PISAAN
Isang kasangkapang ginagamit na pandurog ng prutas upang lumabas ang likido mula rito. Yamang kasunod ng pag-aani ng mga ubas ang pag-aani ng mga olibo, kadalasa’y iisang pisaan ang ginagamit na pampiga ng katas ng ubas at ng langis ng olibo, bagaman mayroon ding isang uri ng pisaan na may mga haligi na ginagamit para sa mga olibo.
Ang karaniwang mga pisaan ay kadalasang binubuo ng dalawang mababaw at tulad-sahurang hukay na inuka sa likas na batong-apog, anupat ang hukay na nasa itaas ay konektado sa hukay na nasa ibaba sa pamamagitan ng isang maliit na lagusan. (Bil 18:27, 30; 2Ha 6:27) Ang mga ubas o mga olibo ay niyayapakan o dinudurog sa mas mataas na sahuran (gath, Ne 13:15), anupat sa pamamagitan ng grabidad ay umaagos ang mga katas patungo sa mas mababang tangke (yeʹqev, Huk 7:25; Kaw 3:10; Joe 2:24; Hag 2:16). Sa Joel 3:13, lumilitaw ang dalawang terminong ito: “Pumarito kayo, lumusong kayo, sapagkat ang pisaan ng ubas [gath] ay punô na. Ang mga pisaang tangke [ha·yeqa·vimʹ, anyong pangmaramihan ng yeʹqev] ay umaapaw.” Lumilitaw na ginagamit din noon ang terminong yeʹqev upang tumukoy sa mga pisaan na may iisang sahuran, anupat doon niyayapakan ang mga ubas at doon na rin natitipon ang katas. (Job 24:11; Isa 5:2; 16:10; Jer 48:33) Ang pinakasahig ng mga pisaang ito ay mas nakadahilig kaysa sa pangkaraniwang uri na may dalawang sahuran, upang matipon ang katas sa mas mababang dulo. Kapag ang pisaan ay pahaba at makitid, gaya ng isang alilisan o labangan, tinatawag iyon na pu·rahʹ. (Isa 63:3; Hag 2:16) Tinutukoy rin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pisaan ng ubas (le·nosʹ, Mat 21:33), gayundin ang “tangke para sa pisaan ng ubas” (hy·po·leʹni·on, Mar 12:1).
Natagpuan ang isa sa gayong pisaan ng ubas, anupat ang mas mataas na sahuran nito ay may sukat na 2.4 m (8 piye) kuwadrado at lalim na 38 sentimetro (15 pulgada). Ang mas maliit na tangke naman, na mga 0.6 m (2 piye) ang kababaan at kung saan umaagos ang katas, ay may sukat na 1.2 m (4 na piye) kuwadrado at lalim na 0.9 m (3 piye). Sa gayong pisaan ng ubas naggiik si Gideon ng kaniyang trigo.—Huk 6:11.
Sa mga pisaang ito, kadalasa’y mga paa lamang o mabibigat na bato ang ipinandudurog sa mga prutas. Dalawa hanggang pitong manyayapak, o maaaring mas marami pa, ang gumagawang magkakasama sa pisaan. Kaya naman kapansin-pansin ang sinabi ni Isaias na ang Dakilang Manyayapak, si Jehova, ay mag-isang yayapak sa alilisan ng alak. (Isa 63:3) Sa ibabaw ng mga ulo ng mga manyayapak ay may isang nakapahalang na biga kung saan may nakalawit na mga lubid na mahahawakan ng mga lalaki bilang pansuporta. Nakamamantsa sa pang-itaas na kasuutan ng mga manyayapak ang pagtilamsik ng “dugo ng mga ubas.” (Gen 49:11; Isa 63:2) Bagaman nangangahulugan ito ng puspusang pagpapagal, kadalasan, ang panahon ng pagpisa sa mga bunga ay isang panahon ng pagsasaya; nakatutulong ang sigaw ng kagalakan at awitan upang mapanatili ang ritmo sa pagyapak. (Huk 9:27; Jer 25:30; 48:33) Ang pananalitang “ng Gitit” (isinalin bilang “mga pisaan ng ubas” sa Griegong Septuagint at sa Latin na Vulgate) na lumilitaw sa superskripsiyon ng tatlong Awit (8, 81, 84) ay maaaring nagpapahiwatig na ang mga iyon ay mga awit na nauugnay sa anihan ng ubas.
Makasagisag na Paggamit. Sa ilang pagkakataon, ang pisaan ng ubas ay tinutukoy ng Kasulatan sa makasagisag na diwa. (Isa 63:2, 3; Pan 1:15) Sa araw ni Jehova, kapag nagkatipon ang mga pulutong sa mababang kapatagan ng pasiya, lalabas ang utos: “Isulong ninyo ang karit, sapagkat ang aanihin ay hinog na. Pumarito kayo, lumusong kayo, sapagkat ang pisaan ng ubas ay punô na. Ang mga pisaang tangke ay umaapaw; sapagkat ang kanilang kasamaan ay dumami.” (Joe 3:13, 14) Sa katulad na paraan, nakita ni Juan sa pangitain na “ang punong ubas ng lupa” ay inihagis “sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos,” anupat niyurakan ito roon hanggang sa “lumabas ang dugo mula sa pisaan ng ubas at umabot hanggang sa mga renda ng mga kabayo.” Ang isa na tinatawag na “Tapat at Totoo,” “Ang Salita ng Diyos,” ang siyang yuyurak sa pisaan ng ubas na ito ng “galit ng poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”—Apo 14:19, 20; 19:11-16.