Laging Tama ang Ginagawa ng “Hukom ng Buong Lupa”
“Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.”—DEUT. 32:4.
1. Paano ipinahayag ni Abraham ang tiwala niya sa pagiging makatarungan ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
“HINDI ba yaong tama ang gagawin ng Hukom ng buong lupa?” (Gen. 18:25) Sa pamamagitan ng tanong na iyan, ipinahayag ni Abraham ang tiwala niya na maglalapat si Jehova ng sakdal na katarungan sa kaso ng Sodoma at Gomorra. Kumbinsido si Abraham na hindi kikilos si Jehova nang di-makatarungan para “patayin ang taong matuwid na kasama ng balakyot.” Para kay Abraham, “malayong mangyari” iyon. Pagkaraan ng mga 400 taon, sinabi ni Jehova tungkol sa kaniyang sarili: “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.”—Deut. 31:19; 32:4.
2. Bakit imposible para kay Jehova na maging di-makatarungan?
2 Bakit may tiwala si Abraham na laging matuwid ang hatol ni Jehova? Dahil si Jehova ang pangunahing halimbawa ng katarungan at katuwiran. Ang mga salitang Hebreo na isinalin bilang “katarungan” at “katuwiran” ay kadalasang lumilitaw nang magkasama sa Hebreong Kasulatan. Wala naman talagang pagkakaiba ang katarungan at ang katuwiran. Kaya naman, dahil si Jehova ang ultimong pamantayan ng katuwiran, laging makatarungan ang pananaw niya sa mga bagay-bagay. At ayon sa kaniyang nasusulat na Salita, “siya ay maibigin sa katuwiran at katarungan.”—Awit 33:5.
3. Magbigay ng halimbawa ng kawalang-katarungan sa ngayon.
3 Malaking kaaliwan sa mga tapat-puso na si Jehova ay laging makatarungan dahil palasak sa mundo ang kawalang-katarungan. Kaya naman, ang ilang indibiduwal ay nagiging biktima ng malulubhang pagkakamali. Halimbawa, may mga taong nahatulan nang di-makatarungan at nabilanggo nang maraming taon dahil sa krimeng hindi nila ginawa. Napalaya lang sila nang muling buksan ang kaso dahil sa resulta ng DNA test. Bagaman nakapanlulumo at nakagagalit ang gayong di-makatarungang pagkabilanggo, may isang uri ng kawalang-katarungan na mas mahirap tanggapin para sa mga Kristiyano.
KAWALANG-KATARUNGAN SA LOOB NG KONGREGASYON
4. Paano maaaring masubok ang pananampalataya ng isang Kristiyano?
4 Alam ng mga Kristiyano na hindi nila maiiwasang dumanas ng kawalang-katarungan sa labas ng kongregasyon. Pero baka masubok ang ating pananampalataya kapag nakakita o nakaranas tayo ng sa tingin natin ay kawalang-katarungan sa loob ng kongregasyon. Ano ang gagawin mo kung sa palagay mo ay ginawan ka ng mali ng isang kapuwa Kristiyano? Magpapatisod ka ba rito?
5. Bakit hindi nakapagtataka kung makakita o makaranas ang isang Kristiyano ng kawalang-katarungan sa loob ng kongregasyon?
5 Dahil lahat tayo ay di-sakdal at nagkakasala, alam natin na may posibilidad na makaranas tayo, o kaya naman ay maging sanhi, ng kawalang-katarungan sa loob ng kongregasyon. (1 Juan 1:8) Bagaman bihira itong mangyari, hindi na ito ikinagugulat o ikinatitisod ng tapat na mga Kristiyano. Kaya naman, sa kaniyang Salita, nagbigay si Jehova ng praktikal na payo para tulungan tayong manatiling tapat, kahit ginawan tayo ng mali ng mga kapananampalataya natin.—Awit 55:12-14.
6, 7. Anong kawalang-katarungan ang naranasan ng isang brother sa loob ng kongregasyon? At anong mga katangian ang nakatulong sa kaniya?
6 Isaalang-alang natin ang karanasan ni Willi Diehl. Mula 1931, tapat na naglingkod si Brother Diehl sa tahanang Bethel sa Bern, Switzerland. Noong 1946, nag-aral siya sa ikawalong klase ng Paaralang Gilead sa New York, U.S.A. Pagkatapos ng kanilang gradwasyon, naatasan siya sa gawaing pansirkito sa Switzerland. Sa kaniyang talambuhay, inilahad ni Brother Diehl: “Noong Mayo 1949, ipinatalastas ko sa tanggapang sangay sa Bern na may plano akong magpakasal.” Ano ang tugon ng sangay sa Bern? “Walang pribilehiyong bukas maliban sa regular na pagpapioneer.” Sinabi pa ni Brother Diehl: “Ako’y hindi pinayagan na magbigay ng mga pahayag . . . Marami ang hindi bumabati sa amin, at ang trato sa amin ay tulad sa mga taong tiwalag.”
7 Ano ang ginawa ni Brother Diehl? Sinabi niya: “Batid namin na ang pag-aasawa ay hindi naman labag sa Kasulatan, kaya ang naging pinakakanlungan namin ay ang panalangin at naglagak kami ng tiwala kay Jehova.” Nang maglaon, naituwid din ang maling pananaw sa pag-aasawa na sanhi ng kawalang-katarungang iyon, at naibalik ang mga pribilehiyo ni Brother Diehl sa paglilingkod. Ginantimpalaan ang katapatan niya kay Jehova.a Makabubuting tanungin ang sarili: ‘Magpapakita rin kaya ako ng katulad na espirituwal na saloobin kung dumanas ako ng gayong kawalang-katarungan? Matiyaga ba akong maghihintay kay Jehova, o ipaglalaban ko ang aking sarili?’—Kaw. 11:2; basahin ang Mikas 7:7.
8. Bakit posibleng magkamali tayo ng akala at isiping tayo o ang iba ay biktima ng kawalang-katarungan?
8 Sa kabilang banda, posibleng magkamali ka ng akala at isiping ikaw o ang isang miyembro ng kongregasyon ay biktima ng kawalang-katarungan. Puwedeng mangyari iyan dahil hindi tayo sakdal at maaaring magkamali ng pananaw sa mga bagay-bagay. Baka hindi rin natin alam ang lahat ng detalye. Tama man o mali ang unawa natin, ang pananalangin at pananalig kay Jehova, at pananatiling matapat sa kaniya, ay tutulong para huwag tayong ‘magngalit laban kay Jehova.’—Basahin ang Kawikaan 19:3.
9. Anong mga halimbawa ang tatalakayin natin sa artikulong ito at sa susunod?
9 Talakayin natin ang tatlong halimbawa ng kawalang-katarungan na nangyari sa gitna ng bayan ni Jehova noong panahon ng Bibliya. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tungkol sa apo sa tuhod ni Abraham na si Jose, at ang naranasan niya sa kaniyang mga kapatid. Sa susunod na artikulo, susuriin natin ang pakikitungo ni Jehova kay Haring Ahab ng Israel at ang karanasan ni apostol Pedro sa Antioquia ng Sirya. Habang tinatalakay natin ang mga ito, maghanap ng mga aral na tutulong sa iyo na magpokus sa espirituwal at maingatan ang kaugnayan mo kay Jehova, lalo na kapag inaakala mong biktima ka ng kawalang-katarungan.
SI JOSE—BIKTIMA NG KAWALANG-KATARUNGAN
10, 11. (a) Anong mga kawalang-katarungan ang naranasan ni Jose? (b) Anong pagkakataon ang sinamantala ni Jose habang nasa bilangguan siya?
10 Si Jose, isang tapat na lingkod ni Jehova, ay dumanas ng kawalang-katarungan, hindi lang sa kamay ng ibang tao, kundi ang mas masakit, sa kamay ng kaniyang mga kapatid. Noong siya ay 17 anyos, dinukot siya ng kaniyang mga kapatid at ipinagbili para maging alipin. Dinala siya sa Ehipto nang labag sa kaniyang kalooban. (Gen. 37:23-28; 42:21) Nang maglaon, sa banyagang bansang iyon, pinagbintangan siya ng tangkang panghahalay at nabilanggo nang hindi nililitis. (Gen. 39:17-20) Tumagal nang mga 13 taon ang kaniyang kalbaryo bilang alipin at bilanggo. Anong mga aral ang matututuhan natin kay Jose kung makaranas tayo ng kawalang-katarungan sa kamay ng ating kapananampalataya?
11 Nagkaroon ng pagkakataon si Jose na iharap ang kaniyang kaso sa isang kapuwa bilanggo, ang dating pinuno ng mga katiwala ng kopa ng hari. Nang panahong iyon, nanaginip ang katiwala, at sa tulong ng Diyos, binigyang-kahulugan iyon ni Jose. Ipinaliwanag ni Jose na ang katiwala ng kopa ay ibabalik sa kaniyang dating puwesto sa korte ni Paraon. Sinamantala ni Jose ang pagkakataong ito para ipaliwanag ang kaniyang sitwasyon. May mga aral tayong matututuhan, hindi lang sa sinabi ni Jose, kundi pati sa mga bagay na hindi niya sinabi.—Gen. 40:5-13.
12, 13. (a) Paano ipinakikita ng sinabi ni Jose na hindi niya basta tinanggap na lang ang kawalang-katarungang dinanas niya? (b) Anong mga detalye ang maliwanag na hindi niya ikinuwento sa katiwala?
12 Basahin ang Genesis 40:14, 15. Pansinin na sinabi ni Jose na siya ay “dinukot.” Sa orihinal na wika, ang termino para dito ay literal na nangangahulugang “ninakaw.” Maliwanag na biktima siya ng kawalang-katarungan. Sinabi rin ni Jose na inosente siya sa krimeng ibinintang sa kaniya. Dahil dito, nakiusap siya sa katiwala ng kopa na banggitin siya kay Paraon para mapalaya siya.
13 Basta na lang ba tinanggap ni Jose ang kaniyang sitwasyon? Tiyak na hindi. Alam niya na biktima siya ng maraming kawalang-katarungan. Kaya naman ipinaliwanag niya ang kaniyang sitwasyon sa katiwala ng kopa, na maaaring makatulong sa kaniya. Pero pansinin na walang ipinahihiwatig ang Kasulatan na sinabi ni Jose kanino man—kahit kay Paraon—na mga kapatid niya ang dumukot sa kaniya. Sa katunayan, nang dumating sa Ehipto ang mga kapatid niya at nakipagpayapaan kay Jose, malugod silang tinanggap ni Paraon at inanyayahan silang tumira sa Ehipto at masiyahan sa “buti ng buong lupain.”—Gen. 45:16-20.
14. Ano ang tutulong sa atin para huwag tayong magsalita ng di-maganda kahit makaranas tayo ng kawalang-katarungan sa loob ng kongregasyon?
14 Kung inaakala ng isang Kristiyano na biktima siya ng kawalang-katarungan, dapat niyang iwasang itsismis ito. Siyempre pa, tama lang naman na humingi ng tulong sa mga elder at ipagbigay-alam sa kanila kung may miyembro ng kongregasyon na nakagawa ng malubhang pagkakasala. (Lev. 5:1) Pero sa mga kaso na wala namang nangyaring malubhang pagkakasala, baka posibleng lutasin ang di-pagkakaunawaan nang hindi na isinasangkot ang iba, kahit ang mga elder. (Basahin ang Mateo 5:23, 24; 18:15.) Maging matapat tayo at ikapit ang mga simulain ng Bibliya sa gayong mga sitwasyon. Sa ilang kaso, baka makita pa nga natin na hindi naman pala tayo biktima ng kawalang-katarungan. Tiyak na ipagpapasalamat natin na hindi natin pinalala ang sitwasyon sa pamamagitan ng paninira sa isang kapuwa Kristiyano! Tandaan, tama man tayo o mali, hindi bubuti ang sitwasyon kung magsasalita tayo ng nakasasakit. Ang pagkamatapat kay Jehova at sa ating mga kapatid ang tutulong sa atin para huwag tayong makagawa ng gayong pagkakamali. Tungkol sa isa na “lumalakad nang walang pagkukulang,” sinabi ng salmista na “hindi siya naninirang-puri sa pamamagitan ng kaniyang dila. Sa kaniyang kasamahan ay wala siyang ginagawang masama, at hindi siya nagsasalita ng pandurusta laban sa kaniyang matalik na kakilala.”—Awit 15:2, 3; Sant. 3:5.
TANDAAN ANG IYONG PINAKAMAHALAGANG KAUGNAYAN
15. Paano naging pagpapala kay Jose ang kaugnayan niya kay Jehova?
15 May isa pang mahalagang aral tayong matututuhan tungkol sa kaugnayan ni Jose kay Jehova. Sa kaniyang 13-taóng kalbaryo, ipinakita ni Jose na taglay niya ang pananaw ni Jehova. (Gen. 45:5-8) Hindi niya kailanman sinisi si Jehova sa nangyari sa kaniya. At bagaman hindi niya nakalimutan ang kawalang-katarungang dinanas niya, hindi siya naghinanakit dahil dito. Higit sa lahat, hindi niya hinayaan na mailayo siya kay Jehova ng di-kasakdalan at maling pagkilos ng iba. Dahil matapat si Jose, nakita niya kung paano itinuwid ni Jehova ang mga kawalang-katarungang iyon, at pinagpala siya at ang kaniyang pamilya.
16. Bakit lalo pa tayong dapat na maging malapít kay Jehova kapag nakararanas tayo ng kawalang-katarungan sa kongregasyon?
16 Dapat din nating pahalagahan at ingatan ang kaugnayan natin kay Jehova. Huwag nating hayaan ang di-kasakdalan ng ating mga kapatid na ilayo tayo sa Diyos na minamahal natin at sinasamba. (Roma 8:38, 39) Sa halip, kapag dumanas tayo ng kawalang-katarungan sa kamay ng kapuwa mananamba, tularan natin si Jose at lalo pa tayong maging malapít kay Jehova, at sikaping taglayin ang pananaw Niya. Kapag ginawa na natin ang lahat para lutasin ang problema ayon sa Kasulatan, ipaubaya na natin ito kay Jehova at magtiwalang itutuwid niya ito sa kaniyang takdang panahon at paraan.
MAGTIWALA SA “HUKOM NG BUONG LUPA”
17. Paano natin maipakikitang may tiwala tayo sa “Hukom ng buong lupa”?
17 Hangga’t nabubuhay tayo sa sistemang ito ng mga bagay, makararanas tayo ng kawalang-katarungan. Baka ikaw o isang kakilala mo ay makaranas o makakita ng bagay na parang di-makatarungan sa loob ng kongregasyon. Huwag kang magpatisod. (Awit 119:165) Sa halip, bilang mga lingkod ng Diyos, maging matapat tayo sa kaniya, manalangin sa kaniya, at manalig sa kaniya. Kasabay nito, kinikilala natin na posibleng hindi natin nakikita ang lahat ng anggulo ng isang sitwasyon. Baka ang problema ay ang di-sakdal na pananaw natin sa mga bagay-bagay. Gaya ng natutuhan natin kay Jose, iwasan nating magsalita ng di-maganda, dahil palalalain lang nito ang sitwasyon. At sa halip na lutasin ang problema sa sarili nating paraan, maging matapat tayo at matiyagang maghintay na ituwid ni Jehova ang mga bagay-bagay. Kung gagawin natin iyan, tiyak na sasang-ayunan tayo at pagpapalain ni Jehova, gaya ng ginawa niya kay Jose. Makasisiguro tayo na laging tama ang ginagawa ni Jehova, ang “Hukom ng buong lupa,” dahil “ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.”—Gen. 18:25; Deut. 32:4.
18. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
18 Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang dalawa pang halimbawa ng kawalang-katarungang nangyari sa gitna ng bayan ni Jehova noong panahon ng Bibliya. Ipakikita ng mga ito kung paanong ang kapakumbabaan at pagiging handang magpatawad ay nauugnay sa pananaw ni Jehova sa katarungan.
a Tingnan ang talambuhay ni Willi Diehl, “Si Jehova ay Aking Diyos, na Aking Pagtitiwalaan,” sa Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1991.