Kapag Ginawa Na sa Lupa ang Kalooban ng Diyos
NANG turuan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalanging, “Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa,” nagsasalita siya bilang isa na nanirahan sa langit kasama ng Ama. (Mateo 6:10; Juan 1:18; 3:13; 8:42) Sa pag-iral ni Jesus bago naging tao, naranasan niya ang panahong lahat ng nangyayari sa langit at lupa ay kasuwato ng kalooban ng Diyos. Nakalulugod na mga panahon iyon ng paggawa at kasiyahan.—Kawikaan 8:27-31.
Unang nilalang ng Diyos ang espiritung mga nilalang, “mga anghel niya, makapangyarihan sa kalakasan, na tumutupad ng kaniyang salita.” Sila ang “mga lingkod niya, na gumagawa ng kaniyang kalooban” noon at ngayon. (Awit 103:20, 21) Bawat isa ba sa kanila ay may kani-kaniyang kalooban? Oo, at nang itatag ang lupa, “sumigaw sa pagpuri ang lahat ng mga anak [na ito] ng Diyos.” (Job 38:7) Masasalamin sa kanilang pagpuri ang personal na kaluguran sa niloob ng Diyos, at iniayon nila ang kanilang kalooban sa kaniyang layunin.
Matapos itatag ang lupa, inihanda ito ng Diyos para tirhan ng mga tao at sa wakas ay nilalang niya ang unang lalaki at babae. (Genesis, kabanata 1) Karapat-dapat din ba ito sa papuri? Ang kinasihang ulat ay nagsasabi: “Pagkatapos ay nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti,” oo, walang depekto at sakdal.—Genesis 1:31.
Ano ba ang kalooban ng Diyos para sa ating unang mga magulang at sa kanilang mga supling? Ayon sa Genesis 1:28, ito rin ay napakabuti: “Pinagpala sila ng Diyos at sinabi ng Diyos sa kanila: ‘Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.’ ” Upang maisakatuparan ang kahanga-hangang atas na iyon, ang ating orihinal na mga magulang ay kailangang patuloy na mabuhay—magpakailanman—at gayundin ang kanilang mga supling. Walang pahiwatig ng trahedya, kawalang-katarungan, dalamhati, o kamatayan.
Iyon ang panahon na ginagawa ang kalooban ng Diyos kapuwa sa langit at sa lupa. Ang mga nagsasagawa ng kaniyang kalooban ay nakasusumpong ng matinding kaluguran sa paggawa nito. Ano kaya ang naging problema?
Isang di-inaasahang hamon sa kalooban ng Diyos ang bumangon. Pero hindi naman masasabing wala na itong kalutasan. Gayunman, simula na ito ng isang mahabang panahon ng dalamhati at pighati na magiging dahilan ng malaking kalituhan tungkol sa kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan. Tayong lahat ay naging biktima nito. Ano ba ang hamong iyon?
Ang Kalooban ng Diyos Noong Panahon ng Rebelyon
Nakita ng isa sa espiritung “mga anak ng Diyos” ang posibilidad na mahadlangan ang kalooban ng Diyos para sa mga tao, sa layunin na magtamo ng pansariling pakinabang. Habang ito’y patuloy na pinag-iisipan ng espiritung nilalang na ito, lalo naman itong nagiging waring mas madaling gawin at nagiging mas kaakit-akit. (Santiago 1:14, 15) Maaaring ikinatuwiran niya na kung mapasusunod niya sa kaniya ang unang mag-asawa sa halip na sa Diyos, kung gayon ay mapipilitan ang Diyos na kunsintihin ang pagkakaroon ng isang karibal na soberanya. Baka inisip niya na hindi naman sila papatayin ng Diyos, yamang mangangahulugan iyon na nabigo ang layunin ng Diyos. Sa halip, babaguhin ng Diyos na Jehova ang kaniyang layunin at tatanggapin ang posisyon ng espiritung anak na ito na siya ngayong susundin ng Kaniyang mga taong nilalang. Angkop lamang na ang rebeldeng iyon ay tawaging Satanas, na nangangahulugang “Manlalaban.”—Job 1:6.
Kasuwato ng kaniyang hangarin, nilapitan ni Satanas ang babae. Inudyukan niya siya na ipagwalang-bahala ang kalooban ng Diyos at magkaroon ng sariling pamantayan, na sinasabi: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. . . . Kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 3:1-5) Para sa babae, ito’y waring isang paglaya, at tinanggap niya ito sa paniwalang mas mapapabuti ang buhay niya. Pagkaraan, hinikayat niyang makiisa sa kaniya ang asawa niya.—Genesis 3:6.
Hindi ito ang kalooban ng Diyos para sa kanilang dalawa. Iyon ay kalooban nila. At magbubunga ito ng kapahamakan. Sinabi na sa kanila ng Diyos na ang gayong landasin ay hahantong sa kanilang kamatayan. (Genesis 3:3) Hindi sila nilalang upang magtagumpay nang hiwalay sa Diyos. (Jeremias 10:23) Bukod diyan, sila’y magiging di-sakdal, at ang di-kasakdalan at kamatayan ay mapapasalin naman ngayon sa kanilang mga supling. (Roma 5:12) Hindi na mababawi ni Satanas ang mga epektong ito.
Ang mga pangyayari bang ito ay nagpabago magpakailanman sa layunin, o kalooban, ng Diyos para sa sangkatauhan at sa lupa? Hindi. (Isaias 55:9-11) Subalit nagbangon ito ng mga isyu na kailangang masagot: Ang sangkatauhan ba ay maaaring ‘maging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama,’ gaya ng sinabi ni Satanas? Samakatuwid nga, kung bibigyan tayo ng sapat na panahon, makapagpapasiya ba tayo sa ganang sarili natin kung ano ang tama at mali, makabubuti at makasasama, sa lahat ng pitak ng ating buhay? Karapat-dapat ba ang Diyos sa ganap na pagsunod, yamang ang paraan ng kaniyang pamamahala ang pinakamabuti? Nararapat bang lubusang sundin ang kaniyang kalooban? Paano mo sasagutin ang mga ito?
Iisang paraan lamang ang makalulutas sa mga isyung ito sa harap ng lahat ng matatalinong nilalang: Hayaang subukan ng mga humiwalay sa Diyos kung sila nga ay magtatagumpay. Hindi malulutas ang ibinangong mga isyu kung basta na lamang sila papatayin. Ang pagpapahintulot sa lahi ng tao na magpatuloy sa loob ng sapat na panahon ang lulutas sa mga bagay-bagay sapagkat magiging maliwanag ang mga resulta nito. Ipinahiwatig ng Diyos na sa ganitong paraan niya haharapin ang mga bagay-bagay nang sabihin niya sa babae na siya’y magkakaroon ng mga anak. Sa gayon ay magsisimula ang pamilya ng tao. Ito ang dahilan kung kaya tayo ay nabubuhay ngayon!—Genesis 3:16, 20.
Subalit hindi ito nangangahulugan na pahihintulutan ng Diyos ang mga tao at ang rebelyosong espiritung anak na gawin ang lahat ng gusto nila. Hindi binitiwan ng Diyos ang kaniyang soberanya, ni tinalikuran man niya ang kaniyang layunin. (Awit 83:18) Nilinaw niya ito nang ihula niya ang magaganap na pagdurog sa nagsulsol ng rebelyon at ang pag-aalis sa lahat ng masasamang epekto nito. (Genesis 3:15) Samakatuwid, simula pa noon ay may pangako na ng kaginhawahan para sa pamilya ng tao.
Samantala, inilayo na ng ating unang mga magulang ang kanilang sarili at ang kanilang magiging supling sa pamamahala ng Diyos. Upang mahadlangan ng Diyos ang lahat ng malulungkot na bunga ng kanilang desisyon, kakailanganin niyang igiit sa kanila ang kaniyang kalooban sa bawat pagkakataon. Para na rin itong hindi pagpapahintulot sa kanila na magsarili.
Mangyari pa, maaaring piliin ng mga indibiduwal ang pamamahala ng Diyos. Maaari nilang matutuhan ang kalooban ng Diyos para sa mga tao sa panahong ito at lubusang sundin ito hangga’t maaari. (Awit 143:10) Gayunpaman, hindi sila malilibre sa mga problema hangga’t hindi nalulutas ang isyu tungkol sa ganap na pagsasarili ng sangkatauhan.
Kitang-kita agad ang mga epekto ng sariling pagpapasiya. Pinatay ng panganay sa pamilya ng tao na si Cain ang kaniyang kapatid na si Abel dahil “ang kaniyang sariling mga gawa ay balakyot, ngunit yaong sa kapatid niya ay matuwid.” (1 Juan 3:12) Hindi ito kalooban ng Diyos, sapagkat binalaan na ng Diyos si Cain at pagkaraan ay pinarusahan siya. (Genesis 4:3-12) Pinili ni Cain ang pagkakaroon ng sariling pamantayan na inialok ni Satanas; sa gayon, siya ay “nagmula sa isa na balakyot.” Gayundin ang ginawa ng iba.
Pagkalipas ng mahigit na 1,500 taon na kasaysayan ng tao, “ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan.” (Genesis 6:11) Kinailangan ang matatag na pagkilos upang maingatan ang lupa mula sa pagkawasak. Kumilos ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapasapit ng isang pangglobong delubyo at pag-iingat sa tanging matuwid na pamilyang nabubuhay noon—si Noe, ang kaniyang asawa, ang kaniyang mga anak na lalaki, at ang kani-kanilang asawa. (Genesis 7:1) Tayong lahat ay mga inapo nila.
Sa buong kasaysayan ng tao mula noon, naglaan ang Diyos ng patnubay para sa mga taimtim na nagnanais malaman ang kalooban niya. Kinasihan niya ang tapat na mga lalaki upang iulat ang kaniyang mga pakikipagtalastasan sa sinumang umaasa sa kaniya ukol sa patnubay. Ang mga pakikipagtalastasang ito ay nakaulat sa Bibliya. (2 Timoteo 3:16) Maibigin niyang ipinahintulot na magkaroon ng kaugnayan sa kaniya ang tapat na mga tao, anupat nagiging mga kaibigan pa nga niya sila. (Isaias 41:8) At inilaan niya sa kanila ang lakas na kailangan nila upang mabata ang mahihirap na pagsubok na dinaranas ng sangkatauhan sa mga milenyong ito ng pagsasarili. (Awit 46:1; Filipos 4:13) Kaylaking pasasalamat natin sa lahat ng ito!
‘Gawin ang Iyong Kalooban’—Nang Lubusan
Ang nagawa na ng Diyos hanggang sa ngayon ay hindi pa siyang kalubusan ng kaniyang kalooban para sa sangkatauhan. Ang Kristiyanong apostol na si Pedro ay sumulat: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang simbolikong pangungusap na ito ay tumutukoy sa isang bagong gobyerno na mamamahala sa sangkatauhan at sa isang bagong lipunan ng tao sa ilalim ng pamahalaang iyan.
Sa maliwanag na pangungusap, sumulat si propeta Daniel: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Ang hulang ito ay patiunang bumabanggit hinggil sa katapusan ng kasalukuyang bigong sistema ng mga bagay at ng paghalili rito ng Kaharian, o pamahalaan, ng Diyos. Kaygandang balita nito! Ang mga labanan at kasakimang nagpapalaganap ng karahasan sa kasalukuyang sanlibutan at muling nagbabantang sumira sa lupa ay lilipas din balang-araw.
Kailan kaya mangyayari ang mga bagay na ito? Nagtanong ang mga alagad ni Jesus: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Bilang bahagi ng kaniyang sagot, sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:3, 14.
Alam na alam ng publiko na ang gawaing pangangaral na ito ay isinasagawa na sa buong daigdig. Malamang na nakita mo na ito sa inyong sariling pamayanan. Sa kaniyang aklat na These Also Believe, sumulat si Propesor Charles S. Braden: “Literal na nakubrehan ng mga Saksi ni Jehova ang lupa sa kanilang pagpapatotoo. . . . Walang isa mang relihiyosong grupo sa daigdig ang nagpakita ng higit na sigasig at pagtitiyaga sa pagsisikap na mapalaganap ang mabuting balita ng Kaharian kaysa sa mga Saksi ni Jehova.” Aktibong ipinahahayag ng mga Saksi ang mabuting balitang ito sa mahigit na 230 lupain at sa halos 400 wika. Ngayon pa lamang naisagawa ang inihulang gawaing ito sa ganitong pangglobong lawak. Isa ito sa maraming katibayan na malapit nang palitan ng Kahariang iyan ang mga pamahalaan ng tao.
Ang Kaharian na sinabi ni Jesus na ipangangaral ang siya ring itinuro niya sa atin na idalangin sa kaniyang modelong panalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Oo, ang Kahariang iyan ang instrumentong gagamitin ng Diyos upang isakatuparan ang kaniyang layunin, na siyang kalooban niya, para sa sangkatauhan at sa lupa.
Ano ang ibig sabihin niyan? Hayaan nating sumagot ang Apocalipsis 21:3, 4: “Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ ” Sa panahong iyon ay tunay ngang gagawin ang kalooban ng Diyos sa lupa at sa langit—nang lubusan.a Hindi mo ba nanaising maging bahagi nito?
[Talababa]
a Kung nais mong matuto pa nang higit tungkol sa Kaharian ng Diyos, pakisuyong makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa isa sa mga adres na nakatala sa pahina 2 ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 5]
Nagdulot ng trahedya ang paghiwalay sa kalooban ng Diyos