Ayon kay Juan
14 “Huwag mabagabag ang mga puso ninyo.+ Manampalataya kayo sa Diyos;+ manampalataya rin kayo sa akin. 2 Maraming tirahan sa bahay ng Ama ko; kung hindi ay sinabi ko sana sa inyo. Pero ngayon, aalis ako para maghanda ng lugar para sa inyo.+ 3 At kapag nakaalis ako at nakapaghanda ng lugar para sa inyo, babalik ako at isasama ko kayo sa aking bahay, para kung nasaan ako ay nandoon din kayo.+ 4 At alam ninyo ang daan sa pupuntahan ko.”
5 Sinabi ni Tomas:+ “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”
6 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ako ang daan+ at ang katotohanan+ at ang buhay.+ Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.+ 7 Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang Ama ko;+ mula sa sandaling ito ay makikilala ninyo siya. Ang totoo, nakita na ninyo siya.”+
8 Sinabi ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama at sapat na iyon sa amin.”
9 Sinabi ni Jesus: “Nakasama na ninyo ako nang mahabang panahon, pero hindi mo pa rin ba ako kilala, Felipe? Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.+ Kaya bakit mo sinasabi, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ka ba naniniwala na ako ay kaisa ng Ama at ang Ama ay kaisa ko?+ Ang mga sinasabi ko sa inyo ay hindi mula sa sarili ko,+ kundi sa pamamagitan ko ay isinasakatuparan ng Ama na nananatiling kaisa ko ang kaniyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin na ako ay kaisa ng Ama at ang Ama ay kaisa ko; kung hindi man, maniwala kayo dahil sa mga gawa.+ 12 Tinitiyak ko sa inyo, ang nananampalataya sa akin ay gagawa rin ng mga ginagawa ko; at ang mga gagawin niya ay makahihigit sa mga ito,+ dahil ako ay pupunta sa Ama.+ 13 At anuman ang hingin ninyo sa pangalan ko, ibibigay ko iyon, para maluwalhati ang Ama sa pamamagitan ng Anak.+ 14 Kung hihingi kayo ng anuman sa pangalan ko, ibibigay ko iyon.
15 “Kung mahal ninyo ako, susundin ninyo ang mga utos ko.+ 16 At hihiling ako sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong para makasama ninyo magpakailanman,+ 17 ang espiritu ng katotohanan,+ na hindi matatanggap ng mundo,* dahil ang espiritu ay hindi nakikita o nalalaman ng mundo.+ Kilala ninyo iyon, dahil iyon ay nananatili sa inyo at sumasainyo. 18 Hindi ko kayo iiwang nagdadalamhati. Babalik ako sa inyo.+ 19 Sandali na lang at hindi na ako makikita ng mundo,* pero makikita ninyo ako+ dahil nabubuhay ako at mabubuhay kayo. 20 Sa araw na iyon, malalaman ninyo na ako ay kaisa ng aking Ama at kayo ay kaisa ko at ako ay kaisa ninyo.+ 21 Ang nagmamahal sa akin ay ang tumatanggap sa mga utos ko at sumusunod sa mga iyon. At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng Ama ko,+ at mamahalin ko siya at lubusan kong ipapakilala sa kaniya ang sarili ko.”
22 Sinabi ni Hudas,+ hindi si Hudas Iscariote: “Panginoon, bakit sa amin mo na lang lubusang ipapakilala ang sarili mo at hindi na sa sangkatauhan?”*
23 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kung ang sinuman ay nagmamahal sa akin, tutuparin niya ang aking salita,+ at iibigin siya ng aking Ama, at pupunta kami sa kaniya at maninirahang kasama niya.+ 24 Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita. Ang naririnig ninyong salita ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin.+
25 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito habang kasama pa ninyo ako. 26 Pero ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko, ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.+ 27 Ang kapayapaang ibinibigay ko sa inyo ay mananatili sa inyo.+ Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo.* Huwag kayong mag-alala o matakot. 28 Narinig ninyo na sinabi ko, ‘Aalis ako at babalik akong muli sa inyo.’ Kung iniibig ninyo ako, magsasaya kayo na pupunta ako sa Ama, dahil ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.+ 29 Kaya sinasabi ko na ito sa inyo bago pa ito mangyari para maniwala kayo kapag naganap na iyon.+ 30 Hindi ko na kayo makakausap nang matagal, dahil ang tagapamahala ng mundo*+ ay dumarating, at wala siyang kontrol sa akin.+ 31 Pero para malaman ng mundo* na iniibig ko ang Ama, ginagawa ko ang mismong iniutos sa akin ng Ama.+ Umalis na tayo rito.