Huwag Hayaang Sirain ng mga Pag-aalinlangan ang Iyong Pananampalataya
Isang araw, akala mo’y mabuti ang iyong kalusugan. Nang sumunod na araw, masama na ang iyong pakiramdam. Walang anu-ano, wala ka nang lakas o sigla. Masakit ang iyong ulo at ang iyong katawan ay makirot na makirot. Ano ba ang nangyari? Napasok at pinahina ng mapanganib na mga mikrobyo ang mga sistemang pandepensa ng iyong katawan at sinalakay ang mahahalagang sangkap mo. Kung hindi gagamutin, maaaring tuluyan nang sirain ng sumasalakay na mga organismong ito ang iyong kalusugan—at patayin ka pa nga.
SABIHIN pa, kung mahina ang iyong kalusugan kapag sumalakay ang isang impeksiyon, mas madali kang kapitan nito. Halimbawa, kung humina ang iyong katawan dahil sa malnutrisyon, ang iyong resistensiya ay “lubhang bumababa anupat ang pinakamahinang impeksiyon ay maaaring makamatay,” sabi ng awtor sa medisina na si Peter Wingate.
Kung ganiyan ang mangyayari, sino ang magnanais na mabuhay sa kalagayang may taggutom? Mas malamang, ginagawa mo ang anumang makakaya mo upang makakain kang mabuti at manatiling malusog. Malamang na ginagawa mo rin ang lahat ng makakaya mo upang maiwasang mahantad ang iyong sarili sa impeksiyon mula sa virus o sa mga baktirya. Subalit, gayundin bang pag-iingat ang ginagawa mo kung tungkol sa pananatiling “malusog sa pananampalataya”? (Tito 2:2) Halimbawa, alisto ka ba sa panganib na iniuumang ng mapaminsalang mga pag-aalinlangan? Napakadaling mapasok ng mga ito ang iyong isip at puso, anupat sinisira ang iyong pananampalataya at kaugnayan kay Jehova. Waring di-alintana ng ilang tao ang panganib na ito. Sila’y madaling mabiktima ng mga pag-aalinlangan dahil ginugutom nila ang kanilang sarili sa espirituwal. Posible kaya na ganiyan din ang ginagawa mo?
Pag-aalinlangan—Lagi ba Itong Nakasasamâ?
Siyempre pa, hindi lahat ng pag-aalinlangan ay masama. Kung minsan, kailangan mong pakaisipin muna ang isang bagay hanggang sa nakatitiyak ka na sa mga katotohanan. Ang mga panghihikayat ng mga relihiyon na nagpapahiwatig na basta maniwala ka na lamang at huwag mag-alinlangan ay mapanganib at mapanlinlang. Totoo, sinasabi ng Bibliya na “pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.” (1 Corinto 13:7) Tiyak na handang maniwala ang isang maibiging Kristiyano sa mga napatunayan nang mapagkakatiwalaan noong nakalipas. Ngunit nagbababala rin ang Salita ng Diyos laban sa ‘pananampalataya sa bawat salita.’ (Kawikaan 14:15) Kung minsan ang nakalipas na rekord ng isang tao ay nagbibigay ng makatuwirang dahilan para mag-alinlangan. ‘Bagaman ginagawang magiliw [ng mapanlinlang na tagapagsalita] ang kaniyang tinig,’ ang babala ng Bibliya, “huwag mo siyang paniwalaan.”—Kawikaan 26:24, 25.
Binabalaan din ni apostol Juan ang mga Kristiyano laban sa pikit-matang paniniwala. “Huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang kapahayagan,” ang isinulat niya. Sa halip, “subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Ang isang “kapahayagan,” isang turo o opinyon, ay maaaring magtinging nagmumula sa Diyos. Ngunit talaga nga bang nanggaling ito sa kaniya? Ang medyo pag-aalinlangan, o pagtangging maniwala kaagad, ay maaaring maging isang tunay na proteksiyon sapagkat, gaya ng sinasabi ni apostol Juan, “maraming manlilinlang ang humayo na sa sanlibutan.”—2 Juan 7.
Walang-Batayang mga Pag-aalinlangan
Oo, ang isang matapat at mapagpakumbabang pagsusuri sa mga katibayan upang maitatag ang katotohanan ay kadalasang kailangan. Gayunman, ito’y naiiba sa pagpapahintulot na tumubo sa ating isip at puso ang walang-batayan at nakapipinsalang mga pag-aalinlangan—mga pag-aalinlangang makasisira sa ating matibay na naitatag na mga paniniwala at mga ugnayan. Ang pag-aalinlangang ito ay binibigyang-katuturan bilang “kawalang-katiyakan sa paniniwala o opinyon na kadalasa’y humahadlang sa paggawa ng pasiya.” Natatandaan mo ba kung paano naghasik si Satanas sa isip ni Eva ng mga pag-aalinlangan tungkol kay Jehova? “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” ang tanong niya. (Genesis 3:1) Ang kawalang-katiyakan na nilikha ng waring inosenteng tanong na iyon ay humadlang sa kaniyang paggawa ng pasiya. Iyan ay karaniwan na sa mga pamamaraan ni Satanas. Gaya ng isang manunulat ng mga liham na mapanirang-puri, siya ay dalubhasa sa paggamit ng mga pasaring, bahagyang katotohanan, at kasinungalingan. Sinira ni Satanas ang napakaraming mabuti at may-pagtitiwalang mga ugnayan sa pamamagitan ng mapaminsalang mga pag-aalinlangan na itinanim sa gayong paraan.—Galacia 5:7-9.
Lubos na naunawaan ng alagad na si Santiago ang nakapipinsalang epekto ng ganitong uri ng pag-aalinlangan. Sumulat siya hinggil sa taglay nating kamangha-manghang pribilehiyo na malayang makalalapit sa Diyos ukol sa tulong sa panahon ng pagsubok. Ngunit, ang babala ni Santiago, kapag nananalangin ka sa Diyos, “patuloy [kang] humingi nang may pananampalataya, na walang anumang pag-aalinlangan.” Dahil sa mga pag-aalinlangan sa ating kaugnayan sa Diyos, tayo’y magiging “tulad ng alon sa dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan.” Tayo’y nagiging tulad ng “isang taong di-makapagpasiya, di-matatag sa lahat ng kaniyang mga daan.” (Santiago 1:6, 8) Nagkakaroon tayo ng kawalang-katiyakan sa paniniwala anupat hindi tayo makapagpasiya. Pagkatapos, gaya ng nangyari kay Eva, nagiging madali tayong mabiktima ng lahat ng uri ng makademonyong turo at pilosopiya.
Pagpapanatili ng Mabuting Kalusugan sa Espirituwal
Kung gayon, paano natin maipagsasanggalang ang ating sarili mula sa mga nakapipinsalang pag-aalinlangan? Simple lamang ang sagot: sa pamamagitan ng matatag na pagtanggi sa satanikong propaganda at lubusang pagsasamantala sa mga paglalaan ng Diyos upang gawin tayong “matatag sa pananampalataya.”—1 Pedro 5:8-10.
Mahalagang-mahalaga ang mabuting personal na pagkain sa espirituwal. Ang awtor na si Wingate, na binanggit kanina, ay nagpapaliwanag: “Kahit nagpapahinga na ang katawan, kailangan nito ang patuloy na suplay ng enerhiya para sa mga kimikal na proseso at para sa paggana ng mahahalagang sangkap nito; at ang mga materyales ng maraming himaymay ng katawan ay kailangang laging palitan.” Totoo rin ito sa ating espirituwal na kalusugan. Kung hindi tayo laging kakain sa espirituwal, ang ating pananampalataya, gaya ng isang katawan na pinagkaitan ng pagkain, ay unti-unting mapipinsala at sa kalaunan ay mamamatay. Idiniin ito ni Jesu-Kristo nang sabihin niya: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”—Mateo 4:4.
Pag-isipan iyan. Paano ba tayo nakapagtatag ng isang matibay na pananampalataya sa pasimula? “Ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig,” ang isinulat ni apostol Pablo. (Roma 10:17) Ang ibig niyang sabihin ay na una nating itinatag ang ating pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova, sa kaniyang mga pangako, at sa kaniyang organisasyon sa pamamagitan ng pagkain mula sa Salita ng Diyos. Sabihin pa, hindi natin basta na lamang pikit-matang pinaniwalaan ang lahat ng narinig natin. Tinularan natin ang ginawa ng mga taong naninirahan sa lunsod ng Berea. ‘Maingat [nating] sinuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.’ (Gawa 17:11) ‘Pinatunayan [natin] sa ating sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos’ at tiniyak na ang ating narinig ay totoo. (Roma 12:2; 1 Tesalonica 5:21) Mula noon, malamang na pinatibay pa natin ang ating pananampalataya habang mas maliwanag nating nakikita na ang Salita ng Diyos at ang kaniyang mga pangako ay hindi kailanman nabibigo.—Josue 23:14; Isaias 55:10, 11.
Iwasan ang Pagkagutom sa Espirituwal
Ang hamon naman ngayon ay ang pagpapanatili ng ating pananampalataya at ang pag-iwas sa anumang kawalang-katiyakan sa paniniwala, na makapagpapahina sa ating pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Upang magawa ito, kailangang patuloy nating suriin ang Kasulatan araw-araw. Nagbababala si apostol Pablo na “sa mga huling yugto ng panahon ang ilan [na maaaring sa pasimula ay waring may matibay na pananampalataya] ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Ang nagliligaw na mga pananalita at mga turong ito ay lumilikha ng mga pag-aalinlangan sa isipan ng ilan at naglalayo sa kanila mula sa Diyos. Ano ang ating proteksiyon? Ang patuloy na ‘matustusan ng mga salita ng pananampalataya at ng mainam na turo na maingat [nating] sinundan.’—1 Timoteo 4:6.
Gayunman, nakalulungkot na pinipili ng ilan sa ngayon na huwag ‘matustusan ng mga salita ng pananampalataya’—kahit na ang gayong panustos ay madaling makuha. Gaya ng binabanggit ng isa sa mga manunulat ng aklat ng Mga Kawikaan, posible na mapalibutan ng masustansiyang espirituwal na pagkain, isang espirituwal na bangkete, wika nga, at gayunma’y hindi pa rin talaga kumakain at tumutunaw ng pagkain.—Kawikaan 19:24; 26:15.
Mapanganib ito. Ang awtor na si Wingate ay nagsabi: “Kapag sinimulang gamitin ng katawan ang sarili nitong protina, ang kalusugan nito ay nagsisimula nang mapinsala.” Kapag gutom na gutom ka na, sinisimulang gamitin ng iyong katawan ang mga reserbang sustansiya na nakaimbak sa buong katawan. Kapag nasaid ang mga mapagkukunang ito, sinisimulang gamitin ng katawan ang protina na mahalaga para sa patuloy na paglaki at pagkukumpuni ng mga himaymay ng katawan. Nagsisimulang mapinsala ang mahahalagang sangkap. Pagkatapos ay mabilis na humihina ang iyong kalusugan.
Sa espirituwal na diwa, ganiyan ang nangyari sa ilan sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. Sinikap nilang matustusan sa pamamagitan ng kanilang mga espirituwal na reserba. Malamang na pinabayaan nila ang personal na pag-aaral, at sila’y humina sa espirituwal. (Hebreo 5:12) Ipinaliwanag ni apostol Pablo ang panganib ng paggawa nito nang sumulat siya sa mga Kristiyanong Hebreo: ‘Kailangan nating magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod papalayo.’ Alam niya kung gaano kadaling maanod patungo sa masasamang kaugalian kung ‘pababayaan natin ang isang kaligtasan na gayon kadakila.’—Hebreo 2:1, 3.
Kapansin-pansin na ang isang taong dumaranas ng malnutrisyon ay hindi naman kailangang magmukhang sakitin o payat. Sa katulad na paraan, baka hindi agad mahalata na ang isa ay dumaranas ng espirituwal na pagkagutom. Maaaring magmukhang mabuti ang kalagayan mo sa espirituwal kahit na hindi ka natutustusan nang sapat—ngunit panandalian lamang ito! Tiyak na hihina ka rin sa espirituwal, anupat madaling maiimpluwensiyahan ng walang-batayang mga pag-aalinlangan, at hindi makakayanang puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya. (Judas 3) Batid mo—kahit na walang ibang nakaaalam—ang tunay na antas ng iyong personal na pagkain sa espirituwal.
Kaya ipagpatuloy mo ang iyong personal na pag-aaral. Buong-lakas na labanan ang mga pag-aalinlangan. Ang pagwawalang-bahala sa waring isang maliit na impeksiyon, ang pagkikibit-balikat sa namamalaging mga pag-aalinlangan, ay maaaring humantong sa kapahamakan. (2 Corinto 11:3) ‘Talaga bang nabubuhay na tayo sa mga huling araw? Mapaniniwalaan mo ba ang lahat ng sinasabi ng Bibliya? Ito ba talaga ang organisasyon ni Jehova?’ Gustung-gusto ni Satanas na magtanim ng ganitong mga pag-aalinlangan sa iyong isipan. Huwag mong hayaan na ikaw ay maging walang kalaban-labang biktima ng kaniyang mapanlinlang na mga turo dahil sa pabayang saloobin sa espirituwal na pagkain. (Colosas 2:4-7) Sundin ang payo na ibinigay kay Timoteo. Maging isang mabuting estudyante ng “banal na mga kasulatan” upang ‘makapagpatuloy [ka] sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan.’—2 Timoteo 3:13-15.
Baka kailangan mo ng tulong upang magawa ito. Ang manunulat na sinipi kanina ay nagpatuloy sa pagsasabi: “Kapag matindi na ang gutom, ang mga sangkap na panunaw ay maaaring labis na mapinsala dahil sa kakulangan ng mga bitamina at iba pang mga pangangailangan anupat hindi na nito kayang tumanggap ng mga ordinaryong pagkain kapag inilaan ang mga ito. Ang mga taong nasa ganitong kalagayan ay maaaring mangailangan sa loob ng ilang panahon ng pagkain na madaling tunawin.” Kailangan ang pantanging pangangalaga upang malunasan ang mga epekto ng pagkagutom sa katawan. Sa katulad na paraan, ang isa na labis na nagpabaya sa kaniyang personal na pag-aaral ng Bibliya ay maaaring mangailangan ng maraming tulong at pampatibay-loob upang mapanumbalik ang kaniyang gana sa espirituwal na pagkain. Kung iyan ang kalagayan mo, humingi ng tulong at malugod na tanggapin ang anumang tulong na ibibigay upang mapanumbalik ang iyong espirituwal na kalusugan at lakas.—Santiago 5:14, 15.
Huwag ‘Mag-urong-sulong sa Kawalan ng Pananampalataya’
Sa pagsasaalang-alang sa mga kalagayan ng patriyarkang si Abraham, maaaring madama ng ilan na siya ay may makatuwirang mga dahilan upang mag-alinlangan. Waring talagang makatuwirang isipin na siya’y ‘wala nang pag-asa na maging ama ng maraming bansa’—sa kabila ng pangako ng Diyos. Bakit? Buweno, kung sa punto de vista lamang ng tao, tila walang maaasahan. ‘Isinaalang-alang niya ang kaniyang sariling katawan, na ngayon ay patay na, gayundin ang patay na kalagayan ng bahay-bata ni Sara,’ sabi ng ulat ng Bibliya. Gayunman, buong-tatag niyang di-pinahintulutang mag-ugat sa kaniyang isip at puso ang mga pag-aalinlangan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga pangako. Sumulat si apostol Pablo: “Hindi siya nanghina sa pananampalataya,” o “nag-urong-sulong sa kawalan ng pananampalataya.” Si Abraham ay nanatiling ‘lubusang kumbinsido na ang ipinangako [ng Diyos] ay kaya rin niyang gawin.’ (Roma 4:18-21) Nakapagtatag siya ng isang matibay, personal at may-pagtitiwalang kaugnayan kay Jehova sa loob ng maraming taon. Iwinaksi niya ang anumang pag-aalinlangan na maaaring makapagpahina sa kaugnayang iyon.
Magagawa mo rin iyon kung ‘patuloy kang manghahawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita’—kung pakakanin mong mabuti ang iyong sarili sa espirituwal na paraan. (2 Timoteo 1:13) Seryosohin ang panganib ng mga pag-aalinlangan. Si Satanas ay nakikipaglaban sa matatawag na espirituwal na bacteriologic warfare (pakikidigmang ginagamitan ng mga mikrobyo). Kung magpapabaya ka sa pagkain ng masustansiyang espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, inihahantad mo ang iyong sarili sa gayong mga pagsalakay. Gamiting mabuti ang sagana at napapanahong suplay ng espirituwal na pagkain na inilalaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Patuloy na ‘sumang-ayon sa nakapagpapalusog na mga salita’ at manatiling “malusog sa pananampalataya.” (1 Timoteo 6:3; Tito 2:2) Huwag pahintulutang sirain ng mga pag-aalinlangan ang iyong pananampalataya.
[Mga larawan sa pahina 21]
Gaano kahusay ang pagpapakain mo sa iyong sarili sa espirituwal na paraan?