ABEL
1. [posible, Singaw; Kawalang-kabuluhan]. Ang ikalawang anak ni Adan at ng kaniyang asawang si Eva, at ang nakababatang kapatid ng kanilang panganay na anak na si Cain.—Gen 4:2.
Samantalang nabubuhay pa si Abel, malamang na nagkaroon siya ng mga kapatid na babae; binabanggit ng ulat na ang kaniyang mga magulang ay nagkaanak ng mga babae, ngunit hindi nakaulat ang mga pangalan ng mga ito. (Gen 5:1-4) Nang lumaki na siya, naging isang tagapagpastol siya ng tupa; ang kaniyang kapatid na lalaki naman ay naging isang magsasaka.—Gen 4:2.
Pagkalipas ng ilang panahon, si Abel ay naghandog sa Diyos na Jehova. Gayundin ang ginawa ni Cain. Bawat isa sa kanila ay nagdala ng kung ano ang mayroon siya: si Abel ay nagdala ng mga panganay ng kaniyang kawan; si Cain naman ay nagdala ng kaniyang ani. (Gen 4:3, 4) Kapuwa sila naniniwalang may Diyos. Tiyak na natutuhan nila ang tungkol sa Diyos mula sa kanilang mga magulang at malamang na alam nila kung bakit silang lahat ay nasa labas ng hardin ng Eden at pinagbabawalang pumasok doon. Ang kanilang mga handog ay nagpahiwatig na kinikilala nilang hiwalay sila sa Diyos at na nais nilang makamit ang Kaniyang lingap. Sinang-ayunan ng Diyos ang handog ni Abel ngunit hindi ang handog ni Cain. Hindi sinabi ng ulat kung paano ipinabatid ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon at pagtatakwil, ngunit walang alinlangang naging maliwanag ito sa dalawa. Ang dahilan kung bakit ang handog lamang ni Abel ang sinang-ayunan ng Diyos ay niliwanag ng mga kasulatan nang dakong huli. Sa Hebreo 11:4, si Abel ay itinala ng apostol na si Pablo bilang ang unang taong may pananampalataya, at ipinakita niyang dahil dito ang kaniyang hain ay “lalong higit ang halaga” kaysa sa handog ni Cain. Sa kabaligtaran naman, ipinakikita ng 1 Juan 3:11, 12 na masama ang saloobin ng puso ni Cain, at ipinakita ito ng pagtatakwil niya sa payo at babala ng Diyos nang dakong huli at ng kaniyang isinaplanong pagpaslang sa kapatid niyang si Abel.
Bagaman hindi masasabi na patiunang alam ni Abel kung paano matutupad ang pangako ng Diyos sa Genesis 3:15 may kinalaman sa ipinangakong “binhi,” malamang na pinag-isipan niyang mabuti ang pangakong ito at naniwala siya na kailangan ang pagtitigis ng dugo at kailangang may isa na ‘susugatan sa sakong,’ upang maibalik ang sangkatauhan tungo sa kasakdalang tinamasa nina Adan at Eva bago sila maghimagsik. (Heb 11:4) Sa liwanag ng nabanggit, ang paghahandog ni Abel ng mga panganay ng kaniyang kawan ay angkop na angkop at walang alinlangang naging isang dahilan kung bakit sinang-ayunan iyon ng Diyos. Bilang kaniyang kaloob, buhay ang ibinigay ni Abel sa Tagapagbigay ng buhay, bagaman nanggaling lamang iyon sa kawan.—Ihambing ang Ju 1:36.
Ipinakita ni Jesus na si Abel ang naging unang martir at tudlaan ng relihiyosong pag-uusig na isinagawa ng kaniyang di-mapagparayang kapatid na si Cain. Sa gayon, tinukoy ni Jesus si Abel bilang nabuhay noong panahon ng “pagkakatatag ng sanlibutan.” (Luc 11:48-51) Ang salitang Griego para sa “sanlibutan” ay koʹsmos at sa tekstong ito ay tumutukoy sa sanlibutan ng sangkatauhan. Ang terminong “pagkakatatag” ay isinalin mula sa Griegong ka·ta·bo·leʹ at literal na nangangahulugang “paghahagis [ng binhi].” (Heb 11:11, Int) Sa pananalitang “pagkakatatag ng sanlibutan,” maliwanag na tinutukoy ni Jesus ang pagsilang ng mga anak nina Adan at Eva, sa gayo’y umiral ang isang sanlibutan ng sangkatauhan. Tinukoy ni Pablo si Abel bilang kasama sa “ulap ng mga saksi” bago ang panahong Kristiyano.—Heb 11:4; 12:1.
Paanong ang dugo ni Jesus ay “nagsasalita sa mas mabuting paraan kaysa sa dugo ni Abel”?
Sa dahilang patuloy na nagpapatotoo ang rekord ng Kasulatan tungkol sa pananampalataya ni Abel at sa pagsang-ayon ng Diyos sa kaniya, masasabing si Abel, “bagaman namatay siya, ay nagsasalita pa.” (Heb 11:4) Sa Hebreo 12:24 ay tinukoy ng apostol “si Jesus na tagapamagitan ng isang bagong tipan, at ang dugo ng pagwiwisik, na nagsasalita sa mas mabuting paraan kaysa sa dugo ni Abel.” Bagaman ibinubo ang dugo ni Abel bilang isang martir, wala itong tinubos na sinuman, gaya rin ng dugo ng kaniyang inihaing mga tupa. Sa wari ay sumisigaw sa Diyos ang kaniyang dugo upang paghigantihan ang mamamatay-taong si Cain. Ang dugo ni Jesus, na sinabing nagbigay-bisa sa bagong tipan, ay nagsasalita sa mas mabuting paraan kaysa sa dugo ni Abel sapagkat nagsusumamo ito sa Diyos na kaawaan ang lahat ng mga taong may pananampalataya tulad ni Abel, at sa pamamagitan nito ay naging posible na tubusin sila.
Yamang maliwanag na ipinanganak si Set di-nagtagal pagkamatay ni Abel at noong si Adan ay 130 taóng gulang na, posibleng si Abel ay mga 100 taóng gulang na noong mamatay siya bilang martir.—Gen 4:25; 5:3.
2. [Daanang-tubig]. Isang bayan na tinatawag ding Abel-bet-maaca o Abel ng Bet-maaca. Ginagamit din ito bilang isang unlapi ng mga pangalan ng iba’t ibang lugar.—2Sa 20:18; tingnan ang ABEL-BET-MAACA.
3. Sa 1 Samuel 6:18, ang King James Version ay may binanggit na “malaking bato ng Abel,” samantalang ang panggilid na impormasyon ay kababasahan, “O, dakilang Abel, samakatuwid nga, pagdadalamhati.” Gayunman, ang karamihan sa makabagong mga salin ay kababasahan lamang ng “ang malaking bato.” (Ihambing ang AS-Tg, BSP, NW, at iba pa.) Bagaman ginamit ng tekstong Hebreo Masoretiko ang salitang ʼA·velʹ sa talatang iyon, isinalin ito ng Griegong Septuagint at ng mga Aramaikong Targum na para bang ito ay ʼeʹven, samakatuwid nga, “bato.” Ang gayong salin ay kaayon ng talata 14 sa kabanata ring iyon. Hindi ito maaaring tumukoy sa Abel ng Bet-maaca, yamang ang insidenteng nakaulat sa 1 Samuel 6:18 ay naganap malapit sa Bet-semes sa Juda.