Hinahatulan ng Pananampalataya ni Noe ang Sanlibutan
NARINIG mo na ba ang tungkol kay Noe, isang taong may takot sa Diyos na gumawa ng isang arka para magligtas ng buhay noong pangglobong baha? Bagaman sinauna, ang kuwentong ito ay pamilyar sa milyun-milyong tao. Subalit hindi natatalos ng marami na ang buhay ni Noe ay may kahulugan para sa ating lahat.
Bakit dapat tayong maging interesado sa isang ulat na nangyari libu-libong taon na ang nakalilipas? Mayroon bang pagkakahawig sa kalagayan natin at ni Noe? Kung mayroon, paano tayo maaaring makinabang sa kaniyang halimbawa?
Ang Sanlibutan Noong Panahon ni Noe
Ayon sa kronolohiya ng Bibliya, ang petsa ng kapanganakan ni Noe ay 2970 B.C.E.—126 na taon pagkamatay ni Adan. Noong panahon ni Noe, ang lupa ay punô ng karahasan, at pinili ng karamihan sa mga inapo ni Adan na tularan ang pagiging suwail ng kanilang ninuno. Kaya naman, “nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.”—Genesis 6:5, 11, 12.
Hindi lamang paghihimagsik ng tao ang dahilan ng pagkagalit ni Jehova. Nagpapaliwanag ang ulat sa Genesis: “Napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda; at kumuha sila ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili. . . . Ang mga Nefilim ay nasa lupa nang mga araw na iyon, at pagkatapos din niyaon, nang ang mga anak ng tunay na Diyos ay patuloy na sumiping sa mga anak na babae ng mga tao at ang mga ito ay manganak ng mga lalaki sa kanila, sila ang mga makapangyarihan noong sinauna, ang mga lalaking bantog.” (Genesis 6:2-4) Ipinakikita ng paghahambing ng mga talatang ito at ng pangungusap na isinulat ni apostol Pedro na “ang mga anak ng tunay na Diyos” ay ang masuwaying mga anghel. Ang mga Nefilim ay mestisong mga supling ng bawal na pagsisiping ng mga babae at ng rebeldeng mga anghel na nagkatawang-tao.—1 Pedro 3:19, 20.
Ang “Nefilim,” na nangangahulugang “mga Tagapagbagsak,” ay tumutukoy sa mga indibiduwal na nagpapabagsak sa iba. Sila ay malulupit at mapang-abuso, at ang kasalanan ng kanilang makamundong mga ama ay itinulad sa mga kahalayan ng Sodoma at Gomorra. (Judas 6, 7) Sama-sama nilang pinalaganap ang matinding kabalakyutan sa lupa.
“Walang Pagkukulang sa Gitna ng Kaniyang mga Kapanahon”
Masyadong laganap na ang kasamaan anupat ipinasiya ng Diyos na puksain ang sangkatauhan. Ngunit sinasabi ng kinasihang ulat: “Si Noe ay nakasumpong ng lingap sa paningin ni Jehova. . . . Si Noe ay isang lalaking matuwid. Siya ay walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:8, 9) Paano naging posible na ‘lumakad na kasama ng Diyos’ sa isang walang-diyos na sanlibutang karapat-dapat lipulin?
Tiyak, maraming natutuhan si Noe mula sa kaniyang ama, si Lamec, isang taong may pananampalataya at kapanahon ni Adan. Nang ibinibigay sa kaniyang anak ang pangalang Noe (inaakalang nangangahulugang “Kapahingahan,” o “Kaaliwan”), humula si Lamec: “Ang isang ito ay magdadala sa atin ng kaaliwan sa ating gawa at sa kirot ng ating mga kamay dahil sa lupang isinumpa ni Jehova.” Ang hulang iyan ay natupad nang alisin ng Diyos ang kaniyang sumpa sa lupa.—Genesis 5:29; 8:21.
Ang pagkakaroon ng makadiyos na mga magulang ay hindi garantiya ng pagiging espirituwal na tao ng mga anak, sapagkat ang bawat indibiduwal ay dapat na magkaroon ng sarili niyang kaugnayan kay Jehova. Si Noe ay ‘lumakad na kasama ng Diyos’ sa pamamagitan ng pagtataguyod ng landasin na may banal na pagsang-ayon. Ang natutuhan ni Noe tungkol sa Diyos ay nagpakilos sa kaniya na paglingkuran Siya. Hindi natinag ang pananampalataya ni Noe nang ipabatid sa kaniya ang layunin ng Diyos na ‘dalhin ang delubyo upang lipulin ang lahat ng laman.’—Genesis 6:13, 17.
Palibhasa’y nakatitiyak na sasapit nga ang ganitong kapahamakan na hindi pa nangyari kailanman, sinunod ni Noe ang utos ni Jehova: “Gumawa ka para sa iyo ng isang arka mula sa kahoy ng isang madagtang punungkahoy. Gagawa ka ng mga silid sa arka, at babalutan mo iyon ng alkitran sa loob at sa labas.” (Genesis 6:14) Hindi madaling gawin ang detalyadong mga tagubilin ng Diyos para sa arka. Gayunpaman, “ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya.” Sa katunayan, “gayung-gayon ang ginawa niya.” (Genesis 6:22) Ginawa ito ni Noe sa tulong ng kaniyang asawa at ng kanilang mga anak na sina Sem, Ham, at Japet at ng kani-kanilang asawa. Pinagpala ni Jehova ang gayong pananampalataya. Ano ngang husay na mga halimbawa para sa mga pamilya ngayon!
Ano ba ang nasasangkot sa paggawa ng arka? Inutusan ni Jehova si Noe na gumawa ng isang malaki, di-tinatagusan ng tubig, at tatlong-palapag na kahong yari sa kahoy, na ang haba ay 133 metro, ang lapad ay 22 metro, at ang taas ay 13 metro. (Genesis 6:15, 16) Ang gayong sasakyan ay maaaring may kapasidad na katulad ng iba’t ibang mga barkong pangkargada sa kasalukuyan.
Tunay na isang napakalaking gawain! Malamang, kinailangang pumutol ng libu-libong punungkahoy, hakutin ang mga ito patungo sa lugar ng konstruksiyon, at lagariin ang mga ito para maging mga tabla o mga biga. Nangangahulugan ito ng pagbuo ng mga andamyo, paggawa ng mga tulos o mga istaka, pagkuha ng alkitran na pamahid para hindi tumagos ang tubig sa kahoy, paghanap ng mga lalagyan at mga kasangkapan, at marami pang iba. Maaaring kinailangan sa gawaing ito ang pakikipag-usap sa mga mangangalakal at pagbabayad para sa mga produkto at serbisyo. Maliwanag na kinailangan ang kasanayan sa karpinterya upang maiakma nang eksakto ang mga troso at makagawa ng isang istraktura na husto ang tibay. At isipin na lamang—malamang na ang konstruksiyon ay tumagal nang mga 50 o 60 taon!
Ang susunod na dapat pagtuunan ni Noe ng pansin ay ang paghahanda ng sapat na pagkain at kumpay. (Genesis 6:21) Kakailanganin niyang tipunin at kontrolin ang maraming hayop patungo sa arka. Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Diyos, at ang gawain ay natapos. (Genesis 6:22) Ang pagpapala ni Jehova ang tumiyak sa tagumpay nito.
“Isang Mangangaral ng Katuwiran”
Bukod sa paggawa ng arka, si Noe ay nagbigay ng babala at naglingkod sa Diyos nang buong-katapatan bilang “isang mangangaral ng katuwiran.” Ngunit ang mga tao ay ‘hindi nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.’—2 Pedro 2:5; Mateo 24:38, 39.
Kung isasaalang-alang ang hikahos na kalagayan sa espirituwal at sa moral ng panahong iyon, madaling makita kung paano maaaring naging katatawanan ang pamilya ni Noe sa mga kapitbahay na ayaw maniwala at kung paano naging tampulan sila ng pang-aabuso at panunuya. Tiyak na inakala ng mga tao na sila’y nasisiraan ng bait. Gayunman, nagtagumpay si Noe sa pagbibigay ng espirituwal na pampatibay-loob at suporta sa kaniyang sambahayan, sapagkat hindi nila kailanman tinularan ang marahas, imoral, at suwail na gawain ng kanilang walang-diyos na mga kapanahon. Sa pamamagitan ng kaniyang pananalita at pagkilos, na nagpapakita ng kaniyang pananampalataya, hinatulan ni Noe ang sanlibutan nang panahong iyon.—Hebreo 11:7.
Iniligtas sa Baha
Di-nagtagal bago magsimulang bumuhos ang ulan, pinapasok na ng Diyos si Noe sa natapos na arka. Nang nakasakay na ang pamilya ni Noe at ang mga hayop, “isinara ni Jehova ang pinto,” anupat hindi na marinig ang anumang mapanghamak na mga panunuya. Nang dumating ang Baha, ang masuwaying mga anghel ay maliwanag na nagbalik sa katawang-espiritu at hindi napuksa. Ngunit kumusta naman ang iba? Aba, nalipol ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa tuyong lupa sa labas ng arka, pati na ang mga Nefilim! Tanging si Noe at ang kaniyang pamilya lamang ang nakaligtas.—Genesis 7:1-23.
Si Noe at ang kaniyang sambahayan ay gumugol ng isang lunar na taon at sampung araw sa loob ng arka. Naging abala sila sa pagpapakain at pagpapainom sa mga hayop, pag-aalis ng dumi, at pagsubaybay sa panahon. Eksaktong pinetsahan ng Genesis ang lahat ng yugto ng Baha, tulad ng rekord ng isang barko, anupat nagpapakita ng kawastuan ng ulat.—Genesis 7:11, 17, 24; 8:3-14.
Samantalang nasa arka, tiyak na pinangunahan ni Noe ang kaniyang pamilya sa espirituwal na mga pagtalakay at pagpapasalamat sa Diyos. Maliwanag na sa pamamagitan ni Noe at ng kaniyang pamilya, naingatan ang kasaysayan bago ang Baha. Ang maaasahang bibigang mga tradisyon o nasusulat na mga dokumento ng kasaysayan na taglay nila ay naglaan ng mainam na materyal para sa kapaki-pakinabang na pagsasaalang-alang noong panahon ng Delubyo.
Kay saya nga ni Noe at ng kaniyang pamilya nang sila’y muling makatapak sa tuyong lupa! Ang unang bagay na ginawa niya ay magtayo ng isang altar at maglingkod bilang saserdote para sa kaniyang pamilya, anupat naghandog ng mga hain sa Isa na nagligtas sa kanila.—Genesis 8:18-20.
“Kung Paano ang mga Araw ni Noe”
Sinabi ni Jesu-Kristo: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mateo 24:37) Sa ngayon, ang mga Kristiyano ay mga mángangaral din ng katuwiran, na humihimok sa mga tao na magsisi. (2 Pedro 3:5-9) Kung isasaalang-alang ang gayong pagkakatulad, baka itanong natin kung ano kaya ang nasa isip ni Noe bago dumating ang Delubyo. Nadama kaya niya na walang kabuluhan ang kaniyang pangangaral? Nanghimagod kaya siya paminsan-minsan? Hindi sinasabi ng Bibliya. Sinasabi lamang sa atin na si Noe ay sumunod sa Diyos.
Nakikita mo ba ang praktikal na pagkakapit ng kalagayan ni Noe sa kalagayan natin? Sinunod niya si Jehova sa kabila ng pananalansang at kahirapan. Kaya naman hinatulan siyang matuwid ni Jehova. Hindi eksaktong alam ng pamilya ni Noe kung kailan pasasapitin ng Diyos ang Delubyo, ngunit alam nila na darating iyon. Ang pananampalataya sa salita ng Diyos ang umalalay kay Noe sa mga taon ng pagpapagal at sa tila di-mabungang pangangaral. Sa katunayan, ganito ang sinabi sa atin: “Sa pananampalataya si Noe, pagkatapos mabigyan ng babala mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan; at sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya ay naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.”—Hebreo 11:7.
Paano nagkaroon si Noe ng gayong pananampalataya? Maliwanag na gumugol siya ng panahon upang bulay-bulayin ang lahat ng nalalaman niya tungkol kay Jehova at hinayaang akayin siya ng kaalamang iyon. Walang-alinlangan, kinausap ni Noe ang Diyos sa panalangin. Sa katunayan, gayon na lamang katalik ang pagkakilala niya kay Jehova anupat siya ay ‘lumakad na kasama ng Diyos.’ Bilang ulo ng pamilya, buong-lugod na nag-ukol si Noe ng panahon at maibiging atensiyon sa kaniyang sambahayan. Kasali rito ang pag-aasikaso sa espirituwal na mga kapakanan ng kaniyang asawa, ng kaniyang tatlong anak na lalaki, at ng kaniyang mga manugang.
Tulad ni Noe, batid ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon na malapit nang wakasan ni Jehova ang walang-diyos na sistemang ito ng mga bagay. Hindi natin alam ang araw o ang oras na iyon, ngunit batid natin na ang pagtulad sa pananampalataya at pagkamasunurin ng “mangangaral [na ito] ng katuwiran” ay magiging dahilan upang “maingatang buhay ang kaluluwa.”—Hebreo 10:36-39.
[Kahon sa pahina 29]
Talaga Bang Nangyari Iyon?
Nakapagtipon ang mga antropologo ng 270 alamat tungkol sa baha mula sa halos lahat ng tribo at bansa. “Ang kuwento tungkol sa baha ay masusumpungan sa buong daigdig,” ang sabi ng iskolar na si Claus Westermann. “Tulad ng salaysay sa paglalang, iyon ay bahagi ng ating saligang pamana ng kultura. Iyon ay tunay na nakapagtataka: saanman sa lupa ay makasusumpong tayo ng mga kuwento tungkol sa isang malaking baha noong unang panahon.” Ang paliwanag? Sabi ng komentaristang si Enrico Galbiati: “Ang palaging pagkanaroroon ng isang tradisyon tungkol sa baha sa iba’t iba at lubhang magkakalayong mga bayan ay tanda na totoong kasaysayan ang mga pangyayari na siyang saligan ng gayong mga kuwento.” Subalit, ang lalong mahalaga para sa mga Kristiyano kaysa sa mga pangungusap ng mga iskolar ay ang pagkaalam na binanggit mismo ni Jesus ang Baha bilang isang totoong pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan.—Lucas 17:26, 27.
[Kahon sa pahina 30]
Ang mga Nefilim sa Mitolohiya?
Ang mga kuwento tungkol sa mga bawal na relasyon sa pagitan ng mga bathala at mga tao—at sa mga “bayani” o “mga nakabababang diyos” na ibinunga ng mga pagsasamang ito—ay karaniwan na sa teolohiya ng mga Griego, Ehipsiyo, Ugaritiko, Huriano, at ng Mesopotamia. Ang mga diyos ng Griegong mitolohiya ay may anyong tao at pagkaganda-ganda. Sila’y kumakain, umiinom, natutulog, nakikipagtalik, nakikipag-away, nakikipaglaban, nang-aakit, at nanghahalay. Bagaman ipinagpapalagay na banal, sila’y may kakayahang manlinlang at gumawa ng krimen. Ang mga bayaning gaya ni Achilles ay sinasabing nagmula kapuwa sa diyos at sa tao at pinagkalooban ng kakayahang nakahihigit sa tao ngunit hindi ng imortalidad. Kaya, ang sinasabi ng Genesis tungkol sa mga Nefilim ay nagbibigay-liwanag sa maaari o malamang na pinagmulan ng gayong mga alamat.