KABALAKYUTAN
[sa Ingles, wickedness].
Kapag ang isang bagay ay hindi kaayon ng pamantayan ng Diyos may kinalaman sa kahusayan sa moral, iyon ay balakyot, masama, o walang kabuluhan. Tulad ng salitang Griego na po·ne·riʹa (Mat 22:18; Mar 7:22; Luc 11:39; Gaw 3:26; Ro 1:29; 1Co 5:8; Efe 6:12), ang pandiwang Hebreo na ra·shaʽʹ at ang kaugnay na mga anyo nito ay tumutukoy sa bagay na balakyot. (Gen 18:23; 2Sa 22:22; 2Cr 20:35; Job 34:8; Aw 37:10; Isa 26:10) Ang po·ne·rosʹ naman (na kaugnay ng po·ne·riʹa) ay kadalasang tumutukoy sa bagay na masama o balakyot sa moral na diwa (Luc 6:45) at maaari ring tumukoy sa isang bagay na masama o walang kabuluhan sa pisikal na diwa, gaya noong banggitin ni Jesu-Kristo ang hinggil sa “walang-kabuluhang bunga.” (Mat 7:17, 18) Ang salitang ito ay maaari ring maglarawan ng isang bagay na nakasasakit at, sa Apocalipsis 16:2 ay isinasalin ito bilang “makirot” (AT, TEV) at “malubha.”—NE, NW.
Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kabalakyutan?
Si Satanas na Diyablo, na umakay sa unang lalaki at babae, sina Adan at Eva, na maghimagsik laban sa Diyos, ay sumasalansang sa matuwid na pamantayan ng Diyos at angkop lamang na tawaging “isa na balakyot.” (Mat 6:13; 13:19, 38; 1Ju 2:13, 14; 5:19) Ang paghihimagsik na pinasimulan ni Satanas ay kumuwestiyon sa pagiging marapat at pagiging matuwid ng soberanya ng Diyos, samakatuwid nga, kung ang pamamahala ng Diyos sa kaniyang mga nilalang ay talaga ngang matuwid at para sa kanilang ikabubuti. Ang paghihimagsik nina Adan at Eva ay nagbangon din ng isa pang usapin: Ang lahat kaya ng iba pang matalinong nilalang ay hindi mananatiling tapat sa Diyos kapag ang pagsunod sa kaniya ay waring hindi magdudulot ng materyal na mga pakinabang? Ipinahihiwatig ng pag-aangkin ni Satanas may kaugnayan sa tapat na si Job na gayon ang gagawin nila. Sinabi ni Satanas: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa. Upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo siya hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.”—Job 2:4, 5; tingnan ang SOBERANYA.
Panahon ang kailangan upang malutas ang ibinangong mga usapin. Kaya naman, dahil sa pagpapahintulot ng Diyos na Jehova na patuloy na mabuhay ang mga balakyot, naging posible para sa iba na magkaroon ng bahagi sa pagpapatunay na mali ang pag-aangkin ni Satanas sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa Diyos sa ilalim ng di-kaayaaya at mapanubok na mga kalagayan. Ang pagpapahintulot ng Diyos sa kabalakyutan ay nagbibigay rin ng pagkakataon sa mga indibiduwal na iwan ang isang maling landasin at kusang-loob na magpasakop sa matuwid na mga kautusan ng Diyos. (Isa 55:7; Eze 33:11) Kaya, sa pagpapaliban ng Diyos sa pagpuksa sa balakyot, naililigtas ang mga nakaayon sa katuwiran yamang nabibigyan sila ng panahon para patunayan ang kanilang pag-ibig at debosyon kay Jehova.—Ro 9:17-26.
Karagdagan pa, ang mga kalagayan ay ginagamit ng Diyos na Jehova sa paraang ang mga balakyot mismo ay nagsisilbi ukol sa kaniyang layunin nang hindi nila namamalayan. Bagaman sinasalansang nila ang Diyos, kaya niya silang pigilan hangga’t kinakailangan para maingatan ang kaniyang mga lingkod sa kanilang katapatan, at kaya niyang pangyarihin na sa pamamagitan ng mga pagkilos maging ng gayong mga tao ay maitanyag ang kaniyang katuwiran. (Ro 3:3-5, 23-26; 8:35-39; Aw 76:10) Sa Kawikaan 16:4 ay ipinapahayag ang kaisipang ito: “Ang lahat ng bagay ay ginawa ni Jehova ukol sa kaniyang layunin, oo, maging ang balakyot na ukol sa masamang araw.”
Ang isang halimbawa ay ang Paraon na pinasabihan ni Jehova, sa pamamagitan nina Moises at Aaron, na palayain ang inaliping mga Israelita. Hindi ginawang balakyot ng Diyos ang tagapamahalang Ehipsiyo na ito, kundi pinahintulutan niyang patuloy itong mabuhay at nagpasapit din siya ng mga kalagayan na nagpangyaring isiwalat ni Paraon ang kaniyang sarili bilang balakyot at karapat-dapat mamatay. Isinisiwalat sa Exodo 9:16 ang layunin ni Jehova sa paggawa nito: “Sa dahilang ito ay pinanatili kitang buháy, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong lupa.”
Ang Sampung Salot na pinasapit sa Ehipto, na nagwakas sa pagkapuksa ni Paraon at ng kaniyang mga hukbong militar sa Dagat na Pula, ay nagsilbing isang kamangha-manghang pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova. (Exo 7:14–12:30; Aw 78:43-51; 136:15) Sa loob ng maraming taon pagkaraan nito, patuloy pa rin itong pinag-uusapan ng mga bansa sa palibot, at sa gayo’y naipahahayag ang pangalan ng Diyos sa buong lupa. (Jos 2:10, 11; 1Sa 4:8) Kung pinatay agad ni Jehova si Paraon, ang maringal na pagpapamalas na ito ng kapangyarihan ng Diyos ukol sa Kaniyang ikaluluwalhati at para sa katubusan ng Kaniyang bayan ay hindi sana naging posible.
Tinitiyak ng Kasulatan na darating ang panahon kung kailan ang kabalakyutan ay hindi na iiral pa, yamang ang lahat niyaong sumasalansang sa Maylalang ay pupuksain kapag ang layunin niya sa pagpapahintulot sa kabalakyutan ay natupad na.—2Pe 3:9-13; Apo 18:20-24; 19:11–20:3, 7-10.