GALIT
Sa Bibliya, iba’t ibang salitang Hebreo at Griego ang ginagamit upang tumukoy sa galit. Ang pinakakaraniwang salitang Hebreo para sa galit ay ʼaph, na pangunahin nang nangangahulugang “ilong; butas ng ilong” ngunit kadalasang ginagamit sa makasagisag na paraan para sa “galit” dahil sa malakas na paghinga o pagsingasing ng isang taong nagngangalit. (Ihambing ang Aw 18:7, 8; Eze 38:18.) Kaugnay naman ng ʼaph ang ʼa·naphʹ, na nangangahulugang “magalit.” Sa Hebreong Kasulatan, ang galit ay madalas ding iniuugnay sa init at sa gayo’y sinasabing lumalagablab ito. May iba pang mga salitang Hebreo na isinasalin bilang “pagngangalit,” “poot,” at “pagkagalit.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan naman, ang or·geʹ ay karaniwang isinasalin bilang “poot,” samantalang ang thy·mosʹ ay kadalasang isinasalin bilang “galit.”
Ang Galit ng Diyos. Ang galit ay maaaring maging makatuwiran o di-makatuwiran. Laging makatuwiran ang galit ng Diyos, anupat nakasalig ito sa simulain na karapatan niyang tumanggap ng bukod-tanging debosyon at na palagi niyang itinataguyod ang katotohanan; inuugitan ito ng kaniyang pag-ibig sa katuwiran at sa mga nagsasagawa ng katuwiran. Ang galit ng Diyos ay hindi udyok lamang ng kapritso at pagkatapos ay pagsisisihan niya ito sa dakong huli. Nakikita ni Jehova ang lahat ng isyung nasasangkot sa isang situwasyon at alam niya ang lahat-lahat ng detalye tungkol sa bagay na iyon. (Heb 4:13) Nababasa niya ang puso, isinasaalang-alang niya ang antas ng kakulangan sa kaalaman, pagpapabaya, o pananadya, at kumikilos siya nang walang pagtatangi.—Deu 10:17, 18; 1Sa 16:7; Gaw 10:34, 35.
Mga simulaing kumokontrol sa poot ng Diyos. Ang galit ng Diyos ay laging kontrolado at kasuwato ng kaniyang mga katangiang pag-ibig, karunungan, at katarungan. Dahil sa kaniyang walang-kapantay na kapangyarihan, maaari niya itong ipamalas sa antas na nais niya. (1Ju 4:8; Job 12:13; 37:23) Ang galit ng Diyos ay laging may kabuluhan. Lubusan itong nakasalig sa sapat na dahilan at palagi itong may resulta. Mapaglulubag at mapatatahimik lamang ang kaniyang galit kung ikakapit ang kaniyang mga simulain. Halimbawa, kung sinadya ng isang tao sa Israel na paslangin ang kaniyang kapuwa, hindi siya maaaring tubusin. Malilinis lamang ang lupain at mapapawi ang pagkagalit ng Diyos dito kung ibububo ang dugo ng mamamaslang. (Bil 35:16-18, 30-33) Ngunit isang kaayusan ang ginawa salig sa mga hain at sa mga paglilingkod ng mataas na saserdote upang matugunan ang katarungan at mapahupa ang galit ng hinirang-ng-Diyos na tagapaghiganti ng dugo, na maaaring “nag-iinit” ang puso. Ito ay ang paglalaan ng mga kanlungang lunsod.—Deu 19:4-7.
Kailangang lubusang mailapat ang katarungan upang ang galit ni Jehova ay mapaglubag o mapahupa. Kinapopootan ng Diyos ang lahat ng kalikuan. Hindi niya kukunsintihin ang kalikuan ni paliligtasin man niya sa kaparusahan ang isa na nararapat tumanggap nito. (Exo 34:7; Hab 1:13) Gayunman, salig sa hain ni Jesu-Kristo, na pumasan sa mga kirot at kaparusahan na marapat lamang danasin ng sangkatauhan, ang galit ng Diyos ay maaaring mapaglubag at mapawi para roon sa mga nananampalataya. (Isa 53:5) Sa pamamagitan ng kaayusang ito, naipakikita ng Diyos na Jehova ang kaniyang sariling katuwiran, “upang siya ay maging matuwid kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong may pananampalataya kay Jesus.” (Ro 3:26) Sa ganitong paraan, lubusang natutugunan ang katarungan at mayroon ding saligan ang Diyos upang magpakita ng awa. Kung ang sinuman ay masuwayin, nananatili sa kaniya ang poot ng Diyos. (Ju 3:36) Ngunit kapag ang isang tao ay nananampalataya, inililigtas siya ng hain ni Jesu-Kristo mula sa poot ng Diyos.—1Te 1:10.
Mga paraan ng pagpapamalas ng galit at mga sanhi nito. Maaaring ipamalas ng Diyos ang kaniyang galit sa tuwiran o di-tuwirang paraan. Maaari niyang gamitin ang kaniyang mga batas na umuugit sa mga bagay sa kalikasan o ang ibang mga persona bilang mga instrumento sa pagpapamalas ng kaniyang galit. Yaong mga lumalabag sa kaniyang mga batas hinggil sa moral ay kinapopootan niya at tumatanggap sa kanilang sarili ng “lubos na kabayaran, na siyang nararapat sa kanilang kamalian.” Dumaranas sila ng di-sinang-ayunang kalagayan ng isip, kabulukan, mga sakit, hidwaan, at kamatayan. (Ro 1:18, 24, 27-32) Kapag nilabag ng isang tao ang mga batas ng lupain na kasuwato ng mga batas ng Diyos at pinarusahan siya ng awtoridad ng pamahalaan, ito ay maituturing na di-tuwirang pagpapamalas ng poot ng Diyos sa isang iyon. (Ro 13:1-4) Si Jesu-Kristo ang pangunahing tagapaglapat ng galit ng Diyos, at lubusan niyang ipamamalas ang poot ng Diyos upang mailapat ang Kaniyang galit laban sa mga balakyot.—Jer 30:23, 24; Apo 19:7-16, 19-21.
Nagagalit ang Diyos kapag pinagpapakitaan ng maling mga saloobin at mga pagkilos ang kaniyang mga pinili. Sinalot ang mga Ehipsiyo dahil hindi nila pinahintulutan ang Israel na sambahin si Jehova. (Aw 78:43-50) Naranasan nina Miriam at Aaron na mapagtuunan ng init ng galit ng Diyos dahil hindi nila iginalang ang posisyon ni Moises bilang inatasan ng Diyos. (Bil 12:9, 10) Nagalit si Jehova sa mga hukom na naniil sa mga maralita. (Isa 10:1-4) Nakahanay sa mga pagtutuunan ng poot ng Diyos yaong mga humahadlang sa pangangaral ng mabuting balita.—1Te 2:16.
Napopoot si Jehova sa huwad na pagsamba, lalo na kapag ang nag-aangking bayan niya ang bumabaling sa ibang mga diyos. (Exo 32:7-10; Bil 25:3, 4; Huk 2:13, 14, 20; 1Ha 11:8, 9) Ikinagagalit niya ang imoralidad, paghadlang sa katotohanan, hindi pagsisisi, pagsuway sa mabuting balita, paghamak sa kaniyang mga salita, panlilibak sa kaniyang mga propeta, kaimbutan, pagiging mapaminsala, inggit, pagpaslang, hidwaan, panlilinlang, at mapaminsalang kalooban. Nagagalit din siya sa mga mapagbulong, mga naninira nang talikuran, mga napopoot sa Diyos, mga walang pakundangan, mga palalo, mga mapagmapuri sa sarili, mga mangangatha ng nakapipinsalang mga bagay, mga masuwayin sa mga magulang, mga bulaan sa mga kasunduan, mga walang-awa, mga espiritista, at mga sinungaling. Ikinagagalit ng Diyos ang lahat ng ito at ang pagsasagawa ng iba pang mga kalikuan.—Col 3:5, 6; 2Te 1:8; Ro 1:18, 29-31; 2:5, 8; 2Cr 36:15, 16; Apo 22:15.
Hindi nangingibabaw na katangian ng Diyos. Gayunman, ang Diyos na Jehova ay “mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.” (Exo 34:6; Bil 14:18) Kung ang isa ay natatakot kay Jehova at gumagawa ng katuwiran, tatanggap siya ng awa mula kay Jehova, sapagkat kinikilala ng Makapangyarihan-sa-lahat na ang tao ay nagmana ng di-kasakdalan at pinagpapakitaan Niya siya ng awa dahil dito at salig sa hain ni Jesus. (Aw 103:13, 14; Gen 8:21; tingnan din ang Zef 2:2, 3.) Pinipigilan niya ang kaniyang galit alang-alang sa kaniyang pangalan at upang matupad niya ang kaniyang layunin sa kaniyang piling bayan. (Isa 48:9; Joe 2:13, 14) Sa kalaunan, napapawi rin ang galit ni Jehova sa mga taimtim na naglilingkod sa kaniya, kumikilala sa kanilang pagkakasala, at nagsisisi. (Isa 12:1; Aw 30:5) Hindi siya isang Diyos na magagalitin kundi isang Diyos na maligaya, at hindi siya mahirap lapitan kundi sa halip ay kaiga-igaya, mapayapa, at mahinahon sa mga lumalapit sa kaniya sa wastong paraan. (1Ti 1:11; Aw 16:11; ihambing ang Apo 4:3.) Kabaligtaran nito, ang huwad na mga diyos ng mga pagano ay inilalarawan bilang magagalitin, walang-awa, at malupit, na mga katangiang makikita sa mga imahen ng mga diyos na ito.
Ano ang dako ng galit sa buhay ng isang lingkod ng Diyos?
Wastong makapagpapamalas ng galit ang isang tao kung nakasalig ito sa simulain. Ang isa ay maaaring may-kawastuang magpahayag ng matuwid na pagkagalit. Inuutusan tayo na ‘kamuhian ang balakyot.’ (Ro 12:9) Ang Bibliya ay naglalaan ng maraming halimbawa ng matuwid na pagkagalit.—Exo 11:8; 32:19; Bil 16:12-15; 1Sa 20:34; Ne 5:6; Es 7:7; tingnan din ang 2Sa 12:1-6.
Gayunman, mas madalas na ang galit ng tao ay di-makatuwiran at sa maraming pagkakataon ay hindi ito kontrolado. Kadalasan ay wala itong sapat na dahilan at ipinamamalas ito nang hindi isinasaalang-alang ang mga ibubunga nito. Nang hindi puksain ni Jehova ang Nineve, hindi iyon ikinalugod ni Jonas, “at siya ay nag-init sa galit.” Hindi naging maawain si Jonas at kinailangan siyang ituwid ni Jehova. (Jon 4:1-11) Nagngalit si Haring Uzias ng Juda nang ituwid siya ng mga saserdote ni Jehova at nagpatuloy siya sa kaniyang mapangahas na landasin, na naging dahilan upang parusahan siya. (2Cr 26:16-21) Ang di-wastong pagmamapuri ni Naaman ay naging sanhi ng kaniyang pagkagalit, anupat muntik na niyang maiwala ang isang pagpapala mula sa Diyos.—2Ha 5:10-14.
Kailangang kontrolin. Dahil sa di-makatuwiran at walang-kontrol na galit, maraming tao ang nakagagawa ng mas malaking pagkakasala, ng mga karahasan pa nga. “Si Cain ay nag-init sa matinding galit” kaya pinatay niya si Abel. (Gen 4:5, 8) Ninais ni Esau na patayin si Jacob, na siyang tumanggap ng pagpapala ng kanilang ama. (Gen 27:41-45) Dahil sa pagngangalit ni Saul, hinagisan niya ng sibat si David at si Jonatan. (1Sa 18:11; 19:10; 20:30-34) Palibhasa’y ikinagalit nila ang pangangaral ni Jesus, tinangka niyaong mga dumalo sa sinagoga sa Nazaret na ihagis siya mula sa gulod ng bundok. (Luc 4:28, 29) ‘May-pagkakaisang dinaluhong si Esteban’ ng galít na mga lider ng relihiyon at binato nila siya hanggang sa mamatay.—Gaw 7:54-60.
Kahit makatuwiran ang galit, maaari itong maging mapanganib kung hindi ito kokontrolin, anupat maaari itong magkaroon ng masasamang resulta. May dahilan sina Simeon at Levi na magalit kay Sikem dahil hinalay nito ang kapatid nilang si Dina, bagaman may kasalanan din si Dina sa nangyari sa kaniya. Ngunit ang walang-taros na pagpatay sa mga Sikemita ay labis-labis na parusa upang ilapat sa mga iyon. Dahil dito, tinuligsa ng kanilang amang si Jacob ang kanilang walang-kontrol na galit, anupat isinumpa niya ito. (Gen 34:1-31; 49:5-7) Kapag labis ang pang-iinis sa isang tao upang galitin siya, dapat niyang kontrolin ang kaniyang galit. Dahil sa pagrereklamo at paghihimagsik ng mga Israelita, si Moises, ang pinakamaamong tao sa lupa, ay hindi nakapagpigil at napagalit nila anupat nakagawa ito ng isang pagkakasala na doo’y hindi niya pinabanal si Jehova, na naging dahilan naman upang parusahan siya.—Bil 12:3; 20:10-12; Aw 106:32, 33.
Ang mga silakbo ng galit ay kabilang sa iba pang karima-rimarim na mga gawa ng laman, gaya ng mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, at mga paglalasingan. Magiging dahilan ang mga ito upang hindi manahin ng isa ang Kaharian ng Diyos. (Gal 5:19-21) Hindi dapat magkaroon ng galít na usapan sa kongregasyon. Hindi rin dapat magkimkim ng galit at sama ng loob ang mga lalaking kumakatawan sa kongregasyon sa panalangin. (1Ti 2:8) Inuutusan ang mga Kristiyano na maging mabagal sa pagkapoot, anupat sinabihan sila na ang poot ng tao ay hindi gumagawa ukol sa katuwiran ng Diyos. (San 1:19, 20) Pinapayuhan sila na ‘bigyan ng dako ang poot’ at ipaubaya kay Jehova ang paghihiganti. (Ro 12:19) Kung magagalitin ang isang lalaki, hindi siya maaaring gamitin bilang isang tagapangasiwa sa kongregasyon ng Diyos.—Tit 1:7.
Bagaman paminsan-minsan ay maaaring magalit ang isang tao at baka may mga pagkakataon na makatuwiran lamang iyon, hindi niya dapat pahintulutang magkasala siya dahil doon sa pamamagitan ng pagkikimkim ng galit o ng pananatiling pukáw sa galit. Hindi niya dapat hayaang lumubog ang araw na siya’y nasa gayong kalagayan, sapagkat kung magkagayon ay bibigyan niya ng dako ang Diyablo upang samantalahin ang pagkakataong iyon laban sa kaniya. (Efe 4:26, 27) Lalo na sa kaso ng pagkakagalit ng magkapatid na Kristiyano, dapat siyang gumawa ng angkop na mga hakbang upang makipagpayapaan o lutasin ang bagay na iyon sa paraang itinakda ng Diyos. (Lev 19:17, 18; Mat 5:23, 24; 18:15; Luc 17:3, 4) Ipinapayo ng Kasulatan na dapat tayong mag-ingat sa pagpili ng mga kasamahan may kaugnayan sa bagay na ito, anupat hindi tayo dapat makisama sa sinumang madaling magalit o magagalitin, sa gayon ay naiiwasan nating magdala ng silo sa ating kaluluwa.—Kaw 22:24, 25.
Noong si Jesu-Kristo ay isang tao sa lupa, ibinigay niya sa atin ang sakdal na halimbawa hinggil sa bagay na ito. Batay sa mga rekord ng kaniyang buhay, ni minsan ay hindi siya nagpakita ng silakbo ng walang-kontrol na galit ni pinahintulutan man niya kahit minsan na makabagabag sa kaniya ang katampalasanan, paghihimagsik, at panliligalig ng mga kaaway ng Diyos at maging dahilan iyon upang magpamalas siya ng gayong pagkagalit sa kaniyang mga tagasunod o sa iba pa. Noong isang pagkakataon, siya ay “lubusang napighati” dahil sa pagkamanhid ng mga puso ng mga Pariseo at tiningnan niya sila nang may pagkagalit. Gayunman, sinundan ito ng pagpapagaling niya sa isang lalaki. (Mar 3:5) Noong isa pang pagkakataon, nang palayasin niya yaong mga nagpaparungis sa templo ng Diyos at lumalabag sa Kautusan ni Moises dahil ginagawa nilang bahay ng pangangalakal ang bahay ni Jehova, hindi iyon udyok ng walang-kontrol at di-makatuwirang silakbo ng galit. Sa halip, ipinakikita ng Kasulatan na iyon ay wastong sigasig para sa bahay ni Jehova.—Ju 2:13-17.
Iwasan ang nakapipinsalang mga epekto nito. Ang galit ay hindi lamang nakasásamâ sa ating espirituwal na kalusugan kundi nakaaapekto rin nang malaki sa atin mismong katawan. Maaari itong maging sanhi ng pagtaas ng presyon ng dugo, mga pagbabago sa arteri, suliranin sa palahingahan, mga sakit sa atay, mga pagbabago sa paglalabas ng apdo, at masasamang epekto sa lapay. Sinasabi ng mga manggagamot na ang galit at pagngangalit, na masisidhing emosyon, ay nagpapalubha, o sanhi pa nga, ng mga karamdamang gaya ng hika, mga kapansanan sa mata, mga sakit sa balat, pamamantal, mga ulser, at mga suliranin sa ngipin at panunaw. Maaaring makasira sa mga proseso ng pag-iisip ang pagngangalit at pagkapoot anupat ang isa ay hindi makabubuo ng lohikal na mga konklusyon o makagagawa ng matinong pagpapasiya. Kadalasan, ang silakbo ng galit ay sinusundan ng isang yugto ng matinding panlulumo ng isip. Samakatuwid, isang karunungan, hindi lamang sa relihiyosong diwa kundi gayundin sa pisikal na diwa, na kontrolin ang galit at itaguyod ang kapayapaan at pag-ibig.—Kaw 14:29, 30; Ro 14:19; San 3:17; 1Pe 3:11.
Ayon sa Kasulatan, ang panahon ng kawakasan ay isang panahon ng pagngangalit at pagkapoot, yamang magagalit ang mga bansa dahil sa paghawak ni Jehova sa kaniyang kapangyarihang maghari, at ihahagis sa lupa ang Diyablo, na “may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apo 11:17, 18; 12:10-12) Sa gayong maiigting na kalagayan, makabubuti sa isang Kristiyano na kontrolin ang kaniyang espiritu, sa gayo’y naiiwasan niya ang mapaminsalang emosyon ng galit.—Kaw 14:29; Ec 7:9.