Ang Maka-Diyos na mga Pamilya Noon—Isang Huwaran sa Ating Panahon
ANG pamilya—sinikap ng United Nations na akayin dito ang pansin ng daigdig. Papaano? Sa pamamagitan ng pagdedeklara sa 1994 bilang ang “Pandaigdig na Taon ng Pamilya.” Bagaman naging maagap ang mga pinuno sa daigdig, mga sosyologo, at mga tagapayo sa pamilya sa pagpapahayag ng kalungkutan tungkol sa mga bagay na gaya ng pagdami ng mga anak sa labas at pagtaas ng bilang ng mga diborsiyo, sila naman ay naging mabagal sa pagbuo ng praktikal, makatotohanang solusyon sa gayong mga suliranin.
Maaari kayang may solusyon ang Bibliya sa mga suliranin ng pamilya? Para sa ilan ay waring pagkamapaniwalain lamang ang imungkahi na ang Bibliya ay makatutulong sa mga pamilya sa ngayon. Kung sa bagay, ito ay isinulat mga siglo na ang nakalilipas sa isang kapaligiran at kultura ng Gitnang Silangan. Sa maraming bahagi ng daigdig, malaki na ang ipinagbago ng pamumuhay sapol noong panahon ng Bibliya. Gayunpaman, ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos na Jehova, ang isa na pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya. (Efeso 3:14, 15; 2 Timoteo 3:16) Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga suliranin ng pamilya?
Alam na alam ni Jehova kung ano ang kailangan upang maging kasiya-siya at makabuluhan ang buhay pampamilya. Samakatuwid, ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay maraming masasabi tungkol sa buhay pampamilya, ang ilan ay sa anyo ng mga payo. Ang Bibliya ay naglalaman din ng mga halimbawa ng mga pamilyang nagkapit ng maka-Diyos na mga simulain. Bunga nito, sila’y totoong naging malapit sa isa’t isa at naging kontento. Suriin natin ang buhay pampamilya noong panahon ng Bibliya at tingnan kung anong aral ang matututuhan.
Pagkaulo—Isa Bang Pasakit?
Kuning halimbawa ang tungkol sa pagkaulo sa pamilya. Sa panahon ng mga patriyarka, ang mga lalaking gaya nina Abraham, Isaac, at Jacob ang di-matututulang “mga ulo ng pamilya.” (Gawa 7:8, 9; Hebreo 7:4) Ganito ang sabi ng The New Manners and Customs of Bible Times, ni Ralph Gower: “Ang pamilya ay . . . isang ‘maliit na kaharian’ na pinamamahalaan ng ama. Siya’y namamahala sa asawang babae, mga anak, mga apo, at mga lingkod—bawat isa sa sambahayan.” Sa katunayan, ang mga patriyarka ay malimit na may awtoridad din sa mga pamilya ng kanilang mga anak.—Ihambing ang Genesis 42:37.
Hindi ba ito nagbigay sa mga lalaki ng karapatan upang apihin ang kani-kanilang asawa at mga anak? Hinding-hindi. Totoo, sinabi ng Diyos sa unang babae, si Eva: “Ang paghahangad mo ay para sa iyong asawang lalaki, at siya ay magpupuno sa iyo.” (Genesis 3:16) Ipinakita ng mga salitang ito kung ano ang magiging kalagayan ng mga babaing may-asawa sa pangkalahatan, subalit hindi nito inilalarawan kung ano ang dapat maging kalagayan ng tunay na mga mananamba ng Diyos. Kailangang isaisip ng mga asawang-lalaking may-takot sa Diyos ang orihinal na layunin ni Jehova. Ginawa ni Jehova ang babae upang maging “katulong [ng lalaki] bilang isang kapupunan sa kaniya,” hindi kaniyang alipin. (Genesis 2:20) Dahil kinikilala ng maka-Diyos na mga lalaki noong unang panahon ang kanilang sariling pagpapasakop at pananagutan sa Diyos, hindi nila inabuso ang kanilang awtoridad. Sa halip na pakitunguhan na tulad ng mga hamak na alipin ang kani-kanilang asawa at mga anak, sila’y pinagpakitaan ng tunay na pag-ibig at pagmamahal ng mga patriyarkang may takot sa Diyos.
Isang halimbawa hinggil sa pagmamahal na karaniwan nang tinatamasa ng mga anak ay ipinakikita sa Genesis 50:23. Doon ay sinasabi tungkol sa mga apo sa tuhod ni Jose: “Sila’y ipinanganak sa tuhod ni Jose.” Samantalang maaaring ito’y mangahulugan lamang na kinilala ni Jose ang mga bata bilang kaniyang mga inapo, maaaring ipinakikita rin nito na siya’y buong-pagmamahal na nakipaglaro sa mga bata, na kinakalong pa man din sila. Mainam para sa mga ama sa ngayon na magpakita ng gayunding pagmamahal sa kanilang mga anak.
Bilang mga ulo ng pamilya, inasikaso rin ng may-takot sa Diyos na mga patriyarka ang espirituwal na pangangailangan ng kani-kanilang pamilya. Paglabas sa arka pagkatapos ng pangglobong Delubyo, “si Noe ay nagsimulang magtayo ng isang altar kay Jehova . . . at maghain ng mga handog na sinunog sa ibabaw ng altar.” (Genesis 8:20; ihambing ang Job 1:5.) Ang tapat na patriyarkang si Abraham ay nagpakita ng mabuting halimbawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng personal na mga tagubilin sa mga miyembro ng pamilya. Kaniyang ‘inutusan ang kaniyang mga anak at ang kaniyang sambahayan pagkatapos niya upang kanilang ingatan ang daan ni Jehova na gawin ang katuwiran at kahatulan.’ (Genesis 18:19) Sa gayon ang maibiging pagkaulo ay nakatutulong sa emosyonal at espirituwal na kalusugan ng mga pamilya.
Tinutularan ng mga Kristiyanong lalaki sa ngayon ang ganitong parisan. Nangunguna sila sa mga bagay na ukol sa pagsamba sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang pamilya na sumunod sa mga kahilingan ng Diyos at sa pamamagitan ng pagpapakita na sila mismo ay mabuting halimbawa. (Mateo 28:19, 20; Hebreo 10:24, 25) Tulad ng mga patriyarka, naglalaan din ng panahon ang Kristiyanong mga asawang lalaki at mga ama upang personal na turuan ang mga miyembro ng kani-kanilang pamilya.
Kumilos Kaagad
Nang sa wakas ay mabayaran niya ang isang malaking pagkakautang sa kaniyang biyenang lalaki, itinanong ng patriyarkang si Jacob: “Kailan naman ako gagawa rin ng isang bagay para sa aking sariling bahay?” (Genesis 30:30) Tulad ng lahat ng ama, nadama ni Jacob ang bigat ng pananagutang maglaan ukol sa materyal na pangangailangan ng kaniyang pamilya, at siya’y puspusang nagpagal sa paggawa nito. Ganito ang sabi ng Genesis 30:43: “Ang lalaki ay lumago ng higit at higit pa, at napasakaniya ang malalaking kawan at mga alilang babae at mga alilang lalaki at mga kamelyo at mga asno.”
Gayunman, pagkaraan ng ilang taon, matapos na si Jacob ay lumipat sa lupain ng Canaan, maliwanag na hindi niya alam na ang kaniyang anak na babaing si Dina ay nagkaroon ng mapanganib na kaugalian na pakikisama sa mga paganong Canaanita.a (Genesis 34:1) Siya ay nabigo ring kumilos nang malaman niya na may relihiyosong mga bagay sa kaniyang sambahayan. Gayunpaman, pagkatapos ng kalunus-lunos na panghahalay kay Dina ng isang Canaanita, si Jacob ay kumilos kaagad. “Alisin ninyo ang mga banyagang diyos sa gitna ninyo at linisin ninyo ang inyong mga sarili,” ang utos niya.—Genesis 35:2-4.
Ang Kristiyanong mga ama ay nararapat na maging mapagbantay kung tungkol sa espirituwalidad ng kani-kanilang pamilya. Kung may malalaking panganib sa espirituwal na kapakanan ng pamilya, tulad ng pagkakaroon ng mahalay na literatura at di-mabuting musika sa tahanan, sila’y kailangang kumilos kaagad.
Kapansin-pansin, ang mga babaing gaya nina Sara, Rebeca, at Raquel ay nagkaroon din ng mahalagang impluwensiya sa pamilya. Bagaman sila’y mapagpasakop sa kani-kanilang asawa, hindi sila pinigilan na magkusang kumilos kapag nararapat at kinakailangan. Halimbawa, sinasabi sa atin ng Exodo 4:24-26 na noong patungo si Moises at ang kaniyang pamilya sa Ehipto, “sinalubong siya ni Jehova [“anghel ni Jehova,” Septuagint] at patuloy na humanap ng paraan upang patayin siya [ang anak ni Moises].” Maliwanag, nanganganib na mapatay ang anak ni Moises dahil hindi siya tinuli ni Moises. Kumilos kaagad si Zipora at tinuli ang kaniyang anak. Dahil dito kung kaya siya ay hinayaan na ng anghel. Ang mga Kristiyanong asawang babae sa ngayon ay maaari rin namang magkusa kapag hinihiling ng situwasyon.
Pagtuturo ng Ama sa Ilalim ng Batas Mosaiko
Noong 1513 B.C.E., natapos ang panahon ng mga patriyarka nang ang Israel ay naging isang bansa. (Exodo 24:3-8) Ang mga ama ay patuloy na nagsilbing mga ulo ng pamilya. Gayunman, ang batas ng pamilya ay napasailalim ng pambansang Batas na ibinigay ng Diyos kay Moises at ipinatupad ng hinirang na mga hukom. (Exodo 18:13-26) Ang Levitikong pagkasaserdote ang siyang nangasiwa sa mga paghahain bilang bahagi ng pagsamba. Gayunpaman, ang ama ay patuloy na gumanap ng mahalagang papel. Ipinayo ni Moises: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay kailangang mapatunayang nasa iyong puso; at kailangang iyong itimo ang mga ito sa iyong anak at sasalitain mo ang mga ito kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa daan at kapag ikaw ay humihiga at kapag ikaw ay bumabangon.”—Deuteronomio 6:6, 7.
Ang Batas ay naglalaan ng mga pagkakataon, gaya ng Paskuwa, na doo’y makapagtuturo kapuwa sa pormal at di-pormal na paraan. Habang papalapit na ang petsa ng Paskuwa, ang Nisan 14, magsisimula nang maghanda ang mga pamilyang Judio para sa kanilang kinaugaliang paglalakbay patungo sa Jerusalem. (Deuteronomio 16:16; ihambing ang Lucas 2:41.) Sinong bata ang hindi masasabik sa gayong mga paghahanda? Ang paglalakbay mismo ay magiging kalugud-lugod. Sa panahong iyon ay tapos na ang tag-ulan, at nagsisimula nang pawiin ng araw ng tagsibol ang ginaw ng taglamig buhat sa hangin. Habang natutunaw ang niyebe sa Bundok Hermon, umaapaw naman ang mga pampang ng Ilog Jordan.
Habang nasa daan, matuturuan ng mga ama ang kanilang mga anak hindi lamang ng heograpiya ng kanilang lupain kundi gayundin ng mayamang kasaysayan na kaugnay sa mga lugar na kanilang dinaraanan. Maaaring kasali sa mga ito ang mga Bundok ng Ebal at Gerizim, kung saan binasa ang mga sumpa at mga pagpapala ng Batas. Baka daraan din sila sa Bethel, kung saan nagkaroon si Jacob ng pangitain ng makalangit na hagdan. Anong nakapananabik na mga talakayan ang ibinubunga! Habang nagpapatuloy ang paglalakbay at nakakasama ng mga grupo ng pamilya ang ibang naglalakbay buhat sa ibang panig ng lupain, lahat ay nagtatamasa ng nakapagpapatibay na pagsasamahan.
Sa wakas ang pamilya ay papasok na sa Jerusalem, “ang kasakdalan ng kariktan.” (Awit 50:2) Ganito ang sabi ng iskolar na si Alfred Edersheim: “Marami sa mga naglalakbay na ito ay maaaring nagkampamento sa labas ng mga pader ng lunsod. Yaong mga nanuluyan sa loob ng mga pader ay malayang pinatuloy.” Oo, tumanggap ng tuwirang aral ang mga kabataang Hebreo tungkol sa pag-ibig pangkapatid at pagkamapagpatuloy. Gayundin ang layunin ng taunang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon.
Sa wakas ay sumapit na ang Nisan 14. Ang hayop para sa Paskuwa ay kakatayin na at iihawin sa loob ng ilang oras. Ilang sandali bago maghatinggabi ay kakanin ng pamilya ang kordero, ang tinapay na walang lebadura, at ang mapapait na gulay. Ayon sa kaugalian, itatanong ng anak: “Ano ang kahulugan sa iyo ng serbisyong ito?” Pagkatapos ay pormal na magtuturo ang mga ama, na nagsasabi: “Ito ay ang hain ng paskuwa kay Jehova, na nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto nang salutin niya ang mga Ehipsiyo, ngunit iniligtas niya ang aming mga bahay.”—Exodo 12:26, 27; 13:8.
Ganito ang sabi ni Haring Solomon ng Israel: ‘May panahon upang tumawa at panahon upang maglulukso.’ (Eclesiastes 3:4) Ang mga batang Israelita ay binigyan ng panahon para sa paglilibang. Maliwanag na pinagmasdan ni Jesu-Kristo ang mga bata na naglalaro sa mga pamilihang-dako. (Zacarias 8:5; Mateo 11:16) At karaniwan na sa mga magulang na maykaya ang magsaayos ng kasiya-siyang pagtitipon ng pamilya na may kasamang pag-aawitan, pagsasayaw, at pagsasalu-salo. (Lucas 15:25) Ang Kristiyanong mga magulang sa ngayon ay nagkukusa rin namang maglaan ng kapaki-pakinabang na paglilibang at pakikipagsamahan sa kanilang mga anak.
Ang mga Ina at mga Anak sa Lipunang Judio
Anong papel ang ginampanan ng mga ina sa ilalim ng Batas Mosaiko? Ganito ang utos sa Kawikaan 1:8: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang batas ng iyong ina.” Hindi lalampas sa awtoridad ng kaniyang asawa, ikakapit ng Judiong asawang babae ang bigay-Diyos na mga kahilingan sa buhay pampamilya. Siya ay nararapat na igalang ng kaniyang mga anak, kahit na siya’y matanda na.—Kawikaan 23:22.
Ang ina ay mayroon ding malaking bahagi sa pagsasanay ng kaniyang mga anak. Halos siya ang nag-aalaga sa sanggol hanggang sa ito’y may sapat na gulang na upang awatin sa pagsuso sa ina, na tiyak na nagbunga ng malapit na kaugnayan ng ina at anak. (Isaias 49:15) Samantalang tinuturuan ng mga ama ang kanilang mga anak na lalaki ng isang trabaho, tinuturuan naman ng mga ina ang kanilang mga anak na babae ng mga gawaing bahay. Ang ina ay mayroon ding malaking impluwensiya sa kanilang mga anak na lalaki. Halimbawa, si Lemuel na hari ay nakinabang buhat sa “mabigat na mensahe na ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina sa pagtutuwid.”—Kawikaan 31:1.
Ang isang may-kakayahang asawang babae na Judio ay nagtatamasa rin ng malaking kalayaan ng ‘pagbabantay sa mga lakad ng kaniyang sambahayan.’ Ayon sa Kawikaan 31:10-31, siya ay maaaring bumili ng mga panustos sa sambahayan, mamuhunan sa lupa’t bahay, at magpatakbo pa man din ng isang maliit na negosyo. Sa isang mapagpahalagang asawang lalaki, ang halaga niya ay “lalong higit kaysa sa korales”!
Isang Parisan sa Ngayon
Noong panahon ng Bibliya ang kaayusang pampamilya ay nagsilbi ukol sa emosyonal at espirituwal na pagsulong ng lahat ng miyembro nito. Ang mga ama ay nararapat na gumamit ng kanilang awtoridad sa maibiging paraan upang pakinabangan ng kani-kanilang pamilya. Sila ang mangunguna sa pagsamba. Kapuwa ang mga ama at mga ina ay nagpakita ng interes sa kanilang mga anak—anupat tinuturuan at sinasanay sila, sumasamba kasama nila, at naglalaan ng libangan para sa kanila. Ang maka-Diyos na mga ina ay napatunayang mahahalagang katulong, na gumagalang sa pagkaulo ng kani-kanilang asawang lalaki samantalang nagkukusa sa kapakanan ng kani-kanilang pamilya. Ang masunuring mga anak ay nagdudulot ng kagalakan sa kanilang mga magulang at sa Diyos na Jehova. Tunay, ang may-takot sa Diyos na mga pamilya noong panahon ng Bibliya ay isang mahusay na parisan sa ating kaarawan.
[Talababa]
a Dapat pansinin na bago nito, matatag na kumilos si Jacob upang ipagsanggalang ang kaniyang pamilya laban sa impluwensiya ng mga Canaanita. Nagtayo siya ng isang altar, na ang istilo ay tiyak na nagpakitang naiiba siya sa kaniyang kalapit na mga Canaanita. (Genesis 33:20; Exodo 20:24, 25) Isa pa, itinayo niya ang kaniyang kampamento sa labas ng lunsod ng Shechem at isinaayos ang kaniyang sariling suplay ng tubig. (Genesis 33:18; Juan 4:6, 12) Sa gayon ay alam na alam ni Dina ang pagnanais ni Jacob na siya ay huwag makisama sa mga Canaanita.
[Larawan sa pahina 23]
Ang inyong pamilya ay maaaring maging gaya ng maliligayang pamilya na sumasamba kay Jehova noong panahon ng Bibliya