Report ng Mga Tagapaghayag ng Kaharian
Patuloy na Ipinangangaral sa Ireland ang Katotohanan sa Bibliya
NITONG nakaraang mga taon ang kaakit-akit na bansang Ireland ay naging dako ng matinding ligalig. Sa panahon ding iyon, tumugon nang may pagsang-ayon ang mga taga-Ireland sa mensahe ng pag-asa ng Bibliya na dinala sa kanila ng mga Saksi ni Jehova. Ang sumusunod na mga karanasan mula sa Ireland ang nagpapatotoo nito.
■ Isa sa mga Saksi ni Jehova sa Dublin at ang kaniyang kabataang anak na babae ang nakibahagi sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay. Nakilala nila ang isang babae na nagngangalang Cathy na totoong abala sa kaniyang maraming anak. Hiniling ng Saksi kung maaaring maibahagi ng kaniyang anak na babae, na nag-aaral kung paano mangaral, ang isa lamang maikling mensahe sa kaniya. Pumayag si Cathy, at ang munting batang babae ay nagbigay ng malinaw, inihandang-mabuting presentasyon. Humanga si Cathy sa kitang-kitang kataimtiman at pagkamapitagan ng bata, at tinanggap niya ang alok na tract sa Bibliya.
Nang maglaon ay pinag-isipan ni Cathy ang mabuting paghahanda at asal ng kaniyang batang bisita. “Ako’y humanga na ang isang maliit na batang babae ay makapagbibigay ng gayong kawili-wiling mensahe nang hindi inaakay ang pansin sa kaniyang sarili,” ang sabi niya. “Ipinasiya ko na sa susunod na pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova, makikinig ako sa kanila.”
Samantala ay lumipat si Cathy sa isang maliit na bayan sa timog-kanlurang Ireland malapit sa hangganan ng mga bayan ng Cork at Kerry. Di-nagtagal pagkatapos ay dumalaw sa kaniyang bahay ang mga Saksi ni Jehova, at pinapasok niya sila. Tumanggap siya ng regular na pag-aaral sa Bibliya at ngayon ay dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon kasama ang marami sa kaniyang mga anak. Nagpapasalamat si Cathy sa taimtim na pagnanais ng munting batang babae na ibahagi sa kaniya ang mabuting balita.
■ Sa lugar ng Tullamore, pitong taon nang nakikipagtalakayan sa Bibliya ang mga Saksi sa isang babae na nagngangalang Jean. Kung minsan ay nagpapakita siya ng interes at tumatanggap ng literatura, subalit sa ibang panahon ay naglalaho ang kaniyang interes. Isang araw, nang isang Saksi na nagngangalang Frances at isang kasama ang dumalaw kay Jean, nadatnan nila siya na wala sa kondisyon. “Anuman ang sabihin namin,” ang ulat ng mga Saksi, “lalo siyang naiinis. Sa wakas ay pinaalis niya kami at ibinagsak ang pinto.”
Nag-alala si Frances na baka gayundin ang pagtugon sa mga susunod na pagdalaw. ‘Marahil ay wala na ring saysay na dumalaw sa kaniya kung siya ay hindi talaga interesado sa mensahe,’ ang akala ni Frances. Gayunman, ipinakipag-usap niya ito sa kaniyang asawa, si Thomas, at mas positibo siya. Nang sumunod na pagkakataon na naroroon sila sa lugar na iyon, isa pang pagdalaw ang ginawa kay Jean. Siya ay palakaibigan at tumanggap ng mga kopya ng magasing Bantayan at Gumising! Ang sumunod na mga pagdalaw ay kasiya-siya rin, at sinimulan nina Thomas at Frances ang isang regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa kaniya.
Bakit may pagbabago? Ipinaliwanag ni Jean na sa panahong siya ay nakitungo nang di-maganda sa mga Saksi, kapapanganak at kalalabas pa lamang niya noon sa ospital. Dahil sa pagpapasuso sa kaniyang bagong silang na sanggol at pagpapakain sa kaniyang nakatatandang anak, isang oras at kalahati lamang ang tulog niya sa gabi. “Ang pinakahuli sa nais kong gawin,” ang sabi ni Jean, “ay ang makipag-usap tungkol sa relihiyon.”
Sa loob lamang ng dalawang buwan ay dinadaluhan na ni Jean ang lahat ng pulong ng kongregasyon, at sa loob lamang ng apat na buwan ay nakikibahagi na siya sa ministeryo sa larangan. Pagkalipas ng sampung buwan mula nang magsimula siyang mag-aral ng Bibliya, siya ay nabautismuhan. Ngayon ang sariling karanasan ni Jean ay tumutulong sa kaniya sa ministeryo. Sinabi niya: “Kung makatagpo ako ng isa na may kagaspangan, sinisikap kong maging higit na maunawain. Lagi kong tinatandaan iyon. Marahil ay magbabago ang situwasyon sa aking pagbabalik; baka mabuti na ang pakiramdam ng indibiduwal at higit na handang tumanggap.”