Maging Malapít sa Diyos
Ang Pinakadakilang Katunayan ng Pag-ibig ng Diyos
INIIBIG ni Abraham ang Diyos. Iniibig din ng tapat na patriyarkang iyon si Isaac, ang anak niya sa kaniyang katandaan. Ngunit nang si Isaac ay mga 25 taóng gulang, nasubok nang husto ang damdamin ni Abraham bilang isang ama—sinabihan siya ng Diyos na ihain ang kaniyang anak. Gayunman, hindi naman namatay si Isaac. Nang ihahain na ni Abraham ang kaniyang anak, namagitan ang Diyos sa pamamagitan ng isang anghel. Inihula ng ulat na ito ng Bibliya, na nakatala sa Genesis 22:1-18, ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin.
“Inilagay ng . . . Diyos si Abraham sa pagsubok,” ang sabi ng talata 1. Si Abraham ay isang taong may pananampalataya, pero ngayon, masusubok ang kaniyang pananampalataya higit kailanman. Sinabi ng Diyos: “Pakisuyo, kunin mo ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na pinakaiibig mo, si Isaac, at . . . ihandog mo siya bilang handog na sinusunog sa ibabaw ng isa sa mga bundok na tutukuyin ko sa iyo.” (Talata 2) Tandaan, hindi hinahayaan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod na masubok nang higit sa matitiis nila. Kaya ipinakikita ng pagsubok na ito ang kaniyang pagtitiwala kay Abraham.—1 Corinto 10:13.
Agad na sumunod si Abraham. Mababasa natin: “Si Abraham ay maagang bumangon sa kinaumagahan at siniyahan ang kaniyang asno at isinama ang dalawa sa kaniyang mga tagapaglingkod at si Isaac na kaniyang anak; at sinibak niya ang kahoy para sa handog na sinusunog. Nang magkagayon ay tumindig siya at naglakbay.” (Talata 3) Maliwanag na hindi sinabi ni Abraham kaninuman ang mga detalye tungkol sa pagsubok.
Naglakbay sila nang tatlong araw, anupat nagbigay ito sa kaniya ng pagkakataon para makapag-isip-isip. Pero nanatiling matatag si Abraham. Isinisiwalat ng mga salitang binigkas niya ang kaniyang pananampalataya. Nang matanaw na niya ang napiling bundok, sinabi niya sa kaniyang mga alipin: “Manatili kayo rito . . . , ngunit nais ko at ng bata na pumunta roon at sumamba at bumalik sa inyo.” Nang itanong ni Isaac kung nasaan ang tupang ihahain, sinabi ni Abraham: “Ang Diyos ang maglalaan sa kaniyang sarili ng tupa.” (Talata 5, 8) Umaasa si Abraham na babalik siyang kasama ang kaniyang anak. Bakit? Sapagkat “inisip niya na magagawa ng Diyos na ibangon siya [si Isaac] kahit mula sa mga patay.”—Hebreo 11:19.
Sa bundok, nang kunin ni Abraham ang ‘kutsilyo upang patayin ang kaniyang anak,’ pinigilan ng isang anghel ang kaniyang kamay. Pagkatapos, naglaan ang Diyos ng isang barakong tupa, na ang sungay ay nasabit sa palumpungan, na maihahandog ni Abraham “kahalili ng kaniyang anak.” (Talata 10-13) Sa paningin ng Diyos, parang aktuwal nang inihain si Isaac. (Hebreo 11:17) Ayon sa isang iskolar, ‘sa pangmalas ng Diyos, ang pagiging handa ni Abraham na ihandog si Isaac ay para na ring paghahain mismo sa kaniyang anak.’
Hindi nagkamali si Jehova sa pagtitiwala niya kay Abraham. At ang pagtitiwala ni Abraham kay Jehova ay ginantimpalaan sapagkat inulit at pinalawak ng Diyos ang kaniyang tipan kay Abraham, ang tipan na nangangakong pagpapalain ang mga tao ng lahat ng bansa.—Talata 15-18.
Oo, hindi hinayaan ng Diyos si Abraham na ihain ang kaniyang anak, pero ito mismo ang gagawin Niya sa Kaniyang sariling Anak. Inilalarawan ng pagiging handa ni Abraham na ihandog si Isaac ang paghahandog ng Diyos ng kaniyang bugtong na Anak, si Jesus, para sa ating mga kasalanan. (Juan 3:16) Ang hain ni Kristo ang pinakadakilang katunayan ng pag-ibig ni Jehova sa atin. Yamang ganiyan kalaki ang sakripisyong ginawa ng Diyos para sa atin, makabubuting tanungin natin ang ating sarili, ‘Anu-anong sakripisyo ang handa kong gawin upang palugdan ang Diyos?’