Kailangan ba Natin ng Mesiyas?
BAKA ganiyan din ang tanong mo, “Kailangan ba natin ng Mesiyas?” Oo, makatuwirang itanong kung talaga nga bang may maidudulot na mabuti sa iyong buhay ang Mesiyas.
Ang ilan sa mga posibleng iginagalang mo ay magsasabi sa iyo na malinaw at tiyak ang sagot: Talagang kailangan mo ng Mesiyas, kung paanong kailangan ito ng lahat ng tao. Isang bihasa sa kautusang Judio noong unang siglo ang sumulat hinggil sa Mesiyas: “Gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging Oo sa pamamagitan niya.” Sa gayon ay itinampok niya ang napakahalagang papel na ginagampanan ng Mesiyas may kaugnayan sa layunin ng ating Maylalang na pagpalain ang lahat ng bansa sa lupa. (2 Corinto 1:20) Gayon na lamang kahalaga ang papel ng Mesiyas anupat nakasentro ang hula ng Bibliya sa kaniyang pagdating at buhay sa lupa. Sa isang handbook na ginamit ng milyun-milyon katao mahigit 70 taon na ang nakalilipas, sinabi ni Henry H. Halley: “Isinulat ang Lumang Tipan upang lumikha ng pag-asam sa, at ihanda ang daan para sa, Pagdating ng [Mesiyas].” Subalit kailangan ba ang kaniyang pagdating? Bakit ka dapat maging interesado rito?
Ang “Mesiyas” ay nangangahulugang “Pinahirang Isa” at katumbas ito ng kilalang termino na “Kristo.” Kailangan ang pagdating ng Isang ito, na tinutukoy ng Encyclopædia Britannica, Edisyon ng 1970, na “pinakadakilang manunubos,” dahil sa walang-pitagang pagkilos ng unang mag-asawa, sina Adan at Eva. Nilalang silang sakdal, na may napakagandang pag-asa na mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso, subalit naiwala nila ang pag-asang iyon. Sinabi ng isang mapaghimagsik na anghel, kilala bilang Satanas na Diyablo, na ang kanilang Maylalang ay napakahigpit at na mas makabubuti sa kanila na magpasiya sa ganang sarili nila kung ano ang mabuti at masama.—Genesis 3:1-5.
Nalinlang si Eva at naniwala sa kasinungalingang iyon. Si Adan, na lumilitaw na higit na nagpahalaga sa kaniyang asawa kaysa sa pagkamatapat sa Diyos, ay naging kasabuwat sa paghihimagsik na iyon na sulsol ng Diyablo. (Genesis 3:6; 1 Timoteo 2:14) Dahil sa kanilang ginawa, hindi lamang nila naiwala ang kanilang pag-asang buhay na walang hanggan sa malaparaisong kalagayan. Naipamana nila sa kanilang di-pa-naisisilang na mga supling ang kasalanan at ang bunga nito, ang kamatayan.—Roma 5:12.
Ang ating Maylalang, si Jehova, ay gumawa kaagad ng hakbang upang pawiin ang masasamang epekto ng sunud-sunod na mga pangyayari na nagsimula sa paghihimagsik. Upang maipagkasundo niya ang tao sa kaniya, gumamit siya ng isang simulain na sa kalaunan ay magiging batas sa Kautusang Mosaiko—mata para sa mata. (Deuteronomio 19:21; 1 Juan 3:8) Kailangang matugunan ang legal na simulaing ito upang ang kaawa-awang mga inapo nina Adan at Eva ay magkaroon ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa isang paraisong lupa, gaya ng nilayon ng Maylalang para sa pamilya ng tao. Aakayin tayo nito sa Mesiyas.
Nang hatulan ang Diyablo, sinabi ng Diyos na Jehova sa unang hula sa Bibliya: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Isang iskolar sa Bibliya ang nagsabi na “ang salaysay hinggil sa mga pangako may kaugnayan sa Mesiyas ay nagsimula sa mga pananalita[ng ito] gaya ng binabanggit sa Kasulatan.” Isa pang iskolar ang nagsabi na ang Mesiyas ang gagamitin ng Diyos upang “alisin ang lahat ng kapahamakang ibinunga ng kasalanan ng unang mag-asawa,” anupat magdudulot ito ng mga pagpapala sa sangkatauhan.—Hebreo 2:14, 15.
Gayunman, marahil ay naiisip mo na ang sangkatauhan sa ngayon ay talagang hindi pinagpapala. Sa halip, ang tao ay nakalugmok sa kawalang-pag-asa. Kaya naman, sinasabi ng The World Book Encyclopedia na “maraming Judio ang umaasa pa rin na may darating na Mesiyas” at na “itutuwid [niya] ang kamalian at dadaigin ang mga kaaway ng mga tao.” Subalit sinasabi ng Bibliya na dumating na ang Mesiyas. May dahilan ba para paniwalaan natin ang sinasabi ng Bibliya? Sasagutin iyan ng susunod na artikulo.