“Magkita-kita Tayo sa Paraiso!”
“Makakasama kita sa Paraiso.”—LUC. 23:43.
1, 2. Ano ang iba’t ibang ideya ng mga tao tungkol sa paraiso?
ISA itong madamdaming eksena. Habang papaalis ang mga delegado ng ibang bansa sa isang kombensiyon sa Seoul, Korea, marami sa mga Saksing tagaroon ang kumakaway at sumisigaw, “Magkita-kita tayo sa Paraiso!” Sa palagay mo, anong paraiso ang tinutukoy nila?
2 Iba-iba ang pakahulugan ng mga tao sa paraiso. Sinasabi ng ilan na ang paraiso ay imahinasyon lang. Sinasabi naman ng iba na ang paraiso ay anumang lugar kung saan puwedeng maging masaya at kontento ang mga tao. Baka iniisip ng isang gutóm na lalaking nasa salusalo na nasa paraiso siya. Nang makita ng isang bisita noong ika-19 na siglo ang isang libis na punong-puno ng mga ligáw na bulaklak, nasabi niya, “Wow, paraiso!” Hanggang ngayon, Paradise pa rin ang tawag sa lugar na iyon, kahit inuulan ito nang mahigit 15 metro ng niyebe taon-taon. Ano ang Paraiso para sa iyo? Inaasam-asam mo ba ito?
3. Ano ang ipinauunawa sa atin ng Bibliya tungkol sa paraiso?
3 May binabanggit ang Bibliya tungkol sa isang paraisong umiral noon at sa isang paraisong darating. Sa unang bahagi pa lang ng Bibliya, lumilitaw na ang ideya tungkol sa Paraiso. Sa Katolikong Douay Version, na isinalin mula sa Latin, mababasa sa Genesis 2:8: “Ang Panginoong Diyos ay nagtanim ng isang paraiso ng kaluguran mula sa pasimula: kung saan inilagay niya [si Adan] na kaniyang inanyuan.” (Amin ang italiko.) Sa tekstong Hebreo, ang tinutukoy ay ang hardin ng Eden. Ang Eden ay nangangahulugang “Kaluguran,” at talaga namang nakalulugod ang harding iyon. Napakaraming pagkain, maganda ang kapaligiran, at puwedeng makipaglaro sa mga hayop.—Gen. 1:29-31.
4. Bakit masasabing isang paraiso ang hardin ng Eden?
4 Ang salitang Hebreo para sa “hardin” ay tinutumbasan ng terminong Griego na pa·raʹdei·sos. Ganito ang sinasabi ng Cyclopaedia nina M’Clintock at Strong tungkol sa pa·raʹdei·sos: “Isang malawak at pampublikong parkeng ligtas sa kapahamakan at napanatili ang likas na kagandahan; may malalaking punongkahoy na namumunga at nadidiligan ng malinaw na mga batis, at sa mga pampang nito ay nagsasama-sama ang malalaking kawan ng antilope o ng tupa—ito ang tanawing pumapasok sa isip ng isang naglalakbay na Griego.”—Ihambing ang Genesis 2:15, 16.
5, 6. Paano naiwala ang Paraiso, at anong tanong ang bumabangon?
5 Inilagay ng Diyos sina Adan at Eva sa gayong paraiso, pero hindi sila nanatili roon. Bakit? Hindi sila naging karapat-dapat doon dahil sinuway nila ang Diyos. Kaya naiwala nila ang Paraisong para sana sa kanila at sa kanilang mga supling. (Gen. 3:23, 24) Kahit wala nang tao sa hardin, lumilitaw na umiiral pa rin iyon hanggang sa dumating ang Baha noong panahon ni Noe.
6 Baka maisip ng ilan, ‘Makakamit pa kaya ng sinumang tao ang Paraisong lupa?’ Ano ang ipinakikita ng mga ebidensiya? Kung inaasam-asam mong mabuhay sa Paraiso kasama ang mga mahal mo sa buhay, may matibay ka bang dahilan para asahan iyon? Maipapaliwanag mo ba kung bakit tiyak na darating ang Paraiso?
MGA PAHIWATIG NA DARATING ANG PARAISO
7, 8. (a) Ano ang ipinangako ng Diyos kay Abraham? (b) Ano ang posibleng inisip ni Abraham sa ipinangako ng Diyos?
7 Ang makatuwirang mapagkukunan ng sagot ay ang aklat na nanggaling sa Maylalang ng orihinal na Paraiso. Pansinin ang sinabi ng Diyos sa kaibigan niyang si Abraham. Sinabi ng Diyos na darami ang mga supling nito “tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” At nangako si Jehova: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahil pinakinggan mo ang aking tinig.” (Gen. 22:17, 18) Inulit ng Diyos ang pangakong iyan sa anak at apo ni Abraham.—Basahin ang Genesis 26:4; 28:14.
8 Walang pahiwatig sa Bibliya na inisip ni Abraham na tatanggap ng gantimpala ang mga tao sa isang makalangit na paraiso. Kaya nang sabihin ng Diyos na ang “lahat ng bansa sa lupa” ay pagpapalain, makatuwiran lang na mga pagpapala sa lupa ang isipin ni Abraham. Ang Diyos ang nangako, kaya nagpapahiwatig ito ng mas magandang kalagayan sa “lahat ng bansa sa lupa.” Sinusuportahan ba ng sumunod na mga pangyayari sa bayan ng Diyos ang gayong kaisipan?
9, 10. Anong mga pangako ang naging basehan para umasang may darating na mga pagpapala?
9 Tinukoy ni David, isa sa mga inapo ni Abraham, ang isang panahon sa hinaharap kung kailan mawawala na ang mga “manggagawa ng kasamaan” at “gumagawa ng kalikuan.” Ang resulta? “Ang balakyot ay mawawala na.” (Awit 37:1, 2, 10) Sa halip, “ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” Ginabayan din ng Diyos si David na ihula: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:11, 29; 2 Sam. 23:2) Ano kaya ang epekto nito sa mga taong gustong gumawa ng kalooban ng Diyos? Magkakaroon sila ng basehan para umasa na kung puro matuwid lang ang mabubuhay sa lupa, darating ang panahong maibabalik ang isang paraisong gaya ng hardin ng Eden.
10 Sa paglipas ng panahon, karamihan sa mga Israelitang nag-aangking lingkod ni Jehova ay tumalikod sa kaniya at sa tunay na pagsamba. Kaya hinayaan ng Diyos na sakupin ng mga Babilonyo ang kaniyang bayan, wasakin ang kanilang lupain, at dalhing bihag ang marami sa kanila. (2 Cro. 36:15-21; Jer. 4:22-27) Pero inihula rin ng mga propeta ng Diyos na pagkalipas ng 70 taon, babalik ang kaniyang bayan sa lupain nila. Natupad ang mga hulang iyon. Pero may kahulugan din ang mga ito para sa atin. Habang tinatalakay natin ang ilan dito, isaisip ang ating paksa—isang paraisong lupa na darating.
11. Paano natupad noon ang Isaias 11:6-9, pero ano pang tanong ang sasagutin?
11 Basahin ang Isaias 11:6-9. Inihula ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias na pagkabalik ng Kaniyang bayan sa lupain nila, hindi na nila poproblemahin ang mahihirap at mapanganib na kalagayan ni katatakutan man ang pag-atake ng mga hayop o tulad-hayop na mga tao. Magiging ligtas ang mga bata at matanda. Hindi ba’t ipinaaalaala niyan sa iyo ang mga kalagayang pinairal ng Diyos sa hardin ng Eden? (Isa. 51:3) Sinabi rin sa hulang iyan na ang buong lupa—hindi lang ang bansang Israel—ay “mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” Kailan ito mangyayari?
12. (a) Anong mga pagpapala ang naranasan ng mga nagsibalik mula sa pagkatapon sa Babilonya? (b) Ano ang nagpapakitang may iba pang katuparan ang Isaias 35:5-10?
12 Basahin ang Isaias 35:5-10. Idiniin pa ni Isaias na ang mga magsisibalik ay hindi na matatakot dahil sa mga hayop o tao. Ang lupain nila ay mamumunga nang sagana dahil nadidiligan itong mabuti, gaya ng hardin ng Eden. (Gen. 2:10-14; Jer. 31:12) Iyan lang ba ang katuparan nito? Walang ebidensiya na makahimalang gumaling ang mga nagsibalik mula sa pagkatapon. Halimbawa, hindi naman nakakita ang mga bulag. Kaya ipinahihiwatig ng Diyos na sa hinaharap pa mangyayari ang literal na pagpapagaling.
13, 14. Paano nasaksihan ng mga dating tapon ang katuparan ng Isaias 65:21-23, pero anong bahagi ng hulang iyan ang kailangan pang matupad? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
13 Basahin ang Isaias 65:21-23. Hindi bumalik ang mga Judio sa komportableng mga tahanan, at wala rin silang nadatnan na tinamnang bukirin at ubasan. Pero magbabago iyan dahil pagpapalain sila ng Diyos. Kay saya ngang magtayo ng mga bahay at tumira doon! Puwede silang magtanim at masiyahan sa mga bunga nito.
14 Pansinin ang isang mahalagang detalye ng hulang iyan. Darating ba ang panahong “magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy” ang ating mga araw? May mga punong nabubuhay nang libo-libong taon. Dapat na maging malusog ang mga tao para maabot ang gayong haba ng buhay. Kung mabubuhay sila sa kalagayang inihula ni Isaias, para itong isang pangarap na natupad, isang paraiso! At matutupad ang hulang iyan!
15. Paano mo sasabihin sa maikli ang ilang pagpapalang binanggit sa aklat ng Isaias?
15 Pag-isipan kung paanong ang mga pangakong katatalakay lang ay tumutukoy sa isang paraiso sa hinaharap: Ang mga tao sa buong lupa ay pagpapalain ng Diyos. Walang sinuman ang manganganib mula sa mga hayop o tulad-hayop na mga tao. Pagagalingin ang mga bulag, bingi, at pilay. Magtatayo ang mga tao ng sarili nilang bahay at masisiyahan sa pagtatanim ng masusustansiyang pagkain. Mabubuhay sila nang mas mahaba kaysa sa mga puno. Oo, may mga indikasyon sa Bibliya na mangyayari iyan sa hinaharap. Pero baka may magsabing sobra-sobra naman ang pakahulugan natin sa mga hulang iyon. Paano mo iyan sasagutin? Ano ang matibay mong dahilan para umasang magkakaroon talaga ng paraiso sa lupa? Nagbigay ng matibay na dahilan ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman.
MAKAKASAMA KA SA PARAISO!
16, 17. Sa anong sitwasyon binanggit ni Jesus ang tungkol sa Paraiso?
16 Walang kasalanan si Jesus pero hinatulan siya at ibinayubay sa tulos sa gitna ng dalawang kriminal na Judio. Bago mamatay, tinanggap ng isa sa kanila na si Jesus ay isang hari at humiling: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” (Luc. 23:39-42) Sangkot ang kinabukasan mo sa sagot ni Jesus na nasa Lucas 23:43. Ganito ang salita-por-salitang salin ng ilang makabagong iskolar: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon kasama kitang mapupunta sa Paraiso.” Pansinin ang salitang “ngayon.” Ano ba talaga ang ibig sabihin ni Jesus? May iba’t ibang pananaw dito.
17 Sa ngayon, karaniwan nang ginagamit ang kuwit para sabihin o linawin ang kahulugan ng isang pangungusap. Pero kung paghahambingin ang mga pinakaunang manuskritong Griego, hindi pare-pareho ang paggamit o pagpupuwesto ng mga bantas. Kaya ang tanong: Ang ibig bang sabihin ni Jesus ay, “Sinasabi ko sa iyo, ngayon ay makakasama kita sa Paraiso” o “Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso”? Naglalagay ng kuwit ang mga tagapagsalin depende sa iniisip nilang ibig sabihin ni Jesus, at makikita mo ang alinman sa dalawang saling ito sa mga karaniwang bersiyon ng Bibliya.
18, 19. Paano tayo mangangatuwiran tungkol sa ibig sabihin ni Jesus?
18 Pero alalahaning sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ang Anak ng tao ay mapapasapuso ng lupa nang tatlong araw at tatlong gabi.” Sinabi rin niya: “Ang Anak ng tao ay itinalagang ipagkanulo sa mga kamay ng mga tao, at papatayin nila siya, at sa ikatlong araw ay ibabangon siya.” (Mat. 12:40; 16:21; 17:22, 23; Mar. 10:34) Iniulat ni apostol Pedro na nangyari ito. (Gawa 10:39, 40) Kaya hindi napunta si Jesus sa anumang Paraiso noong araw na mamatay siya at ang kriminal na iyon. Si Jesus ay nasa “Hades” sa loob ng ilang araw, hanggang sa buhayin siyang muli ng Diyos.—Gawa 2:31, 32.a
19 Kaya makikita natin na ang pangako ni Jesus sa kriminal ay sinimulan sa pagsasabi: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon.” Ang ganiyang paraan ng pagsasalita ay karaniwan na maging noong panahon ni Moises. Sinabi niya: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso.”—Deut. 6:6; 7:11; 8:1, 19; 30:15.
20. Ano ang nagpapakitang makatuwiran ang ating pagkaunawa sa sinabi ni Jesus?
20 Tungkol sa sagot ni Jesus, ganito ang sinabi ng isang tagapagsalin ng Bibliya mula sa Middle East: “Ang idiniriin sa tekstong ito ay ang salitang ‘ngayon’ at dapat basahing, ‘Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso.’ Ipinangako ito noong araw na iyon at tutuparin sa hinaharap. Isa itong kaugalian sa pagsasalita sa Silangan na nagpapakitang ipinangako iyon sa isang partikular na araw at tiyak itong tutuparin.” Sa isang bersiyong Syriac noong ikalimang siglo, ganito isinalin ang sagot ni Jesus: “Amen, sinasalita ko sa iyo ngayon na makakapiling kita sa Hardin ng Eden.” Dapat tayong mapatibay sa pangakong iyan.
21. Ano ang hindi nangyari sa kriminal, at bakit?
21 Hindi alam ng kriminal na nakipagtipan si Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol na makakasama niya sila sa makalangit na Kaharian. (Luc. 22:29) Bukod diyan, hindi man lang nabautismuhan ang kriminal na iyon. (Juan 3:3-6, 12) Kaya mauunawaan natin na ang ipinangako ni Jesus ay isa ngang makalupang paraiso. Pagkalipas ng ilang taon, inilahad ni apostol Pablo ang isang pangitain tungkol sa isang lalaking “inagaw . . . patungo sa paraiso.” (2 Cor. 12:1-4) Di-gaya ng kriminal na iyon, si Pablo at ang iba pang tapat na mga apostol ay pinili para mabuhay sa langit at makasama ni Jesus sa Kaharian. Pero ang tinutukoy pa rin ni Pablo ay isang bagay na mangyayari pa lang—isang “paraiso” sa hinaharap.b Sa lupa kaya iyan? Naroon ka kaya?
KUNG ANO ANG AASAHAN MO
22, 23. Ano ang inaasam-asam mo?
22 Tandaan na inihula ni David na “ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:29; 2 Ped. 3:13) Tinutukoy ni David ang panahon kung kailan ang mga tao sa lupa ay mamumuhay ayon sa matuwid na daan ng Diyos. Sinasabi ng hula sa Isaias 65:22: “Magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan.” Ipinahihiwatig nito na ang mga tao ay mabubuhay nang libo-libong taon. Posible ba talaga iyan? Oo, dahil ayon sa Apocalipsis 21:1-4, itutuon ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga tao, at isa sa mga ipinangakong pagpapala ay na hindi na mamamatay ang mga taong naglilingkod sa Diyos sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan.
23 Malinaw na ang larawan. Naiwala man nina Adan at Eva ang Paraiso noon sa Eden, maibabalik pa rin ito. Gaya ng ipinangako ng Diyos, ang mga tao sa lupa ay pagpapalain. Sa patnubay ng Diyos, sinabi ni David na ang mga maamo at matuwid ang magmamana ng lupa at mabubuhay roon magpakailanman. Sa tulong ng mga hula sa aklat ng Isaias, lalo tayong nanabik sa masasayang kalagayang iiral. Kailan? Kapag natupad na ang pangako ni Jesus sa kriminal na Judio. Puwede ka ring mabuhay sa Paraiso. Sa panahong iyon, magkakatotoo ang sinabi sa mga delegado sa Korea: “Magkita-kita tayo sa Paraiso!”
a Isinulat ni Propesor C. Marvin Pate: “Para sa marami, ang salitang ‘ngayon’ ay may habang 24 oras.” Ibig sabihin, sa mismong araw na iyon, mapupunta si Jesus sa langit. Pero idinagdag niya: “Ang problema, magiging salungat ito sa ibang turo ng Bibliya na nagpapakitang ‘bumaba’ muna si Jesus sa hades pagkamatay Niya (Mat. 12:40; Gawa 2:31; Roma 10:7) bago siya umakyat sa langit.”
b Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa isyung ito.