CAIN
[Isang Bagay na Iniluwal].
Ang unang anak ng unang mag-asawang sina Adan at Eva sa lupa.
Pagkapanganak niya kay Cain, sinabi ni Eva: “Ako ay nagluwal ng isang lalaki sa tulong ni Jehova.” (Gen 4:1) Inakala kaya niya na siya ang babaing inihulang magluluwal ng binhi na sa pamamagitan niyaon ay darating ang katubusan? (Gen 3:15) Kung gayon, maling-mali siya. Gayunman, masasabi niyang si Cain ay iniluwal niya “sa tulong ni Jehova” dahil hindi naman inalis ng Diyos ang kakayahang mag-anak ng makasalanang sina Adan at Eva. Gayundin, noong binibigkas ang hatol sa kaniya, sinabi ng Diyos na si Eva ay ‘magluluwal ng mga anak,’ ngunit may kaakibat itong mga hapdi ng panganganak.—Gen 3:16.
Si Cain ay naging tagapagsaka ng lupa at, “pagkalipas ng ilang panahon,” siya, kasama ang kaniyang nakababatang kapatid na si Abel, ay nagdala ng mga handog na ihaharap kay Jehova, palibhasa’y nadama nila na kailangan nilang matamo ang lingap ng Diyos. Ngunit hindi “nagpakita ng anumang paglingap” ang Diyos sa handog ni Cain na “mga bunga ng lupa.” (Gen 4:2-5; ihambing ang Bil 16:15; Am 5:22.) Bagaman may mga nangangatuwiran na ang handog ni Cain ay hindi sinabing nagmula sa pinakapiling mga bunga samantalang ang handog ni Abel ay tinukoy bilang “mga panganay ng kaniyang kawan, maging ang matatabang bahagi niyaon,” ang isyu ay hindi ang kalidad ng mga bungang inihandog ni Cain. Gaya ng sinasabi ng Hebreo 11:4, ang handog ni Cain ay hindi udyok ng pananampalataya, na dahilan naman kung bakit naging kaayaaya ang hain ni Abel. Posible ring kaya hindi minalas ng Diyos nang may paglingap ang handog ni Cain ay dahil sa wala itong dugo, samantalang yaong kay Abel ay sumasagisag sa isang itinigis na buhay.
Hindi sinasabi kung paano tinukoy ng Diyos kung alin ang sinang-ayunan at ang di-sinang-ayunang handog, ngunit tiyak na maliwanag ito kapuwa kay Cain at kay Abel. Batid ni Jehova, na bumabasa ng puso ng tao (1Sa 16:7; Aw 139:1-6), ang maling saloobin ni Cain, at nang itakwil Niya ang hain ni Cain, nahayag ang maling disposisyon na iyon. Lantaran nang nagpamalas si Cain ng “mga gawa ng laman”: “mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit.” (Gal 5:19, 20) Ipinakita ni Jehova sa naghihinanakit na lalaking iyon na mapapasakaniya ang pagkakataas kung gagawa lamang siya ng mabuti. Maaari sana siyang nagpakumbaba para tularan ang magandang halimbawa ng kaniyang kapatid, ngunit pinili niyang ipagwalang-bahala ang payo ng Diyos na daigin ang makasalanang pagnanasa na ‘nag-aabang sa pintuan,’ at naghahangad na sumupil sa kaniya. (Gen 4:6, 7; ihambing ang San 1:14, 15.) Ang suwail na landasing ito ang tinatawag na “landas ni Cain.”—Jud 11.
Nang maglaon, sinabi ni Cain sa kaniyang kapatid: “Pumaroon tayo sa parang.” (Gen 4:8) (Bagaman wala sa tekstong Masoretiko ang mga salitang ito, maraming manuskritong Hebreo ang naglagay ng indikasyon na may bahaging inalis dito, samantalang inilakip naman ng Samaritanong Pentateuch, Griegong Septuagint, Syriac na Peshitta, at ng mga tekstong Matandang Latin ang mga salitang ito bilang sinabi ni Cain kay Abel.) Dinaluhong ni Cain si Abel sa parang, pinatay ito, at sa gayo’y naging unang taong mamamaslang. Dahil dito kung kaya masasabing siya’y “nagmula sa isa na balakyot,” ang ama ng mga mamamatay-tao at ng kasinungalingan. (1Ju 3:12; Ju 8:44) Lalo pang nahayag ang saloobin ni Cain nang walang-pakialam siyang tumugon sa pagtatanong ni Jehova tungkol sa kinaroroonan ni Abel; hindi siya nagpahayag ng pagsisisi o kalungkutan kundi nagsinungaling pa nga: “Hindi ko alam. Ako ba ang tagapag-alaga ng aking kapatid?”—Gen 4:9.
Maliwanag na ang pagpapalayas ng Diyos kay Cain mula sa lupa ay nangangahulugan ng pagpapatalsik sa kaniya mula sa kapaligiran ng hardin ng Eden, at sa kaso niya, bibigat pa ang sumpa na nakapataw sa lupa dahil hindi ito tutugon sa pagsasaka niya. Nalungkot si Cain sa tindi ng parusa sa kaniya at nabalisa siya na baka paghigantihan siya dahil sa pagpaslang niya kay Abel, ngunit hindi pa rin siya kinakitaan ng taimtim na pagsisisi. “Naglagay [si Jehova] ng isang tanda para kay Cain” upang hindi siya mapatay, ngunit hindi sinasabi ng ulat kung inilagay sa katawan ni Cain ang tanda o markang ito. Malamang na ang “tanda” na ito ay ang pormal na utos mismo ng Diyos, na nalalaman at sinusunod ng iba.—Gen 4:10-15; ihambing ang tal 24 kung saan tinukoy ni Lamec ang utos na iyon.
Pinalayas si Cain patungo sa “lupain ng Pagtakas sa dakong silangan ng Eden,” anupat isinama niya ang kaniyang asawa, na isang di-kilalang anak o apong babae nina Adan at Eva. (Gen 4:16, 17; ihambing ang 5:4, gayundin ang pag-aasawa ni Abraham kay Sara na kaniyang kapatid sa ama, Gen 20:12.) Nang maisilang ang anak niyang si Enoc, si Cain ay ‘nagpakaabala sa pagtatayo ng isang lunsod,’ na ipinangalan niya sa kaniyang anak. Malamang na ang lunsod na iyon ay isa lamang nakukutaang nayon kung ibabatay sa mga pamantayan sa ngayon, at hindi sinasabi ng ulat kung kailan iyon natapos. Nakatala ang ilan sa kaniyang mga inapo at kabilang sa mga ito ang mga lalaking nakilala sa pag-aalaga ng mga hayop, pagtugtog ng mga instrumento, at pagpapanday ng mga kagamitang metal, pati na yaong mga napabantog sa kanilang poligamya at karahasan. (Gen 4:17-24) Nagwakas ang linya ni Cain nang sumapit ang pangglobong Baha noong mga araw ni Noe.