Linangin ang Pagkamasunurin Habang Papalapit ang Wakas
“Sa [Shilo] mauukol ang pagkamasunurin ng mga bayan.”—GENESIS 49:10.
1. (a) Noong nakalipas na panahon, ang pagsunod kay Jehova ay madalas na nangangahulugan ng ano? (b) Anong hula hinggil sa pagkamasunurin ang binanggit ni Jacob?
ANG pagsunod kay Jehova ay karaniwan nang nangangahulugan ng pagsunod sa kaniyang mga kinatawan. Kabilang dito ang mga anghel, patriyarka, hukom, saserdote, propeta, at mga hari. Ang trono ng mga hari ng Israel ay tinawag pa ngang trono ni Jehova. (1 Cronica 29:23) Subalit nakalulungkot, marami sa mga tagapamahala ng Israel ang sumuway sa Diyos, na nagdulot ng kapahamakan sa kanilang sarili at sa kanilang mga nasasakupan. Ngunit hindi pinabayaan ni Jehova ang kaniyang mga matapat nang walang pag-asa; inaliw niya sila sa pamamagitan ng pangako na siya ay maglalagay ng isang di-namamatay na Hari, na malugod na susundin ng mga matuwid. (Isaias 9:6, 7) Ang mamamatay na noon na patriyarkang si Jacob ay humula hinggil sa magiging tagapamahalang ito, na sinasabi: “Ang setro ay hindi lilihis mula kay Juda, ni ang baston ng kumandante mula sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa dumating ang Shilo; at sa kaniya mauukol ang pagkamasunurin ng mga bayan.”—Genesis 49:10.
2. Ano ang kahulugan ng “Shilo,” at ano ang magiging sakop ng kaniyang maharlikang pamamahala?
2 Ang “Shilo” ay Hebreong termino na nangangahulugang “Siya na Nagmamay-ari Nito,” o “Siya na Kinauukulan Nito.” Oo, ang Shilo ay magmamana ng ganap na karapatan sa pamamahala, gaya ng isinasagisag ng setro, at ng kapangyarihang mag-utos, gaya ng inilalarawan ng baston ng kumandante. Bukod dito, ang magiging sakop ng kaniyang maharlikang pamamahala ay hindi lamang ang mga inapo ni Jacob, kundi pati rin ang lahat ng “mga bayan.” Ito ay kasuwato ng pangako ni Jehova kay Abraham: “Aariin ng iyong binhi ang pintuang-daan ng kaniyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:17, 18) Pinatotohanan ni Jehova ang pagkakakilanlan ng “binhi” na ito noong 29 C.E. nang pahiran niya ng banal na espiritu si Jesus ng Nasaret.—Lucas 3:21-23, 34; Galacia 3:16.
Ang Unang Kaharian ni Jesus
3. Anong pamamahala ang tinanggap ni Jesus nang umakyat siya sa langit?
3 Nang umakyat si Jesus sa langit, hindi siya agad nagsimulang mamahala sa mga bayan ng sanlibutan. (Awit 110:1) Gayunman, tinanggap niya ang isang “kaharian” na may mga nasasakupan na sumusunod sa kaniya. Tinukoy ni apostol Pablo ang kahariang iyon nang sumulat siya: ‘Iniligtas tayo [mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu] ng Diyos mula sa awtoridad ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig.’ (Colosas 1:13) Ang pagliligtas na ito ay nagsimula noong Pentecostes 33 C.E. nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga tapat na tagasunod ni Jesus.—Gawa 2:1-4; 1 Pedro 2:9.
4. Sa anu-anong paraan ipinakita ng sinaunang mga alagad ni Jesus ang kanilang pagkamasunurin, at paano sila tinukoy ni Jesus bilang isang grupo?
4 Bilang “mga embahador na humahalili para kay Kristo,” masunuring sinimulan ng pinahiran-ng-espiritung mga alagad ang pagtitipon sa iba pa na magiging “mga kapuwa mamamayan” sa espirituwal na kahariang iyon. (2 Corinto 5:20; Efeso 2:19; Gawa 1:8) Karagdagan pa, ang mga ito ay kailangang manatiling ‘nagkakaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan’ upang matamasa ang pagsang-ayon ng kanilang hari na si Jesu-Kristo. (1 Corinto 1:10) Bilang isang grupo, sila ang bumubuo sa uring “tapat at maingat na alipin,” o tapat na katiwala.—Mateo 24:45; Lucas 12:42.
Pinagpala Dahil sa Pagsunod sa “Katiwala” ng Diyos
5. Paano tinuturuan ni Jehova ang kaniyang bayan noong sinaunang panahon?
5 Si Jehova ay palaging naglalaan ng mga guro para sa kaniyang bayan. Halimbawa, pagkatapos bumalik ang mga Judio mula sa Babilonya, hindi lamang binasa ni Ezra at ng ilang kuwalipikadong lalaki ang Kautusan ng Diyos sa bayan, ‘ipinaliwanag’ din nila ang kautusang iyon, anupat ‘binibigyan iyon ng kahulugan at ipinauunawa’ ang Salita ng Diyos.—Nehemias 8:8.
6, 7. Paano naglalaan ang uring alipin ng napapanahong espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng Lupong Tagapamahala nito, at bakit wastong magpasakop sa uring alipin?
6 Noong unang siglo, nang bumangon ang isyu hinggil sa pagtutuli noong 49 C.E., may-pananalanging isinaalang-alang ng lupong tagapamahala ng sinaunang uring aliping iyon ang bagay na ito at nagkaroon sila ng isang maka-Kasulatang pasiya. Nang ipabatid nila ang kanilang desisyon sa pamamagitan ng liham, sumunod ang mga kongregasyon sa tagubiling ibinigay at tinamasa nila ang saganang pagpapala ng Diyos. (Gawa 15:6-15, 22-29; 16:4, 5) Gayundin naman sa makabagong panahon, nililinaw ng tapat na alipin sa pamamagitan ng Lupong Tagapamahala nito ang mahahalagang isyu na gaya ng Kristiyanong neutralidad, kabanalan ng dugo, at paggamit ng droga at tabako. (Isaias 2:4; Gawa 21:25; 2 Corinto 7:1) Pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan dahil sa kanilang pagsunod sa kaniyang Salita at sa tapat na alipin.
7 Sa pamamagitan ng pagpapasakop sa uring alipin, ipinakikita rin ng bayan ng Diyos ang kanilang pagpapasakop sa Panginoon, si Jesu-Kristo. Ang gayong pagpapasakop ay lalo nang mahalaga sa makabagong panahon dahil sa pinalawak na awtoridad ni Jesus, gaya ng inihula ng mamamatay nang si Jacob.
Ang Shilo ay Naging Nararapat na Tagapamahala ng Lupa
8. Paano at kailan lumawak ang awtoridad ni Kristo?
8 Inihula ni Jacob na makakamit ng Shilo “ang pagkamasunurin ng mga bayan.” Maliwanag na hindi lamang ang espirituwal na Israel ang pamamahalaan ni Kristo. Ano pa ang pamamahalaan niya? Sumasagot ang Apocalipsis 11:15: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at mamamahala siya bilang hari magpakailan-kailanman.” Isinisiwalat ng Bibliya na tinanggap ni Jesus ang awtoridad na iyon nang matapos ang makahulang “pitong panahon”—“ang mga takdang panahon ng mga bansa”—noong 1914.a (Daniel 4:16, 17; Lucas 21:24) Noong taóng iyon, nagsimula ang di-nakikitang “pagkanaririto” ni Kristo bilang Mesiyanikong Hari, gayundin ang kaniyang panahon upang ‘manupil sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’—Mateo 24:3; Awit 110:2.
9. Ano ang ginawa ni Jesus nang tanggapin niya ang kaniyang Kaharian, at ano ang di-tuwirang epekto nito sa sangkatauhan, lalo na sa kaniyang mga alagad?
9 Ang unang ginawa ni Jesus pagkatapos tanggapin ang kapangyarihan bilang hari ay ang ihagis ang pinakalarawan ng pagsuway—si Satanas—kasama ang kaniyang mga demonyo tungo “sa lupa.” Mula noon, ang balakyot na mga espiritung ito ay nagdulot na ng wala-pang-katulad na kaabahan para sa sangkatauhan, bukod pa sa pagtataguyod ng kapaligirang nagpapahirap sa isa na sumunod kay Jehova. (Apocalipsis 12:7-12; 2 Timoteo 3:1-5) Sa katunayan, ang pangunahing tudlaan ng espirituwal na pakikidigma ni Satanas ay binubuo ng mga pinahiran ni Jehova, “na tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus,” at ng kanilang kasamahang “ibang mga tupa.”—Apocalipsis 12:17; Juan 10:16.
10. Ang katuparan ng anong mga hula sa Bibliya ang gumagarantiya na mabibigo ang pakikidigma ni Satanas laban sa tunay na mga Kristiyano?
10 Gayunman, si Satanas ay tiyak na mabibigo dahil ito ang “araw ng Panginoon,” at walang makahahadlang kay Jesus sa ‘paglubos ng kaniyang pananaig.’ (Apocalipsis 1:10; 6:2) Halimbawa, kaniyang titiyakin ang huling pagtatak sa 144,000 espirituwal na Israelita. Ipagsasanggalang din niya ang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:1-4, 9, 14-16) Gayunman, di-tulad ng kanilang pinahirang mga kasamahan, ang mga ito ay magiging masunuring mga makalupang sakop ni Jesus. (Daniel 7:13, 14) Ang kanilang paglitaw mismo sa tanawin ng sanlibutan ay naglalaan na ng nakikitang ebidensiya na ang Shilo ay tunay na Tagapamahala sa “kaharian ng sanlibutan.”—Apocalipsis 11:15.
Ngayon Na ang Panahon Upang ‘Sumunod sa Mabuting Balita’
11, 12. (a) Sino lamang ang makaliligtas sa wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay? (b) Anong mga ugali ang nalilinang niyaong mga naimpluwensiyahan ng “espiritu ng sanlibutan”?
11 Lahat ng nagnanais ng walang-hanggang buhay ay dapat matutong sumunod, sapagkat maliwanag na sinasabi ng Bibliya na yaong “mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus” ay hindi makaliligtas sa araw ng paghihiganti ng Diyos. (2 Tesalonica 1:8) Gayunman, ang kasalukuyang balakyot na kapaligiran at ang mapaghimagsik na espiritu nito laban sa mga kautusan at simulain ng Bibliya ay nagpapahirap sa isa na sumunod sa mabuting balita.
12 Inilalarawan ng Bibliya ang espiritung ito na mapaghimagsik sa Diyos bilang ang “espiritu ng sanlibutan.” (1 Corinto 2:12) Sa pagpapaliwanag sa epekto nito sa mga tao, sumulat si apostol Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano sa Efeso, na sinasabi: ‘Lumakad kayo noong una ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa tagapamahala ng awtoridad ng hangin, ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway. Oo, sa gitna nila tayong lahat noong una ay gumawi na kasuwato ng mga pagnanasa ng ating laman, na ginagawa ang mga bagay na hinahangad ng laman at ng mga pag-iisip, at tayo ay likas na mga anak ng poot gaya nga ng iba.’—Efeso 2:2, 3.
13. Paano mabisang mapaglalabanan ng mga Kristiyano ang espiritu ng sanlibutan, at ano ang kapaki-pakinabang na mga resulta nito?
13 Mabuti na lamang, hindi nanatiling mga alipin ng espiritung iyon ng pagsuway ang mga Kristiyano sa Efeso. Sa halip, sila ay naging masunuring mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kaniyang espiritu at pag-aani sa sagana at kapaki-pakinabang na bunga nito. (Galacia 5:22, 23) Sa katulad na paraan sa ngayon, ang espiritu ng Diyos—ang pinakamakapangyarihang puwersa sa sansinukob—ay tumutulong sa milyun-milyon na maging masunurin kay Jehova, at dahil dito ay maaari silang magkaroon ng “lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas.”—Hebreo 6:11; Zacarias 4:6.
14. Paano binabalaan ni Jesus ang lahat ng mga Kristiyanong nabubuhay sa mga huling araw hinggil sa espesipikong mga bagay na susubok sa kanilang pagkamasunurin?
14 Alalahanin din na taglay natin ang makapangyarihang pag-alalay ng Shilo, na kasama ng kaniyang Ama, ay hindi magpapahintulot na ang sinumang kaaway—demonyo man o tao—ay sumubok sa ating pagkamasunurin nang higit sa matitiis natin. (1 Corinto 10:13) Sa katunayan, upang tulungan tayo sa ating espirituwal na pakikidigma, inilarawan ni Jesus ang ilang espesipikong problema na ating haharapin sa mga huling araw na ito. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pitong liham, na kaniyang ibinigay kay apostol Juan sa isang pangitain. (Apocalipsis 1:10, 11) Walang alinlangan, naglalaman ang mga ito ng mahalagang payo para sa mga Kristiyano noon, ngunit pangunahin nang kumakapit ang mga ito sa “araw ng Panginoon,” mula noong 1914. Kung gayon, napakaangkop nga na magbigay-pansin tayo sa mga mensaheng ito!b
Iwasan ang Pagwawalang-Bahala, Imoralidad, at Materyalismo
15. Bakit dapat tayong magbantay laban sa problemang nakaapekto sa kongregasyon sa Efeso, at paano natin ito magagawa? (2 Pedro 1:5-8)
15 Ang unang liham ni Jesus ay para sa kongregasyon ng Efeso. Pagkatapos papurihan ang kongregasyon dahil sa pagbabata nito, sinabi ni Jesus: “Gayunpaman, mayroon akong laban sa iyo, na iniwan mo ang pag-ibig na taglay mo noong una.” (Apocalipsis 2:1-4) Sa ngayon, naiwala rin ng ilang dating masisigasig na Kristiyano ang kanilang dating taglay na marubdob na pag-ibig sa Diyos. Ang pagkawala ng gayong pag-ibig ay maaaring magpahina sa kaugnayan ng isa sa Diyos at dapat itong lunasan agad. Paano muling mapaniningas ang gayong pag-ibig? Sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa pulong, pananalangin, at pagbubulay-bulay. (1 Juan 5:3) Totoo, nangangailangan ito ng “marubdob na pagsisikap,” ngunit tiyak na sulit ito. (2 Pedro 1:5-8) Kung isinisiwalat ng tapat na pagsusuri sa sarili na ang iyong pag-ibig ay lumamig, ituwid kaagad ang situwasyon, bilang pagsunod sa payo ni Jesus: “Alalahanin mo kung mula sa ano ka nahulog, at magsisi ka at gawin mo ang mga gawa noong una.”—Apocalipsis 2:5.
16. Anong mga impluwensiyang mapanganib sa espirituwal ang umiral noon sa mga kongregasyon ng Pergamo at Tiatira, at bakit angkop sa ngayon ang mga salita ni Jesus sa kanila?
16 Ang mga Kristiyano naman sa Pergamo at Tiatira ay pinapurihan dahil sa kanilang katapatan, pagbabata, at kasigasigan. (Apocalipsis 2:12, 13, 18, 19) Gayunman, sila ay naimpluwensiyahan ng ilan na nagpapamalas ng balakyot na espiritu ni Balaam at ni Jezebel, na nagsilbing masasamang impluwensiya sa sinaunang Israel dahil sa seksuwal na imoralidad at pagsamba kay Baal. (Bilang 31:16; 1 Hari 16:30, 31; Apocalipsis 2:14, 16, 20-23) Ngunit kumusta naman sa ating panahon—sa “araw ng Panginoon”? Nakikita ba ang gayunding masasamang impluwensiya? Oo, yamang ang imoralidad ay talagang siyang pangunahing sanhi ng pagtitiwalag sa bayan ng Diyos. Kung gayon, napakahalaga nga na iwasan natin ang pakikisama sa lahat ng indibiduwal—sa loob at labas man ng kongregasyon—na may nakasasamang impluwensiya sa moralidad! (1 Corinto 5:9-11; 15:33) Iiwasan din niyaong nagnanais na maging masunuring mga sakop ng Shilo ang kuwestiyunableng libangan gayundin ang pornograpyang makikita sa babasahin at sa Internet.—Amos 5:15; Mateo 5:28, 29.
17. Paano maihahambing ang pangmalas at saloobin ng mga nasa Sardis at Laodicea sa pangmalas ni Jesus hinggil sa kanilang espirituwal na kalagayan?
17 Maliban sa iilang indibiduwal, ang kongregasyon sa Sardis ay walang natanggap na anumang papuri. Taglay nito “ang pangalan,” o anyo, ng pagiging buháy, ngunit ang espirituwal na pagwawalang-bahala ay lubhang nakaimpluwensiya rito anupat itinuring ito ni Jesus na “patay.” Ang pagsunod sa mabuting balita ay naging rutin na lamang. Kaytinding pagtuligsa! (Apocalipsis 3:1-3) Ang kongregasyon sa Laodicea ay nasa gayunding kalagayan. Ipinagmamalaki nito ang materyal na kayamanan, anupat sinasabi, “Ako ay mayaman,” gayunman kay Kristo, ang kongregasyon ay “miserable at kahabag-habag at dukha at bulag at hubad.”—Apocalipsis 3:14-17.
18. Paano maiiwasan ng isa na maging espirituwal na malahininga sa paningin ng Diyos?
18 Sa ngayon, ang ilang dating tapat na mga Kristiyano ay nahulog din sa gayunding uri ng pagsuway. Marahil ay hinayaan nilang alisin ng espiritu ng sanlibutan ang kanilang pagkadama ng pagkaapurahan sa kanilang buhay, kung kaya’t nalinang nila ang espirituwal na malahiningang saloobin hinggil sa pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, pulong Kristiyano, at ministeryo. (2 Pedro 3:3, 4, 11, 12) Napakahalaga nga na ang gayong mga Kristiyano ay sumunod kay Kristo sa pamamagitan ng pagtataguyod ng espirituwal na mga kayamanan—oo, “bumili [kay Kristo] ng gintong dinalisay ng apoy”! (Apocalipsis 3:18) Kalakip sa gayong tunay na kayamanan ang pagiging ‘mayaman sa maiinam na gawa, mapagbigay, handang mamahagi.’ Sa pamamagitan ng pagtataguyod ng ganitong tunay na mahahalagang kayamanan, tayo ay ‘maingat na nag-iimbak para sa ating sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay.’—1 Timoteo 6:17-19.
Pinapurihan Dahil sa Kanilang Pagkamasunurin
19. Anong mga papuri at payo ang ibinigay ni Jesus sa mga Kristiyano sa Smirna at Filadelfia?
19 Namumukod-tanging mga halimbawa sa pagkamasunurin ang mga kongregasyon sa Smirna at sa Filadelfia, yamang walang nilalamang anumang pagsaway ang mga liham ni Jesus sa kanila. Sinabi niya sa mga nasa Smirna: “Alam ko ang iyong kapighatian at karalitaan—ngunit ikaw ay mayaman.” (Apocalipsis 2:9) Kaylaking kaibahan nito sa mga nasa Laodicea na ipinagmamalaki ang makasanlibutang kayamanan ngunit sa katunayan ay maralita naman! Siyempre pa, hindi nalulugod ang Diyablo na makita ang sinumang nagpapakita ng katapatan at pagsunod kay Kristo. Kaya nagbabala si Jesus: “Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan. Narito! Patuloy na itatapon ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang lubos kayong mailagay sa pagsubok, at upang magkaroon kayo ng kapighatiang sampung araw. Patunayan mong tapat ka maging hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.” (Apocalipsis 2:10) Sa katulad na paraan, pinapurihan ni Jesus ang mga nasa Filadelfia, na sinasabi: “Iningatan mo ang aking salita [o, sinunod mo ako] at hindi nagbulaan sa aking pangalan. Ako ay dumarating nang madali. Patuloy mong panghawakang mahigpit ang iyong taglay, upang walang sinumang kumuha ng iyong korona.”—Apocalipsis 3:8, 11.
20. Paano iniingatan ng milyun-milyon sa ngayon ang salita ni Jesus, at sa kabila ng anong mga kalagayan?
20 Sa “araw ng Panginoon,” simula noong 1914, iniingatan din ng tapat na nalabi at ng kanilang kasamahang ibang mga tupa, na may bilang na milyun-milyon sa ngayon, ang salita ni Jesus sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa ministeryo at mahigpit na panghahawakan sa kanilang katapatan. Kagaya ng kanilang unang-siglong mga kapatid, ang ilan ay nagdusa sa kanilang pagsunod kay Kristo, anupat itinapon pa nga sila sa mga bilangguan at kampong piitan. Iniingatan naman ng ilan ang salita ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapanatili ng ‘simpleng mata,’ bagaman sila ay napaliligiran ng kasaganaan at kasakiman. (Mateo 6:22, 23) Oo, sa bawat kapaligiran at sa bawat pagkakataon, ang tunay na mga Kristiyano, sa pamamagitan ng kanilang pagkamasunurin, ay patuloy na nagpapasaya sa puso ni Jehova.—Kawikaan 27:11.
21. (a) Anong espirituwal na obligasyon ang patuloy na isasakatuparan ng uring alipin? (b) Paano natin maipakikita na talagang nais nating sumunod sa Shilo?
21 Habang papalapit na tayo sa malaking kapighatian, “ang tapat at maingat na alipin” ay nananatiling determinado na hindi ikompromiso ang pagkamasunurin nito sa Panginoon, si Kristo. Kasama rito ang paghahanda ng napapanahong espirituwal na pagkain para sa sambahayan ng Diyos. Kaya patuloy nawa nating pahalagahan ang kamangha-manghang teokratikong organisasyon ni Jehova at ang mga inilalaan nito. Sa ganitong paraan, ipinakikita natin ang ating pagpapasakop sa Shilo, na siyang magbibigay ng gantimpalang buhay na walang hanggan sa lahat ng kaniyang masunuring mga sakop.—Mateo 24:45-47; 25:40; Juan 5:22-24.
[Mga talababa]
a Para sa paliwanag hinggil sa “pitong panahon,” tingnan ang kabanata 10 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Para sa detalyadong pagtalakay sa lahat ng pitong liham, pakisuyong tingnan ang aklat na Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, inilathala ng mga Saksi ni Jehova, simula sa pahina 33.
Naaalaala Mo Ba?
• Anong papel ang gagampanan ni Jesus gaya ng inihula ng mamamatay nang si Jacob?
• Paano natin kinikilala si Jesus bilang Shilo, at anong espiritu ang dapat nating iwasan?
• Anong napapanahong payo ang nasa mga liham sa pitong kongregasyon sa Apocalipsis?
• Sa anu-anong paraan natin matutularan yaong nasa mga kongregasyon ng sinaunang Smirna at Filadelfia?
[Mga larawan sa pahina 18]
Pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan dahil sa kanilang pagsunod sa tapat na “katiwala”
[Larawan sa pahina 19]
Ang impluwensiya ni Satanas ang nagpapahirap sa pagsunod sa Diyos
[Mga larawan sa pahina 21]
Ang isang matibay na kaugnayan kay Jehova ang tumutulong sa atin na maging masunurin sa kaniya