Ang Magandang Hinaharap ng Tao sa Paraiso ng Kaluguran
“Binasbasan sila ng Diyos at sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa bawat nabubuhay na nilikha na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.’”—GENESIS 1:28.
1, 2. Sa anong layunin mapagmahal na gumagawa si Jehova may kaugnayan sa mga tao, at anong mga atas at trabaho ang ibinigay niya kay Adan?
ANG Diyos ay pag-ibig,” ang sabi sa atin sa Banal na Bibliya. Siya’y mapagmahal at walang-imbot na interesado sa sangkatauhan at walang tigil ng paggawa upang sila’y magtamasa ng walang-hanggang malusog, mapayapang buhay sa isang makalupang paraiso ng kaluguran. (1 Juan 4:16; ihambing ang Awit 16:11.) Ang unang tao, ang sakdal na si Adan, ay nagkaroon ng mapayapang buhay at kawili-wiling, nakasisiyang gawain. Siya’y inatasan ng Maylikha sa tao na alagaan ang nakalulugod na halamanan ng Eden. Ngayo’y binigyan siya ng Maylikha ng tao ng isa pang trabaho, isang natatanging gawain, isang atas na may paghamon, gaya ng isinisiwalat ng ulat tungkol sa naganap:
2 “At nilalang ng Diyos na Jehova sa lupa ang lahat ng maiilap na hayop sa parang at lahat ng ibon sa himpapawid, at kaniyang ipinagdadala sa lalaki upang maalaman kung ano ang itatawag niya sa bawat isa; at bawat itawag ng lalaki sa bawat kaluluwang buháy, iyon ang naging pangalan niyaon. Kaya pinanganlan ng lalaki ang lahat ng maaamong hayop at ang mga ibon sa himpapawid at bawat mailap na hayop sa parang.”—Genesis 2:19, 20.
3. Bakit hindi natatakot si Adan at ang mga hayop na nilalang?
3 Ang itinawag ng tao sa kabayo ay sus, sa baka’y shohr, sa tupa’y seh, sa kambing ay ‛ez, sa isang ibon ay ‛ohph, sa kalapati’y yoh·nahʹ, sa maria kapra’y tuk·kiʹ, sa leon ay ’ar·yeh o ’ariʹ, sa oso’y dov, sa bakulaw ay qohph, sa aso’y keʹlev, sa ahas ay na·chashʹ, at iba pa.a Nang siya’y pumaroon sa ilog na umaagos sa halamanan ng Eden, siya’y nakakita ng isda. Sa isda’y ibinigay niya ang pangalang da·gahʹ. Ang walang armas na lalaki’y hindi nakaramdam ng takot sa mga hayop na ito, maaamo at maiilap, o sa mga ibon, at sila nama’y walang nadamang pagkatakot sa kaniya na kanilang katutubong kilalá bilang nakatataas sa kanila, isang mas mataas na uri ng buhay. Ang mga ito’y nilalang ng Diyos, na tumanggap ng kaloob na buhay sa Kaniya, at ang tao’y walang hangarin o hilig na saktan sila o patayin sila.
4. Ano ang ating masasabi tungkol sa pagbibigay ni Adan ng pangalan sa lahat ng hayop at ibon, at tiyak na ito’y anong uri ng karanasan?
4 Kung gaanong katagal ipinakita sa lalaki ang maaamo at maiilap na hayop at ang mga ibon sa himpapawid, iyan ang hindi sinasabi sa atin ng ulat. Lahat na iyon ay sa ilalim ng patnubay at ginawang kaayusan ng Diyos. Malamang na si Adan ay gumugol ng panahon upang pag-aralan ang bawat naiibang hayop, na pinag-aaralan ang kakanyahang mga ugali at sangkap niyaon; pagkatapos ay pipili siya ng pangalan na nababagay doon. Ito’y maaaring mangahulugan ng paglipas ng malaki-laking panahon. Iyon ay isang lubhang kawili-wiling karanasan para kay Adan na makilala ang buhay ng mga kinapal sa lupang ito sa maraming sarisaring uri, at nangailangan ng malaking kakayahan ng pag-iisip at ng pananalita upang makita niya ang pagkakaiba ng bawat isa sa mga uring ito ng nabubuhay na mga kinapal upang mabigyan ng nababagay na pangalan.
5-7. (a) Anong mga tanong ang malamang na babangon? (b) Anong uri ng mga sagot ang ibinigay ng ulat ng paglalang na nasa Genesis 1:1-25?
5 Subalit ano ba ang pagkakasunud-sunod ng paglalang sa lahat na mga nabubuhay na kinapal na ito? Ang mga hayop ba sa lupa ay nilalang bago ang mga ibon o hindi, at saan sa panahon at pagkakasunud-sunod nakatayo ang tao kung tungkol sa lahat ng mga nabubuhay na nilalang na ito na mas mababa ang uri? Papaano inihanda ng Diyos ang ibabaw ng lupa para sa gayong napakaraming sarisaring nabubuhay na kinapal, papaano ginawa ang himpapawid na maliliparan ng mga ibon hanggang sa kataas-taasan, papaano naglaan ng mga tubig na maiinom at ng mga halaman na magsisilbing pagkain, gumawa ng isang malaking tanglaw upang magbigay ng liwanag kung araw para ang tao’y makakita, at gumawa ng mas maliit na tanglaw upang magsilbing magandang hiyas kung gabi? Bakit ang lagay ng panahon ay napakasuwabe at maligamgam na anupa’t ang tao’y nakagagalaw at nakapagtatrabaho sa kaniyang palibot at nakatutulog sa labas nang walang damit?
6 Ang tao ay hindi iniwang nanghuhula ng mga sagot. Ang kaniyang mapag-usisang kaisipan ay karapat-dapat sa matalinong mga sagot buhat sa isang mapananaligang mapagkukunan ng wastong kasagutan. Siya’y hindi pinabayaang maging isang ignoranteng anak ng Diyos, kundi ang kaniyang mataas na antas ng talino ay malamang na pinarangalan sa kagila-gilalas na kasaysayan ng paglalang na nasa Genesis 1:1-25.
7 Para sa kagila-gilalas na ulat na iyan ng paglalang, kaipala’y malaki ang pasasalamat ni Adan. Ipinaliliwanag niyaon ang maraming bagay. Buhat sa paraan ng pagkaayos ng pananalita niyaon, kaniyang naunawaan na mayroong tatlong mahahabang yugto ng panahon na tinawag ng Diyos na mga araw ayon sa Kaniyang paraan ng pagsukat ng panahon, bago ng ikaapat na yugto ng paglalang na noon pinalitaw ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw sa kalawakan ng langit upang magsilbing tanda sa mas maikling 24-na-oras na araw ng tao. Ang mas maikling araw na ito ng tao sa lupa ay ang panahon mula sa paglubog ng lalong malaking tanglaw hanggang sa susunod na paglubog. Nakilala rin ni Adan na magkakaroon ng mga taon ng panahon para sa kaniya, at walang alinlangan na kaagad sinimulan niyang bilangin ang mga taon ng kaniyang buhay. Ang lalong malaking tanglaw sa kalawakan ng langit ang tutulong sa kaniya na gawin ito. Subalit kung tungkol sa mas mahahabang araw ng paglalang na ginawa ng Diyos, natalos ng unang tao na noon ay nabubuhay siya sa ikaanim na araw ng makalupang gawain ng Diyos na paglalang. Walang binanggit sa kaniya na katapusan tungkol sa ikaanim na araw na iyon para sa paglalang sa lahat ng mga hayop na iyon sa lupa at pagkatapos sa paglalang sa tao nang bukod. Ngayon ay nauunawaan niya ang pagkakasunud-sunod ng paglalang sa mga halaman, mga isda, mga ibon, at mga hayop sa lupa. Ngunit sa pag-iisa sa halamanan ng Eden, si Adan ay hindi siyang lubos, na hustong kapahayagan ng maibiging layunin ng Diyos para sa tao sa kaniyang makalupang Paraiso.
Paglalang sa Unang Babae
8, 9. (a) Ano ang napansin ng sakdal na tao tungkol sa mga nilalang na hayop, subalit ano ba ang kaniyang naisip kung tungkol sa kaniyang sarili? (b) Bakit angkop naman na ang sakdal na tao’y hindi humingi sa Diyos ng isang kapareha? (c) Papaano nag-uulat ang Bibliya tungkol sa paglalang sa unang asawang babae?
8 Ang unang tao, sa taglay niyang sakdal na isip at mga sangkap sa pagmamasid ay nagmasid sa dakong kinaroroonan ng mga ibon at ng mga hayop, at kaniyang nakita na mayroon sa kanila na lalaki at babae at sila’y nakapag-aanak ng mga kauri rin nila. Subalit sa tao, noon ay hindi gayon. Kung sakaling ang ganitong namasdan niya ay nagpasok sa kaniyang kaisipan ng pagnanasang magkaroon ng isang kasama, sa mga hayop ay wala siyang nakitang isang nababagay na maging kasama niya, kahit na roon sa mga bakulaw. Si Adan ay mag-iisip na wala siyang makakapareha sapagkat kung mayroon nga, hindi kaya dadalhin sa kaniya ng Diyos ang kaparehang ito? Ang tao ay nilalang na hiwalay sa lahat ng mga uring iyon ng hayop, at siya’y itinakdang maging naiiba! Siya’y walang hilig na magpasiya ng mga bagay-bagay para sa kaniyang sarili at maging pangahas at humingi sa Diyos na kaniyang Maylikha ng isang kapareha. Angkop naman na hinayaan ng sakdal na tao na ipabahala sa Diyos ang buong suliraning iyon, sapagkat hindi nagtagal at nakita niyang gumawa ang Diyos ng Kaniyang sariling pasiya tungkol sa bagay na iyon. Tungkol dito at sa naganap ngayon, ang ulat ay nagsasabi sa atin:
9 “Datapuwat sa lalaki ay walang nasumpungang maging katulong bilang kabiyak niya. At pinatulog ng Diyos na Jehova nang mahimbing ang lalaki at, habang natutulog, kinuha niya ang isa sa kaniyang mga tadyang at pinaghilom ang laman sa dakong iyon. At ang tadyang na kinuha ng Diyos na Jehova sa lalaki ay ginawang babae at dinala siya sa lalaki. Saka sinabi ng lalaki: ‘Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman. Tatawagin itong Babae, sapagkat sa lalaki kinuha ito.’ Kaya’t iiwan ng lalaki ang ama niya at ang ina niya at pipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman. At kapuwa sila nagpatuloy na hubad, ang lalaki at ang kaniyang asawa, gayunman sila ay hindi nagkakahiyaan.”—Genesis 2:20-25.
10. Papaanong tumugon ang sakdal na lalaki nang ang sakdal na babae ay dalhin sa kaniya, at ano kaya ang ipinakikita ng kaniyang pananalita?
10 Nagpahayag ng lubos na kasiyahan ang kaniyang mga salita nang ang sakdal na babae ay dalhin sa kaniya bilang isang katulong at kabiyak: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” Sa liwanag ng mga salitang ito nang kaniyang makita sa wakas ang kaniyang bagong kalalalang na asawang babae, maaaring siya’y naghintay ng kaunting panahon bago tinanggap ang kaniyang nakalulugod na kabiyak. Sa paglalarawan sa kaniyang kabiyak, ang kaniyang asawa ay tinawag ni Adan na “Babae” (’ish·shahʹ o, sa literal, “babaing tao”), “sapagkat sa lalaki kinuha ito.” (Genesis 2:23, New World Translation Reference Bible, talababa) Hindi inisip ni Adan na siya’y kamag-anak ng mga ibon at mga hayop sa lupa na noong una’y dinala sa kaniya ng Diyos upang pagbibigyan ng pangalan. Ang kaniyang laman ay naiiba sa kanilang laman. Subalit ang babaing ito ay tunay na kasing-uri ng kaniyang laman. Ang tadyang na kinuha sa katawan niya (ni Adan) ay gumagawa ng gayunding uri ng dugo na nasa kaniyang sariling katawan. (Tingnan ang Mateo 19:4-6.) Ngayon siya ay makapagsisilbing propeta ng Diyos sa isang ito at mapagkukuwentuhan niya ng kagila-gilalas na ulat ng paglalang.
11-13. (a) Sa pagtanggap ni Adan ng asawa, anong mga tanong ang maaaring bumangon? (b) Ano ang layunin ng Diyos para sa unang mag-asawa? (c) Ano ang magsisilbing pagkain para sa sakdal na pamilya ng tao?
11 Ano nga, kaya, ang layunin ng Maylikha sa tao sa pagbibigay sa kaniya ng isang asawa? Iyon ba ay upang bigyan lamang siya ng isang katulong at kabiyak, isang kasamang kauri niya upang siya’y huwag malungkot? Ipinaliliwanag ng ulat ang layunin ng Diyos may kaugnayan sa atin kung kaya’t binasbasan ng Diyos ang kanilang pag-aasawa:
12 “At sinabi ng Diyos: ‘Gawin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis, at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa maaamong hayop at sa buong lupa at sa bawat hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.’ At nilalang ng Diyos ang tao sa kaniyang sariling larawan, sa larawan ng Diyos siya nilalang; nilalang niya sila na lalaki at babae. At binasbasan sila ng Diyos at sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa bawat nabubuhay na nilikha na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.’
13 “At sinabi ng Diyos: ‘Narito, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagkakabinhi, na nasa ibabaw ng balat ng buong lupa at ang bawat punungkahoy na may bunga ng punungkahoy na nagkakabinhi. Sa inyo’y magiging pagkain. At sa bawat mabangis na hayop sa lupa at sa bawat ibon sa himpapawid at sa bawat nagsisiusad sa ibabaw ng lupa na may buhay bilang isang kaluluwa ay ibinigay ko ang lahat na sariwang pananim bilang pagkain.’ At nagkagayon.”—Genesis 1:26-30.
Mga Pagkakataon na Nakaharap sa Unang Mag-asawa
14. Sa pagpapala ng Diyos, anong kinabukasan ang nakaharap sa sakdal na lalaki at babae, at ano ang tama namang asam-asamin nila?
14 Lubhang nanggilalas ang sakdal na lalaki at ang kaniyang sakdal na asawa sa pagkarinig sa tinig ng Diyos na nakikipag-usap sa kanila, at sinasabi sa kanila kung ano ang gagawin nila at sila’y binasbasan! Sa gayong pagkabasbas sa kanila ng Diyos, ang buhay ay hindi magiging walang kabuluhan, kundi kanilang magagawa ang sinabi sa kanila na gawin. Anong inam na kinabukasan ang nakaharap sa kanila! Samantalang ang maligayang mag-asawa’y nakatayo roon sa kanilang tahanan, ang halamanan ng Eden, malamang na sila’y nagbulay-bulay tungkol sa kung ano nga ang magaganap habang kanilang isinasagawa ang kalooban ng Diyos para sa kanila. Habang ang mata ng kanilang kaisipan ay nakatutok sa malayong hinaharap, ang kanilang nakikita’y, hindi lamang ang “halamanan sa Eden, sa may gawing silangan,” kundi ang buong lupa na punô ng mga lalaki at mga babae na pagkasasaya ng mga mukha. (Genesis 2:8) Ang puso ng lalaki at ng babae ay lulundag sa tuwa sa pagkatalos na lahat ng mga ito ay kanilang mga supling, ang kanilang mga inapo. Lahat ay sakdal, walang kapintasan ang pangangatawan at anyo ng katawan, laging nasa kasariwaan ng kabataan na may walang kupas na kalusugan at kagalakan sa buhay, lahat sila’y nagpapahayag ng sakdal na pag-ibig sa isa’t isa, lahat ay nagkakaisang sumasamba sa kanilang dakilang Maylikha, ang kanilang makalangit na Ama, anupa’t ginagawa ito kasama ng ama at ina ng sangkatauhan. Kaipala’y nag-umapaw sa kagalakan ang puso ng unang lalaki at babae nang kanilang pinag-iisipan ang pagkakaroon ng gayong pamilya!
15, 16. (a) Bakit magkakaroon ng saganang pagkain para sa pamilya ng sangkatauhan? (b) Habang lumalaki ang maligayang pamilya, anong gawain ang nakalaan para sa kanila sa labas ng halamanan ng Eden?
15 Magkakaroon ng saganang pagkain para sa bawat miyembro ng pamilyang ito ng sangkatauhan na nakalaganap sa buong lupa. Noong una’y sagana ang pagkain, doon sa halamanan ng Eden. Ang Diyos ang tumustos sa kanila at nagbigay sa kanila ng lahat ng pananim na nagkakabinhi upang magsilbing pagkaing nagpapalusog at sumusustine sa buhay, kasama ang mga punungkahoy na namumunga.—Ihambing ang Awit 104:24.
16 Habang lumalaki ang kanilang maligayang pamilya, kanilang palalawakin ang halamanan sa mga lupaing nasa lampas pa ng mga hangganan ng Eden, sapagkat ipinakikita ng Salita ng Diyos na sa labas ng halamanan ng Eden, ang lupa ay nasa kalagayang di pa naihahanda. Ito ay hindi man lamang naaasikaso pa noon at hindi pa natatamnan nang husto di-gaya ng kalagayan ng halamanan ng Eden. Kaya naman sinabi sa kanila ng kanilang Maylikha na “supilin” nila ang lupa habang kanilang pinupunô ito.—Genesis 1:28.
17. Bakit magkakaroon ng saganang pagkain para sa lumalagong populasyon, at ano sa wakas ang iiral habang pinalalawak ang halamanan?
17 Habang ang halamanan ay pinalalawak ng sakdal na mga tagapangalaga at mga tagapag-ingat, ang sinupil na lupa ay magbubunga nang sagana para sa lumalaking populasyon. Sa wakas ang buong lupa ay malalaganapan ng patuloy na lumalaking halamanan, at iiral nga ang paraiso sa buong lupa, at mamumukadkad bilang ang walang hanggang tahanan ng sangkatauhan. Ito’y magiging isang dako ng kagandahan kung tatanawin buhat sa kalangitan, at sasabihin ng makalangit na Maylikha na ito’y napakabuti.—Ihambing ang Job 38:7.
18. Bakit ang pangglobong halamanan ng Eden ay walang anumang makagagambala, at anong kapayapaan ang mananaig?
18 Iyon ay magiging mapayapa at walang anumang makagagambala gaya rin ng halamanan ng Eden na kinalagyan ng bagong kasal na lalaki at babae. Hindi sila dapat matakot na sila ay nanganganib o sasaktan ng lahat ng hayop na iyon at mga ibon na sinuri at pinanganlan ng unang lalaki, si Adan. Tulad ng mga unang tao na kanilang ama at ina, ang mga sakdal na mananahang iyon sa pambuong-lupang Paraiso ay mamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat nabubuhay na kinapal na gumagalaw sa lupa, maging sa maiilap na hayop sa parang. Taglay ang likas na sentido ng pagpapasakop sa tao, na nilalang “sa wangis ng Diyos,” ang nakabababang mga nabubuhay na kinapal na ito ay makikipagpayapaan sa kaniya. Ang kanilang malumanay, sakdal na mga panginoong tao, palibhasa’y nasa kanilang kapamahalaan ang nakabababang nabubuhay na mga nilalang na ito, ay magdudulot ng mapayapang kapaligiran sa daigdig ng mga hayop na nilalang. Ang mapayapang impluwensiya ng maka-Diyos na mga panginoong taong ito ay lalaganap at magsisilbing proteksiyon sa nakukuntentong nakabababang mga nabubuhay na nilalang na ito. Higit sa lahat, ang sakdal na sangkatauhan ay magkakaroon ng pakikipagpayapaan sa Diyos, na ang pagpapala ay hindi kailanman maaalis sa kanila.—Ihambing ang Isaias 11:9.
Namahinga ang Diyos sa Kaniyang mga Gawang Paglalang
19. (a) Tungkol sa layunin ng Diyos, ano ang matatalos ng unang lalaki at babae? (b) Ano ang ipinakita ng Diyos kung tungkol sa panahon?
19 Samantalang pinag-iisipan ng sakdal na mag-asawa ang natapos na makalupang tanawin ayon sa layunin ng Diyos, kanilang matatalos ang isang bagay. Upang maganap nila ang kahanga-hangang utos na ito buhat sa Diyos ang kailangan ay panahon. Gaanong kahabang panahon? Batid ito ng kanilang Maylikha at makalangit na Ama. Kaniyang ipinabatid sa kanila na ang sunud-sunod na mga araw ng paglalang ay natapos na naman at na sila’y nakatayo sa “hapon,” ang pasimula ng isang bagong araw ayon sa sariling pagtatanda ng Diyos sa mga araw ng paglalang. Iyon ay itinakdang maging isang pinagpalang araw at pinabanal ayon sa sariling dalisay, matuwid na layunin ng Diyos. Ito’y binigyang-pansin ng sakdal na tao, ang propeta ng Diyos. Ang kinasihang salaysay ay nagsasabi sa atin:
20. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa “ikapitong araw”?
20 “At nakita ng Diyos ang lahat ng kaniyang nilikha at, narito! napakabuti. At nagkaroon ng hapon at nagkaroon ng umaga, ang ikaanim na araw. Sa gayo’y nayari ang langit at ang lupa at ang lahat na natatanaw sa mga iyon. At nang ikapitong araw ay nayari ng Diyos ang kaniyang gawang ginawa, at siya’y nagpahinga nang ikapitong araw buhat sa lahat ng kaniyang gawang ginawa niya. At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kaniyang pinabanal, sapagkat siyang ipinagpahinga niya sa lahat ng kaniyang gawa na nilikha at ginawa ng Diyos. Ito ay isang kasaysayan ng langit at ng lupa sa panahon ng kanilang pagkalalang, nang araw na gawin ng Diyos na Jehova ang lupa at ang langit.”—Genesis 1:31–2:4.
21. (a) Sinasabi ba ng Bibliya na tinapos ng Diyos ang kaniyang araw ng pamamahinga at na iyon ay napakabuti? Ipaliwanag. (b) Anong mga tanong ang bumabangon?
21 Hindi sinasabi ng paglalahad na tinapos ng Diyos ang kaniyang araw ng kapahingahan at kaniyang nakita na iyon ay napakabuti at na nagkaroon ng hapon at ng umaga, ang ikapitong araw. Upang makatumbas ng naunang anim na mga araw ng paglalang, ang ikapitong araw ay kailangan pang banggitin na napakabuti, sapagkat ito’y hindi pa natatapos. Masasabi kaya ng Diyos na Jehova na ang araw na iyon ay napakabuti hanggang sa nalakaran niyaon? Iyon ba ay naging isang araw ng mapayapang pamamahinga para sa kaniya hanggang sa nalakaran niyaon? Kumusta naman ang nakagagalak-pusong pag-asang inaasam-asam ng unang lalaki at babae nang araw ng kanilang kasalan sa Paraiso? Tunghayan natin ang tanawin na inilalarawan sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ito’y mga pangalang makikita sa tekstong Hebreo ng Genesis at ng iba pang kinasihang aklat ng Kasulatang Hebreo.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong gawain ang ibinigay ng Diyos kay Adan bukod sa pangangalaga sa halamanan, at ano ang kasali rito?
◻ Ano ang isiniwalat ng ulat ng paglalang sa Genesis 1:1-25?
◻ Papaano nilalang ang unang asawang babae, at papaano tumugon si Adan noong araw ng kanilang kasal?
◻ Anong mga pagkakataon ang nasa harapan ng unang mag-asawa?
◻ Papaano ipinakita ng Diyos na ang sunud-sunod na mga araw ng paglalang ay natapos na naman?