Genesis
6 At nang magsimulang dumami ang tao sa ibabaw ng lupa at magkaroon sila ng mga anak na babae, 2 napansin ng mga anak ng tunay na Diyos*+ na magaganda ang mga anak na babae ng tao. Kaya kinuha nila bilang asawa ang lahat ng magustuhan nila. 3 At sinabi ni Jehova: “Hindi ko pagtitiisan* ang tao magpakailanman,+ dahil siya ay laman* lang.* Kaya 120 taon na lang siyang mabubuhay.”+
4 Noong mga araw na iyon at sa lumipas pang mga panahon, may mga Nefilim* sa lupa dahil ang mga anak ng tunay na Diyos ay patuloy na nakipagtalik sa mga anak na babae ng tao, at nanganak ang mga ito ng mga lalaki. Sila ang mga Nefilim, malalakas na lalaki* na bantog noon.
5 Dahil dito, nakita ni Jehova na laganap na sa lupa ang kasamaan ng tao at ang laman ng isip at puso nito ay lagi na lang masama.+ 6 Ikinalungkot ni Jehova na ginawa niya ang mga tao sa lupa, at nasaktan* ang puso niya.+ 7 Kaya sinabi ni Jehova: “Lilipulin ko sa ibabaw ng lupa ang mga taong nilalang ko, mga tao kasama ang maaamong hayop, gumagapang na mga hayop, at lumilipad na mga nilalang sa langit, dahil ikinalungkot ko na ginawa ko sila.” 8 Pero si Noe ay kalugod-lugod sa paningin ni Jehova.
9 Ito ang kasaysayan ni Noe.
Si Noe ay isang matuwid na lalaki.+ Siya ay walang pagkukulang* kung ihahambing sa mga kapanahon* niya. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.+ 10 Nang maglaon, nagkaroon si Noe ng tatlong anak na lalaki, sina Sem, Ham, at Japet.+ 11 Pero ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos, at ang lupa ay napuno ng karahasan. 12 Oo, tiningnan ng Diyos ang lupa at nakitang ito ay nasira;+ napakasama ng ginagawa ng lahat ng tao* sa lupa.+
13 Pagkatapos, sinabi ng Diyos kay Noe: “Napagpasiyahan kong puksain ang lahat ng tao. Ang lupa ay punô ng karahasan dahil sa kanila, kaya ipapahamak ko sila, pati ang lupa.+ 14 Gumawa ka ng isang arka mula sa madagtang mga puno.+ Lagyan mo iyon ng mga silid at pahiran mo ng alkitran*+ sa loob at labas. 15 Ganito ang dapat mong gawin sa arka: Dapat na 300 siko* ang haba nito, 50 siko ang lapad, at 30 siko ang taas. 16 Gumawa ka ng bintana* para makapasok ang liwanag sa arka, isang siko mula sa itaas. Ilagay mo ang pasukan ng arka sa tagiliran nito,+ at gawan mo ito ng una, ikalawa, at ikatlong palapag.
17 “At magpapadala ako ng baha+ sa ibabaw ng lupa para lipulin ang lahat ng nilikha* na may hininga* ng buhay sa ilalim ng langit. Lahat ng nasa lupa ay mamamatay.+ 18 At nakikipagtipan ako sa iyo, at pumasok ka sa arka, ikaw, ang iyong mga anak, ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak.+ 19 At ipasok mo sa arka ang dalawa sa bawat uri ng buháy na nilalang+ para maingatan silang buháy kasama mo, isang lalaki at isang babae.+ 20 Mula sa lumilipad na mga nilalang ayon sa mga uri nito, maaamong hayop ayon sa mga uri nito, at lahat ng gumagapang na hayop sa lupa ayon sa mga uri nito, dalawa sa bawat uri ang pupunta sa iyo at papasok sa arka para maingatan silang buháy.+ 21 At magtipon ka ng lahat ng klase ng pagkain+ at ipasok mo sa arka para maging pagkain ninyo at ng mga hayop.”
22 At ginawa ni Noe ang lahat ayon sa iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayong-gayon ang ginawa niya.+