REHOBOT
[Malalawak na Dako].
1. Ang pangalang ibinigay ni Isaac sa isang balon na hinukay niya. (Gen 26:22) Walang-katiyakang iniuugnay ng ilang iskolar ang Rehobot sa Ruheibeh (Horvat Rehovot [ba-Negev]), mga 35 km (22 mi) sa TK ng Beer-sheba. Ang mga pangalang ito ay may ilang pagkakahawig. Nang pinapangalanan ang balon, sinabi ni Isaac na nagbigay ngayon ang Diyos ng sapat na dako. Siya at ang kaniyang mga pastol ay maaaring maging mabunga nang hindi nakikialam sa iba o pinakikialaman ng iba.
2. Isang lunsod na hindi alam ang lokasyon at pinanggalingan ni Shaul, isang naunang Edomitang hari. (Gen 36:31, 37; 1Cr 1:43, 48) Sa dalawang pagtukoy rito, ang lugar ay tinawag na “Rehobot sa tabi ng Ilog.” Sa Bibliya, ang katawagang “Ilog” ay karaniwang nangangahulugang ang Eufrates. (Aw 72:8; 2Cr 9:26; ihambing ang Exo 23:31 at Deu 11:24.) Kaya iminumungkahi ng ilang heograpo ang alinman sa dalawang lugar na malapit sa pinagsasalubungan ng mga ilog Khabur at Eufrates. Gayunman, mangangahulugan ito na si Shaul ay nagmula sa isang lunsod na malayo sa labas ng teritoryong Edomita. Gayunman, naniniwala ang ilang makabagong heograpo na sa dalawang kasong ito, ang “Ilog” ay tumutukoy sa isang ilog sa Edom o malapit sa isa sa mga hanggahan nito, gaya ng Zered (Wadi el-Hasaʼ) na umaagos patungo sa timugang dulo ng Dagat na Patay. Iminumungkahi ng heograpong si J. Simons ang isang lugar na mga 37 km (23 mi) sa TS dulo ng Dagat na Patay.