Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat Ko Bang Isumbong ang Aking Kaibigan?
“HINDI ako makapaniwala na ginagawa niya ang gayong bagay,” sabi ni Lee. Si Lee ay nagbibisikleta na kasama ng kaniyang pinsan nang, sa kaniyang pagkabigla, nakita niya ang kaniyang matalik na kaibigan, si Chris, na kasama ng isang pangkat ng mga kabataan.
Si Chris ay naninigarilyo.
Nagitla si Lee, yamang ito ay salungat sa sinasabing paniniwalang Kristiyano ni Chris—huwag nang banggitin ang kahilingan ng kaniyang mga magulang. (2 Corinto 7:1) Patayong inihulog ni Chris ang kaniyang sigarilyo at pinatay ang sindi nito ng kaniyang paa, subalit si Lee ay hindi nalinlang. Saka niya nalaman na ang paninigarilyo ay pasimula lamang ng mga problema ni Chris, dahil sa pakikisama niya sa masasamang kasama. Natalos ni Lee na ang kaniyang kaibigan ay nangangailangan ng tulong at alam niya na wala siya sa kalagayan na ibigay ito. Kasabay nito, bantulot siyang sabihin sa iba ang tungkol sa problema. Sabi ni Lee: “Kaibigan ko siya, at ayaw kong magsumbong.”
Marahil nasumpungan mo rin ang iyong sarili sa gayong katayuan—bigla mong nalaman na ang isang kaibigan ay sumusubok ng mga droga, nag-eeksperimento sa sekso, nandaraya, o nagnanakaw. Sabi ng isang kilalang magasin ng mga kabataan: “Ang pagsumbong. Pagsutsot. Ang pagiging tagasuplong. Ang ibang tin-edyer ay nag-aalala na iyan ang kanilang gagawin kapag sila’y nagsalita laban sa isang kaibigan.”
Ang Kodigo ng Katahimikan
Ang maling katapatan ay waring siyang pangunahing dahilan kung bakit ayaw isumbong ng mga kabataan ang pagkakamali ng isang kaibigan. Minamalas ang disiplina bilang isang bagay na nakasasamâ, negatibo, at nakapipinsala, inaakala nila na ginagawan nila ng pabor ang kanilang kaibigan sa pamamagitan ng pagtatakip ng kaniyang mga problema. Ginatungan ng industriya ng TV at ng pelikula ang ideyang ito sa pamamagitan ng pagpapalitaw sa ideya na mga daga at mga kalapating pain lamang ang nagkakanulo ng kanilang mga kaibigan. Kaya, isang di-nasusulat na kodigo ng katahimikan ang kadalasa’y umiiral sa gitna ng mga kabataan. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang binatilyong nagngangalang Carl: “Ang mahalagang bagay ay pagtakpan ang iyong mga kaibigan. Kung tungkol sa pagsasabi sa iba, hindi mo ito ginagawa!”
Ang paglabag sa kodigo ng katahimikan ay naglalantad sa isa sa pagtuya ng mga kaedad at ang posibleng pagkawala ng pagkakaibigan. Isang artikulo sa magasing ’Teen, halimbawa, ang nagsasabi tungkol sa isang batang babaing nagngangalang Debbie na nakaalam na ang kaniyang kaibigang si Karen ay isang shoplifter o mang-uumit. Sa isang pagsisikap na makatulong, ipinasiya ni Debbie na sabihin ito sa mga magulang ni Karen. Si Karen ay hindi na nakipag-usap kay Debbie. Higit pa riyan, iniwasan at tinuya si Debbie ng kaniyang mga kaibigan dahil sa pagiging sumbungera. “Isa itong nakahihiyang karanasan, at mangyari pa, ito ay nakasasakit,” sabi ni Debbie.
Dapat Mo bang Sirain ang Katahimikan?
Sa kahawig na paraan, isinapanganib ni Lee ang gayong sakit at kahihiyan at nagpasiyang kumilos. Sabi ni Lee: “Binabagabag ako ng aking budhi sapagkat batid ko na kailangang mayroon akong pagsabihan nito!” Ipinagugunita nito sa atin ang isang pangyayari na nakatala sa Genesis 37:2: “Si Jose, nang labimpitung taóng gulang, ay nagpapastol ng kawan na kasama ng kaniyang mga kapatid . . . At ibinalita ni Jose sa kanilang ama ang kasamaan nila.” Malamang, ang balitang ito ay hindi isang maliit na bagay, yamang ang orihinal na salitang Hebreo na isinaling “masama” ay maaari ring mangahulugan ng “kasamaan.” Marahil isinasapanganib ng mga kapatid ni Jose sa ibang paraan ang kapakanang pangkabuhayan ng pamilya. Anuman ang kalagayan, batid ni Jose na kung siya ay magsasawalang-kibo, ang espirituwal na kapakanan ng kaniyang mga kapatid ay masasapanganib.
Ang hindi pagpansin sa mga kamalian o hindi maka-Kasulatang pag-iisip ay itinulad sa hindi pag-iintindi sa isang sakit ng ngipin. Ngumisi ka at tiisin mo ang kirot kung gusto mo, subalit hindi maaalis ang butas. Oo, hinahayaan mo lamang na kumalat ang pagkabulok. Sa katulad na paraan, ang kasalanan ay isang puwersang sumisira, bumubulok. Kung hindi pipigilin, ang kabulukan ay walang salang lalo pang mabubulok. (Galacia 6:8) Sa ibang salita, malibang ang isang nagkasalang kaibigan ay tumanggap ng tulong—marahil sa anyo ng mahigpit na maka-Kasulatang disiplina—siya ay maaaring malulong pa sa kabalakyutan.—Eclesiastes 8:11.
Sa gayon ang pagtatakip sa pagkakamali ng isang kaibigan ay walang nagagawang kabutihan at maaaring lumikha ng di-maayos na pinsala. Hindi kataka-taka, kung gayon, na si Jose ay naudyukang isumbong ang pagkakamali ng kaniyang mga kapatid! Kumusta naman ang mga Kristiyano sa ngayon? Ang Bibliya ay nagpapayo: “Mga kapatid, kahit na gumawa ng maling hakbang ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao.” (Galacia 6:1) Mauunawaan kung gayon, maaaring ipalagay mo na wala kang espirituwal na mga kuwalipikasyon upang muling maituwid ang isang nagkasalang kaibigan. Subalit hindi ba mas mabuti na ang bagay na iyon ay sabihin sa isa na kuwalipikadong tumulong? Aba, ang hindi paggawa ng gayon ay maaari pa ngang gumawa sa iyo na ‘isang nakikibahagi sa kaniyang mga kasalanan’! (1 Timoteo 5:22; ihambing ang Levitico 5:1.) Maaari rin nitong tutulan ang iyo mismong katapatan sa Diyos at sa kaniyang matuwid na mga pamantayan.—Awit 18:25.
Paglapit sa Iyong Kaibigan
Mahalaga kung gayon na lapitan mo ang iyong kaibigan at ipakita mo sa kaniya ang kaniyang pagkakamali. (Ihambing ang Mateo 18:15.) Ito ay nangangailangan ng tibay-loob at katapangan sa iyong bahagi. Gayunman, huwag kang magtaka kung makaharap mo ang ilang pagtutol, yamang hilig ng tao na gumawa ng mga dahilan. Maging matatag, ibinibigay ang nakakukumbinsing katibayan tungkol sa kaniyang kasalanan, sinasabi lalo na kung ano ang nalalaman mo at kung paano mo ito nalaman. (Ihambing ang Juan 16:8.) Huwag kang mangako na ikaw ay ‘hindi magsasabi kaninuman,’ sapagkat ang gayong pangako ay magiging walang saysay sa mga mata ng Diyos, na hinahatulan ang pagtatakip ng kasalanan.—Kawikaan 28:13.
Gayunman, ang Kawikaan 18:13 ay nagbababala: “Ang sumasagot bago makinig, iyan ay kamangmangan at kahihiyan niya.” Marahil may ilang di-pagkakaunawaang nangyari. Sa kabilang dako, ang iyong kaibigan ay maaaring maginhawahan na ihayag ang kaniyang problema at nais niya ang isa na makakausap at mapagtatapatan. Kaya maging isang mahusay na tagapakinig. (Santiago 1:19) Huwag mong sugpuin ang malayang pagdaloy ng kaniyang mga damdamin sa paggamit ng humahatol na mga katagang gaya ng, “Hindi mo dapat . . . ” o, “Kung ako ikaw, maaari ko sanang . . . ” Pinalalala lamang nito ang mga damdamin ng pagkakasala at kawalang-kaya ng kaibigan. Gayundin naman, ang mga ekspresyon ng pagkasindak na gaya ng, “Paano mo nagawa iyon!” ay lalo lamang magpapalala sa kalagayan.
Alalahanin ang ulat ng Bibliya tungkol sa tatlong “mang-aaliw” ni Job, na walang ginawa kundi hatulan si Job. Pagkatapos pasailalim sa kanilang humahamak na mga pagpaparatang, si Job ay nagsabi: “Ang kaaliwan na ibinigay mo ay pahirap lamang. Di ka ba hihinto sa iyong kasasalita? . . . Kung ikaw ay nasa kalagayan ko at ako ay nasa kalagayan mo, . . . Maaari kitang palakasin sa pamamagitan ng payo at patuloy na magsasalita upang aliwin ka.” (Job 16:1-5, Today’s English Version) Kaya sikaping magpakita ng empatiya at damhin ang nadarama ng iyong kaibigan. (1 Pedro 3:8) Maaari nitong pahinahunin kung ano ang sasabihin mo at kung paano mo sasabihin ito.
Subalit bagaman maaari mong gawin ang lahat ng magagawa mo upang patibayin ang iyong kaibigan, kadalasan ang kalagayan ay humihiling ng higit na tulong kaysa maibibigay mo. Kung gayon, igiit mo sa iyong kaibigan na sabihin niya ang kaniyang kasalanan sa kaniyang mga magulang o sa ibang responsableng mga adulto. At kung ang iyong kaibigan ay tumangging gawin iyon? Ipaalam mo sa kaniya na kung hindi niya lilinawin ang bagay sa loob ng isang makatuwirang yugto ng panahon, kung gayon bilang kaniyang tunay na kaibigan, ikaw ay mauobligang magtungo sa isa sa kapakanan niya.
Pagiging “Isang Tunay na Kaibigan”
Ang Kawikaan 17:17 ay nagpapaalaala sa atin na “ang tunay na kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganak para sa kagipitan.” Totoo, sa umpisa baka hindi maunawaan ng iyong kaibigan kung bakit ginawa mo ang gayon, at baka hindi niya pahalagahan ito. Baka mabalisa pa nga siya at padalus-dalos na wakasan ang inyong pagkakaibigan. Subalit huwag kang mataranta. Bigyan mo ng panahon ang iyong kaibigan na ayusin ang kaniyang mga damdamin at matanto niya na ikaw ay talagang interesado sa kaniyang walang-hanggang kapakanan at kabutihan.
Ngayon balikan natin ang mga kaso nila Lee at Debbie. Sabi ni Lee: “Batid kong ginawa ko ang tamang bagay sa pagsasabi nito sa iba. Mas mabuti ang pakiramdam ng aking budhi sapagkat nakukuha ni Chris ang tulong na kailangan niya. Nang maglaon siya ay pumarito at sinabi niya sa akin na hindi siya nagagalit sa akin dahil sa ginawa ko at iyan din ay nagpapanatag sa akin.” Oo, hindi lahat ng kaibigan ay kikilos nang may pagsang-ayon. Ganito ang sabi ni Debbie: “Batid ko na hindi ko maaaring payagan na magpatuloy si Karen at marahil ay magwakas sa isang bilangguan na may rekord ng pagkadelingkuwente.” Sa wakas inihinto rin ng mga kaibigan ni Karen ang masasamang komento. Sabi ni Debbie, “Nagkaroon ako ng bagong mga kaibigan. Nakaraos naman ako at marami akong natutuhan habang daan.”
Kung patuloy na naiinis ang iyong kaibigan dahil sa iyong may tibay-loob na mga pagkilos, maliwanag na siya kailanman ay hindi isang tunay na kaibigan sa una pa. Gayunman, sa gitna ng tunay na mga Kristiyano mayroong mga hahanga sa iyong mataas na mga simulain, ang iba ay baka hanapin ang iyong pakikipagkaibigan bunga nito. Sa paano man, magkakaroon ka ng kasiyahan sa pagkaalam na pinatunayan mo ang inyong katapatan sa Diyos at pinatunayan mo ang iyong sarili bilang isang tunay na kaibigan.
[Blurb sa pahina 19]
Kung ang iyong kaibigan ay ayaw patulong, baka kailangan mong kumilos sa kapakanan niya
[Larawan sa pahina 21]
Ano ang gagawin mo kung malaman mo na isang kaibigan ay patungo sa malubhang kasalanan?