UPA, KABAYARAN
[sa Ingles, hire, wages].
Karaniwan na, ito ang suweldong ibinibigay sa mga trabahador para sa kanilang paggawa o mga serbisyo. (Lev 19:13) Ang pandiwang “umupa” ay nangangahulugang bayaran ang pagtatrabaho ng isang tao (Mat 20:1) o ang karapatang gumamit ng isang bagay. (Exo 22:14, 15; Gaw 28:30) Ang “kabayaran” naman ay maaaring maging singkahulugan ng “gantimpala.” Halimbawa, ang kabayaran o gantimpala ni Haring Nabucodorosor (Nabucodonosor) para sa kaniyang paglilingkod bilang tagapuksa ni Jehova noong wasakin niya ang Tiro ay ang paglupig niya sa Ehipto at ang pagdambong niya sa lahat ng kayamanan nito. (Eze 29:18, 19; tingnan din ang Ru 2:12; Isa 61:8; 62:11.) Bilang katuparan ng Zacarias 11:12, tumanggap si Hudas Iscariote ng 30 pirasong pilak mula sa mga saserdote (kung siklo, $66 [U.S.]) bilang “kabayaran” sa pagkakanulo niya kay Jesu-Kristo. (Mat 26:14-16; 27:3-10; Gaw 1:18; tingnan ang SUHOL.) Gayundin, kung minsan ang “kabayaran” ay tumutukoy sa “kagantihan.” Kaya naman “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.”—Ro 6:23; tingnan din ang Aw 109:20; Isa 65:6, 7.
Binabayaran ang upa hindi lamang sa pamamagitan ng salapi o pilak (2Cr 24:11, 12; 25:6) kundi sa pamamagitan din ng mga alagang hayop, mga produktong agrikultural, at iba pa. Ang kabayaran ni Jacob para sa 14 na taóng pagtatrabaho ay ang kaniyang dalawang asawa, sina Lea at Raquel. Karagdagan pa, naglingkod siya nang anim na taon para sa ilang bahagi ng kawan ni Laban na kanilang napagkasunduan. (Gen 29:15, 18, 27; 31:41) Sa pagbibigay ni Lea kay Raquel ng mga mandragoras ng kaniyang anak, “inupahan” niya si Jacob upang sipingan siya nito, at dahil dito ay tinukoy niya ang batang isinilang niya bilang “kabayaran ng isang upahan.” (Gen 30:14-18) Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, maliwanag na ang karaniwang kabayaran, o kita, ng mga manggagawa sa agrikultura bawat araw ay isang denario (74 na sentimo [U.S.]).—Mat 20:2.
Kahilingan sa kautusan ng Diyos sa Israel na mabayaran ang mga upahang trabahador sa pagtatapos ng araw ng trabaho. (Lev 19:13; Deu 24:14, 15) Matindi ang paghatol ng Kasulatan sa mga nakikitungo nang di-tapat may kinalaman sa kabayaran ng mga upahang manggagawa.—Jer 22:13; Mal 3:5; San 5:4.
Kailangang maging maingat sa pagpili ng mga uupahan upang matiyak na sila’y may kakayahan. Kaya naman may kawikaan: “Gaya ng mamamana na umuulos ng lahat ng bagay ay gayon ang umuupa sa hangal o ang umuupa sa mga nagdaraan.”—Kaw 26:10.
Ayon sa simulaing: “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran,” ang pagkamapagpatuloy na ipinakikita at ang materyal na tulong na ibinibigay sa mga bukod-tanging nag-uukol ng kanilang sarili sa mga kapakanan ng dalisay na pagsamba ay maaaring tukuyin bilang kabayarang nauukol sa kanila. (Luc 10:7; 1Ti 5:17, 18) Ang mga ikapu ng mga Israelita ang nagsilbing kabayaran ng mga Levita para sa kanilang paglilingkod sa santuwaryo. (Bil 18:26, 30, 31) Sa kabilang dako, ang matuwid na katayuan sa Diyos, at ang buhay na walang hanggan, ay hindi ibinibigay bilang kabayaran sa mga naglilingkod sa Diyos, sapagkat ang mga iyon ay mga kaloob na bunga ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo sa dahilang nananampalataya ang Kaniyang mga alagad sa haing pantubos ni Kristo.—Ro 4:2-8; 6:23.
Noong mga araw ng propetang si Hagai, ang pagpapabaya sa santuwaryo ay humantong sa pagkakait ni Jehova ng kaniyang pagpapala anupat yaong mga nagpapaupa ay nagpapaupa kapalit ng “isang supot na may mga butas,” samakatuwid nga, ang upa na tinatanggap nila ay kakaunti at mabilis maubos. (Hag 1:3-6) Pagkatapos, may kinalaman sa mga araw bago ang pagsasauli ng templo, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Zacarias: “Sapagkat bago ang mga araw na iyon ay walang kabayaran para sa mga tao; at kung tungkol sa kabayaran sa mga alagang hayop, walang gayong bagay.”—Zac 8:9, 10; tingnan ang KALOOB, REGALO; KALOOB MULA SA DIYOS; UPAHANG TRABAHADOR.
Kabaligtaran ng salitang Hebreo na sa·kharʹ (kadalasa’y nangangahulugang upa sa diwa ng kabayarang ibinibigay para sa pagtatrabaho o mga serbisyo), ang salitang Hebreo na ʼeth·nanʹ, mula sa salitang-ugat na na·thanʹ (magbigay), ay pantanging ginagamit sa Kasulatan may kaugnayan sa upa na natatamo dahil sa pagpapatutot, literal man o makasagisag. Sa gayon, ang huling nabanggit ay itinuturing na isang kaloob sa halip na kabayarang kinita sa pamamagitan ng pagtatrabaho at karaniwan itong ginagamit sa masamang diwa. Ipinagbawal ng Kautusan ang pagdadala sa santuwaryo para sa isang panata ng alinman sa “upa sa isang patutot” o “bayad sa isang aso,” anupat malamang na ang huling nabanggit ay tumutukoy sa upa ng isang lalaking homoseksuwal. (Deu 23:18) Dahil dito, maliwanag na nang tukuyin na magiging banal kay Jehova ang upa ng Tiro sa pagpapatutot nito sa mga bansa, nangangahulugan iyon na pababanalin ng Kataas-taasan ang materyal na pakinabang ng Tiro mula sa mga iyon sa diwa na titiyakin niyang gagamitin iyon ayon sa kaniyang kalooban, anupat pangyayarihin niyang magdulot iyon ng kapakinabangan sa kaniyang mga lingkod. (Isa 23:17, 18; ihambing ang Ne 13:16.) Kapuwa nagkasala ng pagpapatutot sa ibang mga bansa ang Juda at ang Israel. (Eze 23:1-16; Os 9:1; Mik 1:6, 7) Ngunit espesipikong tinuligsa ng Diyos ang Jerusalem dahil sa isang bagay na di-pangkaraniwan may kinalaman dito. Di-tulad ng mga patutot na tumatanggap ng upa, ang Jerusalem pa ang nagbigay ng upa sa mga bansang pinaglingkuran niya bilang patutot.—Eze 16:26-34, 41.