Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Moises at Aaron—Malalakas ang Loob na Tagapaghayag ng Salita ng Diyos
GUNI-GUNIHIN ang tagpo: Ang walumpung-taóng-gulang na si Moises at ang kaniyang kapatid, si Aaron, ay nakatayo sa harapan ng pinakamakapangyarihang lalaki sa lupa—si Faraon ng Ehipto. Para sa mga Ehipsiyo ang lalaking ito ay higit pa sa isang kinatawan ng mga diyos. Naniniwala sila na siya mismo ay isang diyos. Kinikilala siya bilang ang mismong nagkatawang-taong si Horus, isang diyos na may ulo ng isang dumagat. Kasama sina Isis at Osiris, binubuo ni Horus ang pangunahing trinidad ng mga diyos at diyosa ng Ehipto.
Tiyak na mapapansin ng sinuman na lumalapit kay Faraon ang nagbabantang anyo ng ulo ng kobra na nakausli mula sa gitna ng kaniyang korona. Ipinagpapalagay na makabubuga ng apoy at pamuksa ang ahas na ito sa kaninumang kaaway ni Faraon. Ngayon ay lumapit sa harap ng diyos-haring ito sina Moises at Aaron na taglay ang wala pang katulad na kahilingan—na kaniyang payaunin ang mga inaliping Israelita upang makapagdaos sila ng isang kapistahan sa kanilang Diyos, si Jehova.—Exodo 5:1.
Patiuna nang inihula ni Jehova na magiging matigas ang puso ni Faraon. Dahil dito, hindi nagtaka sina Moises at Aaron sa kaniyang mapanghamong tugon: “Sino ba si Jehova, upang sundin ko ang kaniyang tinig na payaunin ang Israel? Hindi ko kilala si Jehova at, isa pa, hindi ko papayagang yumaon ang Israel.” (Exodo 4:21; 5:2) Sa gayon, naihanda ang tanghalan para sa isang dramatikong sagupaan. Nang sumunod na pagtatagpo, iniharap nina Moises at Aaron kay Faraon ang nakasisindak na katibayan na sila’y kinatawan ng tunay at makapangyarihan-sa-lahat na Diyos.
Naganap ang Isang Himala
Gaya ng iniutos ni Jehova, gumawa si Aaron ng isang himala na nagpatunay sa kahigitan ni Jehova sa lahat ng mga diyos ng Ehipto. Inihagis niya ang kaniyang tungkod sa harap ni Faraon, at agad itong naging malaking ahas! Nagulumihanan sa himalang ito, ipinatawag ni Faraon ang kaniyang mga paring nagsasagawa ng mahika.a Sa tulong ng mga kapangyarihan ng demonyo, nagawa ng mga lalaking ito ang gayunding bagay sa kanilang mga tungkod.
Kung natuwa man si Faraon at ang kaniyang mga pari, ito ay panandalian lamang. Isalarawan ang kanilang mga mukha nang lamunin ng ahas ni Aaron ang kanilang mga ahas, nang isa-isa! Natunghayan ng lahat ng naroroon na hindi uubra ang mga diyos ng Ehipsiyo sa tunay na Diyos, si Jehova.—Exodo 7:8-13.
Gayunman, kahit pagkatapos nito, nanatiling matigas ang puso ni Faraon. Tanging pagkatapos pasapitin ng Diyos ang sampung mapaminsalang dagok, o salot, sa Ehipto at saka pa lamang sinabi ni Faraon kina Moises at Aaron: “Bumangon kayo, umalis kayo sa gitna ng aking bayan, kapuwa kayo at ang iba pang anak ni Israel, at yaon, paglingkuran si Jehova, gaya ng inyong sinabi.”—Exodo 12:31.
Mga Aral Para sa Atin
Ano ang nagpangyari kina Moises at Aaron na malapitan ang makapangyarihang Faraon ng Ehipto? Sa simula, nagpahayag si Moises ng kawalang-tiwala sa kaniyang kakayahan, anupat nag-aangking “mabagal ang bibig at mabagal ang dila.” Kahit pagkatapos tiyakin ang pag-alalay ni Jehova, isinamo niya: “Magsugo ka, pakisuyo, sa pamamagitan ng kamay ng isa na iyong isusugo.” Sa ibang salita, isinamo ni Moises na magsugo ng iba ang Diyos. (Exodo 4:10, 13) Gayunpaman, ginamit ni Jehova ang mapagpakumbabang si Moises, anupat binigyan siya ng karunungan at ng lakas na kailangan upang maisakatuparan ang kaniyang atas.—Bilang 12:3.
Sa ngayon, isinasakatuparan ng mga lingkod ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo ang utos na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19, 20) Upang magawa ang ating bahagi sa pagsasakatuparan ng utos na ito, nararapat nating gamitin nang mahusay ang maka-Kasulatang kaalaman at ang anumang kakayahan na maaaring taglay natin. (1 Timoteo 4:13-16) Sa halip na magtuon ng pansin sa ating mga kakulangan, tanggapin natin nang may pananampalataya ang anumang atas na ibinigay sa atin ng Diyos. Maaari niya tayong gawing kuwalipikado at malakas upang magawa ang kaniyang kalooban.—2 Corinto 3:5, 6; Filipos 4:13.
Yamang si Moises ay napapaharap laban sa pagsalansang ng tao at demonyo, tiyak na kailangan niya ang tulong na higit sa maibibigay ng tao. Kaya naman, tiniyak sa kaniya ni Jehova: “Tingnan mo, ginawa kitang Diyos kay Faraon.” (Exodo 7:1) Oo, tinaglay ni Moises ang pagkatig at awtoridad na mula sa Diyos. Taglay ang espiritu ni Jehova, walang dahilan si Moises upang matakot kay Faraon o sa mga kapanalig ng mapagmataas na pinunong iyan.
Tayo man ay kailangang magtiwala sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ni Jehova, upang maisakatuparan ang ating ministeryo. (Juan 14:26; 15:26, 27) Taglay ang banal na pagkatig ay maibubulalas din natin ang mga salita ni David, na umawit: “Inilagak ko sa Diyos ang aking pagtitiwala. Hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?”—Awit 56:11.
Dahilan sa kaniyang pagkamadamayin ay hindi iniwan ni Jehova si Moises sa kaniyang atas. Sa halip, sinabi ng Diyos: “Si Aaron na iyong kapatid ang magiging propeta mo. Ikaw—ikaw ang magsasalita sa lahat ng iuutos ko sa iyo; at si Aaron na iyong kapatid ang magsasabi kay Faraon.” (Exodo 7:1, 2) Tunay ngang maibigin si Jehova anupat kumilos nang hindi lumalampas sa hangganan ng makatuwirang magagawa ni Moises!
Inilalaan ng Diyos sa atin ang pakikipagsamahan sa mga kapuwa Kristiyano na tumatanggap ng hamon ng pagiging mga Saksi ni Jehova, ang Kataas-taasan. (1 Pedro 5:9) Kung gayon, sa kabila ng mga hadlang na ating makakaharap, tularan natin sina Moises at Aaron—malalakas ang loob na tagapaghayag ng salita ng Diyos.
[Talababa]
a Ang salitang Hebreo na isinaling “mga paring nagsasagawa ng mahika” ay tumutukoy sa isang grupo ng mga manggagaway na nag-aangking nagtataglay ng mga makahimalang kapangyarihan na higit pa sa taglay ng mga demonyo. Pinaniniwalaan na kayang patalimahin ng mga lalaking ito ang mga demonyo at na ang mga demonyo ay walang kapangyarihan laban sa mga manggagaway na ito.
[Larawan sa pahina 25]
Sina Moises at Aaron ay may lakas ng loob na kumatawan kay Jehova sa harap ni Faraon