Inaalam ang mga Daan ni Jehova
“Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, upang makilala kita.”—EXODO 33:13.
1, 2. (a) Bakit ganoon ang ikinilos ni Moises nang makita niyang pinagmamalupitan ng isang Ehipsiyo ang isang Hebreo? (b) Upang maging kuwalipikado sa paglilingkod kay Jehova, ano ang kailangang malaman ni Moises?
PINALAKI si Moises sa sambahayan ni Paraon at tinuruan hinggil sa karunungang tinitingala ng mga maharlika sa Ehipto. Gayunman, alam ni Moises na hindi siya isang Ehipsiyo. Hebreo ang mga magulang niya. Noong 40 taóng gulang na siya, lumabas siya upang siyasatin ang kalagayan ng kaniyang mga kapatid, ang mga anak ni Israel. Nang makita niyang pinagmamalupitan ng isang Ehipsiyo ang isa sa mga Hebreo, hindi ito pinalampas ni Moises. Pinatay niya ang Ehipsiyo. Pinili ni Moises na pumanig sa bayan ni Jehova at inisip na ginagamit siya ng Diyos upang iligtas ang kaniyang mga kapatid. (Gawa 7:21-25; Hebreo 11:24, 25) Nang mahayag ang pangyayaring ito, itinuring ng maharlikang sambahayan ng Ehipto na isang kriminal si Moises, at kinailangan siyang tumakas upang mailigtas ang kaniyang buhay. (Exodo 2:11-15) Upang magamit ng Diyos si Moises, kailangan niyang malaman nang higit pa ang mga daan ni Jehova. Magiging madali kayang turuan si Moises?—Awit 25:9.
2 Sa sumunod na 40 taon, namuhay si Moises bilang isang takas at pastol. Sa halip na malipos ng paghihinanakit dahil waring hindi siya pinahahalagahan ng kaniyang mga kapatid na Hebreo, tinanggap ni Moises kung ano ang ipinahintulot ng Diyos. Bagaman hindi pa rin siya kinilala pagkalipas ng maraming taon, hinayaan ni Moises na hubugin siya ni Jehova. Sa ilalim ng pagkasi ng banal na espiritu ng Diyos, at hindi dahil sa personal lamang niyang opinyon, sumulat siya nang maglaon: “Ang lalaking si Moises ay totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Ginamit ni Jehova si Moises sa natatanging mga paraan. Kung hahanapin din natin ang kaamuan, pagpapalain tayo ni Jehova.—Zefanias 2:3.
Binigyan ng Atas
3, 4. (a) Anong atas ang ibinigay ni Jehova kay Moises? (b) Anong tulong ang inilaan kay Moises?
3 Isang araw, isang anghel na kumakatawan kay Jehova ang nakipag-usap kay Moises malapit sa Bundok Horeb sa Peninsula ng Sinai. Sinabi kay Moises: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing dahilan doon sa mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila; sapagkat nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis. At bababa ako upang hanguin sila mula sa kamay ng mga Ehipsiyo at upang iahon sila mula sa lupaing iyon tungo sa isang lupaing mabuti at maluwang, sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Exodo 3:2, 7, 8) Kaugnay nito, may ipagagawa ang Diyos kay Moises, ngunit dapat itong gawin kaayon ng paraan ni Jehova.
4 Sinabi pa ng anghel ni Jehova: “Ngayon ay halika at isusugo kita kay Paraon, at ilabas mo mula sa Ehipto ang aking bayan na mga anak ni Israel.” Nag-atubili si Moises. Pakiramdam niya, hindi siya kuwalipikado, at kung sa ganang kaniya lamang, talaga ngang hindi siya kuwalipikado. Gayunman, tiniyak ni Jehova kay Moises: “Ako ay sasaiyo.” (Exodo 3:10-12) Binigyan ni Jehova si Moises ng kapangyarihang gumawa ng makahimalang mga tanda na magsisilbing mga kredensiyal na magpapatunay na talagang isinugo nga siya ng Diyos. Makakasama ni Moises ang kaniyang kapatid na si Aaron bilang kaniyang tagapagsalita. Ituturo sa kanila ni Jehova kung ano ang kanilang sasabihin at gagawin. (Exodo 4:1-17) May-katapatan kayang tutuparin ni Moises ang atas na iyon?
5. Bakit naging hamon kay Moises ang saloobin ng Israel?
5 Sa simula, naniwala ang matatandang lalaki ng Israel kina Moises at Aaron. (Exodo 4:29-31) Subalit di-nagtagal, si Moises at ang kaniyang kapatid ang sinisi ng “mga opisyal mula sa mga anak ni Israel” sa ‘pagsamâ ng kanilang amoy’ sa harap ni Paraon at ng kaniyang mga lingkod. (Exodo 5:19-21; 6:9) Nang paalis na sa Ehipto ang mga Israelita, nangamba sila nang makitang tinutugis sila ng mga Ehipsiyo sakay ng mga karo. Yamang nasa harapan nila ang Dagat na Pula at nasa likuran naman nila ang mga karong pandigma, inakala ng mga Israelita na sukol na sila, at sinisi nila si Moises. Paano ka kaya tutugon? Bagaman walang mga bangka ang mga Israelita, sa utos ni Jehova ay hinimok ni Moises na maghandang lumikas ang bayan. Pagkatapos ay pinaurong ng Diyos ang katubigan ng Dagat na Pula, at naging tuyong lupa ang pinakasahig ng dagat anupat nakatawid ang Israel.—Exodo 14:1-22.
Isang Usapin na Mas Mahalaga Kaysa sa Kaligtasan
6. Ano ang idiniin ni Jehova nang atasan niya si Moises?
6 Nang atasan ni Jehova si Moises, idiniin Niya ang kahalagahan ng banal na pangalan. Mahalagang igalang ang pangalang iyan at ang Isa na kinakatawanan nito. Nang tanungin ang kaniyang pangalan, sinabi ni Jehova kay Moises: “Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.” Karagdagan pa, sasabihin ni Moises sa mga anak ni Israel: “Isinugo ako sa inyo ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.” Idinagdag pa ni Jehova: “Ito ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda, at ito ang pinakaalaala sa akin sa sali’t salinlahi.” (Exodo 3:13-15) Jehova pa rin ang pangalan ng Diyos na kilalá ng kaniyang mga lingkod sa buong lupa.—Isaias 12:4, 5; 43:10-12.
7. Sa kabila ng labis na kapalaluan ni Paraon, hinimok ng Diyos si Moises na gawin ang ano?
7 Nang humarap sina Moises at Aaron kay Paraon, inihatid nila ang kanilang mensahe sa pangalan ni Jehova. Subalit may-kapalaluang sinabi ni Paraon: “Sino si Jehova, anupat susundin ko ang kaniyang tinig upang payaunin ang Israel? Hindi ko kilala si Jehova at, isa pa, hindi ko payayaunin ang Israel.” (Exodo 5:1, 2) Bagaman ipinakita ni Paraon na malupit at mapanlinlang siya, hinimok pa rin ni Jehova si Moises na paulit-ulit na maghatid ng mga mensahe sa kaniya. (Exodo 7:14-16, 20-23; 8:1, 2, 20) Halata ni Moises na nayayamot na si Paraon. Makabubuti kaya na muling harapin si Paraon? Sabik nang makalaya ang Israel. Matatag naman sa pagtanggi si Paraon. Ano kaya ang gagawin mo kung ikaw si Moises?
8. Anong pakinabang ang naidulot ng paraan ng pagharap ni Jehova sa situwasyong kinasasangkutan ni Paraon, at paano dapat makaapekto sa atin ang mga pangyayaring iyon?
8 Muli na namang naghatid ng mensahe si Moises, na nagsasabi: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng mga Hebreo: ‘Payaunin mo ang aking bayan upang makapaglingkod sila sa akin.’ ” Sinabi rin ng Diyos: “Sa ngayon ay naiunat ko na sana ang aking kamay upang ako ay makapagpasapit ng salot sa iyo at sa iyong bayan at upang malipol ka mula sa lupa. Ngunit, ang totoo, sa dahilang ito ay pinanatili kitang buháy, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong lupa.” (Exodo 9:13-16) Sa gagawin ni Jehova sa malupit na si Paraon, layunin niyang ipakita ang kaniyang kapangyarihan sa paraang makapagbibigay ito ng babala sa lahat ng sumasalansang sa kaniya. Kabilang na rito si Satanas na Diyablo, ang isa na nang maglaon ay tinawag ni Jesu-Kristo na “tagapamahala ng sanlibutan.” (Juan 14:30; Roma 9:17-24) Gaya ng inihula, naipahayag ang pangalan ni Jehova sa buong lupa. Dahil sa kaniyang mahabang-pagtitiis, nailigtas ang mga Israelita at ang malaking haluang karamihan na sumama sa kanila sa pagsamba sa kaniya. (Exodo 9:20, 21; 12:37, 38) Mula noon, milyun-milyon pa na yumakap sa tunay na pagsamba ang nakinabang sa pagpapahayag sa pangalan ni Jehova.
Pakikitungo sa Isang Bayang Matigas ang Ulo
9. Paano nagpakita ng kawalang-galang kay Jehova ang mismong mga kababayan ni Moises?
9 Alam ng mga Hebreo ang banal na pangalan. Ginamit ni Moises ang pangalang iyan nang makipag-usap siya sa kanila, ngunit hindi sila laging nagpapakita ng wastong paggalang sa Isa na nagmamay-ari nito. Di-nagtagal pagkatapos ng makahimalang pagliligtas ni Jehova sa mga Israelita mula sa Ehipto, ano ang nangyari nang hindi sila kaagad nakasumpong ng angkop na maiinom na tubig? Nagbulung-bulungan sila laban kay Moises. Pagkatapos ay nagreklamo naman sila hinggil sa pagkain. Binabalaan sila ni Moises na ang pagbubulung-bulungan nila ay hindi lamang laban sa kaniya at kay Aaron kundi laban kay Jehova. (Exodo 15:22-24; 16:2-12) Sa Bundok Sinai, ibinigay ni Jehova sa mga Israelita ang Kautusan, at kasabay nito ay naganap ang kahima-himalang mga bagay. Gayunman, ang bayan ay sumuway at gumawa ng ginintuang guya para sa pagsamba at inangkin na nagdaraos sila ng “isang kapistahan para kay Jehova.”—Exodo 32:1-9.
10. Bakit dapat pag-ukulan ng pantanging pansin ng mga tagapangasiwang Kristiyano sa ngayon ang kahilingan ni Moises na nakaulat sa Exodo 33:13?
10 Paano dapat makitungo si Moises sa isang bayan na inilarawan mismo ni Jehova na matigas ang leeg? Nagsumamo si Moises kay Jehova: “Pakisuyo, kung nakasumpong ako ng lingap sa iyong paningin, pakisuyong ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, upang makilala kita, nang sa gayon ay makasumpong ako ng lingap sa iyong paningin.” (Exodo 33:13) Sa pangangalaga sa makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova, di-hamak na mas mapagpakumbaba ang kawan na pinapastulan ng mga tagapangasiwang Kristiyano. Gayunman, nananalangin din sila: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.” (Awit 25:4) Dahil alam nila ang mga daan ni Jehova, nahaharap ng mga tagapangasiwa ang mga situwasyon sa paraang kaayon ng Salita ng Diyos at kasuwato ng kaniyang personalidad.
Kung Ano ang Inaasahan ni Jehova sa Kaniyang Bayan
11. Anu-anong panuntunan ang ibinigay ni Jehova kay Moises, at bakit tayo interesado sa mga ito?
11 Ang inaasahan noon ni Jehova sa kaniyang bayan ay bibigang ipinabatid noong sila ay nasa Bundok Sinai. Nang maglaon ay nakatanggap si Moises ng dalawang tapyas ng bato na doo’y nakasulat ang Sampung Utos. Nang pababa na siya mula sa bundok, nakita niyang sumasamba ang mga Israelita sa binubong guya at galít na ibinagsak ang mga tapyas ng bato, anupat nabasag ang mga ito. Muling isinulat ni Jehova ang Sampung Utos sa mga tapyas ng bato na inukit ni Moises. (Exodo 32:19; 34:1) Hindi nagbago ang mga utos na ito mula nang una itong ibigay. Kailangang kumilos si Moises kaayon ng mga ito. Idiniin din ng Diyos kay Moises kung anong uri Siya ng persona, sa gayon ay ipinakita kay Moises kung paano siya kikilos bilang kinatawan ni Jehova. Wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano, ngunit nakapaloob sa mga sinabi ni Jehova kay Moises ang maraming saligang simulain na hindi nagbago at kumakapit pa rin sa lahat ng sumasamba kay Jehova. (Roma 6:14; 13:8-10) Isaalang-alang natin ang ilan sa mga ito.
12. Paano dapat nakaapekto sa Israel ang paghiling ni Jehova ng bukod-tanging debosyon?
12 Mag-ukol kay Jehova ng bukod-tanging debosyon. Nakaharap ang bansang Israel nang ipahayag ni Jehova na humihiling siya ng bukod-tanging debosyon. (Exodo 20:2-5) Nakita ng mga Israelita ang saganang katibayan na si Jehova ang tunay na Diyos. (Deuteronomio 4:33-35) Niliwanag ni Jehova na anuman ang ginagawa ng ibang mga bansa, hindi niya papayagan ang anumang uri ng idolatriya o espiritismo sa gitna ng kaniyang bayan. Hindi dapat maging pormalidad lamang ang kanilang debosyon sa kaniya. Silang lahat ay dapat umibig kay Jehova nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong lakas. (Deuteronomio 6:5, 6) Kasali rito ang kanilang pananalita, ang kanilang paggawi—sa katunayan, ang lahat ng aspekto ng kanilang buhay. (Levitico 20:27; 24:15, 16; 26:1) Niliwanag din ni Jesu-Kristo na humihiling si Jehova ng bukod-tanging debosyon.—Marcos 12:28-30; Lucas 4:8.
13. Bakit obligadong sumunod nang mahigpit ang Israel sa Diyos, at ano ang dapat gumanyak sa atin na sundin siya? (Eclesiastes 12:13)
13 Mahigpit na sundin ang mga utos ni Jehova. Kailangang paalalahanan ang bayan ng Israel na nang makipagtipan sila kay Jehova, nanata sila na mahigpit na susunod sa kaniya. Marami silang tinamasang personal na kalayaan, ngunit kung tungkol sa mga bagay na iniutos sa kanila ni Jehova, dapat na mahigpit nila itong sundin. Ang paggawa nito ay magpapatunay na iniibig nila ang Diyos at makikinabang sila at ang kanilang mga supling dahil ang lahat ng kahilingan ni Jehova ay para sa kanilang ikabubuti.—Exodo 19:5-8; Deuteronomio 5:27-33; 11:22, 23.
14. Paano idiniin ng Diyos sa Israel ang kahalagahan ng pag-una sa espirituwal na mga gawain?
14 Unahin ang espirituwal na mga bagay. Hindi dapat hayaan ng bansang Israel na mapabayaan ang espirituwal na mga gawain dahil sa labis na pag-aasikaso sa pisikal na mga pangangailangan. Hindi dapat iukol ng mga Israelita ang kanilang buhay sa pangkaraniwang mga gawain lamang. Nagtakda si Jehova ng panahon bawat linggo na itinalaga niyang sagrado, panahon na gagamitin lamang sa gawaing may kaugnayan sa pagsamba sa tunay na Diyos. (Exodo 35:1-3; Bilang 15:32-36) Taun-taon, may karagdagang panahon na itinatakda para sa espesipikong banal na mga kombensiyon. (Levitico 23:4-44) Maglalaan ito ng mga pagkakataon upang isalaysay ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova, upang ipaalaala ang kaniyang mga daan, at upang pasalamatan siya sa lahat ng kabutihan niya. Habang ipinahahayag ng mga tao ang kanilang debosyon kay Jehova, sisidhi ang kanilang makadiyos na pagkatakot at pag-ibig at matutulungan silang lumakad sa kaniyang mga daan. (Deuteronomio 10:12, 13) Ang mabubuting simulain na nakapaloob sa mga tagubiling iyon ay kapaki-pakinabang sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon.—Hebreo 10:24, 25.
Pag-unawa at Pagpapahalaga sa mga Katangian ni Jehova
15. (a) Bakit kapaki-pakinabang kay Moises ang pagkaunawa at pagpapahalaga sa mga katangian ni Jehova? (b) Anu-anong tanong ang makatutulong sa atin na pag-isipang mabuti ang tungkol sa bawat katangian ni Jehova?
15 Ang pagkaunawa at pagpapahalaga sa mga katangian ni Jehova ay tutulong din kay Moises sa pakikitungo sa bayan. Sinasabi sa Exodo 34:5-7 na dumaan ang Diyos sa harap ng mukha ni Moises at nagpahayag: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan, naglalapat ng kaparusahan sa mga anak at sa mga apo dahil sa kamalian ng mga ama, sa ikatlong salinlahi at sa ikaapat na salinlahi.” Maglaan ng panahon sa pagbubulay-bulay sa mga salitang ito. Tanungin ang iyong sarili: ‘Ano ang kahulugan ng bawat katangiang iyan? Paano ito ipinakita ni Jehova? Paano maipakikita ng mga tagapangasiwang Kristiyano ang katangiang ito? Paano dapat makaimpluwensiya ang partikular na katangiang ito sa ginagawa ng bawat isa sa atin?’ Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
16. Paano natin mapasisidhi ang ating pagkaunawa sa awa ng Diyos, at bakit mahalaga ang paggawa nito?
16 Si Jehova ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob.” Kung mayroon kang reperensiyang akda na Insight on the Scriptures, bakit hindi basahin ang sinasabi nito sa ilalim ng uluhang “Mercy”? O kaya ay magsaliksik sa paksang iyan gamit ang Watch Tower Publications Index o ang programa sa computer na Watchtower Library (CD-ROM).a Gumamit ng konkordansiya upang makita ang mga kasulatan na tumutukoy sa awa. Makikita mo na bukod sa pagpapagaan sa parusa kung minsan, kasali sa awa ni Jehova ang magiliw na pagkamahabagin. Inuudyukan nito ang Diyos na kumilos upang paginhawahin ang kaniyang bayan. Bilang katibayan nito, inilaan ng Diyos sa mga Israelita ang kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan noong naglalakbay sila patungo sa Lupang Pangako. (Deuteronomio 1:30-33; 8:4) Maawaing nagpapatawad si Jehova kapag may nagawang mga pagkakamali. Naawa siya sa kaniyang sinaunang bayan. Lalo na ngang dapat magpakita ng habag sa isa’t isa ang kaniyang makabagong-panahong mga lingkod!—Mateo 9:13; 18:21-35.
17. Paano nagtataguyod ng tunay na pagsamba ang ating pagkaunawa sa kagandahang-loob ni Jehova?
17 Kalakip sa awa ni Jehova ang kagandahang-loob. Kung may diksyunaryo ka, basahin ang kahulugan ng “magandang-loob.” Ihambing ito sa mga kasulatan na nagsasabing si Jehova ay magandang-loob. Ipinakikita ng Bibliya na kalakip sa kagandahang-loob ni Jehova ang maibiging pagkabahala sa mga may di-kaayaayang kalagayan sa gitna ng kaniyang bayan. (Exodo 22:26, 27) Sa alinmang bansa, ang mga dayuhan at ang iba pa ay maaaring masadlak sa di-kaayaayang kalagayan. Noong tinuturuan ang kaniyang bayan na huwag magtangi kundi magpakita ng kabaitan sa gayong mga tao, ipinaalaala ni Jehova sa kanila na sila man ay dating mga dayuhan—sa Ehipto. (Deuteronomio 24:17-22) Kumusta naman tayo bilang bayan ng Diyos sa ngayon? Ang ating kagandahang-loob ay tumutulong upang magkaisa tayo at maakit ang iba sa pagsamba kay Jehova.—Gawa 10:34, 35; Apocalipsis 7:9, 10.
18. Ano ang matututuhan natin mula sa mga limitasyong itinuro ni Jehova sa Israel hinggil sa mga daan ng mga tagaibang bansa?
18 Subalit ang kabaitan sa mga tagaibang bansa ay hindi dapat mangibabaw sa pag-ibig ng Israel kay Jehova at sa kaniyang mga pamantayan sa moral. Kaya naman ang mga Israelita ay tinuruan na huwag gumaya sa mga daan ng mga bansang nakapalibot sa kanila at huwag tumulad sa kanilang relihiyosong mga kaugalian at imoral na istilo ng pamumuhay. (Exodo 34:11-16; Deuteronomio 7:1-4) Kumakapit din iyan sa atin ngayon. Dapat tayong maging banal na bayan, kung paanong ang ating Diyos, si Jehova, ay banal.—1 Pedro 1:15, 16.
19. Paano magsasanggalang sa bayan ni Jehova ang pagkaunawa sa kaniyang pangmalas hinggil sa paggawa ng masama?
19 Upang maunawaan ni Moises ang Kaniyang mga daan, niliwanag ni Jehova na bagaman hindi niya sinasang-ayunan ang kasalanan, mabagal naman siya sa pagkagalit. Nagbibigay siya ng panahon na matutuhan ng mga tao ang kaniyang mga kahilingan at masunod ang mga ito. Kapag may pagsisisi, pinatatawad ni Jehova ang pagkakasala, ngunit hindi niya pinalalampas ang karapat-dapat parusahan dahil sa malulubhang pagkakamali. Binabalaan niya si Moises na maaapektuhan ang mga salinlahing darating, sa ikabubuti o ikasasama, depende sa gagawin ng mga Israelita. Ang pagkaunawa at pagpapahalaga sa mga daan ni Jehova ay magsasanggalang sa bayan ng Diyos mula sa paninisi sa Diyos sa mga situwasyong sila rin mismo ang may kagagawan o mula sa paghihinuha na mabagal siya.
20. Ano ang tutulong sa atin upang mapakitunguhan nang wasto ang mga kapananampalataya at ang mga nakakausap natin sa ating ministeryo? (Awit 86:11)
20 Kung nais mong palalimin ang iyong kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga daan, patuloy kang magsaliksik at magbulay-bulay kapag nagbabasa ka ng Bibliya. Maingat na suriin ang iba’t ibang kaakit-akit na mga aspekto ng personalidad ni Jehova. Pag-isipan nang may pananalangin kung paano mo matutularan ang Diyos at higit na maiaayon ang iyong buhay sa kaniyang layunin. Tutulong ito sa iyo na maiwasan ang mga patibong, mapakitunguhan nang wasto ang mga kapananampalataya, at matulungan ang iba na makilala at ibigin ang ating kahanga-hangang Diyos.
[Talababa]
a Lahat ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Bakit mahalaga ang kaamuan para kay Moises, at bakit mahalaga rin ito sa atin?
• Anong kabutihan ang nagawa ng paulit-ulit na pagharap kay Paraon dala ang mensahe ni Jehova?
• Anu-ano ang ilang natatanging simulain na itinuro kay Moises at na kumakapit din sa atin?
• Paano natin mapalalalim ang ating pagkaunawa sa mga katangian ni Jehova?
[Larawan sa pahina 21]
May-katapatang inihatid ni Moises ang mensahe ni Jehova kay Paraon
[Larawan sa pahina 23]
Ipinabatid ni Jehova ang kaniyang mga kahilingan kay Moises
[Larawan sa pahina 24, 25]
Bulay-bulayin ang mga katangian ni Jehova