BAHAGI 7
Isang Kasiya-siyang Buhay—Bakit Napakailap?
BAKIT marami ang nagpupunyagi na walang nasusumpungang anumang tunay na kahulugan sa kanilang buhay? “Ang tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan. Tulad ng bulaklak ay sumisibol siya at pinuputol, at siya ay tumatakas na tulad ng anino at hindi nananatili.” (Job 14:1, 2) May naganap sa unang mag-asawang tao sa Paraiso na sumira sa maningning na pag-asa ng sangkatauhan.
2 Upang ang pamilya ng tao ay maging tunay na maligaya, sila’y kailangang magkaroon ng mabuting relasyon sa Diyos—isa na kusang-loob, hindi sapilitan. (Deuteronomio 30:15-20; Josue 24:15) Nais ni Jehova ang pagsunod at pagsamba na nagmumula sa puso, udyok ng pag-ibig. (Deuteronomio 6:5) Kaya sa hardin ng Eden, si Jehova ay gumawa ng restriksiyon na nagbigay sa unang tao ng pagkakataong mapatunayan ang kaniyang taos-pusong katapatan. “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan,” ang sabi ng Diyos kay Adan, “ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Iyon ay isang simpleng pagsubok. Si Adan ay pinagbawalan ni Jehova na kumain ng bunga ng isa lamang punungkahoy mula sa lahat ng mga punungkahoy sa hardin. Ang punungkahoy na iyon ay sumasagisag sa karapatan ng ubod-dunong na Maylalang upang magpasiya kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Ang bigay-Diyos na utos na ito ay pinarating ng unang tao sa kaniyang asawang babae, na inilaan ni Jehova “bilang kapupunan [ni Adan].” (Genesis 2:18) Sila’y kapuwa nasiyahan sa kaayusang ito—mabuhay sa ilalim ng pamamahala ng Diyos—na may pagpapahalagang nagpapasakop sa kaniyang kalooban at sa gayo’y nagpapahayag ng kanilang pag-ibig sa kanilang Maylalang at Tagapagbigay-Buhay.
3 Pagkatapos isang araw, isang serpiyente ang nakipag-usap kay Eva at nagtanong: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” Sumagot si Eva na sila’y pinagbawalang kumain ng bunga lamang “ng punungkahoy na nasa gitna ng hardin,” ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, ‘upang hindi sila mamatay.’—Genesis 3:1-3.
4 Sino ang serpiyenteng ito? Ang aklat ng Apocalipsis sa Bibliya ay nagpapakilala sa “orihinal na serpiyente” bilang “ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Nilalang ba ng Diyos si Satanas na Diyablo? Hindi, ang mga gawa ni Jehova ay sakdal at mabuti. (Deuteronomio 32:4) Ang espiritung nilalang na ito ang gumawa sa kaniyang sarili na maging kapuwa Diyablo, na nangangahulugang “Maninirang-puri,” at Satanas, na nangangahulugang “Mananalansang.” Siya ay ‘nahila at naakit ng sarili niyang pagnanasa,’ ang pagnanasa na mapasa katayuan ng Diyos, anupat siya’y naghimagsik laban sa Maylalang.—Santiago 1:14.
5 Si Satanas na Diyablo ay patuloy na nagsabi kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 3:4, 5) Pinangyari ni Satanas na maging waring kaakit-akit ang pagkain mula sa punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama. Sa diwa, siya’y nangatuwiran: ‘May mabuting bagay na ipinagkakait sa inyo ang Diyos. Basta kumain kayo mula sa punungkahoy, at kayo ay magiging gaya ng Diyos at makapagpapasiya kayo sa inyong ganang sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama.’ Sa ngayon, ginagamit pa rin ni Satanas ang ganitong pangangatuwiran upang ilayo ang marami sa paglilingkod sa Diyos. ‘Gawin mo ang gusto mo,’ ang sabi niya. ‘Basta’t huwag mong pansinin kung ano ang utang mo sa Isa na nagbigay sa iyo ng buhay.’—Apocalipsis 4:11.
6 Ang bunga ng punungkahoy ay isang bagay na dagling naging kapana-panabik, isang bagay na mahirap tanggihan! Kinuha ni Eva ang bunga, kinain iyon, at pagkatapos ay binigyan niya nito ang kaniyang asawa. Bagaman may lubos na kabatiran sa idudulot niyaon, si Adan ay nakinig sa tinig ng kaniyang asawa at kumain ng bunga. Ano ang naging resulta? Sa babae ay inilapat ni Jehova ang sumusunod na hatol: “Palulubhain ko ang kirot ng iyong pagdadalang-tao; sa mga hapdi ng panganganak ay magluluwal ka ng mga anak, at ang iyong paghahangad ay magiging ukol sa iyong asawa, at pamumunuan ka niya.” At sa lalaki? “Sumpain ang lupa dahil sa iyo. Kakainin mo nang may kirot ang bunga niyaon sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. At mga tinik at mga dawag ang isisibol niyaon para sa iyo, at kakain ka ng pananim sa parang. Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” Sina Adan at Eva na ngayon ang maghahanap ng kaligayahan at kasiyahan sa sarili nilang paraan. Ang mga pagsisikap ba ng mga tao na magkaroon ng kasiya-siyang buhay na hiwalay mula sa layunin ng Diyos ay magtatagumpay? Ang kasiya-siyang gawain ng pangangalaga sa tulad-harding Paraiso at ng pagpapalawak nito hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa ay napalitan ng nakababagot na pagpapagal upang manatili lamang na buháy, na walang ginagawa para sa ikaluluwalhati ng kanilang Maylalang.—Genesis 3:6-19.
7 Sa araw na kumain sila mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, namatay ang unang mag-asawang tao sa paningin ng Diyos at unti-unting humantong sa kanilang pisikal na kamatayan. Ano ang nangyari sa kanila nang sila sa wakas ay namatay? Ang Bibliya ay nagbibigay ng kaunawaan sa kalagayan ng patay. “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran, ni mayroon pa man silang kabayaran, sapagkat ang alaala sa kanila ay nalimutan.” (Eclesiastes 9:5; Awit 146:4) Walang bagay na tinatawag na “kaluluwa” na nakaliligtas sa kamatayan. Ang parusa sa kasalanan ay kamatayan, hindi walang-hanggang pagpapahirap sa isang nag-aapoy na impiyerno. Bukod dito, ang kamatayan ay hindi umaakay tungo sa walang-hanggang kaligayahan sa langit.a
8 Kung paanong ang isang lutuan ng keyk na may yupì ay makagagawa lamang ng keyk na may marka o bakas, ang ngayo’y di-sakdal na lalaki at babae ay makapagluluwal lamang ng di-sakdal na mga supling. Ipinaliliwanag ng Bibliya ang prosesong ito: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Kaya, tayong lahat ay ipinanganak sa kasalanan at ipinasakop sa kawalang-saysay. Ang buhay para sa mga inapo ni Adan ay naging nakasisiphayong pagkabagot. Subalit mayroon bang solusyon?
a Makasusumpong ka ng kapana-panabik na mga detalye hinggil sa kalagayan ng mga patay sa brosyur na Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay?, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.