Ayon kay Mateo
8 Pagbaba niya sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. 2 At isang lalaking ketongin ang lumapit at lumuhod sa harap niya at nagsabi: “Panginoon, kung gugustuhin mo lang, mapagagaling* mo ako.”+ 3 Kaya hinipo niya ang lalaki at sinabi: “Gusto ko! Gumaling ka.”+ Nawala agad ang ketong nito.+ 4 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Huwag mo itong sasabihin kahit kanino,+ pero humarap ka sa saserdote+ at maghandog ka ng hain na itinakda ni Moises,+ para makita nila* na gumaling ka na.”+
5 Pagpasok niya sa Capernaum, isang opisyal ng hukbo ang lumapit sa kaniya at nakiusap:+ 6 “Ginoo, nakaratay sa bahay ang lingkod ko. Paralisado siya at hirap na hirap.” 7 Sinabi niya sa lalaki: “Pagdating ko roon, pagagalingin ko siya.” 8 Sumagot ang opisyal ng hukbo: “Ginoo, hindi ako karapat-dapat na puntahan mo sa bahay, pero sabihin mo lang na gumaling siya at gagaling ang lingkod ko. 9 Dahil ako rin ay nasa ilalim ng awtoridad ng iba, at may hawak din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ nagpupunta siya, at sa isa pa, ‘Halika!’ lumalapit siya, at sa alipin ko, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.” 10 Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya at sinabi sa mga sumusunod sa kaniya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong nakita sa Israel na may ganito kalaking pananampalataya.+ 11 Pero tinitiyak ko sa inyo na marami mula sa silangan at kanluran ang darating at uupo sa mesa kasama nina Abraham at Isaac at Jacob sa Kaharian ng langit,+ 12 samantalang ang mga anak ng Kaharian ay itatapon sa kadiliman sa labas. Iiyak sila roon at magngangalit ang mga ngipin nila.”+ 13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa opisyal ng hukbo: “Umuwi ka na. Dahil nagpakita ka ng pananampalataya, mangyari nawa ang hinihiling mo.”+ At ang lingkod ay gumaling nang oras na iyon.+
14 Pagdating ni Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenan nitong babae+ na nakahiga at nilalagnat.+ 15 Kaya hinipo niya ang kamay ng babae,+ at nawala ang lagnat nito, at bumangon ito at inasikaso siya. 16 Pero nang gumabi na, maraming tao na sinasaniban ng demonyo ang dinala sa kaniya; at pinalayas niya ang mga espiritu sa isang simpleng utos, at pinagaling niya ang lahat ng may sakit, 17 para matupad ang sinabi ng propetang si Isaias: “Siya mismo ang nag-alis ng aming mga sakit at nagdala ng aming mga karamdaman.”+
18 Nang makita ni Jesus ang mga tao sa palibot niya, inutusan niya ang mga alagad na sumama sa kaniya sa kabilang ibayo.+ 19 At may isang eskriba na lumapit at nagsabi sa kaniya: “Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.”+ 20 Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang mga asong-gubat* ay may lungga at ang mga ibon sa langit ay may pugad, pero ang Anak ng tao ay walang sariling bahay na matulugan.”*+ 21 Pagkatapos, isa sa mga alagad ang nagsabi sa kaniya: “Panginoon, puwede bang umuwi muna ako at ilibing ang aking ama?”+ 22 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Patuloy mo akong sundan, at hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay.”+
23 At nang sumakay siya sa isang bangka, sinundan siya ng mga alagad niya.+ 24 Pagkatapos, biglang nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at natatabunan na ng mga alon ang bangka; pero natutulog siya.+ 25 At lumapit sila at ginising siya at sinabi: “Panginoon, iligtas mo kami, mamamatay na kami!” 26 Pero sinabi niya sa kanila: “Bakit takot na takot kayo?* Bakit ang liit ng pananampalataya ninyo?”+ Pagkatapos, bumangon siya at sinaway ang hangin at ang lawa, at biglang naging kalmado ang paligid.+ 27 Kaya namangha ang mga alagad at nagsabi: “Sino ba talaga ang taong ito? Kahit ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kaniya.”
28 Nang makarating siya sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno, dalawang lalaking sinasaniban ng demonyo ang sumalubong sa kaniya. Galing sila sa mga libingan,+ at napakabangis nila kaya walang naglalakas-loob na dumaan doon. 29 At sumigaw sila: “Bakit nandito ka, Anak ng Diyos?+ Pumunta ka ba rito para parusahan kami+ bago ang takdang panahon?”+ 30 Sa may kalayuan, isang malaking kawan ng mga baboy ang nanginginain.+ 31 Kaya nagmakaawa sa kaniya ang mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, papuntahin mo kami sa kawan ng mga baboy.”+ 32 Sinabi niya sa kanila: “Sige, umalis kayo!” Kaya lumabas sila at pumasok sa mga baboy; at ang buong kawan ay nagtakbuhan sa bangin, nahulog sa lawa, at nalunod. 33 Ang mga tagapag-alaga naman ng baboy ay nagtakbuhan papunta sa lunsod at ipinamalita ang lahat ng nangyari, pati ang tungkol sa mga lalaking sinasaniban ng demonyo. 34 At ang mga tao sa lunsod ay nagpunta kay Jesus, at pagkakita sa kaniya, pinakiusapan nila siyang umalis sa kanilang lupain.+