Kabanata 10
Kristiyanismo—Si Jesus ba ang Daan Tungo sa Diyos?
Hanggang dito, maliban sa kabanata sa Judaismo, ay atin nang naisaalang-alang ang pangunahing mga relihiyon na sa kalakhan ay salig sa mitolohiya. Suriin natin ang isa pang relihiyon na di-umano’y maghahatid sa tao nang mas malapit sa Diyos—ang Kristiyanismo. Ano ang saligan ng Kristiyanismo—alamat o kasaysayan?
1. (a) Dahil sa kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan bakit marami ang lubhang nag-aalinlangan sa Kristiyanismo? (b) Anong pagkakaiba ang makikita sa Sangkakristiyanuhan at Kristiyanismo?
ANG kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan,a lakip na ang mga digmaan, inkisisyon, krusada, at relihiyosong pagpapaimbabaw nito, ay hindi tumulong sa layunin ng Kristiyanismo. Binabanggit ng tapat na mga Muslim at ng iba pa ang moral na kabulukan at pagkaguho ng Kanluranin, “Kristiyanong” daigdig bilang saligan ng pagtanggi sa Kristiyanismo. Oo, ang mga bansang nag-aangking Kristiyano ay nabalian ng moral na timon at dumanas ng pagkabagbag sa mga batuhan ng pag-aalinlangan, kasakiman, at pagpapalayaw-sa-sarili.
2, 3. (a) Ano ang pagkakaiba ng paggawi ng sinaunang mga Kristiyano at ng mga tao sa makabagong Sangkakristiyanuhan? (b) Ano ang ilan sa mga tanong na sasagutin?
2 Pinatutunayan ni Propesor Elaine Pagels sa kaniyang aklat na Adam, Eve, and the Serpent na ang mga pamantayan ng orihinal na Kristiyanismo ay malayung-malayo sa kaluwagan ng moral na umiiral sa ngayon, at doo’y sinabi niya: “Noong unang apat na dantaon ipinagmapuri ng mga Kristiyano ang kanilang pagpipigil sa sekso; tinanggihan nila ang poligamya at pati na rin ang diborsiyo, na ipinahintulot ng tradisyong Judio; itinakwil nila ang mga kaugaliang gaya ng pagsisiping ng di mag-asawa at pati na ang prostitusyon at homoseksuwalidad, bagaman ang mga ito ay pinapayagan ng mga pagano.”
3 Kaya, makatuwirang itanong, Ang kasaysayan ba at makabagong moralidad ng Sangkakristiyanuhan ay tunay na salamin ng turo ni Jesu-Kristo? Anong uri ng tao si Jesus? Natulungan ba niya ang tao na mapalapit sa Diyos? Siya ba ang ipinangakong Mesiyas sa Hebreong hula? Ilan ito sa mga tanong na isasaalang-alang sa kabanatang ito.
Si Jesus—Ano ang mga Kredensiyal Niya?
4. Sa ating pag-aaral, anong malinaw na pagkakaiba ang napansin sa pagitan ng Kristiyanismo at mga ugat nito, at ng pangunahing mga relihiyon ng daigdig?
4 Sa naunang mga kabanata nakita natin ang tampok na bahaging ginampanan ng mitolohiya sa halos lahat ng pangunahing relihiyon sa daigdig. Ngunit, sa nakaraang kabanata, nang ating suriin ang pinagmulan ng Judaismo hindi tayo nagsimula sa isang alamat kundi sa pagiging-makasaysayan ni Abraham, ng kaniyang mga ninuno at inapo. Sa pagsusuri ng Kristiyanismo at ng maytatag nito, si Jesus, hindi rin tayo magsisimula sa mitolohiya, kundi sa isang makasaysayang persona.—Tingnan ang kahon, pahina 237.
5. (a) Anong tatlong kredensiyal ang hawak ni Jesus upang patunayan na siya ang ipinangakong “binhi” ni Abraham? (b) Sino ang sumulat ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan?
5 Sinasabi ng unang talata ng Kristiyanong Griyegong Kasulatan, karaniwang tinatawag na Bagong Tipan (tingnan ang kahon, pahina 241): “Ang aklat ng kasaysayan ni Jesu-Kristo, anak ni David, anak ni Abraham.” (Mateo 1:1) Ito ba’y walang-saysay na pag-aangkin ni Mateo, dating Judiong maniningil ng buwis at matalik na alagad at manunulat ng talambuhay ni Jesus? Hindi. Binabalangkas ng susunod na 15 talata Mat 1:2-16 ang talaangkanan ni Abraham hanggang kay Jacob, na “naging ama ni Jose na asawa ni Maria, na nagsilang kay Jesus, na tinatawag na Kristo.” Kaya, si Jesus ay talagang inapo nina Abraham, Juda, at David at sa gayo’y nagtataglay ng tatlong kredensiyal ng inihulang “binhi” ng Genesis 3:15 at ni Abraham.—Genesis 22:18; 49:10; 1 Cronica 17:11.
6, 7. Bakit mahalaga ang dakong sinilangan ni Jesus?
6 Isa pa sa mga kredensiyal ng Mesiyanikong Binhi ay ang dakong sinilangan. Saan isinilang si Jesus? Ayon kay Mateo si Jesus ay “isinilang sa Betlehem ng Juda noong mga kaarawan ni Haring Herodes.” (Mateo 2:1) Pinatutunayan ito ng manggagamot na si Lucas, na nag-uulat hinggil sa magiging amain ni Jesus: “Si Jose rin ay lumisan sa Galilea, mula sa lungsod ng Nazaret, tungo sa Judea, sa lungsod ni David, na tinatawag na Betlehem, palibhasa siya’y mula sa sambahayan at angkan ni David, upang magpatalang kasama ni Maria, na katipan niya, at noo’y kagampan na.”—Lucas 2:4, 5.
7 Bakit dapat isilang si Jesus sa Betlehem sa halip na sa Nazaret o iba pang bayan? Dahil sa hula na binigkas ng Hebreong propeta na si Mikas noong ikawalong siglo B.C.E.: “At ikaw, O Betlehem Eprata, na napakaliit upang ibilang sa mga libulibo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na maghahari sa Israel, na galing pa noong una, mula sa panahong walang takda.” (Mikas 5:2) Kaya, dahil sa dakong sinilangan, na kay Jesus ang isa pang kredensiyal bilang ipinangakong Binhi at Mesiyas.—Juan 7:42.
8. Ano ang ilang hula na tinupad ni Jesus?
8 Sa aktuwal, tinupad ni Jesus ang napakarami pang hula sa mga Hebreong Kasulatan upang patunayan na nasa kaniya ang lahat ng kredensiyal bilang ipinangakong Mesiyas. Masusuri ninyo sa Bibliya ang ilan dito. (Tingnan ang kahon, pahina 245.)b Subalit suriin natin sa maikli ang mensahe at ministeryo ni Jesus.
Ang Daan ay Itinuturo ng Buhay ni Jesus
9. (a) Papaano sinimulan ni Jesus ang kaniyang pangmadlang ministeryo? (b) Papaano natin nalaman na si Jesus ay sinang-ayunan ng Diyos?
9 Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay pinalaki bilang karaniwang batang Judio na dumadalo sa lokal na sinagoga at sa templo sa Jerusalem. (Lucas 2:41-52) Pagsapit sa edad na 30, sinimulan niya ang kaniyang pangmadlang ministeryo. Una’y dumalaw siya sa pinsan niyang si Juan, na nagbabautismo ng mga Judio sa ilog Jordan bilang tanda ng pagsisisi. Nag-uulat si Lucas: “Kaya nang mabautismuhan na ang lahat, si Jesus ay nagpabautismo rin, at samantalang nananalangin, ay nabuksan ang langit at ang banal na espiritu ay nanaog sa kaniya sa anyong kalapati, at isang tinig ang narinig mula sa langit: ‘Ikaw ang aking Anak, ang sinisinta; nalulugod ako sa iyo.’”—Lucas 3:21-23; Juan 1:32-34.
10, 11. (a) Ano ang ilang katangian ng pangangaral at pagtuturo ni Jesus? (b) Papaano ipinakita ni Jesus ang halaga ng pangalan ng kaniyang Ama?
10 Nang maglaon, sinimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo bilang pinahirang Anak ng Diyos. Nilibot niya ang Galilea at Judea na nangangaral ng Kaharian ng Diyos at gumagawa ng himala, gaya ng pagpapagaling. Hindi siya tumanggap ng bayad ni naghangad ng kayamanan o ng pagtatanghal-sa-sarili. Sa katunayan, sinabi niya na mas maligaya ang magbigay kaysa tumanggap. Tinuruan din niya ang kaniyang mga alagad na mangaral.—Mateo 8:20; 10:7-13; Gawa 20:35.
11 Kapag sinusuri ang mensahe ni Jesus at ang mga paraang ginamit niya, makikita ang malaking kaibahan ng estilo niya at ng mga mangangaral sa Sangkakristiyanuhan. Hindi siya gumamit ng mababaw na emosyonalismo o pananakot sa apoy ng impiyerno upang impluwensiyahan ang mga tao. Sa halip, gumamit si Jesus ng payak na pangangatuwiran at mga talinghaga, o ilustrasyon, mula sa araw-araw na buhay upang umakit ng puso at isipan. Ang kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok ay namumukod na halimbawa ng kaniyang turo at paraan. Nasa sermong yaon ang huwarang panalangin, at doo’y idiniin ni Jesus ang dapat unahin ng isang Kristiyano nang bigyan niya ng unang dako ang pagpapakabanal sa pangalan ng Diyos. (Tingnan ang kahon, pahina 258-9.)—Mateo 5:1–7:29; 13:3-53; Lucas 6:17-49.
12. (a) Papaano nagpamalas ng pag-ibig si Jesus sa pamamagitan ng turo at kilos? (b) Papaano maiiba ang daigdig kung ikakapit ang pag-ibig Kristiyano?
12 Sa pakikitungo sa mga alagad at sa madla, si Jesus ay nagpamalas ng pag-ibig at habag. (Marcos 6:30-34) Samantalang nangangaral ng mensahe ng Kaharian ng Diyos, siya mismo ay gumawi nang may pag-ibig at pagpapakumbaba. Kaya sa mga huling oras ng kaniyang buhay, ay nasabi niya sa mga alagad: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t-isa; kung papaanong inibig ko kayo, ay mag-ibigan din kayo sa isa’t-isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.” (Juan 13:34, 35) Kaya, sa aktuwal na paggawa, ang buod ng Kristiyanismo ay pag-ibig na mapagsakripisyo-sa-sarili salig sa simulain. (Mateo 22:37-40) Kung ikakapit, nangangahulugan ito na dapat ibigin ng Kristiyano ang mga kaaway niya bagaman napopoot siya sa kanilang masasamang gawa. (Lucas 6:27-31) Isipin lamang. Ibang-iba sana ang daigdig kung lahat ay magpapamalas ng ganitong uri ng pag-ibig!—Roma 12:17-21; 13:8-10.
13. Papaano naiiba ang turo ni Jesus sa turo nina Confucio, Lao-tzu, at ng Budha?
13 Gayunman, ang itinuro ni Jesus ay higit pa kaysa etika o pilosopiya lamang, gaya ng itinuro nina Confucio at Lao-Tzu. Isa pa, hindi itinuro ni Jesus na ang sariling kaligtasan ay makakamit sa pamamagitan ng landas ng kaalaman at kaliwanagan, gaya ng ginawa ni Budha. Sa halip, ang Diyos ang tinukoy niya na bukal ng kaligtasan: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan. Sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan ang sanlibutan kundi upang ito ay maligtas sa pamamagitan niya.”—Juan 3:16, 17.
14. Bakit nasabi ni Jesus na, “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay”?
14 Sa pagpapamalas ng pag-ibig ng Ama sa sariling salita at gawa, nailapit ni Jesus ang mga tao sa Diyos. Isang dahilan ito kung kaya nasabi niya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko. . . . Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Papaano ninyong sasabihin, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ba kayo sumasampalataya na ako ay kaisa ng Ama at ang Ama ay kaisa ko? Ang mga sinasabi ko sa inyo ay hindi ko sinasalita sa ganang sarili; kundi ang Ama na kaisa ko ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. . . . Narinig ninyong sinabi ko, papanaw ako at muling babalik. Kung iniibig ninyo ako, kayo’y magagalak na ako’y paroroon sa Ama, sapagkat ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” (Juan 14:6-28) Oo, si Jesus “ang daan at ang katotohanan at ang buhay” sapagkat inakay niya ang mga Judio pabalik sa kaniyang Ama, ang kanilang tunay na Diyos, si Jehova. Kaya, dahil kay Jesus ang paghahanap ng tao sa Diyos ay biglang nagkaroon ng puwersa nang sa sukdulang pag-ibig ay isinugo ng Diyos si Jesus sa lupa bilang tanglaw ng liwanag at katotohanan na aakay sa mga tao sa Ama.—Juan 1:9-14; 6:44; 8:31, 32.
15. (a) Ano ang dapat gawin upang masumpungan ang Diyos? (b) Dito sa lupa ano ang katibayan ng pag-ibig ng Diyos?
15 Dahil sa ministeryo at halimbawa ni Jesus ay nasabi noong dakong huli ng misyonerong si Pablo sa mga Griyego sa Atenas: “At mula sa isang tao ay ginawa [ng Diyos] ang bawat bansa, upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa, at itinakda niya ang mga panahon at hangganan ng tirahan ng tao, upang hanapin nila ang Diyos, baka sakaling maapuhap nila siya at talagang masumpungan siya, sapagkat hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. Dahil sa kaniya tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.” (Gawa 17:26-28) Oo, ang Diyos ay masusumpungan kung ang isa ay kusang maghahanap. (Mateo 7:7, 8) Ipinakilala ng Diyos ang sarili at ang kaniyang pag-ibig nang ilaan niya ang isang lupa na sumusustine sa tila wala nang katapusang pagkasarisari ng buhay. Sinasapatan niya ang pangangailangan ng lahat, matuwid man o liko. Inilaan din niya ang kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya, at isinugo ang kaniyang Anak bilang haing pantubos.c Bukod dito, naglaan ang Diyos ng tulong upang masumpungan ng tao ang daan tungo sa Kaniya.—Mateo 5:43-45; Gawa 14:16, 17; Roma 3:23-26.
16, 17. Papaano dapat ipahayag ang tunay na pag-ibig Kristiyano?
16 Totoo, ang pag-ibig Kristiyano ay dapat ipahayag hindi lamang sa salita kundi lalo na sa gawa. Dahil dito kaya sumulat si apostol Pablo: “Ang pag-ibig ay mapagpahinuhod at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo, hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sarili, hindi nayayamot. Hindi ipinagtatanim ang masama. Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan. Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan. Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.”—1 Corinto 13:4-8.
17 Niliwanag din ni Jesus kung gaano kahalaga ang paghahayag ng Kaharian ng mga langit—ang paghahari ng Diyos sa mapagpasakop na sangkatauhan.—Mateo 10:7; Marcos 13:10.
Bawat Kristiyano ay Ebanghelisador
18. (a) Ano ang itinampok sa Sermon ni Jesus sa Bundok? (b) Ano ang pananagutan ng bawat Kristiyano? (c) Papaano inihanda ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa ministeryo, at anong mensahe ang ipapangaral nila?
18 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, idiniin ni Jesus ang pananagutan na magbigay-liwanag sa iba sa pamamagitan ng salita at gawa. Sinabi niya: “Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nasa ibabaw ng bundok. Sinisindihan ng mga tao ang isang ilaw at inilalagay ito, hindi sa ilalim ng takalan, kundi sa ibabaw ng ilawan, at ito’y nagliliwanag sa buong bahay. Kaya pasikatin ang inyong liwanag sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at magbigay-luwalhati sa inyong Ama na nasa mga langit.” (Mateo 5:14-16) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad kung papaano mangangaral at magtuturo bilang naglalakbay na mga ministro. At ano ang magiging mensahe nila? Yaon mismong ipinangaral ni Jesus, ang Kaharian ng Diyos, na magpupuno sa lupa sa katuwiran. Minsan ay nagpaliwanag si Jesus: “Sa ibang lungsod ay dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat dahil dito ay isinugo ako.” (Lucas 4:43; 8:1; 10:1-12) Sinabi din niya na ang bahagi ng tanda na magpapakilala sa huling araw ay na ang “mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:3-14.
19, 20. (a) Bakit ang Kristiyanismo ay isang relihiyon na laging aktibo at nangangaral? (b) Anong mga saligang tanong ang nangangailangan ngayon ng sagot?
19 Noong 33 C.E., bago tuluyang umakyat sa langit, si Jesus ay nag-utos sa mga alagad: “Lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa ay ibinigay sa akin. Humayo nga kayo at gawing alagad ang mga tao sa lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, at ituro ninyo sa kanila na ganapin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. At, narito! ako’y kasama ninyong palagi hanggang sa katapusan ng pamamalakad ng mga bagay.” (Mateo 28:18-20) Isang dahilan ito kung bakit ang Kristiyanismo, mula nang unang ipakilala, ay naging isang aktibo, nangungumberteng relihiyon na pumukaw ng galit at paninibugho ng mga tagasunod ng mitolohikang mga relihiyon ng mga Griyego at Romano noon. Ang pag-uusig kay Pablo sa Efeso ay malinaw na patotoo nito.—Gawa 19:23-41.
20 Ang mga tanong ngayon ay, Ano ang inialok ng mensahe ng Kaharian ng Diyos hinggil sa mga patay? Ano ang ipinangaral ni Jesus na pag-asa ng mga patay? Nag-alok ba siya ng kaligtasan mula sa “apoy ng impiyerno” para sa “hindi namamatay na kaluluwa” ng kaniyang mga tagasunod? Kung hindi ay ano?—Mateo 4:17.
Pag-asa ng Walang-Hanggang Buhay
21, 22. (a) Saan inihambing ni Jesus ang kalagayan ng patay na si Lazaro, at bakit? (b) Ano ang pag-asa ni Marta ukol sa kaniyang patay na kapatid?
21 Marahil ang wastong unawa sa pag-asang ipinangaral ni Jesus ay makakamit mula sa kaniyang sinabi at ginawa nang mamatay ang kaibigan niyang si Lazaro. Papaano ito minalas ni Jesus? Habang patungo sa tahanan ni Lazaro, sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Si Lazaro na ating kaibigan ay nagpapahinga, at paroroon ako upang gisingin siya sa pagkakatulog.” (Juan 11:11) Ang kamatayan ni Lazaro ay inihambing ni Jesus sa pagtulog. Sa mahimbing na tulog, wala tayong malay, at kaayon ito ng Hebreong pangungusap sa Eclesiastes 9:5: “Sapagkat nalalaman ng mga buhay na sila’y mamamatay; kung tungkol sa mga patay, wala silang nalalamang anoman.”
22 Bagaman apat na araw nang patay si Lazaro, mapapansin natin na hindi sinabi si Jesus na ang kaluluwa ni Lazaro ay nasa langit, impiyerno, o purgatoryo! Nang dumating si Jesus sa Betanya at si Marta, kapatid ni Lazaro, ay lumabas upang salubungin siya, ay sinabi niya dito, “Ang iyong kapatid ay babangon.” Ano ang isinagot nito? Sinabi ba nito na si Lazaro ay nasa langit na? Sumagot si Marta: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-na-muli sa huling araw.” Maliwanag itong nagpapakita na ang pag-asang Judio nang panahong yaon ay ang pagkabuhay-na-muli, ang pagbabalik sa buhay dito sa lupa.—Juan 11:23, 24, 38, 39.
23. Anong himala ang ginawa ni Jesus, at ano ang naging epekto sa mga tagamasid?
23 Tumugon si Jesus: “Ako ang pagkabuhay-na-muli at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagaman mamatay, ay muling mabubuhay; at sinomang nabubuhay na sasampalataya sa akin ay hindi kailanman mamamatay. Sinasampalatayanan mo ba ito?” (Juan 11:25, 26) Upang patunayan ang kaniyang sinabi, pumunta si Jesus sa kuweba na pinaglibingan kay Lazaro at pinabangon ito sa harap ng kaniyang mga kapatid, sina Maria at Marta, at mga kapitbahay. Nagpapatuloy ang ulat: “Kaya marami sa mga Judio na lumapit kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Jesus ay sumampalataya sa kaniya . . . At ang pulutong na kasama niya nang palabasin niya si Lazaro sa alalaalang libingan at buhayin siya mula sa mga patay ay pawang nagsipagpatotoo.” (Juan 11:45; 12:17) Nasaksihan nila ang himala, at sila’y sumampalataya at nagpatotoo sa pangyayari. Malamang na naniwala rin ang mga relihiyosong kaaway ni Jesus, sapagkat sinasabi ng ulat na ang mga punong saserdote at ang mga Fariseo ay nagsabwatan upang ipapatay si Jesus “sapagkat ang taong ito ay gumagawa ng maraming kababalaghan.”—Juan 11:30-53.
24. (a) Nasaan si Lazaro sa loob ng apat na araw? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kawalang-kamatayan?
24 Saan nagpunta si Lazaro noong apat na araw na siya’y patay? Wala. Wala siyang malay, natutulog sa libingan at naghihintay ng pagkabuhay-na-muli. Pinagpala siya ni Jesus nang makahimala siyang buhayin mula sa mga patay. Ngunit ayon kay Juan, walang anomang sinabi si Lazaro tungkol sa pagpunta sa langit, impiyerno, o purgatoryo noong apat na araw na yaon. Bakit wala? Kasi wala siyang kaluluwang hindi namamatay na makapaglalakbay sa mga dakong yaon.d—Job 36:14; Ezekiel 18:4.
25. (a) Kapag binabanggit ng Bibliya ang walang-hanggang buhay, saan ito tumutukoy? (b) Saan nasasalig ang pagdating ng ipinangakong Kaharian ng Diyos?
25 Kaya nang banggitin ni Jesus ang buhay na walang-hanggan, tinutukoy niya ang gayong buhay sa mga langit bilang isang binagong walang-kamatayang espiritu na kasamang maghahari sa kaniyang Kaharian, o kaya’y ang walang-hanggang buhay bilang isang tao sa paraisong lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kahariang yaon.e (Lucas 23:43; Juan 17:3) Ayon sa pangako ng Diyos, ang makasagisag niyang paninirahan kasama ng masunuring sangkatauhan ay magdudulot ng saganang pagpapala sa lupa. Lahat ng ito, sabihin pa, ay depende sa kung si Jesus ay talaga ngang isinugo at sinang-ayunan ng Diyos.—Lucas 22:28-30; Tito 1:1, 2; Apocalipsis 21:1-4.
Pagsang-ayon ng Diyos—Katotohanan, Hindi Alamat
26. Anong kapansinpansing pangyayari ang naganap sa harapan nina Pedro, Santiago, at Juan?
26 Papaano natin nalaman na si Jesus ay sinang-ayunan ng Diyos? Una, nang bautismuhan si Jesus, narinig ang isang tinig mula sa langit na nagsabi: “Ito ang aking Anak, ang sinisinta, na siyang kinalulugdan ko.” (Mateo 3:17) Nang dakong huli, ang katiyakan ng pagsang-ayong ito ay ibinigay sa iba pang saksi. Ang mga alagad na sina Pedro, Santiago, at Juan, dating mga mangingisda sa Galilea, ay sumama kay Jesus sa isang mataas na bundok (marahil ay Bundok ng Hermon, na 2,814 metro ang taas). Doo’y naganap sa kanilang paningin ang isang kagilagilalas na bagay: “[Si Jesus] ay nagbagong-anyo sa harapan nila, at ang mukha niya ay nagliwanag na gaya ng araw, at ang kaniyang damit ay nagningning na gaya ng ilaw. At, narito! sina Moises at Elias ay kasama niya, at nakikipag-usap sa kaniya. . . . Narito! yumungyong sa kanila ang isang maliwanag na ulap, at, narito! isang tinig mula sa ulap, na nagsabi: ‘Ito ang aking Anak, ang sinisinta, na siyang kinalulugdan ko; makinig kayo sa kaniya.’ Nang marinig ito ng mga alagad sila’y nagpatirapa at lubhang nasindak.”—Mateo 17:1-6; Lucas 9:28, 36.
27. (a) Ano ang naging epekto ng pagbabagong-anyo sa mga alagad? (b) Papaano natin nalaman na si Jesus ay hindi isang alamat?
27 Ang nasaksihan at narinig na patotoong ito mula sa Diyos ay lubhang nagpatibay sa pananampalataya ni Pedro, kaya nang maglaon ay sumulat siya: “Hindi nga sa pamamagitan ng mga kathang mainam ang pagkakalikha [Griyego: myʹthois, mga alamat] na aming ipinakilala sa inyo ang kapangyarihan at pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kundi sa pagiging mga saksing nakakita ng kaniyang karangalan. Sapagkat mula sa Diyos na Ama ay tinanggap niya ang karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kaniya ang mga salitang ito mula sa marangal na kaluwalhatian: ‘Ito ang aking anak, ang sinisinta, na siyang kinalulugdan ko.’ Oo, narinig namin ang mga salitang ito mula sa langit nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.” (2 Pedro 1:16-18) Ang mga Judiong alagad na sina Pedro, Santiago, at Juan ay mismong nakasaksi sa himala ng pagbabagong-anyo ni Jesus at narinig ang tinig ng pagsang-ayon ng Diyos mula sa langit. Ang pananampalataya nila ay salig sa isang katotohanan na kanilang nakita at narinig, hindi sa mitolohiya o “mga alamat-Judio.” (Tingnan ang kahon, pahina 237.)—Mateo 17:9; Tito 1:13, 14.f
Kamatayan ni Jesus at Isa Pang Himala
28. Noong 33 C.E., papaano pinagbintangan si Jesus?
28 Noong 33 C.E., si Jesus ay dinakip at nilitis ng mga pinunong relihiyosong Judio, at pinagbintangan ng pamumusong sa pagsasabing siya’y Anak ng Diyos. (Mateo 26:3, 4, 59-67) Yamang sa malas ay minabuti ng mga Judio na ang sekular na autoridad ng Roma ang pumatay sa kaniya, ipinadala siya kay Pilato at doo’y muli siyang pinagbintangan, ngayon naman ay dahil sa pagbabawal na magbayad ng buwis kay Cesar at pagsasabing siya mismo ay hari.—Marcos 12:14-17; Lucas 23:1-11; Juan 18:28-31.
29. Papaano namatay si Jesus?
29 Matapos na si Jesus ay pagpasapasahan ng iba’t-ibang pinuno, ang Romanong gobernador na si Poncio Pilato, sa pagpupumilit ng mga mang-uumog na panatiko sa relihiyon, ay umiwas sa karagdagang alitan at hinatulan si Jesus ng kamatayan. Kaya si Jesus ay dumanas ng kahiyahiyang kamatayan sa tulos, at ang kaniyang bangkay ay inilagay sa isang puntod. Ngunit sa loob ng tatlong araw ay naganap ang isang pangyayari na bumago sa nalulumbay na mga alagad ni Jesus upang maging maliligayang mananampalataya at masisigasig na ebanghelisador.—Juan 19:16-22; Galacia 3:13.
30. Anong mga hakbang ang ginawa ng mga pinuno ng relihiyon upang mahadlangan ang isang panlilinlang?
30 Sa pangambang malinlang ng mga alagad ni Jesus, ang mga pinuno ng relihiyon ay lumapit kay Pilato at nakiusap: “‘Ginoo, naalaala namin na sinabi ng mapagpanggap na ito nang nabubuhay pa, “Pagkaraan ng tatlong araw ay babangon akong muli.” Kaya ipag-utos ninyo na ang libingan ay bantayan hanggang sa ikatlong araw, upang huwag makalapit ang mga alagad at siya’y nakawin at sabihin sa bayan, “Ibinangon siya mula sa mga patay!” at ang huling panlilinlang na ito ay maging mas masahol pa sa una.’ Sinabi ni Pilato: ‘May bantay kayo. Bantayan ninyo ito ayon sa kaya ninyo.’ Kaya nagsiparoon sila at iningatan ang puntod sa pamamagitan ng mahigpit na pagsasara ng bato at paglalagay ng bantay.” (Mateo 27:62-66) Talaga bang naingatan nila yaon?
31. Ano ang nangyari nang pumaroon ang mga tapat na babae sa puntod ni Jesus?
31 Sa ikatlong araw pagkamatay ni Jesus, tatlong babae ang pumunta sa puntod upang pahiran ng mabangong langis ang bangkay. Ano ang nakita nila? “Maaga pa sa unang araw ng sanlinggo nang dumating sila sa alaalang libingan, sa pagsikat ng araw. At sila ay nagtanungan: ‘Sino ang magpapagulong ng bato sa pintuan ng alaalang libingan?’ Subalit nang tumingin sila, nakita nila na ang bato ay napagulong na, bagaman ito ay napakalaki. Nang pumasok sila ay nakita nila ang isang binata na nakadamit ng puti at nakaupo sa gawing kanan, at sila’y nabigla. Sinabi nito: ‘Huwag kayong mabigla. Hinahanap ninyo si Jesus na Nazareno, na ipinako. Siya’y ibinangon, wala siya rito. Tingnan ninyo! Ang pinaglagyan sa kaniya. Subalit magsiyaon kayo, sabihin sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, “Mauuna siya sa inyo sa Galilea; doo’y makikita ninyo siya, gaya ng sinabi niya sa inyo.”’” (Marcos 16:1-7; Lucas 24:1-12) Sa kabila ng pantanging bantay mula sa mga pinuno ng relihiyon, si Jesus ay binuhay-muli ng kaniyang Ama. Ito ba’y alamat o makasaysayang pangyayari?
32. Ano ang matitibay na dahilan ng paniwala ni Pablo sa pagkabuhay-na-muli ni Jesus?
32 Mga 22 taon pagkaraan nito, si Pablo, dating mang-uusig ng mga Kristiyano, ay sumulat at nagpaliwanag kung bakit siya naniwala na si Kristo ay binuhay-muli: “Sapagkat ibinibigay ko sa inyo ang unang mga bagay na aking tinanggap, na si Kristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan ayon sa mga Kasulatan; at na siya’y inilibing, oo, at siya’y ibinangon sa ikatlong araw ayon sa mga Kasulatan; at na siya’y nagpakita kay Cefas, at saka sa labindalawa. Pagkatapos nito nagpakita rin siya nang minsanan sa mahigit na limandaang kapatid, na ang karamihan ay nabubuhay pa hanggang ngayon, subalit ang ilan ay nangatutulog na sa kamatayan. Pagkaraan nito nagpakita siya kay Santiago, at saka sa lahat ng mga apostol.” (1 Corinto 15:3-7) Oo, si Pablo ay may makatotohanang saligan sa pagsasapanganib ng kaniyang buhay alang-alang sa binuhay-muling si Jesus, at kalakip nito ang patotoo ng 500 na mga mismong nakasaksi! (Roma 1:1-4) Alam ni Pablo na si Jesus ay muling binuhay, at siya’y may mas mabisang patotoo, gaya ng ipinaliwanag pa niya: “At sa kahulihulihan ay nagpakita rin siya sa akin na gaya ng ipinanganak sa di-kapanahunan.”—1 Corinto 15:8, 9; Gawa 9:1-19.
33. Bakit handa ang sinaunang mga Kristiyano na maging martir ukol sa pananampalataya?
33 Ang mga unang Kristiyano ay handang mamatay bilang martir sa mga palaruang Romano. Bakit? Sapagkat alam nila na ang kanilang pananampalataya ay salig sa makasaysayang mga katotohanan, hindi sa mitolohiya. Totoong si Jesus ang Kristo, o Mesiyas, na ipinangako sa hula at isinugo ng Diyos sa lupa, tumanggap ng pagsang-ayon ng Diyos, namatay sa tulos bilang tapat na Anak ng Diyos, at na binuhay muli mula sa mga patay.—1 Pedro 1:3, 4.
34. Ayon kay apostol Pablo, bakit napakahalaga sa pananampalatayang Kristiyano ang pagkabuhay-na-muli ni Jesus?
34 Iminumungkahi namin sa inyo na basahin ang kabuoan ng kabanatang 15 ng unang liham ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto 1Cor 15 upang maunawaan kung ano ang paniwala niya sa pagkabuhay-na-muli at kung bakit mahalaga ito sa pananampalatayang Kristiyano. Ang buod ng kaniyang mensahe ay ipinapahayag sa mga salitang ito: “Datapwat si Kristo nga’y muling binuhay mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong nangatutulog sa kamatayan. Sapagkat kung papaanong ang kamatayan ay sa pamamagitan ng isang tao [si Adan], ang pagkabuhay-na-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao. Sapagkat kung papaanong kay Adan ang lahat ay namamatay, kaya naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.”—1 Corinto 15:20-22.
35. Anong mga pagpapala ang ipinapangako ng Diyos para sa lupa at sa tao? (Isaias 65:17-25)
35 Kaya ang pagkabuhay-na-muli ni Kristo ay magdudulot ng pangwakas na pakinabang sa buong sangkatauhan.g Binuksan din nito ang daan upang matupad pa ni Jesus ang lahat ng Mesiyanikong hula. Ang matuwid niyang pamamahala mula sa di-nakikitang mga langit ay malapit nang paabutin sa nilinis na lupa. Iiral na ang inilalarawan ng Bibliya na “bagong langit at bagong lupa” na doo’y “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati ni ng panambitan ni ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:1-4.
Inasahan ang Apostasya at Pag-uusig
36. Ano ang naganap noong Pentecostes 33 C.E., at ano ang resulta?
36 Hindi nagtagal makaraang si Jesus ay mamatay at buhaying-muli, isa pang himala ang naganap na nagbigay lakas at buwelo sa pangangaral ng mga unang Kristiyano. Noong Pentekostes ng 33 C.E., ibinuhos ng Diyos mula sa langit ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, sa 120 Kristiyano na nagkakatipon sa Jerusalem. Ang resulta? “At ang mga dilang tulad sa apoy ay napakita sa kanila at naipamahagi, at dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay nalipos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita sa iba’t-ibang wika, ayon sa ipinagkaloob ng espiritu na kanilang salitain.” (Gawa 2:3, 4) Nabigla ang mga dayuhang Judio na nasa Jerusalem noon nang marinig ang mga walang pinag-aralang taga-Galilea na nagsasalita sa mga wikang banyaga. Dahil dito ay marami ang sumampalataya. Ang mensaheng Kristiyano ay lumaganap na parang apoy nang ang mga bagong mananampalatayang Judio ay magsibalik sa kanikanilang sariling bayan.—Gawa 2:5-21.
37. Ano ang naging reaksiyon ng mga pinunong Romano sa bagong relihiyong Kristiyano?
37 Subalit may namumuong unos. Nag-alala ang mga Romano sa bago at wari’y ateyistikong relihiyon na walang mga idolo. Pasimula kay Emperador Nero, mahigpit nilang pinag-usig ang mga Kristiyano noong unang tatlong siglo ng Kasalukuyang Panahon.h Maraming Kristiyano ang hinatulan ng kamatayan sa mga coliseum, upang aliwin ang sadistang mga emperador at mga pulutong na uhaw sa dugo na mahilig manood ng mga bilanggong inihahagis sa mababangis na hayop.
38. Anong kalagayan ang inihulang gagambala sa sinaunang kongregasyong Kristiyano?
38 Isa pang nakababahalang salik nang mga unang araw na yaon ay ang isang bagay na inihula ng mga apostol. Halimbawa, sinabi ni Pedro: “Datapwat, nagkaroon din ng mga bulaang propeta sa gitna ninyo, gaya ng may mga bulaang guro sa gitna ninyo. Ang mga ito rin ay lihim na magpapasok ng nagpapahamak na mga sekta at itatatwa maging ang may-ari na bumili sa kanila, na magdudulot ng kagyat na kapahamakan sa kanilang sarili.” (2 Pedro 2:1-3) Apostasya! Yaon ang pagkahulog mula sa tunay na pagsamba, pakikipagkompromiso sa relihiyosong hilig ng daigdig Romano na babad-na-babad sa pilosopiya at kaisipang Griyego. Papaano nangyari ito? Ang susunod na kabanata ay sasagot sa tanong na ito at sa iba pang katulad nito.—Gawa 20:30; 2 Timoteo 2:16-18; 2 Tesalonica 2:3.
[Mga talababa]
a Sa katagang “Sangkakristiyanuhan” ay tinutukoy namin ang nasasakupan ng naghihidwaang mga sekta na pinangingibabawan ng mga relihiyon na nag-aangking Kristiyano. Ang “Kristiyanismo” ay ang orihinal na anyo ng pagsamba at paglapit sa Diyos na itinuro ni Jesu-Kristo.
b Tingnan din ang Insight on the Scriptures, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1988, Tomo 2, pahina 385-9, sa ilalim ng “Messiah.”
c Ang turo ng Bibliya hinggil sa pantubos at sa halaga nito ay liliwanagin sa Kabanata 15.
d Ang mga salitang “kaluluwang hindi namamatay” ay hindi kailanman lumilitaw sa Bibliya. Ang salitang Griyego na isinaling “walang kamatayan” at “kawalang-kamatayan” ay tatlong beses lamang lumilitaw at tumutukoy sa bagong katawang espiritu na ibinibihis o nakakamit, hindi isang bagay na likas. Kumakapit ito kay Kristo at sa pinahirang mga Kristiyano, na maghaharing kasama niya sa makalangit na Kaharian.—1 Corinto 15:53, 54; 1 Timoteo 6:16; Roma 8:17; Efeso 3:6; Apocalipsis 7:4; 14:1-5.
e Para sa higit na detalyadong pagtalakay sa pamamahala ng Kaharian, tingnan ang Kabatana 15.
f Ang “Moises” at “Elias” sa pangitain ay sumasagisag sa Kautusan at mga Propeta na nangatupad kay Jesus. Para sa mas detalyadong paliwanag sa pagbabagong-anyo, tingnan ang Insight on the Scriptures, 1988, Tomo 2, pahina 1120-1.
g Para sa detalyadong pagtalakay sa pagkabuhay-na-muli ni Jesus, tingnan ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1989, pahina 78-86.
h Ayon kay Suetonio, Romanong manunulat ng talambuhay (c. 69-140 C.E.), noong naghahari si Nero, “ay pinarusahan . . . ang mga Kristiyano, isang sekta na nagpapahayag ng bago at nakakainis na relihiyon.”
[Kahon/Larawan sa pahina 237]
Si Jesus Ba’y Isang Alamat?
“Ang talambuhay ba ng tagapagtatag ng Kristiyanismo ay bunga ng dalamhati, guni-guni, at pag-asa ng tao—isang alamat na maihahambing kina Krishna, Osiris, Attis, Adonis, Dionisio, at Mithra?” tanong ng mananalaysay na si Will Durant. Sumasagot siya na noong unang siglo, ang pag-iral ni Kristo ay “hindi kailanman itinatwa maging ng pinakamahihigpit na kaaway ng bagong kasisilang na Kristiyanismo, gentil man o Judio.”—The Story of Civilization: Part III—Caesar and Christ.
Hinggil kay emperador Claudio ay sinabi ng Romanong mananalaysay na si Suetonio (c. 69-140 C.E.), sa kaniyang kasaysayan na The Twelve Caesars: “Palibhasa ang mga Judio sa Roma ay patuloy na nanliligalig bunga ng pambubuyo ni Chrestus [Kristo], kaya sila ay itinaboy niya mula sa lunsod.” Naganap ito noong 52 C.E. (Ihambing ang Gawa 18:1, 2.) Pansinin na si Suetonio ay hindi nagpapahayag ng pag-aalinlangan sa pag-iral ni Kristo. Salig sa katotohanang ito at sa kabila ng pag-uusig na nagsasapanganib ng buhay, ang mga unang Kristiyano ay abalang-abala sa paghahayag ng kanilang pananampalataya. Hindi nila isasapanganib ang kanilang buhay dahil lamang sa isang alamat. Ang kamatayan at pagkabuhay-na-muli ni Jesus ay naganap noong sila’y nabubuhay, at ang ilan sa kanila ay mga saksing nakakita sa mga pangyayari.
Ganito ang naging konklusyon ng mananalaysay na si Durant: “Na ang iilang karaniwang tao sa loob ng isang salinlahi ay makaiimbento ng gayon kapuwersa at kaakit-akit na personalidad, ng gayon katayog na etika at gayong nakapagpapasiglang pangitain ng pagkakapatiran ng tao, ay mas mahirap paniwalaan kaysa alinmang himala na iniuulat sa mga Ebanghelyo.”
[Larawan]
Si Jesus ay nangaral at naghimala sa dakong ito ng Galilea sa sinaunang Palestina
[Kahon/Larawan sa pahina 241]
Sino ang Sumulat ng Bibliya?
Ang Bibliyang Kristiyano ay binubuo ng 39 na aklat ng mga Hebreong Kasulatan (tingnan ang kahon, pahina 220), tinatawag ng marami na Matandang Tipan, at ng 27 aklat ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan, malimit tawaging Bagong Tipan.i Kaya, ang Bibliya ay isang maliit na aklatan ng 66 na aklat na isinulat ng humigit-kumulang 40 tao sa lawig na 1,600 taon ng kasaysayan (mula 1513 B.C.E. hanggang 98 C.E.).
Nasa mga Griyegong Kasulatan ang apat na Ebanghelyo, o ulat ng buhay ni Jesus at ng mabuting balita na kaniyang ipinangaral. Dalawa rito ay isinulat ng matatalik na alagad ni Kristo, si Mateo, maniningil ng buwis, at si Juan, isang mangingisda. Ang dalawa pa ay isinulat ng unang siglong mga mananampalataya, si Marcos at si Lucas na manggagamot. (Colosas 4:14) Ang mga Ebanghelyo ay sinusundan ng Mga Gawa ng mga Apostol, isang ulat ng unang pagmimisyonerong Kristiyano na tinipon ni Lucas. Pagkatapos ay ang 14 na liham ni apostol Pablo sa iba’t-ibang indibiduwal na Kristiyano at kongregasyon, at sinusundan ng mga liham nina Santiago, Pedro, Juan, at Judas. Ang huling aklat ay ang Apocalipsis, na isinulat ni Juan.
Na ang ganitong nagkakasuwatong aklat ay naisulat ng napakaraming tao mula sa iba’t-ibang kapaligiran at magkakaibang panahon ay matibay na patotoo na ang Bibliya ay hindi likha ng talino ng tao kundi ito ay kinasihan ng Diyos. Ang Bibliya mismo ay nagsasabi: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos [sa literal ay, “hiningahan ng Diyos”] at kapakipakinabang sa pagtuturo.” Kaya, ang mga Kasulatan ay naisulat sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, o mabisang kapangyarihan ng Diyos.—2 Timoteo 3:16, 17, Int.
[Larawan]
Ang di-kumpletong Romanong inskripsiyong ito na may pangalan ni Poncio Pilato sa Latin (pangalawang linya, “IVS PILATVS”) ay nagpapatunay na siya ay isang impluwensiyal na tauhan sa Palestina, gaya ng sabi ng Bibliya
[Mga talababa]
i Ang Bibliyang Katoliko ay may mga karagdagang aklat na bumubuo ng Apokripa, na hindi itinuturing ng mga Judio at Protestante na kanonikal
[Kahon sa pahina 245]
Ang Mesiyas sa Hula ng Bibliya
Hula Pangyayari Katuparan
Gen. 49:10 Isinilang sa tribo ni Juda Mat. 1:2-16; Luc. 3:23-33
Awit 132:11; Isa. 9:7 Mula sa angkan ni David anak ni Jesse Mat. 1:1, 6-16; 9:27; Gawa 13:22, 23
Mik. 5:2 Isinilang sa Betlehem Luc. 2:4-11; Juan 7:42
Isa. 7:14 Isinilang ng birhen Mat. 1:18-23; Luc. 1:30-35
Os. 11:1 Tinawag mula sa Ehipto Mat. 2:15
Isa. 61:1, 2 Inatasan Luc. 4:18-21
Isa. 53:4 Tinaglay ang ating mga karamdaman Mat. 8:16, 17
Awit 69:9 Masigasig ukol sa bahay ni Jehova Mat. 21:12, 13; Juan 2:13-17
Isa. 53:1 Hindi sinampalatayanan Juan 12:37, 38; Rom. 10:11, 16
Zac. 9:9; Awit 118:26 Itinanghal na hari at bilang isa na darating sa pangalan ni Jehova Mat. 21:1-9; Mar. 11:7-11
Isa. 28:16; Awit 118:22, 23 Tinanggihan ngunit naging pangulong batong panulok Mat. 21:42, 45, 46; Gawa 3:14; 4:11; 1 Ped. 2:7
Awit 41:9; 109:8 Ipinagkanulo ng isang apostol Mat. 26:47-50; Juan 13:18, 26-30
Zac. 11:12 Ipinagkanulo kapalit ng 30 pirasong pilak Mat. 26:15; 27:3-10; Mar. 14:10, 11
Isa. 53:8 Nilitis at hinatulan Mat. 26:57-68; 27:1, 2, 11-26
Isa. 53:7 Walang-kibo sa harap ng mga tagapagparatang Mat. 27:12-14; Mar. 14:61; 15:4, 5
Awit 69:4 Kinapootan nang walang dahilan Luc. 23:13-25; Juan 15:24, 25
Isa. 50:6; Mik. 5:1 Hinampas, dinuraan Mat. 26:67; 27:26, 30; Juan 19:3
Awit 22:18 Nagsapalaran para sa kaniyang damit Mat. 27:35; Juan 19:23, 24
Isa. 53:12 Ibinilang sa mga makasalanan Mat. 26:55, 56; 27:38; Luc. 22:37
Awit 69:21 Pinainom ng suka at apdo Mat. 27:34, 48; Mar. 15:23, 36
Awit 22:1 Pinabayaan ng Diyos Mat. 27:46; Mar. 15:34
Awit 34:20; Exo. 12:46 Walang nabaling buto Juan 19:33, 36
Isa. 53:5; Zac. 12:10 Sinibat Mat. 27:49; Juan 19:34, 37; Apoc. 1:7
Isa. 53:5, 8, 11, 12 Namatay bilang hain upang dalhin ang lahat ng kasalanan Mat. 20:28; Juan 1:29; Roma 3:24; 4:25
Isa. 53:9 Inilibing na kasama ng mayayaman Mat. 27:57-60; Juan 19:38-42
Jonas 1:17; 2:10 Nasa libingan sa loob ng tatlong araw, saka binuhay-na-muli Mat. 12:39, 40; 16:21; 17:23; 27:64
[Kahon/Larawan sa pahina 258, 259]
Si Jesus at ang Pangalan ng Diyos
Nang tinuturuan ang kaniyang mga alagad na manalangin, ay sinabi ni Jesus: “Dapat nga kayong manalangin nang ganito: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung papaano sa langit, gayon din sa lupa.’”—Mateo 6:9, 10.
Batid ni Jesus ang mahalagang kahulugan ng pangalan ng kaniyang Ama at idiniin niya ito. Kaya, sa kaniyang relihiyosong mga kaaway, ay sinabi niya: “Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, ngunit hindi ninyo ako tinanggap; kung may ibang paparito sa kaniyang sariling pangalan, ay tatanggapin ninyo ang isang yaon. . . . Sinabi ko sa inyo, gayunma’y ayaw ninyong sumampalataya. Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama, ito ang nagpapatotoo tungkol sa akin.”—Juan 5:43; 10:25; Marcos 12:29, 30.
Nang nananalangin sa kaniyang Ama, ay sinabi ni Jesus: “‘Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.’ Kaya dumating ang isang tinig mula sa langit: ‘Niluwalhati ko na at muli kong luluwalhatiin.’”
Sa isa pang okasyon, ay nanalangin si Jesus: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at muling ipakikilala, upang ang pag-ibig na sa akin ay inibig mo ay mapasa kanila at ako’y maging kaisa nila.”—Juan 12:28; 17:6, 26.
Bilang Judio, kailangan ni Jesus na maging bihasa sa pangalan ng kaniyang Ama, si Jehova, o Yahweh, sapagkat alam niya ang kasulatan na nagsasabi: “‘Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘at lingkod na aking pinili, upang kayo’y kumilala at sumampalataya sa akin, at upang inyong maunawaan na Ako nga. Bago sa akin ay walang Diyos na inanyuan, ni magkakaroon man pagkatapos ko. . . . Kaya kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘at ako ang Diyos.’”—Isaias 43:10, 12.
Kaya, bilang isang bansa ang mga Judio ay pinili upang maging mga saksi ni Jehova. Bilang Judio, si Jesus ay isa ring saksi ni Jehova.—Apocalipsis 3:14.
Maliwanag na noong unang siglo, karamihan ng Judio ay hindi na bumibigkas ng inihayag na pangalan ng Diyos. Gayunman, may mga manuskrito na nagpapatotoo na ang unang mga Kristiyano na gumagamit ng Septuagint na Griyegong salin ng mga Hebreong Kasulatan ay nakabasa ng Hebreong Tetragramaton na ginagamit sa tekstong Griyego. Sinabi ni George Howard, propesor ng relihiyon at ng Hebreo: “Kapag ang Septuagint na ginagamit at sinisipi ng iglesiya ng Bagong Tipan ay naglalaman ng Hebreong anyo ng banal na pangalan, walang alinlangan na inilakip ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang Tetragramaton sa kanilang mga pagsipi. Ngunit nang ang Hebreong anyo ng banal na pangalan ay alisin [nang maglaon] at palitan ng mga panghaliling Griyego sa Septuagint, ito rin ay inalis sa mga pagsipi ng Septuagint sa Bagong tipan.”
Kaya, ikinakatuwiran ni Propesor Howard na tiyak na naunawaan ng unang siglong mga Kristiyano ang mga tekstong gaya ng Mateo 22:44, na doo’y sinipi ni Jesus ang Hebreong Kasulatan sa kaniyang mga kaaway. Sinasabi ni Howard: “Malamang na ang unang siglong simbahan ay bumasa nang, ‘Sinabi ni YHWH sa aking Panginoon’” sa halip na ng huling bersiyon na, “‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,’ . . . na bukod sa malabo na ay hindi pa wasto.”—Awit 110:1.
Na ginamit ni Jesus ang banal na pangalan ay pinatutunayan ng paratang ng mga Judio maraming dantaon pagkaraan ng kaniyang kamatayan na kaya siya nakagawa ng mga himala ay “sapagkat nagpakadalubhasa siya sa ‘lihim’ na pangalan ng Diyos.”—The Book of Jewish Knowledge.
Tiyak na alam ni Jesus ang pantanging pangalan ng Diyos. Sa kabila ng tradisyong Judio noon, tiyak na ginamit ni Jesus ang pangalan. Hindi siya pumayag na ang tradisyon ng tao ay mangibabaw sa batas ng Diyos.—Marcos 7:9-13; Juan 1:1-3, 18; Colosas 1:15, 16.
[Larawan]
Bahagi ng papiro (unang siglo B.C.E.) na nagpapakita ng Hebreong pangalan ng Diyos sa teksto ng Griyegong Septuagint
[Mga larawan sa pahina 238]
Gumamit si Jesus ng maraming ilustrasyon sa pagtuturo—paghahasik ng binhi, pag-aani, pangingisda, pagkatuklas ng perlas, magkahalong kawan, at isang ubasan, bukod pa sa iba (Mateo 13:3-47; 25:32)
[Larawan sa pahina 243]
Sa kapangyarihan ng Diyos, nakagawa si Jesus ng maraming himala, pati na ang pagpapahinto ng bagyo
[Larawan sa pahina 246]
Ang Tetragramaton, o apat na katinig na YHWH (Jehova)
[Larawan sa pahina 251]
Ang ulat ng pagbuhay-na-muli kay Lazaro ay hindi bumabanggit ni nagmumungkahi na siya ay may kaluluwang di-namamatay
[Larawan sa pahina 253]
Alam nina Pedro, Santiago, at Juan na ang pagsang-ayon ng Diyos kay Jesus ay hindi alamat—narinig at nakita nila ito sa pagbabagong-anyo