag nagsasaya sila sa kanilang mga kapistahan, kapag nagpapahinga sila mula sa pagpapagal sa mga taon ng Sabbath, at sa iba pang mga okasyon, aalalahanin ng bayan yaong mga kapos-palad—mga balo, mga batang walang-ama, at mga naninirahang dayuhan.—Deuteronomio 16:9-14; 24:19-21; 26:12, 13.
18. Gaano kahalaga ang pagkamapagpatuloy may kaugnayan sa pagkakamit ng pabor at pagpapala ni Jehova?
18 Makikita ang kahalagahan ng kabaitan, pagkabukas-palad, at pagkamapagpatuloy sa iba, lalo na sa mga nangangailangan, sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa mga Israelita nang hindi nila ipinamalas ang ganitong mga katangian. Niliwanag ni Jehova na ang kabaitan at pagkabukas-palad sa mga estranghero at sa mga nagdarahop ay kabilang sa mga kahilingan sa kaniyang bayan upang makamtan nila ang kaniyang patuloy na pagpapala. (Awit 82:2, 3; Isaias 1:17; Jeremias 7:5-7; Ezekiel 22:7; Zacarias 7:9-11) Nang masigasig ang bansa sa pagtupad sa mga ito at sa iba pang mga kahilingan, sila’y umunlad at nagtamasa ng materyal at espirituwal na kasaganaan. Nang sila’y maging abala sa kanilang mapag-imbot na personal na mga hangarin at hindi nagpamalas ng ganitong may kabaitang mga katangian sa mga nangangailangan, hinatulan sila ni Jehova, at sa wakas ay inilapat ang kapaha-pahamak na hatol sa kanila.—Deuteronomio 27:19; 28:15, 45.
19. Ano pa ang dapat nating isaalang-alang?
19 Napakahalaga, kung gayon, na suriin natin ang ating sarili at tingnan kung natutupad natin ang inaasahan sa atin ni Jehova sa bagay na ito! Lalo na sa ngayon dahil sa mapag-imbot at bumabahaging espiritu sa sanlibutan. Paano natin maipamamalas ang Kristiyanong pagkamapagpatuloy sa isang nababahaging sanlibutan? Ito ang paksang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Para sa higit na pagtalakay sa puntong ito, tingnan ang artikulong “Mayroon Bang Sinumang Nakakita sa Diyos?” sa Ang Bantayan ng Mayo 15, 1988, pahina 21-3.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang kahulugan ng salita sa Bibliya na isinaling “pagkamapagpatuloy”?
◻ Sa anu-anong paraan si Jehova ang siyang sakdal na halimbawa ng pagkamapagpatuloy?
◻ Hanggang saan naging mapagpatuloy si Abraham?
◻ Bakit ang lahat ng tunay na mananamba ay dapat na ‘sumunod sa landasin ng pagkamapagpatuloy’?