KABANATA 2
“Kinalugdan ng Diyos” ang mga Regalo Nila
POKUS: Ang kasaysayan ng kaayusan ni Jehova para sa dalisay na pagsamba
1-3. (a) Anong mga tanong ang sasagutin natin? (b) Anong apat na kahilingan sa dalisay na pagsamba ang tatalakayin natin? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)
MAINGAT na sinuri ni Abel ang kawan niya. Siya ang nagpalaki sa mga hayop na ito. Ngayon, pumili siya ng ilan, pinatay ang mga ito, at inihandog sa Diyos. Magiging katanggap-tanggap kaya kay Jehova ang paghahandog ng isang di-perpektong tao?
2 Ginabayan si apostol Pablo na isulat tungkol kay Abel: “Kinalugdan ng Diyos ang mga regalo niya.” Pero hindi tinanggap ni Jehova ang handog ni Cain. (Basahin ang Hebreo 11:4.) Kaya bumabangon ang ilang tanong na dapat nating pag-isipan. Bakit tinanggap ng Diyos ang pagsamba ni Abel pero hindi ang kay Cain? Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawa nina Cain at Abel at ng iba pang binanggit sa Hebreo kabanata 11? Matutulungan tayo ng mga sagot na mas maunawaan ang mga kahilingan sa dalisay na pagsamba.
3 Habang tinatalakay natin sa maikli ang mga pangyayari mula sa panahon ni Abel hanggang kay Ezekiel, pansinin ang apat na kahilingan para maging katanggap-tanggap ang pagsamba sa Diyos: Si Jehova ang dapat na tumanggap ng pagsamba, dapat na pinakamataas ang kalidad nito, dapat na sinang-ayunan ng Diyos ang paraan, at dapat na dalisay ang motibo ng mananamba.
Bakit Hindi Tinanggap ang Pagsamba ni Cain?
4, 5. Bakit naisip ni Cain na si Jehova ang tatanggap ng handog niya?
4 Basahin ang Genesis 4:2-5. Alam ni Cain na si Jehova ang tatanggap ng handog niya. Maraming pagkakataon si Cain para matuto tungkol kay Jehova. Halos 100 taóng gulang na sila ng kapatid niyang si Abel nang maghandog sila.a Bata pa lang sila, alam na nila ang tungkol sa hardin ng Eden; baka nga nakikita nila ito sa malayo. At malamang na nakita rin nila ang mga kerubin na nagbabantay sa pasukan nito. (Gen. 3:24) Tiyak na sinabi sa kanila ng mga magulang nila na si Jehova ang lumalang sa lahat ng bagay na may buhay at na ang orihinal na layunin niya para sa mga tao ay iba sa nararanasan nila—unti-unti silang tumatanda hanggang sa mamatay. (Gen. 1:24-28) Dahil dito, posibleng naisip ni Cain na dapat siyang maghandog sa Diyos.
5 Ano pa kaya ang posibleng dahilan kung bakit naghandog si Cain? Inihula ni Jehova na magkakaroon ng isang “supling” na dudurog sa ulo ng “ahas,” na dumaya kay Eva para makagawa ito ng maling pasiya. (Gen. 3:4-6, 14, 15) Bilang panganay, posibleng naisip ni Cain na siya ang ipinangakong “supling.” (Gen. 4:1) Isa pa, hindi pinutol ni Jehova ang lahat ng komunikasyon sa makasalanang mga tao. Kahit noong nagkasala si Adan, kinausap pa rin siya ng Diyos, malamang na sa pamamagitan ng isang anghel. (Gen. 3:8-10) Kinausap din ni Jehova si Cain pagkatapos nitong maghandog. (Gen. 4:6) Kaya tiyak na alam ni Cain na karapat-dapat sambahin si Jehova.
6, 7. May problema ba sa kalidad o paraan ng paghahandog ni Cain? Ipaliwanag.
6 Pero bakit hindi nalugod si Jehova sa handog ni Cain? May problema ba sa kalidad nito? Walang sinasabi ang Bibliya. Sinasabi lang nito na naghandog si Cain ng “mga bunga ng lupa.” Nang maglaon, binanggit ni Jehova sa Kautusan na ibinigay niya kay Moises na katanggap-tanggap ang ganitong hain. (Bil. 15:8, 9) Isipin din ang kalagayan noon. Pananim lang ang pagkain ng mga tao. (Gen. 1:29) At dahil isinumpa ng Diyos ang lupa sa labas ng Eden, naghirap si Cain para umani ng pananim. (Gen. 3:17-19) Pinaghirapan niya ang handog, at kailangan ito para mabuhay! Pero hindi pa rin tinanggap ni Jehova ang handog ni Cain.
7 May problema kaya sa paraan ng paghahandog ni Cain? Parang wala naman. Bakit natin nasabi iyan? Dahil nang hindi tanggapin ni Jehova ang handog, wala siyang sinabing masama sa paraan ng paghahandog. Sa katunayan, wala tayong mababasa tungkol sa paraan ng paghahandog ni Cain o ni Abel. Ano kaya ang problema?
8, 9. (a) Bakit hindi nalugod si Jehova kay Cain at sa handog nito? (b) Ano ang kapansin-pansin sa iniulat ng Bibliya tungkol kina Cain at Abel?
8 Ipinapakita ng sinabi ni Pablo sa mga Hebreo na hindi dalisay ang motibo ni Cain sa paghahandog. Walang pananampalataya si Cain. (Heb. 11:4; 1 Juan 3:11, 12) Kaya naman kay Cain mismo hindi nalugod si Jehova, hindi lang sa handog nito. (Gen. 4:5-8) Si Jehova ay isang mapagmahal na Ama, kaya sinikap niyang ituwid ang kaniyang anak. Pero tinanggihan ni Cain ang tulong ni Jehova. Kaya ang mga gawa ng di-perpektong laman—“alitan, pag-aaway, selos”—ay lalong lumala sa puso ni Cain. (Gal. 5:19, 20) Dahil sa masamang puso niya, nabale-wala ang ibang magagandang bagay tungkol sa handog niya. Makikita sa halimbawa niya na hindi lang panlabas na pagpapakita ng debosyon kay Jehova ang kahilingan sa dalisay na pagsamba.
9 Maraming iniulat ang Bibliya tungkol kay Cain—ang sinabi ni Jehova sa kaniya, ang sagot ni Cain, at maging ang pangalan ng mga inapo niya, pati na ang ilang ginawa nila. (Gen. 4:17-24) Tungkol naman kay Abel, wala tayong mababasa kung nagkaanak siya at wala ring iniulat sa mga sinabi niya. Pero may matututuhan pa rin tayo sa mga ginawa niya. Ano iyon?
Nagpakita si Abel ng Magandang Halimbawa sa Dalisay na Pagsamba
10. Paano nagpakita si Abel ng magandang halimbawa sa dalisay na pagsamba?
10 Nang maghandog si Abel kay Jehova, alam niyang Siya lang ang karapat-dapat tumanggap ng pagsamba. Napakataas ng kalidad ng handog ni Abel—pinili niya ang “mga panganay ng kaniyang kawan.” Hindi binanggit sa ulat kung sa altar siya naghandog, pero tiyak na katanggap-tanggap ang paraang ginamit niya. Pero ang pinakamahalaga sa paghahandog ni Abel, na kapupulutan pa rin ng aral makalipas ang mga anim na milenyo, ay ang motibo niya. Napakilos si Abel ng pananampalataya sa Diyos at ng pag-ibig sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Paano natin nalaman iyan?
11. Bakit inilarawan ni Jesus si Abel bilang matuwid?
11 Una, pansinin ang sinabi ni Jesus tungkol kay Abel, na kilalang-kilala niya. Nasa langit si Jesus noong nabubuhay si Abel sa lupa. Interesado si Jesus sa anak na ito ni Adan. (Kaw. 8:22, 30, 31; Juan 8:58; Col. 1:15, 16) Kaya nang ilarawan ni Jesus si Abel bilang matuwid, batay ito sa aktuwal niyang nakita. (Mat. 23:35) Kinikilala ng isang taong matuwid na si Jehova ang karapat-dapat magtakda ng pamantayan ng tama at mali. At ipinapakita rin niya sa kaniyang sinasabi at ginagawa na sang-ayon siya sa mga pamantayang iyon. (Ihambing ang Lucas 1:5, 6.) Kailangan ng panahon para makilala bilang matuwid. Kaya bago pa maghandog si Abel sa Diyos, tiyak na namumuhay na siya ayon sa mga pamantayan ni Jehova. Hindi iyan madali. Malamang na hindi naging mabuting impluwensiya ang kuya niya, dahil naging masama ang puso ni Cain. (1 Juan 3:12) Ang ina ni Abel ay sumuway sa isang malinaw na utos mula sa Diyos, at ang ama naman niya ay nagrebelde kay Jehova dahil gusto nitong siya mismo ang magpasiya kung ano ang mabuti at masama. (Gen. 2:16, 17; 3:6) Talagang nagpakita si Abel ng lakas ng loob para makapamuhay sa paraang ibang-iba sa pamilya niya!
12. Ano ang pagkakaiba ni Cain at ni Abel?
12 Sumunod, tingnan kung paano pinag-ugnay ni apostol Pablo ang pananampalataya at pagiging matuwid. Isinulat niya: “Dahil sa pananampalataya, nagbigay si Abel sa Diyos ng isang handog na nakahihigit sa handog ni Cain, at dahil sa pananampalatayang iyan, ipinakita ng Diyos na itinuturing Niya siyang matuwid.” (Heb. 11:4) Makikita rito na sa buong buhay ni Abel, napakilos siya ng taos-pusong pananampalataya kay Jehova at sa mga paraan Niya, di-tulad ni Cain.
13. Ano ang natutuhan natin sa halimbawa ni Abel?
13 Natutuhan natin sa halimbawa ni Abel na ang dalisay na pagsamba ay puwede lang magmula sa pusong may dalisay na motibo—isang pusong punô ng pananampalataya kay Jehova at lubos na sang-ayon sa matuwid na mga pamantayan niya. Natutuhan din natin na ang dalisay na pagsamba ay hindi lang isang beses na pagpapakita ng debosyon. Kasama rito ang ating paggawi sa buong buhay natin.
Tinularan ng mga Patriyarka ang Halimbawa ni Abel
14. Bakit tinanggap ni Jehova ang mga handog nina Noe, Abraham, at Jacob?
14 Si Abel ang unang di-perpektong tao na nagsagawa ng dalisay na pagsamba kay Jehova, pero hindi siya ang huli. Binanggit ni apostol Pablo ang iba pa—gaya nina Noe, Abraham, at Jacob. (Basahin ang Hebreo 11:7, 8, 17-21.) Lahat sila ay naghandog kay Jehova, at kinalugdan niya ang mga hain nila. Bakit? Dahil hindi lang sila basta naghandog—naabot nila ang lahat ng mahahalagang kahilingan sa dalisay na pagsamba. Tingnan natin ang mga halimbawa nila.
15, 16. Paano naabot ni Noe ang apat na kahilingan sa dalisay na pagsamba?
15 Si Noe ay ipinanganak 126 na taon lang pagkamatay ni Adan, pero laganap na noon ang huwad na pagsamba.b (Gen. 6:11) Sa lahat ng nabuhay noon sa lupa bago ang Baha, si Noe lang at ang pamilya niya ang katanggap-tanggap ang pagsamba kay Jehova. (2 Ped. 2:5) Pagkatapos makaligtas sa Baha, napakilos si Noe na magtayo ng altar, ang unang binanggit sa Bibliya, at maghain kay Jehova. Sa paggawa nito, malinaw na naipakita ni Noe sa pamilya niya at sa lahat ng magmumula sa kaniya na si Jehova lang ang karapat-dapat tumanggap ng pagsamba. Sa lahat ng hayop na puwede niyang ihain, pumili si Noe ng “ilan mula sa lahat ng malilinis na hayop at sa lahat ng malilinis na lumilipad na nilalang.” (Gen. 8:20) Napakataas ng kalidad ng haing ito dahil si Jehova mismo ang nagsabing malinis ang mga ito.—Gen. 7:2.
16 Inihandog ni Noe ang mga haing sinusunog na ito sa altar na itinayo niya. Katanggap-tanggap ba ang paraang ito? Oo. Sinabi ng ulat na nakagiginhawa kay Jehova ang amoy ng handog at pinagpala niya si Noe at ang mga anak nito. (Gen. 8:21; 9:1) Pero ang pinakamahalaga kay Jehova ay ang motibo ni Noe. Ang mga haing ito ay isa pang patunay ng matibay na pananampalataya ni Noe kay Jehova at sa mga paraan Niya. Laging sinusunod ni Noe si Jehova at ang mga pamantayan Niya, kaya sinasabi ng Bibliya na siya ay “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” Dahil dito, patuloy na nakilala si Noe bilang isang matuwid na lalaki.—Gen. 6:9; Ezek. 14:14; Heb. 11:7.
17, 18. Paano naabot ni Abraham ang apat na kahilingan sa dalisay na pagsamba?
17 Si Abraham ay napapalibutan ng huwad na pagsamba. Sa lunsod ng Ur, kung saan nakatira si Abraham, may napakalaking templo para sa diyos ng buwan na si Nanna.c Kahit ang ama ni Abraham ay minsang sumamba sa huwad na mga diyos. (Jos. 24:2) Pero pinili ni Abraham na sambahin si Jehova. Malamang na natuto siya tungkol sa tunay na Diyos mula sa ninuno niyang si Sem, na isa sa mga anak ni Noe. Nagpang-abot ang buhay nila nang 150 taon.
18 Sa buong buhay ni Abraham, maraming beses siyang naghandog. Pero ang lahat ng ito ay para lang sa nag-iisang nararapat na tumanggap ng pagsamba, si Jehova. (Gen. 12:8; 13:18; 15:8-10) Handa bang magbigay si Abraham kay Jehova ng handog na may pinakamataas na kalidad? Malinaw na nasagot iyan nang ipakita ni Abraham na handa niyang ihandog ang minamahal niyang anak na si Isaac. Sa kasong ito, detalyadong sinabi sa kaniya ni Jehova ang paraan ng paghahandog. (Gen. 22:1, 2) Handa niyang sundin kahit ang kaliit-liitang detalye. Pinigilan lang siya ni Jehova sa pagpatay sa anak niya. (Gen. 22:9-12) Tinanggap ni Jehova ang pagsamba ni Abraham dahil dalisay ang motibo niya. “Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova,” ang isinulat ni Pablo, “at dahil dito, itinuring siyang matuwid.”—Roma 4:3.
19, 20. Paano naabot ni Jacob ang apat na kahilingan sa dalisay na pagsamba?
19 Matagal na nanirahan si Jacob sa Canaan, ang lupaing ipinangako ni Jehova kay Abraham at sa mga inapo nito. (Gen. 17:1, 8) Napakarumi ng pagsamba ng mga tagarito kung kaya sinabi ni Jehova na ‘ang mga nakatira dito ay isusuka ng lupain.’ (Lev. 18:24, 25) Noong si Jacob ay 77 anyos, umalis siya ng Canaan, nag-asawa, at nang maglaon ay bumalik kasama ang malaking sambahayan niya. (Gen. 28:1, 2; 33:18) Pero ang ilan sa pamilya niya ay naimpluwensiyahan ng huwad na pagsamba. Gayunman, nang papuntahin ni Jehova si Jacob sa Bethel para magtayo ng altar, kumilos agad si Jacob. Una, sinabi niya sa pamilya niya: “Alisin ninyo sa gitna ninyo ang mga diyos ng mga banyaga, at linisin ninyo ang inyong sarili.” Pagkatapos, sinunod niyang mabuti ang mga tagubilin sa kaniya.—Gen. 35:1-7.
20 May ilang altar na itinayo si Jacob sa Lupang Pangako, pero si Jehova lang ang tumanggap ng lahat ng pagsamba niya. (Gen. 35:14; 46:1) Talagang katanggap-tanggap ang kalidad ng mga hain ni Jacob, ang paraan ng pagsamba niya, at ang motibo niya kung kaya tinawag siya ng Bibliya na “walang kapintasan,” na tumutukoy sa mga kinalulugdan ng Diyos. (Gen. 25:27) Ang buong buhay ni Jacob ay isang magandang halimbawa para sa bansang Israel, na magmumula sa kaniya.—Gen. 35:9-12.
21. Ano ang matututuhan natin tungkol sa dalisay na pagsamba mula sa halimbawa ng mga patriyarka?
21 Ano ang matututuhan natin tungkol sa dalisay na pagsamba mula sa halimbawa ng mga patriyarka? Gaya nila, napapalibutan din tayo ng mga taong puwedeng humadlang sa atin sa pagbibigay ng bukod-tanging debosyon kay Jehova; baka nga kasama pa rito ang mga kapamilya natin. Para makapanindigan tayo, dapat tayong magkaroon ng matibay na pananampalataya kay Jehova at maging kumbinsido na ang matuwid na mga pamantayan niya ang pinakamabuti. Maipapakita natin ang pananampalatayang ito kung susundin natin si Jehova at gagamitin ang ating panahon, lakas, at mga pag-aari para paglingkuran siya. (Mat. 22:37-40; 1 Cor. 10:31) Talagang nakapagpapatibay malaman na kapag ginagawa natin ang buo nating makakaya sa pagsamba kay Jehova, sa paraang gusto niya, at nang may dalisay na motibo, ituturing niya tayong matuwid!—Basahin ang Santiago 2:18-24.
Isang Bansang Nagsasagawa ng Dalisay na Pagsamba
22-24. Tungkol sa paghahandog ng Israel, paano idiniin ng Kautusan ang kahalagahan ng tatanggap, kalidad, at paraan nito?
22 Ibinigay ni Jehova ang Kautusan sa mga inapo ni Jacob para maging malinaw kung ano ang hinihiling niya sa kanila. Kung susundin nila si Jehova, sila ay magiging kaniyang “espesyal na pag-aari” at “isang banal na bansa.” (Ex. 19:5, 6) Pansinin kung paano idiniin ng Kautusan ang apat na kahilingan sa dalisay na pagsamba.
23 Malinaw na sinabi ni Jehova kung sino ang dapat tumanggap ng pagsamba ng mga Israelita. “Hindi [kayo] dapat magkaroon ng ibang diyos maliban sa akin,” ang sabi ni Jehova. (Ex. 20:3-5) Dapat din na mataas ang kalidad ng mga handog nila. Halimbawa, ang mga hayop na ihahandog ay dapat na malusog at walang depekto. (Lev. 1:3; Deut. 15:21; ihambing ang Malakias 1:6-8.) Ang mga Levita ay nakinabang sa mga handog para kay Jehova, pero naghahandog din sila. Ang ibibigay nila ay dapat na mula sa ‘pinakamainam na mga kaloob na ibinigay’ sa kanila. (Bil. 18:29) Tungkol naman sa paraan, binigyan ang mga Israelita ng espesipikong tagubilin kung ano ang ihahandog at kung saan at paano ito gagawin. Sa kabuoan, may mahigit 600 batas na gagabay sa kanila. Sinabi sa kanila: “Tiyakin ninyong gawin ang iniutos sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova. Huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.”—Deut. 5:32.
24 Mahalaga ba talaga kung saan maghahandog ang mga Israelita? Oo. Sinabi ni Jehova sa bayan niya na magtayo ng isang tabernakulo, na naging sentro ng dalisay na pagsamba. (Ex. 40:1-3, 29, 34) Nang panahong iyon, sa tabernakulo dapat maghandog ang mga Israelita para malugod ang Diyos sa mga hain nila.d—Deut. 12:17, 18.
25. Ano ang pinakamahalaga sa paghahandog? Ipaliwanag.
25 Pero ang pinakamahalaga ay ang motibo ng isang Israelita sa paghahandog! Dapat na dahil ito sa taimtim na pag-ibig niya kay Jehova at sa mga pamantayan Niya. (Basahin ang Deuteronomio 6:4-6.) Kapag sumasamba ang mga Israelita dahil lang sa obligasyon nila ito, hindi tinatanggap ni Jehova ang mga handog nila. (Isa. 1:10-13) Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabi ni Jehova na hindi siya nadadaya ng pakitang-taong pagsamba ng bayan: “Pinararangalan nila ako sa pamamagitan ng mga labi nila, pero malayong-malayo ang puso nila sa akin.”—Isa. 29:13.
Pagsamba sa Templo
26. Noong una, bakit mahalaga sa dalisay na pagsamba ang templong itinayo ni Solomon?
26 Ilang siglo nang naninirahan ang Israel sa Lupang Pangako nang magtayo si Haring Solomon ng isang lugar na naging sentro ng dalisay na pagsamba; mas maringal ito sa tabernakulo. (1 Hari 7:51; 2 Cro. 3:1, 6, 7) Noong una, si Jehova lang ang tumatanggap ng mga handog sa templong ito. Maraming inihandog si Solomon at ang bayan; lahat ng ito ay mataas ang kalidad at ginawa sa paraang itinakda sa Kautusan ng Diyos. (1 Hari 8:63) Naging katanggap-tanggap kay Jehova ang pagsamba sa templo hindi dahil sa ginastos sa pagtatayo nito o sa dami ng handog. Ang mahalaga ay ang motibo ng mga naghahandog. Idiniin iyan ni Solomon noong ialay ang templo. Sinabi niya: “Ibigay ninyo kay Jehova na ating Diyos ang inyong buong puso—sundin ninyo ang mga tuntunin niya at tuparin ang mga utos niya gaya ng ginagawa ninyo ngayon.”—1 Hari 8:57-61.
27. Ano ang ginawa ng mga hari ng Israel at ng bayan, at paano tumugon si Jehova?
27 Nakalulungkot, ang mga Israelita ay huminto sa pagsunod sa payo ng hari. Hindi nila naabot ang isa o higit pang kahilingan sa dalisay na pagsamba. Hinayaan ng mga hari ng Israel at ng bayan na maging masama ang puso nila, nawalan sila ng pananampalataya kay Jehova, at tinalikuran nila ang matuwid na mga pamantayan niya. Para ituwid sila at babalaan sa magiging resulta ng ginagawa nila, paulit-ulit na nagsugo si Jehova ng mga propeta. (Jer. 7:13-15, 23-26) Kabilang sa mga ito ang isang natatanging propeta, ang tapat na si Ezekiel. Nabuhay siya sa isang mahalagang panahon sa kasaysayan ng dalisay na pagsamba.
Nakita ni Ezekiel na Nadungisan ang Dalisay na Pagsamba
28, 29. Ano ang alam natin tungkol kay Ezekiel? (Tingnan ang kahong “Ang Buhay at Kapanahunan ni Ezekiel.”)
28 Alam na alam ni Ezekiel ang pagsambang isinasagawa sa templong itinayo ni Solomon. Saserdote ang ama niya at naglilingkod ito sa templo. (Ezek. 1:3) Malamang na masaya ang kabataan ni Ezekiel. Siguradong itinuro sa kaniya ng kaniyang ama ang tungkol kay Jehova at sa Kautusan. Sa katunayan, posibleng mga isang taóng gulang si Ezekiel nang matagpuan sa templo ang “aklat ng Kautusan.”e Ang namamahala noon, ang mabuting haring si Josias, ay naantig sa narinig niya mula rito kaya lalo pa niyang itinaguyod ang dalisay na pagsamba.—2 Hari 22:8-13.
29 Gaya ng mga taong tapat bago niya, naabot ni Ezekiel ang apat na kahilingan sa dalisay na pagsamba. Makikita sa aklat ng Ezekiel na kay Jehova lang siya sumamba, lagi niyang ibinibigay ang buo niyang makakaya, at sinunod niya ang mga utos ni Jehova sa paraang gusto Niya. Ginawa ito ni Ezekiel dahil sa kaniyang pananampalatayang mula sa puso. Hindi ganiyan ang karamihan sa mga kakontemporaryo niya. Lumaki si Ezekiel na naririnig ang mga hula ni Jeremias, na naging propeta noong 647 B.C.E. at nagbabala tungkol sa paparating na hatol ni Jehova.
30. (a) Ano ang ipinapakita ng mga hula ni Ezekiel? (b) Ano ba ang isang hula, at paano dapat unawain ang mga hula ni Ezekiel? (Tingnan ang kahong “Unawain ang mga Hula ni Ezekiel.”)
30 Makikita sa mga isinulat ni Ezekiel na napakalayo na ng bayan ng Diyos mula sa pagsambang hinihiling Niya. (Basahin ang Ezekiel 8:6.) Nang simulan ni Jehova ang pagdidisiplina sa Juda, kasama si Ezekiel sa dinalang bihag sa Babilonya. (2 Hari 24:11-17) Pero hindi ibig sabihin nito na pinaparusahan si Ezekiel. May ipagagawa sa kaniya si Jehova para sa ipinatapong bayan Niya. Ipinapakita ng kamangha-manghang mga pangitain at hula ni Ezekiel kung paano ibabalik ang dalisay na pagsamba sa Jerusalem. Pero hindi lang iyan. Ipinapakita rin ng mga ito kung paano lubusang ibabalik ang dalisay na pagsamba para sa lahat ng umiibig kay Jehova.
31. Paano tayo matutulungan ng publikasyong ito?
31 Sa mga seksiyon ng publikasyong ito, masusulyapan natin ang langit kung saan naninirahan si Jehova. Malalaman din natin kung gaano kalala ang pagdungis sa dalisay na pagsamba, kung paano ito ibabalik ni Jehova, at kung paano niya ipagtatanggol ang bayan niya. Matatanaw rin natin ang panahon kapag ang lahat ng tao ay sumasamba na kay Jehova. Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin ang unang pangitain ni Ezekiel. Tutulong ito para malinaw nating mailarawan sa isip si Jehova at ang makalangit na bahagi ng organisasyon niya, at idiriin nito kung bakit siya lang ang karapat-dapat sa ating bukod-tanging debosyon at dalisay na pagsamba.
a Malamang na ipinagbuntis si Abel di-nagtagal matapos palayasin sina Adan at Eva sa Eden. (Gen. 4:1, 2) Sinasabi ng Genesis 4:25 na ibinigay ng Diyos si Set “kapalit ni Abel.” Pagkamatay ni Abel, naging anak ni Adan si Set sa edad na 130. (Gen. 5:3) Kaya posibleng mga 100 taóng gulang si Abel nang patayin siya ni Cain.
b Sinasabi ng Genesis 4:26 na noong panahon ni Enos, na apo ni Adan, “pinasimulan ng mga tao ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.” Pero lumilitaw na paglapastangan ito, dahil posibleng ginagamit nila ang pangalan ni Jehova para tumukoy sa mga idolo.
c Ang lalaking diyos na si Nanna ay kilala rin bilang Sin. Maraming diyos noon ang mga taga-Ur, pero ang mga templo at altar doon ay pangunahin nang para sa kaniya.
d Noong wala na ang Kaban sa tabernakulo, lumilitaw na katanggap-tanggap na kay Jehova ang paghahandog kahit hindi ito ginagawa sa tabernakulo.—1 Sam. 4:3, 11; 7:7-9; 10:8; 11:14, 15; 16:4, 5; 1 Cro. 21:26-30.
e Malamang na 30 anyos si Ezekiel nang magsimula siyang humula noong 613 B.C.E. Kaya lumilitaw na ipinanganak siya noong mga 643 B.C.E. (Ezek. 1:1) Nagsimulang maghari si Josias noong 659 B.C.E., at ang aklat ng Kautusan, malamang na ang orihinal na kopya, ay natagpuan noong mga ika-18 taon ng paghahari niya, o noong mga 642-641 B.C.E.