ARALING ARTIKULO 47
Huwag Mong Hayaang May Makapaghiwalay sa Iyo Mula kay Jehova
“Nagtitiwala ako sa iyo, O Jehova.”—AWIT 31:14.
AWIT 122 Magpakatatag!
NILALAMANa
1. Paano natin nalaman na gusto ni Jehova na maging malapít tayo sa kaniya?
GUSTO ni Jehova na maging malapít tayo sa kaniya. (Sant. 4:8) Gusto niya na maging Diyos natin siya, Ama, at Kaibigan. Sinasagot niya ang mga panalangin natin at tinutulungan tayo sa mahihirap na panahon. Ginagamit din niya ang organisasyon niya para turuan at protektahan tayo. Pero ano ang dapat nating gawin para maging malapít tayo kay Jehova?
2. Paano tayo mapapalapít kay Jehova?
2 Magiging malapít tayo kay Jehova kung mananalangin tayo sa kaniya, babasahin ang kaniyang Salita, at bubulay-bulayin iyon. Kapag ginawa natin iyan, lalo natin siyang mamahalin at papahalagahan. Mapapakilos tayo na sundin siya at purihin dahil karapat-dapat siya para dito. (Apoc. 4:11) Habang nakikilala natin si Jehova, lalo tayong magtitiwala sa kaniya at sa organisasyon na ibinigay niya para tulungan tayo.
3. Paano sinisikap ng Diyablo na ihiwalay tayo mula kay Jehova, pero ano ang tutulong sa atin para hindi natin iwan si Jehova at ang organisasyon niya? (Awit 31:13, 14)
3 Pero sinisikap ng Diyablo na maihiwalay tayo kay Jehova, lalo na kapag may mga pagsubok. Paano niya ito ginagawa? Unti-unting pinapahina ni Satanas ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa organisasyon niya. Pero kaya nating protektahan ang sarili natin mula sa mga pag-atake niya. Kung matibay ang pananampalataya at pagtitiwala natin kay Jehova, hindi natin siya iiwan at ang organisasyon niya.—Basahin ang Awit 31:13, 14.
4. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
4 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong pagsubok na puwedeng manggaling sa labas ng kongregasyon; bawat isa ay puwedeng magpahina ng ating pagtitiwala kay Jehova at sa organisasyon niya. Paano tayo puwedeng maihiwalay kay Jehova ng mga pagsubok na ito? At ano ang puwede nating gawin para malabanan ang mga pagsisikap ni Satanas?
KAPAG MAY MGA PROBLEMA TAYO
5. Paano mapapahina ng mga problema ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa organisasyon niya?
5 Kung minsan, nagkakaroon tayo ng mga problema—posibleng sinasalansang tayo ng kapamilya o nawalan tayo ng trabaho. Paano nito mapapahina ang pagtitiwala natin sa organisasyon ni Jehova at paano tayo nito maihihiwalay kay Jehova? Kapag nagtatagal ang problema natin, baka mawalan tayo ng pag-asa at panghinaan ng loob. Sinasamantala ni Satanas ang ganitong mga pagkakataon para isipin nating hindi tayo mahal ni Jehova. Gusto ng Diyablo na isipin nating si Jehova o ang organisasyon Niya ang dahilan kung bakit tayo nagdurusa. Ganiyan ang nangyari sa ilang Israelita sa Ehipto. Noong una, naniwala sila na inatasan ni Jehova sina Moises at Aaron para iligtas sila mula sa pagkaalipin. (Ex. 4:29-31) Pero nang pahirapan sila ng Paraon, isinisi nila kina Moises at Aaron ang problema nila at sinabi: “Dahil sa inyo, namuhi sa amin ang Paraon at ang mga lingkod niya, at naglagay kayo ng espada sa kamay nila para patayin kami.” (Ex. 5:19-21) Sinisi nila ang tapat na mga lingkod ng Diyos. Napakalungkot nga! Kung matagal ka nang nagdurusa dahil sa mga problema, paano mo mapapanatiling matibay ang pagtitiwala mo kay Jehova at sa organisasyon niya?
6. Kapag may mga problema tayo, ano ang matututuhan natin kay propeta Habakuk? (Habakuk 3:17-19)
6 Ibuhos kay Jehova ang laman ng puso mo sa panalangin, at umasa sa tulong niya. Maraming naging problema ang propetang si Habakuk. May panahon pa nga na parang pinagdudahan niya kung talagang nagmamalasakit si Jehova sa kaniya. Kaya sa panalangin, ibinuhos niya ang nararamdaman niya kay Jehova. Sinabi niya: “O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng saklolo at hindi mo diringgin? . . . Bakit mo hinahayaan ang pang-aapi?” (Hab. 1:2, 3) Sinagot ni Jehova ang taos-pusong panalanging iyon ng tapat na lingkod niya. (Hab. 2:2, 3) Pagkatapos bulay-bulayin ang mga pagliligtas ni Jehova sa bayan niya, naging masaya siya uli. Nakumbinsi siya na nagmamalasakit si Jehova sa kaniya at na tutulungan siya ni Jehova na matiis ang anumang pagsubok. (Basahin ang Habakuk 3:17-19.) Ano ang matututuhan natin? Kapag may mga problema ka, manalangin kay Jehova at sabihin sa kaniya ang nararamdaman mo. Pagkatapos, umasa kang tutulungan ka niya. Kapag ginawa mo iyan, makakapagtiwala ka na bibigyan ka ni Jehova ng lakas para makapagtiis. At kapag naramdaman mong tinutulungan ka niya, lalong titibay ang pananampalataya mo sa kaniya.
7. Ano ang sinabi ng kamag-anak ni Shirley sa kaniya, at ano ang nakatulong para hindi niya maiwala ang pananampalataya kay Jehova?
7 Panatilihin ang espirituwal na rutin mo. Tingnan kung paano ito nakatulong kay Shirley, isang sister sa Papua New Guinea, nang magkaproblema siya.b Mahirap lang ang pamilya ni Shirley, at kung minsan, kulang na kulang sila sa pagkain. Sinikap ng isang kamag-anak niya na pahinain ang pagtitiwala niya kay Jehova. Sinabi nito: “Akala ko ba tinutulungan ka ng banal na espiritu ng Diyos, pero nasaan ang tulong? Mahirap pa rin ang pamilya n’yo. Sinasayang mo lang ang oras mo sa pangangaral.” Inamin ni Shirley: “Tinanong ko ang sarili ko: ‘Talaga bang nagmamalasakit sa amin ang Diyos?’ Kaya nanalangin agad ako kay Jehova at sinabi ko sa kaniya ang lahat ng nasa isip ko. Patuloy ko ring binasa ang Bibliya at mga publikasyon natin, at hindi ako huminto sa pangangaral at pagdalo sa mga pulong.” Di-nagtagal, nakita niya na pinapangalagaan ni Jehova ang pamilya niya. Hindi nagutom ang pamilya niya, at masaya sila. Sinabi ni Shirley: “Naramdaman kong sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ko.” (1 Tim. 6:6-8) Kung pananatilihin mo ang espirituwal na rutin mo, walang problema o pagdududa ang makapaghihiwalay sa iyo mula kay Jehova.
KAPAG GINAWAN NG MASAMA ANG MGA KAPATID NA NANGANGASIWA
8. Ano ang puwedeng mangyari sa mga kapatid na nangangasiwa sa organisasyon ni Jehova?
8 Gamit ang media at social network, nagkakalat ng kasinungalingan o maling impormasyon ang mga kaaway natin tungkol sa mga kapatid na nangangasiwa sa organisasyon ni Jehova. (Awit 31:13) Ang ilan sa mga kapatid natin ay inaaresto at inaakusahan bilang kriminal. Naranasan din iyan ng mga Kristiyano noong unang siglo nang paratangan at arestuhin si apostol Pablo. Ano ang ginawa nila?
9. Ano ang ginawa ng ilang Kristiyano nang mabilanggo si apostol Pablo?
9 Hindi sinuportahan ng ilang Kristiyano noong unang siglo si apostol Pablo nang mabilanggo ito sa Roma. (2 Tim. 1:8, 15) Bakit? Ikinahiya ba nila si Pablo kasi itinuring siyang kriminal ng mga tao? (2 Tim. 2:8, 9) O natakot ba sila dahil baka pag-usigin din sila? Anuman ang dahilan nila, isipin na lang ang naramdaman ni Pablo. Dumanas siya ng maraming paghihirap at isinapanganib pa nga ang buhay niya para sa kanila. (Gawa 20:18-21; 2 Cor. 1:8) Huwag sana nating tularan ang mga nang-iwan kay Pablo sa panahong nangangailangan siya! Ano ang dapat nating tandaan kapag pinag-usig ang mga kapatid na nangangasiwa?
10. Ano ang dapat nating tandaan kapag pinag-usig ang mga kapatid na nangangasiwa, at bakit?
10 Tandaan kung bakit tayo pinag-uusig at kung sino ang nasa likod nito. Sinasabi ng 2 Timoteo 3:12: “Pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.” Kaya hindi natin dapat ikagulat na pinupuntirya ni Satanas ang mga kapatid na nangangasiwa. Gusto niyang sirain ang katapatan nila at takutin tayo.—1 Ped. 5:8.
11. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Onesiforo? (2 Timoteo 1:16-18)
11 Patuloy na suportahan ang mga kapatid at huwag silang iwan. (Basahin ang 2 Timoteo 1:16-18.) Iba ang ginawa ng Kristiyanong si Onesiforo nang mabilanggo si apostol Pablo. Sinabi ni Pablo: “Hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako.” Hinanap pa nga ni Onesiforo si Pablo. At nang makita niya siya, nagbigay siya ng mga praktikal na tulong para suportahan siya. Nang gawin niya ito, isinapanganib ni Onesiforo ang buhay niya. Ano ang matututuhan natin? Hindi tayo dapat matakot sa tao. Hindi tayo dapat mahadlangan nito para suportahan ang mga kapatid na pinag-uusig. Sa halip, protektahan at tulungan natin sila. (Kaw. 17:17) Kailangan nila ang pagmamahal at suporta natin.
12. Ano ang matututuhan natin sa mga kapatid natin sa Russia?
12 Tingnan kung paano tinulungan ng mga kapatid sa Russia ang mga kapananampalataya natin na nabilanggo. Nang litisin ang ilan sa kanila, maraming kapatid natin ang nagpunta sa korte para suportahan sila. Ano ang matututuhan natin? Kapag sinisiraan, inaaresto, o pinag-uusig ang mga kapatid na nangangasiwa, huwag tayong matakot. Ipanalangin natin sila, magmalasakit sa mga kapamilya nila, at humanap ng ibang praktikal na paraan para suportahan sila.—Gawa 12:5; 2 Cor. 1:10, 11.
KAPAG TINUTUYA TAYO
13. Paano pinapahina ng panunuya ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa organisasyon niya?
13 Baka tinutuya tayo ng mga di-Saksing kamag-anak, katrabaho, o kaeskuwela dahil sa pangangaral natin o pamumuhay ayon sa mataas na mga pamantayan ni Jehova. (1 Ped. 4:4) Baka sabihin nila: “Okey ka naman, pero masyadong mahigpit ang relihiyon mo at panatiko.” Baka pinupuna ng ilan ang pakikitungo natin sa mga natiwalag, at sinasabi: “Pagmamahal ba iyan?” Dahil sa ganiyang mga komento, baka magduda tayo. Baka maisip natin: ‘Sobra-sobra ba ang inaasahan ni Jehova sa akin? Masyado bang mahigpit ang organisasyon niya?’ Sa ganiyang mga sitwasyon, paano ka mananatiling malapít kay Jehova at sa organisasyon niya?
14. Ano ang dapat nating gawin kapag tinutuya tayo ng iba dahil sa pamumuhay natin ayon sa mga pamantayan ni Jehova? (Awit 119:50-52)
14 Patuloy na manghawakan sa mga pamantayan ni Jehova. Isa si Job sa mga nanghawakan sa pamantayan ni Jehova kahit tinutuya siya. Sinubukan pa nga siyang kumbinsihin ng isa sa mga nagkukunwaring kaibigan niya na hindi mahalaga sa Diyos kung sinusunod ni Job o hindi ang pamantayan ng Diyos. (Job 4:17, 18; 22:3) Pero hindi naniwala si Job sa mga kasinungalingang iyon. Alam niyang tama ang mga pamantayan ni Jehova, at determinado siyang patuloy na manghawakan doon. Hindi niya hinayaang mawala ang pananampalataya niya dahil sa kagagawan ng iba. (Job 27:5, 6) Ano ang matututuhan natin? Huwag mong kuwestiyunin ang mga pamantayan ni Jehova dahil sa panunuya. Isipin ang mga karanasan mo. Posibleng maraming beses mo nang naranasan na napabuti ang buhay mo dahil sa pagsunod mo sa mga pamantayan ni Jehova. Patuloy na suportahan ang organisasyon na nanghahawakan sa mga pamantayang iyon. Gaano man katindi ang panunuyang maranasan mo, hindi iyan makapaghihiwalay sa iyo mula kay Jehova.—Basahin ang Awit 119:50-52.
15. Bakit tinuya si Brizit?
15 Tingnan ang karanasan ni Brizit, isang sister sa India. Tinuya siya ng mga kapamilya niya dahil sa pananampalataya niya. Di-nagtagal, matapos ang bautismo niya noong 1997, nawalan ng trabaho ang asawa niyang di-Saksi. Kaya nagpasiya ang asawa niya na lumipat sila sa mga magulang nito, na nakatira sa ibang lunsod. Pero mas marami pang naging problema si Brizit. Dahil walang trabaho ang asawa niya, kailangan niyang magtrabaho nang full-time para suportahan ang pamilya niya. Isa pa, mga 350 kilometro ang layo mula sa kanila ng pinakamalapit na kongregasyon. Nakakalungkot, dahil sa pananampalataya niya, sinalansang siya ng pamilya ng asawa niya. Tumindi pa ang pag-uusig na iyon, kaya kinailangang lumipat ulit ng pamilya ni Brizit. Pagkatapos, biglang namatay ang asawa niya. Di-nagtagal, namatay rin ang isang anak niyang babae dahil sa kanser sa edad na 12. Sinisi pa siya ng mga kamag-anak niya dahil sa mga nangyari sa buhay nila. Sinabi nila na kung hindi siya naging Saksi ni Jehova, hindi sana nangyari ang lahat ng trahedyang iyon. Pero patuloy na nagtiwala kay Jehova si Brizit at nanatiling malapit sa organisasyon niya.
16. Dahil nanatiling malapít si Brizit kay Jehova at sa organisasyon niya, anong mga pagpapala ang tinanggap niya?
16 Dahil napakalayo ni Brizit sa kongregasyon, pinayuhan siya ng tagapangasiwa ng sirkito na mangaral sa lugar niya at magpulong sa bahay niya. Noong una, nahirapan siya. Pero sinunod niya ang payong iyon. Nangaral siya ng mabuting balita, nagdaos ng pulong sa bahay niya, at naglaan ng panahon para sa family worship kasama ang mga anak niya. Ano ang resulta? Nagkaroon ng maraming Bible study si Brizit, at marami sa kanila ang nabautismuhan. Noong 2005, naging regular pioneer siya. Pinagpala siya dahil nagtiwala siya kay Jehova at naging tapat sa organisasyon. Matapat na naglilingkod kay Jehova ang mga anak niya, at mayroon na ngayong dalawang kongregasyon sa lugar nila! Kumbinsido si Brizit na binigyan siya ni Jehova ng lakas para makayanan ang mga hirap na dinanas niya at matiis ang mga panunuya ng pamilya niya.
MANATILING TAPAT KAY JEHOVA AT SA ORGANISASYON NIYA
17. Ano ang dapat nating patuloy na gawin?
17 Gusto ni Satanas na maniwala tayong iiwan tayo ni Jehova kapag may mga problema tayo at magiging mas mahirap lang ang buhay natin kapag sinusuportahan natin ang organisasyon ni Jehova. Gusto rin ni Satanas na matakot tayo kapag sinisiraan, pinag-uusig, o ibinibilanggo ang mga kapatid na nangangasiwa sa atin. At ginagamit ni Satanas ang panunuya para pahinain ang pagtitiwala natin sa mga pamantayan ni Jehova at sa organisasyon Niya. Pero alam na alam natin ang mga pakana ni Satanas at hindi tayo magpapadaya sa kaniya. (2 Cor. 2:11) Patuloy na tanggihan ang mga kasinungalingan ni Satanas at manatiling tapat kay Jehova at sa organisasyon Niya. Tandaan, hinding-hindi ka iiwan ni Jehova. (Awit 28:7) Kaya huwag hayaang may anumang makapaghiwalay sa iyo mula kay Jehova!—Roma 8:35-39.
18. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
18 Sa artikulong ito, tinalakay natin ang mga pagsubok na puwedeng manggaling sa labas ng kongregasyon. Pero puwede ring manggaling sa loob ng kongregasyon ang mga problema na susubok sa ating pagtitiwala kay Jehova at sa organisasyon niya. Paano natin mahaharap ang gayong mga pagsubok? Tatalakayin natin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT 118 Palakasin Mo ang Aming Pananampalataya
a Para manatiling tapat at makapagtiis sa mga huling araw na ito, kailangan nating patuloy na magtiwala kay Jehova at sa organisasyon niya. Ginagamit ng Diyablo ang mga pagsubok para sirain ang pagtitiwalang iyan. Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong bagay na ginagamit ng Diyablo at kung ano ang puwede nating gawin para malabanan ang mga iyon.
b Binago ang ilang pangalan.