KABANATA 6
Nasaan ang mga Patay?
Ano ang nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay?
Bakit tayo namamatay?
Nakaaaliw bang malaman ang katotohanan tungkol sa kamatayan?
1-3. Anu-ano ang itinatanong ng mga tao tungkol sa kamatayan, at anu-anong mga sagot ang ibinibigay ng iba’t ibang relihiyon?
ITO ang mga tanong na pinag-iisipan ng mga tao sa loob ng libu-libong taon na. Mahahalagang tanong ang mga ito. Sinuman tayo o saanman tayo nakatira, nasasangkot tayong lahat sa sagot sa mga tanong na ito.
2 Sa nakaraang kabanata, tinalakay natin kung paano binuksan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Natutuhan din natin na inihula ng Bibliya na darating ang panahon na “hindi na magkakaroon ng kamatayan.” (Apocalipsis 21:4) Samantala, lahat tayo ay namamatay. “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay,” ang sabi ng matalinong si Haring Solomon. (Eclesiastes 9:5) Sinisikap nating mabuhay nang mas mahaba hangga’t maaari. Gayunman, iniisip pa rin natin kung ano ang mangyayari sa atin kapag namatay tayo.
3 Kapag namatay ang ating mga mahal sa buhay, nagdadalamhati tayo. At maaaring maitanong natin: ‘Ano na kaya ang nangyayari sa kanila? Nagdurusa ba sila? Binabantayan kaya nila tayo? Matutulungan ba natin sila? Makikita pa kaya natin silang muli?’ Iba-iba ang sagot ng mga relihiyon sa daigdig sa mga tanong na ito. Itinuturo ng ilan na kung mabuti ka, pupunta ka sa langit pero kung masama ka, masusunog ka sa isang pahirapang dako. Itinuturo naman ng ibang relihiyon na sa kamatayan, nagtutungo ang mga tao sa daigdig ng mga espiritu upang makasama ang kanilang mga ninuno. Itinuturo pa ng ibang relihiyon na nagtutungo ang mga namatay sa daigdig ng mga patay upang hatulan at pagkatapos ay sumasailalim sa reinkarnasyon, o muling pagsilang sa ibang katawan.
4. Ano ang saligang ideya ng maraming relihiyon tungkol sa kamatayan?
4 Ang lahat ng gayong mga turo ng relihiyon ay may iisang saligang ideya—na may bahagi sa ating katawan na nananatiling buháy pagkamatay ng pisikal na katawan. Ayon sa halos lahat ng relihiyon noon at ngayon, waring nabubuhay raw tayo magpakailanman taglay ang kakayahang makakita, makarinig, at mag-isip. Pero paano mangyayari iyan? Ang ating mga pandama, pati na ang ating mga kaisipan, ay nakadepende lahat sa paggana ng ating utak. Sa kamatayan, hindi na gumagana ang utak. Ang ating mga alaala, damdamin, at pandama ay hindi na patuloy na gumagana sa ganang sarili nito sa isang misteryosong paraan. Nawawala na ang mga ito kapag namatay na ang ating utak.
ANO BA TALAGA ANG NANGYAYARI SA KAMATAYAN?
5, 6. Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay?
5 Ang nangyayari sa kamatayan ay hindi misteryo kay Jehova, ang Maylalang ng utak. Alam niya ang katotohanan, at ipinaliwanag niya sa kaniyang Salita, ang Bibliya, ang kalagayan ng mga patay. Ganito ang maliwanag na turo nito: Kapag namatay ang isang tao, hindi na siya umiiral. Ang kamatayan ay kabaligtaran ng buhay. Ang patay ay hindi nakakakita o nakaririnig o nakapag-iisip. Walang anumang bahagi natin ang nananatiling buháy pagkamatay ng katawan. Wala tayong imortal na kaluluwa o espiritu.a
6 Matapos maobserbahan ni Solomon na alam ng mga buháy na sila ay mamamatay, sumulat siya: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” Pagkatapos ay pinalawak niya ang saligang katotohanang iyan sa pagsasabing hindi kaya ng mga patay na umibig ni mapoot man at na “walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa [libingan].” (Eclesiastes 9:5, 6, 10) Sa katulad na paraan, sinasabi ng Awit 146:4 na kapag namatay ang isang tao, “maglalaho ang kaniyang pag-iisip.” Tayo ay mortal at hindi nananatiling buhay pagkamatay ng ating katawan. Ang buhay na tinatamasa natin ay kagaya ng apoy sa kandila. Kapag pinatay ang apoy, hindi ito napunta sa kung saan. Hindi na ito umiiral.
KUNG ANO ANG SINABI NI JESUS TUNGKOL SA KAMATAYAN
7. Paano ipinaliwanag ni Jesus kung saan maihahalintulad ang kamatayan?
7 Nagsalita si Jesu-Kristo tungkol sa kalagayan ng mga patay. Binanggit niya ito nang mamatay si Lazaro, isang taong kilaláng-kilalá niya. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namamahinga.” Inakala ng mga alagad na ang ibig sabihin ni Jesus ay natutulog lamang si Lazaro para gumaling sa pagkakasakit. Nagkamali sila. Ganito ang paliwanag ni Jesus: “Si Lazaro ay namatay.” (Juan 11:11-14) Pansinin na inihambing ni Jesus ang kamatayan sa pamamahinga at pagtulog. Si Lazaro ay wala sa langit ni sa nag-aapoy na impiyerno. Hindi niya nakasama ang mga anghel o ang kaniyang mga ninuno. Si Lazaro ay hindi ipinanganak-muli na ibang tao. Siya ay namamahinga na sa kamatayan, na parang natutulog nang napakahimbing. Inihahalintulad din ng iba pang teksto ang kamatayan sa pagtulog. Halimbawa, nang pagbabatuhin ang alagad na si Esteban hanggang sa mamatay, sinabi ng Bibliya na siya ay “natulog.” (Gawa 7:60) Sa katulad na paraan, sumulat si apostol Pablo hinggil sa ilan noong panahon niya na “natulog” na sa kamatayan.—1 Corinto 15:6.
8. Paano natin nalaman na hindi layunin ng Diyos na mamatay ang mga tao?
8 Orihinal bang layunin ng Diyos na mamatay ang tao? Hinding-hindi! Ginawa ni Jehova ang tao para mabuhay magpakailanman sa lupa. Gaya ng naunang natutuhan natin sa aklat na ito, inilagay ng Diyos ang unang taong mag-asawa sa isang napakagandang paraiso. Pinagpala niya sila ng sakdal na kalusugan. Walang ibang hangad si Jehova para sa kanila kundi ang mabuti. Mayroon bang sinumang maibiging magulang na gustong dumanas ang kaniyang mga anak ng hapis na dulot ng katandaan at kamatayan? Siyempre wala! Iniibig ni Jehova ang kaniyang mga anak at nais niyang magtamasa sila ng walang-katapusang kaligayahan sa lupa. May kaugnayan sa mga tao, ganito ang sinabi ng Bibliya: “Ang panahong walang takda ay inilagay [ni Jehova] sa kanilang puso.” (Eclesiastes 3:11) Nilalang tayo ng Diyos na may hangaring mabuhay magpakailanman. At gumawa siya ng paraan upang matupad ang hangaring iyan.
KUNG BAKIT NAMAMATAY ANG MGA TAO
9. Ano ang ipinagbawal ni Jehova kay Adan, at bakit hindi naman mahirap sundin ang utos na ito?
9 Kung gayon, bakit namamatay ang mga tao? Upang masumpungan ang sagot, kailangan nating isaalang-alang kung ano ang nangyari noong iisa pa lamang ang lalaki at iisa pa lamang ang babae sa lupa. Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Pinatubo ng Diyos na Jehova mula sa lupa ang bawat punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kainin.” (Genesis 2:9) Gayunman, may isang pagbabawal. Sinabi ni Jehova kay Adan: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Hindi naman mahirap sundin ang utos na ito. Marami pang ibang punungkahoy na mapagkukunan ng pagkain sina Adan at Eva. Ngunit nagkaroon sila ngayon ng isang pantanging pagkakataon para ipakita ang kanilang pasasalamat sa Isa na nagbigay sa kanila ng lahat ng bagay, lakip na ang sakdal na buhay. Ang kanilang pagkamasunurin ay magpapakita rin na iginagalang nila ang awtoridad ng kanilang makalangit na Ama at nais nila ang kaniyang maibiging patnubay.
10, 11. (a) Paano sinuway ng unang mag-asawang tao ang Diyos? (b) Bakit seryosong bagay ang pagsuway nina Adan at Eva?
10 Nakalulungkot, pinili ng unang taong mag-asawa na sumuway kay Jehova. Sa pamamagitan ng isang serpiyente, tinanong ni Satanas si Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” Sumagot si Eva: “Sa bunga ng mga punungkahoy sa hardin ay makakakain kami. Ngunit kung tungkol sa pagkain ng bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos, ‘Huwag kayong kakain mula roon, ni huwag ninyong hihipuin iyon upang hindi kayo mamatay.’ ”—Genesis 3:1-3.
11 “Tiyak na hindi kayo mamamatay,” ang sabi ni Satanas. “Nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 3:4, 5) Nais papaniwalain ni Satanas si Eva na makikinabang siya kung kakainin niya ang ipinagbabawal na bunga. Ayon kay Satanas, makapagpapasiya si Eva para sa kaniyang sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali; magagawa niya kung ano ang gusto niyang gawin. Nagparatang din si Satanas na nagsinungaling si Jehova tungkol sa magiging resulta ng pagkain sa bunga. Naniwala naman si Eva kay Satanas. Kaya pumitas siya ng ilan sa mga bunga at kinain ito. Pagkatapos ay binigyan niya ang kaniyang asawa, at kumain din ito. Hindi sila kumilos nang ganoon dahil sa kawalang-alam. Alam nila na ang kanilang ginawa ay ang mismong kabaligtaran ng iniutos ng Diyos. Sa pagkain sa bunga, sinadya nilang suwayin ang isang simple at makatuwirang utos. Hinamak nila ang kanilang makalangit na Ama at ang kaniyang awtoridad. Talagang hindi mapatatawad ang gayong kawalang-galang sa kanilang maibiging Maylalang!
12. Ano ang makatutulong sa atin na maunawaan kung ano ang nadama ni Jehova nang tahakin nina Adan at Eva ang landas ng pagsalansang sa kaniya?
12 Bilang paglalarawan: Ano kaya ang madarama mo kung pagkatapos mong palakihin at alagaan ang isang anak ay sumuway ito sa iyo sa paraang nagpapakita na wala siyang paggalang o pag-ibig sa iyo? Tiyak na napakasakit nito para sa iyo. Ngayon, gunigunihin kung gaano katinding sakit ang tiyak na nadama ni Jehova nang kapuwa tahakin nina Adan at Eva ang landas ng pagsalansang sa kaniya.
13. Ano ang sinabi ni Jehova na mangyayari kay Adan sa kamatayan, at ano ang ibig sabihin nito?
13 Walang dahilan si Jehova para buhayin magpakailanman ang masuwaying sina Adan at Eva. Namatay sila, gaya ng sinabi niyang mangyayari sa kanila. Hindi na umiral sina Adan at Eva. Hindi sila napunta sa daigdig ng mga espiritu. Alam natin ito dahil sa sinabi ni Jehova kay Adan pagkatapos Niyang papagsulitin ito dahil sa kaniyang pagsuway. Sinabi ng Diyos: “Ikaw ay [babalik] sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Ginawa ng Diyos si Adan mula sa alabok ng lupa. (Genesis 2:7) Bago iyan, hindi umiiral si Adan. Samakatuwid, nang sabihin ni Jehova na babalik si Adan sa alabok, ang ibig Niyang sabihin ay babalik si Adan sa kalagayan ng di-pag-iral. Si Adan ay magiging walang buhay gaya ng alabok na pinagkunan sa kaniya.
14. Bakit tayo namamatay?
14 Buháy sana ngayon sina Adan at Eva, ngunit namatay sila dahil pinili nilang sumuway sa Diyos at sa gayo’y nagkasala sila. Namamatay tayo dahil naipasa ni Adan ang kaniyang makasalanang kalagayan gayundin ang kamatayan sa lahat ng kaniyang mga inapo. (Roma 5:12) Ang kasalanang iyan ay katulad ng isang nakapanghihilakbot na minanang sakit na hindi matatakasan ng sinuman. Isang sumpa ang resulta nito, kamatayan. Ang kamatayan ay isang kaaway at hindi isang kaibigan. (1 Corinto 15:26) Kaylaking pasasalamat natin na naglaan si Jehova ng pantubos para sagipin tayo mula sa kahila-hilakbot na kaaway na ito!
KAPAKI-PAKINABANG NA MALAMAN ANG KATOTOHANAN TUNGKOL SA KAMATAYAN
15. Bakit nakaaaliw malaman ang katotohanan tungkol sa kamatayan?
15 Nakaaaliw ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay. Gaya ng nakita na natin, hindi dumaranas ng kirot o pighati ang mga patay. Walang dahilan para matakot sa kanila, dahil hindi naman nila tayo kayang saktan. Hindi nila kailangan ang ating tulong, at hindi nila tayo kayang tulungan. Hindi natin sila makakausap, at hindi nila tayo makakausap. Maraming lider ng relihiyon ang may-kabulaanang nag-aangkin na kaya nilang tulungan ang mga namatay na, at binibigyan naman sila ng pera ng mga taong naniniwala sa kanila. Ngunit ang pagkaalam ng katotohanan ay nagsasanggalang sa atin mula sa panlilinlang ng mga nagtuturo ng gayong mga kasinungalingan.
16. Sino ang nakaimpluwensiya sa mga turo ng maraming relihiyon, at sa anong paraan?
16 Magkatugma ba ang itinuturo ng iyong relihiyon at ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa mga patay? Ang karamihan ay hindi. Bakit? Dahil naimpluwensiyahan ni Satanas ang kanilang mga turo. Ginagamit niya ang huwad na relihiyon upang papaniwalain ang mga tao na pagkamatay ng kanilang katawan, patuloy silang mabubuhay sa daigdig ng mga espiritu. Isa itong kasinungalingan na isinasama ni Satanas sa iba pang kasinungalingan upang ilayo ang mga tao sa Diyos na Jehova. Paano?
17. Bakit hindi nagpaparangal kay Jehova ang turo hinggil sa walang-hanggang pagpapahirap?
17 Gaya ng nabanggit na, itinuturo ng ilang relihiyon na kung masama ang isang tao, magtutungo siya sa isang lugar ng maapoy na pagpapahirap upang magdusa roon magpakailanman pagkamatay niya. Hindi nagpaparangal sa Diyos ang turong ito. Si Jehova ay Diyos ng pag-ibig at hinding-hindi niya pahihirapan ang mga tao sa ganitong paraan. (1 Juan 4:8) Ano kaya ang madarama mo sa isang tao na pinarurusahan ang isang masuwaying bata sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kamay nito sa apoy? Igagalang mo ba ang ganitong tao? Sa katunayan, gugustuhin mo bang makilala man lamang siya? Tiyak na hindi! Malamang na iisipin mong napakalupit niya. Gayunman, gusto ni Satanas na maniwala tayo na pinahihirapan ni Jehova ang mga tao sa apoy magpakailanman—sa loob ng di-mabilang na bilyun-bilyong taon!
18. Ang pagsamba sa mga patay ay salig sa anong relihiyosong kasinungalingan?
18 Ginagamit din ni Satanas ang ilang relihiyon para ituro na pagkamatay, ang mga tao ay nagiging mga espiritu na dapat igalang at parangalan ng mga nabubuhay. Ayon sa turong ito, ang espiritu ng mga patay ay maaaring maging makapangyarihang mga kaibigan o nakatatakot na mga kaaway. Maraming tao ang naniniwala sa kasinungalingang ito. Kinatatakutan nila ang mga patay at pinararangalan at sinasamba ang mga ito. Sa kabaligtaran, itinuturo ng Bibliya na natutulog ang mga patay at ang nararapat lamang na sambahin ay ang tunay na Diyos, si Jehova, na ating Maylalang at Tagapaglaan.—Apocalipsis 4:11.
19. Ang pagkaalam ng katotohanan tungkol sa kamatayan ay tumutulong sa atin na maunawaan ang anong iba pang turo ng Bibliya?
19 Ang pagkaalam ng katotohanan tungkol sa mga patay ay nagsasanggalang sa iyo upang hindi ka mailigaw ng relihiyosong mga kasinungalingan. Tumutulong din ito sa iyo na maunawaan ang iba pang mga turo sa Bibliya. Halimbawa, nang maunawaan mo na ang mga tao ay hindi nagtutungo sa daigdig ng mga espiritu sa kamatayan, nagkaroon ng tunay na kahulugan sa iyo ang pangakong buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa.
20. Anong tanong ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
20 Matagal nang panahon ang nakalilipas, ganito ang itinanong ng matuwid na taong si Job: “Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?” (Job 14:14) Mabubuhay pa kayang muli ang isang taong walang buhay na natutulog sa kamatayan? Lubhang nakaaaliw ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa bagay na ito, gaya ng ipakikita ng susunod na kabanata.
a Para sa pagtalakay sa mga salitang “kaluluwa” at “espiritu,” pakisuyong tingnan ang Apendise, sa artikulong “‘Kaluluwa’ at ‘Espiritu’—Ano ba Talaga ang Kahulugan ng mga Salitang Ito?”