PAG-AASAWA
Ang pagbubuklod ng isang lalaki at ng isang babae bilang mag-asawa ayon sa pamantayang itinakda ng Diyos. Ang pag-aasawa ay isang institusyong nagmula kay Jehova, na itinatag niya sa Eden. Ang pag-aasawa ang pinagmumulan ng yunit ng pamilya. Ang pangunahing layunin nito ay ang pagpaparami ng mga miyembro ng pamilya ng tao, upang mas marami pang tao ang umiral. Gumawa si Jehova na Maylalang ng lalaki at babae at itinakda niya ang pag-aasawa bilang ang wastong kaayusan para sa pagpaparami ng lahi ng tao. (Gen 1:27, 28) Ang unang kasalan ng tao ay isinagawa ni Jehova, gaya ng inilarawan sa Genesis 2:22-24.
Ang pag-aasawa ay nilayon na maging isang permanenteng ugnayan sa pagitan ng lalaki at babae, upang magtulungan sila sa isa’t isa. Habang namumuhay silang magkasama na may pag-ibig at pagtitiwala, maaari silang magtamasa ng masidhing kaligayahan. Nilalang ni Jehova ang babae bilang kapareha ng lalaki sa pamamagitan ng paggamit sa tadyang ng lalaki, sa gayon ang babae ang pinakamalapit na kamag-anak sa laman ng lalaki dito sa lupa, anupat siya ay sarili niyang laman. (Gen 2:21) Gaya ng itinawag-pansin ni Jesus, hindi si Adan kundi ang Diyos ang nagsabi, “Iyan ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” Maliwanag mula sa pananalita ng tekstong ito na monogamya ang orihinal na pamantayan ng pag-aasawa sa paningin ng Diyos na Jehova.—Mat 19:4-6; Gen 2:24.
Ang pag-aasawa ang normal na paraan ng pamumuhay ng mga Hebreo. Walang salita para sa matandang binata sa Hebreong Kasulatan. Yamang ang pangunahing layunin ng pag-aasawa ay ang pagkakaroon ng mga anak, angkop lamang ang pagpapalang binigkas ng pamilya ni Rebeka para sa kaniya: “Ikaw nawa ay maging libu-libong sampung libo” (Gen 24:60), gayundin ang pamamanhik ni Raquel kay Jacob: “Bigyan mo ako ng mga anak o kung hindi ay magiging patay na babae ako.”—Gen 30:1.
Ang pag-aasawa ng isang indibiduwal ay nakaaapekto sa kaniyang pamilya, at gayundin sa buong tribo o sa buong komunidad ng patriyarka, sapagkat maaari itong makaapekto sa lakas ng tribo at pati sa ekonomiya nito. Kaya naman likas lamang at waring mahalaga na ang pagpili sa isang asawang babae at ang pagsasaayos ng lahat ng bagay may kinalaman sa kasunduan at pananalapi ay dapat na pagpasiyahan ng mga magulang o ng mga tagapag-alaga, bagaman kung minsan ay isinasaalang-alang din ang pagsang-ayon ng lalaki at babae (Gen 24:8) at kadalasan ay may nasasangkot na romantikong pag-ibig sa mga kaayusang ito. (Gen 29:20; 1Sa 18:20, 27, 28) Karaniwan na, ang unang mga hakbang o alok ng kasal ay ginagawa ng mga magulang ng binata, ngunit kung minsan ay ginagawa ito ng ama ng dalaga, lalo na kung hindi magkaranggo ang mga nasasangkot.—Jos 15:16, 17; 1Sa 18:20-27.
Waring naging karaniwang kaugalian na ang isang lalaki ay humanap ng mapapangasawa sa sarili niyang mga kamag-anak o tribo. Ang simulaing ito ay ipinahihiwatig ng pananalita ni Laban kay Jacob: “Mas mabuting ibigay ko [ang aking anak] sa iyo kaysa ibigay ko siya sa ibang lalaki.” (Gen 29:19) Partikular na itong sinunod ng mga mananamba ni Jehova, gaya ng ginawa ni Abraham nang magsugo siya sa kaniyang mga kamag-anak sa sarili niyang bayan upang ikuha ng mapapangasawa ang kaniyang anak na si Isaac sa halip na kumuha mula sa mga anak na babae ng mga Canaanita na sa gitna nila ay nananahanan siya. (Gen 24:3, 4) Ang pakikipag-asawa sa mga di-sumasamba kay Jehova ay hindi sinasang-ayunan at mahigpit na tinututulan. Isa itong uri ng kawalang-katapatan. (Gen 26:34, 35) Sa ilalim ng Kautusan, ipinagbawal ang pakikipag-alyansa ukol sa pag-aasawa sa mga taong nagmula sa pitong bansang Canaanita. (Deu 7:1-4) Gayunman, maaaring mapangasawa ng isang kawal ang isang dalagang bihag mula sa ibang banyagang bansa matapos itong dumaan sa isang yugto ng pagpapadalisay, anupat sa panahong iyon ay ipagdadalamhati ng dalaga ang namatay niyang mga magulang at aalisin niya ang anumang bagay na may kaugnayan sa dati niyang relihiyon.—Deu 21:10-14.
Dote. Bago mapagtibay ang kasunduan sa pag-aasawa, kailangang magbayad ang binata o ang ama ng binata sa ama ng babae ng dote, o bayad sa pag-aasawa. (Gen 34:11, 12; Exo 22:16; 1Sa 18:23, 25) Walang alinlangan na itinuturing itong kabayaran sa nawalang paglilingkod ng anak na babae at sa pagsisikap at gastos ng mga magulang sa pag-aalaga at pagpapaaral dito. Kung minsan ay paglilingkod ang ibinabayad sa ama bilang dote. (Gen 29:18, 20, 27; 31:15) Sa Kautusan, may takdang halagang pambili para sa isang hindi pa naipakikipagtipang dalaga na dinaya ng isang lalaki upang masipingan.—Exo 22:16.
Seremonya. Kung tungkol sa mismong kasalan, ang pangunahin at pagkakakilanlang bahagi nito ay ang pormal na pagdadala sa kasintahang babae mula sa tahanan ng kaniyang ama tungo sa tahanan ng kaniyang asawang lalaki sa pinagkasunduang petsa. Inilalarawan nito ang pag-aasawa bilang pagtanggap sa kasintahang babae sa pamilya ng kaniyang asawang lalaki. (Mat 1:24) Ganito ang kasalan noong mga araw ng mga patriyarka bago ibigay ang Kautusan. Isa lamang itong sibil na okasyon. Walang relihiyosong seremonya o pormalidad, at walang saserdote o klerigo na nangangasiwa o nagbibigay-bisa sa pag-aasawa. Dinadala ng kasintahang lalaki ang kasintahang babae sa kaniyang bahay o sa tolda o bahay ng kaniyang mga magulang. Ang bagay na ito ay hayagang ipinaaalam, kinikilala, at inirerekord, at ang pag-aasawa ay nagkakabisa.—Gen 24:67.
Gayunman, bago pa nito, sa sandaling magawa na ang mga kaayusan sa pag-aasawa at ang lalaki at babae ay maging magkatipan na, sila ay itinuturing nang pinagbuklod bilang mag-asawa. Ang mga anak na babae ni Lot ay nasa kaniyang bahay pa noon at nasa ilalim ng kaniyang poder, ngunit ang mga lalaking katipan ng mga ito ay tinawag nang ‘mga manugang ni Lot na kukuha sa kaniyang mga anak.’ (Gen 19:14) Bagaman hindi napangasawa ni Samson ang isang babaing Filisteo kundi naging katipan lamang niya, ito ay tinukoy bilang kaniyang asawa. (Huk 14:10, 17, 20) Sinabi ng Kautusan na kung makiapid ang isang babaing ipinakipagtipan, siya at ang lalaking nagkasala ay papatayin. Kung hinalay siya nang labag sa kaniyang kalooban, ang lalaki ay papatayin. Sa kabilang dako, anumang kaso na nagsasangkot ng isang babaing hindi pa naipakikipagtipan ay inaasikaso sa ibang paraan.—Deu 22:22-27.
Ang mga pag-aasawa ay inirerehistro. Sa ilalim ng Kautusan, ang mga pag-aasawa, gayundin ang mga kapanganakang ibinubunga ng mga ito, ay itinatala sa opisyal na mga rekord ng komunidad. Dahil dito, mayroon tayong isang tumpak na talaangkanan ni Jesu-Kristo.—Mat 1:1-16; Luc 3:23-38; ihambing ang Luc 2:1-5.
Pagdiriwang. Bagaman walang pormal na seremonya ang mismong kasalan, napakasaya naman ng pagdiriwang ng mga kasalan sa Israel. Sa araw ng kasal, kadalasang gumagawa ng magarbong mga paghahanda ang kasintahang babae sa kaniyang sariling tahanan. Una ay naliligo siya at nagpapahid ng mabangong langis. (Ihambing ang Ru 3:3; Eze 23:40.) Kung minsan, sa tulong ng kaniyang mga tagapaglingkod na babae, nagsusuot siya ng mga pamigkis sa dibdib at ng isang mahabang damit na puti, kadalasan ay may magarbong burda, depende sa kaniyang pinansiyal na katayuan. (Jer 2:32; Apo 19:7, 8; Aw 45:13, 14) Ginagayakan niya ang kaniyang sarili ng mga palamuti at mga hiyas, kung mayroon siya nito (Isa 49:18; 61:10; Apo 21:2), at pagkatapos ay nagtatakip siya sa kaniyang sarili ng isang manipis na kasuutan na nagsisilbing talukbong, na mula sa ulo hanggang sa paa. (Isa 3:19, 23) Ito ang dahilan kung bakit madaling nalinlang ni Laban si Jacob anupat hindi nalaman ni Jacob na ang ibinigay sa kaniya ni Laban ay si Lea sa halip na si Raquel. (Gen 29:23, 25) Naglagay si Rebeka ng talukbong sa ulo nang lumapit siya upang salubungin si Isaac. (Gen 24:65) Sumagisag ito sa pagpapasakop ng kasintahang babae sa kasintahang lalaki—sa awtoridad nito.—1Co 11:5, 10.
Ang kasintahang lalaki ay nagagayakan din ng kaniyang pinakamainam na kasuutan at kadalasan ay mayroon siyang magandang putong sa kaniyang ulo. (Sol 3:11; Isa 61:10) Kasama ang kaniyang mga kaibigan, aalis siya sa kaniyang bahay sa gabi patungo sa tahanan ng mga magulang ng kasintahang babae. (Mat 9:15) Mula roon, ang prusisyon, na sinasabayan ng mga manunugtog at mga mang-aawit at kadalasan ay pati ng mga taong may dalang mga lampara, ay humahayo patungo sa tahanan ng kasintahang lalaki o sa bahay ng kaniyang ama.
Lubha namang pinananabikan ng mga tao sa kahabaan ng ruta ang prusisyon. Maririnig ang mga tinig ng kasintahang babae at ng kasintahang lalaki na nagbubunyi. Ang ilan, partikular na ang mga dalagang may dalang mga lampara, ay sumasama sa prusisyon. (Jer 7:34; 16:9; Isa 62:5; Mat 25:1) Maaaring magtagal ang kasintahang lalaki sa kaniyang tahanan at posible ring maantala ang prusisyon bago ito umalis sa tahanan ng kasintahang babae, anupat maaaring gabing-gabi na, at ang ilan na naghihintay sa daan ay baka antukin na at makatulog, gaya sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa sampung dalaga. Malayo pa lamang ay maaaring naririnig na ang awitan at pagbubunyi, anupat ang mga nakaririnig niyaon ay sumisigaw: “Narito na ang kasintahang lalaki!” Ang mga tagapaglingkod ay handa nang bumati sa kasintahang lalaki pagdating niya, at yaong mga inanyayahan sa hapunan ng kasalan ay pumapasok na sa bahay. Kapag nakapasok na sa bahay ang kasintahang lalaki at ang kaniyang mga kasama at naisara na ang pinto, hindi na makapapasok ang mga panauhing nahuli. (Mat 25:1-12; 22:1-3; Gen 29:22) Itinuturing na isang malaking insulto ang pagtanggi sa paanyaya sa piging ng kasalan. (Mat 22:8) Ang mga panauhin ay maaaring paglaanan ng mahahabang damit (Mat 22:11), at ang kani-kanilang dako sa piging ay kadalasang itinatakda ng nag-anyaya.—Luc 14:8-10.
Kaibigan ng Kasintahang Lalaki. Malaking bahagi ang ginagampanan ng “kaibigan ng kasintahang lalaki” sa mga kaayusan at itinuturing na siya ang namamagitan sa kasintahang lalaki at sa kasintahang babae. Ang kaibigan ng kasintahang lalaki ay nagagalak na marinig ang tinig ng kasintahang lalaki habang nakikipag-usap ito sa kasintahang babae, at maligaya rin siya sapagkat ang kaniyang mga tungkulin ay pinagpala at matagumpay na natapos.—Ju 3:29.
Katibayan ng Pagkabirhen. Pagkatapos ng hapunan, dadalhin ng asawang lalaki ang kaniyang asawang babae sa silid-pangkasalan. (Aw 19:5; Joe 2:16) Sa gabi ng kasal, isang tela o kasuutan ang ginagamit at pagkatapos ay itinatago o ibinibigay sa mga magulang ng asawang babae upang ang mga marka ng dugo ng pagkabirhen ng babae ay magsilbing legal na proteksiyon para sa kaniya sakaling sa kalaunan ay paratangan siya na hindi na siya birhen o na naging patutot siya bago siya ikinasal. Kung wala ang gayong katibayan, maaari siyang batuhin hanggang sa mamatay dahil nagkunwari siyang isang walang-dungis na birhen noong ikasal siya at dahil nagdala siya ng malaking kadustaan sa sambahayan ng kaniyang ama. (Deu 22:13-21) Ang kaugaliang ito ng pagtatago ng gayong tela ay ginagawa pa rin ng ilang grupo ng mga tao sa Gitnang Silangan hanggang nitong nagdaang panahon.
Mga Pribilehiyo at mga Tungkulin. Ang asawang lalaki ang ulo ng sambahayan, at siya ang gumagawa ng huling pagpapasiya hinggil sa mga bagay na nakaaapekto sa kapakanan at pananalapi ng pamilya. Maaari pa nga niyang pawalang-saysay ang panata ng kaniyang asawa o anak na babae kung inaakala niyang makasasama ito sa pamilya. Maliwanag na may ganito ring awtoridad ang lalaki kapag naging katipan niya ang isang babae. (Bil 30:3-8, 10-15) Ang asawang lalaki ang panginoon, amo ng sambahayan, at itinuturing na may-ari (sa Heb., baʹʽal) ng babae.—Deu 22:22.
Inilalarawan ng Kawikaan 31 ang ilan sa mga tungkulin ng asawang babae sa kaniyang asawang lalaki, o may-ari, anupat kabilang dito ang gawaing-bahay, ang paggawa at pangangalaga ng mga damit, maging ang ilang pagbili at pagbebenta, at ang pangkalahatang pangangasiwa sa sambahayan. Bagaman ang babae ay nagpapasakop at maituturing na pag-aari ng asawang lalaki, nagtatamasa siya ng mainam na katayuan at maraming pribilehiyo. Dapat siyang ibigin ng kaniyang asawang lalaki, kahit pa nga siya ay isang pangalawahing asawa lamang o isa na kinuha bilang bihag. Hindi siya dapat pagmalupitan at dapat siyang paglaanan ng pagkain, pananamit, tirahan, at ng kaniyang kaukulan bilang asawa nang walang bawas. Gayundin, hindi maaaring gawing panganay ng asawang lalaki ang anak ng paboritong asawang babae sa ikalulugi ng anak ng asawang babae na “kinapopootan” (o hindi gaanong gusto). (Exo 21:7-11; Deu 21:11, 14-17) Iniibig ng tapat na mga lalaking Hebreo ang kani-kanilang asawang babae, at kung ang asawang babae ay marunong at kumikilos kaayon ng kautusan ng Diyos, kadalasan ay pakikinggan siya ng asawang lalaki o sasang-ayunan nito ang kaniyang mga ginagawa.—Gen 21:8-14; 27:41-46; 28:1-4.
Maging ang dalagang hindi pa naipakikipagtipan na dinaya ng isang lalaking walang asawa upang masipingan ay pinangalagaan din, sapagkat kung papayag ang ama, kailangan siyang pakasalan niyaong nandaya at hindi siya maaaring diborsiyuhin ng lalaking iyon sa buong buhay nito. (Deu 22:28, 29) Kung ang asawang babae ay pormal na akusahan ng kaniyang asawang lalaki na diumano’y hindi na siya birhen noong ikasal sila at ang paratang ay mapatunayang bulaan, ang kaniyang asawang lalaki ay pagmumultahin at hindi na siya maaaring diborsiyuhin nito kailanman. (Deu 22:17-19) Ang isang babae na inakusahan ng lihim na pangangalunya, kung walang sala, ay pangyayarihin ng kaniyang asawang lalaki na magdalang-tao upang magkaanak siya at sa gayon ay maipagbigay-alam sa madla ang kaniyang kawalang-sala. Iginagalang ang dangal ng asawang babae. Ipinagbawal ang pakikipagtalik sa kaniya sa panahon ng kaniyang pagreregla.—Lev 18:19; Bil 5:12-28.
Ipinagbabawal na mga Pag-aasawa. Bukod sa pagbabawal sa pakikipag-alyansa ukol sa pag-aasawa sa mga di-sumasamba kay Jehova, lalo na sa pitong bansa sa lupain ng Canaan (Exo 34:14-16; Deu 7:1-4), ipinagbawal din ang pakikipag-asawa sa ilang kadugo o kamag-anakan.—Lev 18:6-17.
Ang mataas na saserdote ay pinagbawalang mag-asawa ng isang babaing balo, isang babaing diniborsiyo o nilapastangan, o isang patutot; mag-aasawa lamang siya ng isang dalaga mula sa kaniyang bayan. (Lev 21:10, 13, 14) Ang iba pang mga saserdote ay hindi maaaring mag-asawa ng isang patutot o babaing nilapastangan, ni ng isang babaing diniborsiyo ng asawa nito. (Lev 21:1, 7) Ayon sa Ezekiel 44:22, maaari silang mag-asawa ng isang dalaga mula sa sambahayan ng Israel o ng isang babaing balo na balo ng isang saserdote.
Kung ang isang anak na babae ay nagmana ng ari-arian, hindi siya dapat mag-asawa ng hindi niya katribo. Sa gayon ay hindi magpapalipat-lipat sa tribo at tribo ang minanang pag-aari.—Bil 36:8, 9.
Diborsiyo. Nang itatag ng Maylalang ang pag-aasawa, wala siyang ibinigay na probisyon para sa diborsiyo. Ang isang lalaki ay dapat pumisan sa kaniyang asawa, at “sila ay magiging isang laman.” (Gen 2:24) Sa gayon, ang isang lalaki ay magkakaroon lamang ng isang asawa na itinuturing na kaisang-laman niya. Pagkatapos na magkasala ang tao, na nagdulot ng kaniyang di-kasakdalan at pagsamâ, ay saka lamang nagkaroon ng diborsiyo.
Nang ibigay ng Diyos sa Israel ang Kautusan, hindi niya ipinasiyang ipatupad noong panahong iyon ang orihinal na pamantayan, ngunit nagbigay siya ng mga tagubilin hinggil sa pagdidiborsiyo upang hindi ito makasira sa kaayusan ng pamilya sa Israel o magdulot ng labis na kahirapan. Gayunman, pagsapit ng takdang panahon ng Diyos, isinauli niya ang kaniyang orihinal na pamantayan. Sinabi ni Jesus kung ano ang simulaing susundin sa kongregasyong Kristiyano—na “pakikiapid” (sa Gr., por·neiʹa) ang tanging makatuwirang saligan para sa diborsiyo. Ipinaliwanag niya na hindi ipinatupad ng Diyos ang pamantayang ito sa pamamagitan ni Moises dahil sa katigasan ng puso ng mga Israelita.—Mat 19:3-9; Mar 10:1-11.
Kaya naman sa kongregasyong Kristiyano, maliban sa kamatayan na awtomatikong pumuputol sa buklod ng pag-aasawa, ang tanging iba pang saligan na maaaring pumutol dito ay ang “pakikiapid,” na kung saan ang nagkasala ay nagiging kaisang-laman ng kaniyang katalik. Sa gayon ay maaari itong gamitin ng pinagkasalahang asawa bilang saligan upang pawalang-bisa ang pag-aasawa kung ito ang ipinasiya niyang gawin, at pagkatapos ang pinagkasalahan ay maaaring mag-asawang muli. (Mat 5:32; Ro 7:2, 3) Maliban sa pagpapahintulot sa bagay na ito sa kaso ng “pakikiapid” (sa Gr., por·neiʹa), pinapayuhan ng Griegong Kasulatan ang mga Kristiyano na huwag man lamang nilang hiwalayan ang kanilang mga kabiyak, mananampalataya man o di-mananampalataya, at inutusan sila nito na kung hihiwalay sila ay huwag silang sisiping sa iba.—1Co 7:10, 11; Mat 19:9.
Sa ilalim ng Kautusan, maaaring diborsiyuhin ng asawang lalaki ang kaniyang asawa kung makasumpong siya rito ng isang bagay na ‘marumi.’ Sabihin pa, hindi kabilang dito ang pangangalunya, sapagkat hinahatulan ito ng parusang kamatayan. Maaaring ito ay mga paglabag gaya ng matinding kawalang-galang sa asawang lalaki o sa sambahayan ng ama nito, o isang bagay na nagdudulot ng kadustaan sa sambahayan nito. Kailangang bigyan siya ng asawang lalaki ng isang nasusulat na kasulatan ng diborsiyo, na nagpapahiwatig na sa paningin ng komunidad ay dapat na may sapat na saligan ang lalaki upang diborsiyuhin siya. Yamang ang kasulatan ay isang legal na dokumento, ipinahihiwatig nito na sinangguni ng lalaki ang matatandang lalaki o yaong mga may awtoridad sa kaniyang lunsod. Pagkatapos nito, ang babae ay maaaring mag-asawang muli, anupat ipagsasanggalang siya ng kasulatan mula sa anumang paratang ng pangangalunya sa hinaharap. Hindi pahihintulutang makipagdiborsiyo ang isang lalaki kung dinaya niya ang babae upang masipingan niya ito bago sila ikasal o kung pagkatapos ng kasal ay may-kabulaanan niyang pinaratangan ang babae na nilinlang siya nito sa pag-aangking ito’y birhen noong panahong ikasal sila.—Deu 22:13-19, 28, 29.
Pagkatapos ng isang diborsiyo, kung ang babae ay mag-asawa sa ibang lalaki at sa kalaunan ay diborsiyuhin siya ng lalaking ito o kaya ay mamatay ito, hindi na siya maaaring pakasalang muli ng kaniyang orihinal na asawa. Sa gayon ay naiwasan ang anumang pagpapakana upang magtamo ng diborsiyo mula sa ikalawang asawang lalaki o marahil upang mamatay pa nga ito para muling makasal ang orihinal na mag-asawa.—Deu 24:1-4.
Kinapopootan ni Jehova ang di-makatarungang diborsiyo, lalo na kung ang kaniyang tapat na mananamba ay may-kataksilang pinakitunguhan upang ang isa ay makapag-asawa ng isang babaing pagano na hindi kabilang sa kaniyang piling katipang bayan.—Mal 2:14-16; tingnan ang DIBORSIYO.
[Ipinagpatuloy sa pahina 545]
Poligamya. Yamang ang orihinal na pamantayan ng Diyos para sa sangkatauhan ay na maging isang laman ang asawang lalaki at asawang babae, hindi niya nilayong magkaroon ng poligamya, at ipinagbabawal ito sa kongregasyong Kristiyano. Ang mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod, na dapat magpakita ng halimbawa sa kongregasyon, ay dapat na mga lalaking may isang buháy na asawa lamang. (1Ti 3:2, 12; Tit 1:5, 6) Kasuwato ito ng kaugnayang inilalarawan ng tunay na pag-aasawa, samakatuwid nga, ang kaugnayan ni Jesu-Kristo at ng kaniyang kongregasyon, ang tanging asawa na pag-aari ni Jesus.—Efe 5:21-33.
Gaya sa kaso ng diborsiyo, ang poligamya, bagaman hindi orihinal na kaayusan ng Diyos, ay pinahintulutan hanggang noong bago umiral ang kongregasyong Kristiyano. Nagsimula ang poligamya di-nagtagal pagkatapos lumihis ng landas si Adan. Ang unang binanggit ng Bibliya na gumawa nito ay ang inapo ni Cain na si Lamec, na tungkol sa kaniya ay sinabi: “[Siya] ay kumuha ng dalawang asawa para sa kaniyang sarili.” (Gen 4:19) May kinalaman sa ilan sa mga anghel, binabanggit ng Bibliya na bago ang Baha, ‘ang mga anak ng tunay na Diyos ay kumuha ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili.’—Gen 6:2.
Ang pagkakaroon ng mga kinakasamang babae ay isinagawa sa ilalim ng kautusan ng mga patriyarka at sa ilalim ng tipang Kautusan. Ang kinakasamang babae ay may legal na katayuan; ang kaniyang posisyon ay hindi itinuturing na pakikiapid o pangangalunya. Sa ilalim ng Kautusan, kung ang panganay na anak na lalaki ng isang lalaki ay anak ng kaniyang babae, ang anak na ito ang tatanggap ng mana ng panganay.—Deu 21:15-17.
Walang alinlangan na lubhang bumilis ang pagdami ng mga Israelita dahil sa pagkakaroon ng mga kinakasamang babae at dahil sa poligamya, kaya naman, bagaman hindi itinatag ng Diyos ang mga kaayusang ito kundi pinahintulutan lamang niya at tinakdaan ng mga batas, may ginampanang layunin ang mga ito noong panahong iyon. (Exo 1:7) Maging si Jacob, na nagkaroon ng maraming asawa dahil sa panlilinlang ng kaniyang biyenan, ay pinagpalang magkaroon ng 12 anak na lalaki at ilang anak na babae mula sa kaniyang dalawang asawa at sa kanilang mga utusang babae na naging mga kinakasamang babae ni Jacob.—Gen 29:23-29; 46:7-25.
Kristiyanong Pag-aasawa. Ipinakita ni Jesu-Kristo ang pagsang-ayon niya sa pag-aasawa nang dumalo siya sa piging ng kasalan sa Cana ng Galilea. (Ju 2:1, 2) Gaya ng nabanggit na, monogamya ang orihinal na pamantayan ng Diyos, na muling itinatag ni Jesu-Kristo sa kongregasyong Kristiyano. (Gen 2:24; Mat 19:4-8; Mar 10:2-9) Yamang ang lalaki at ang babae ay nilalang na may kakayahang magpamalas ng pag-ibig at pagmamahal, ang kaayusang ito ay nilayong maging isang maligaya, pinagpala, at mapayapang kaayusan. Ginamit ng apostol na si Pablo ang halimbawa ni Kristo bilang asawang lalaki at ulo ng kongregasyon, na kasintahang babae nito. Isa itong pangunahing halimbawa ng magiliw na maibiging-kabaitan at pangangalaga na dapat ipakita ng asawang lalaki sa kaniyang asawa, anupat iniibig ito na gaya ng sarili niyang katawan. Sa kabilang dako, itinawag-pansin din niya na ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki. (Efe 5:21-33) Pinayuhan ng apostol na si Pedro ang mga asawang babae na magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki, anupat namamanhik sa mga ito sa pamamagitan ng malinis na paggawi, matinding paggalang, at isang tahimik at mahinahong espiritu. Binanggit niya si Sara, na tumawag sa asawa nitong si Abraham na “panginoon,” bilang isang halimbawa na dapat tularan.—1Pe 3:1-6.
Ang pagiging malinis at matapat sa loob ng buklod ng pag-aasawa ay idiniriin sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinabi ni Pablo: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Heb 13:4) Ipinayo niya na dapat igalang ng asawang lalaki at ng asawang babae ang isa’t isa at ibigay nila sa isa’t isa ang kaukulang pangmag-asawa.
‘Mag-asawa sa Panginoon’ ang payo ng apostol, na kaayon ng ginawa ng sinaunang mga mananamba ng Diyos na nakipag-asawa lamang doon sa katulad nilang mga tunay na mananamba. (1Co 7:39) Gayunman, itinawag-pansin ng apostol sa mga walang asawa na kung sila’y mananatiling walang asawa, makapaglilingkod sila sa Panginoon nang walang abala. Sinabi niya na dahil sa panahon, yaong mga may asawa ay dapat na mamuhay na ‘tulad sa walang asawa,’ samakatuwid nga, na hindi sila dapat magpakaabala sa mga pribilehiyo at mga pananagutan nila bilang asawa anupat ginagawa itong pangunahin sa kanilang buhay, kundi dapat nilang hanapin at itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian, at kasabay nito’y hindi pinababayaan ang kanilang mga pananagutan bilang asawa.—1Co 7:29-38.
Ipinayo ni Pablo na ang mga nakababatang babaing balo ay hindi dapat isama sa talaan ng mga aalagaan ng kongregasyon dahil lamang sa nais ng mga ito na ituon ang kanilang sarili sa ministeryong Kristiyano; mas makabubuti sa kanila ang mag-asawang muli. Sinabi niya ito dahil, ayon sa kaniya, baka mahadlangan sila ng kanilang seksuwal na mga simbuyo mula sa pagtupad sa kanilang kapahayagan ng pananampalataya, anupat baka habang tumatanggap sila ng pinansiyal na suporta mula sa kongregasyon bilang masisipag na manggagawa, sila nama’y naghahanap ng mapapangasawa at nagiging mga walang pinagkakaabalahan at mapanghimasok. Sa gayon ay magdudulot sila ng di-kaayaayang hatol sa kanilang sarili. Ang pag-aasawa, pag-aanak, at pamamahala sa isang sambahayan, habang iniingatan pa rin ang pananampalatayang Kristiyano, ay sapat na mapagkakaabalahan nila, anupat maipagsasanggalang sila nito sa pagtsitsismis at pagsasalita ng mga bagay na hindi dapat. Dahil dito, matutulungan ng kongregasyon yaong talagang mga balo at kuwalipikado para sa gayong tulong.—1Ti 5:9-16; 2:15.
Di-Pag-aasawa. Nagbabala ang apostol na si Pablo na ang isa sa mga pagkakakilanlan ng apostasyang darating ay ang sapilitang di-pag-aasawa (celibacy), anupat “ipinagbabawal ang pag-aasawa.” (1Ti 4:1, 3) Ang ilan sa mga apostol ay may asawa. (1Co 9:5; Luc 4:38) Nang ilahad ni Pablo ang mga kuwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod sa kongregasyong Kristiyano, sinabi niya na ang mga lalaking ito (kung may asawa) ay dapat na may isang asawa lamang.—1Ti 3:1, 2, 12; Tit 1:5, 6.
Ang mga Kristiyano at mga Batas Sibil sa Pag-aasawa. Sa panahon natin ngayon, sa karamihan ng mga bansa sa lupa ay may mga batas na itinakda si “Cesar,” ang mga awtoridad ng pamahalaan, hinggil sa pag-aasawa at ang isang Kristiyano ay karaniwan nang dapat sumunod sa mga ito. (Mat 22:21) Hindi sinasabi sa rekord ng Bibliya na kahilingan ang isang relihiyosong seremonya o ang mga serbisyo ng isang klerigo. Ayon sa kaayusan noong panahon ng Bibliya, ang tanging kahilingan ay na gawing legal ang pag-aasawa ayon sa mga batas ng lupain at na iparehistro ang mga pag-aasawa at mga kapanganakan kung may gayong probisyon ang batas. Yamang ang “Cesar” na mga pamahalaan ay may gayong kontrol sa pag-aasawa, ang isang Kristiyano ay obligadong lumapit sa kanila upang gawing legal ang isang pag-aasawa. At kahit nais niyang gamitin ang pangangalunya ng kaniyang kabiyak bilang maka-Kasulatang saligan para wakasan ang pag-aasawa, dapat siyang kumuha ng legal na diborsiyo kung ito ay posible. Kaya naman, ang isang Kristiyano na muling nag-asawa nang hindi isinasaalang-alang ang maka-Kasulatan at legal na mga kahilingan ay lumalabag sa mga kautusan ng Diyos.—Mat 19:9; Ro 13:1.
Pag-aasawa at ang Pagkabuhay-Muli. Isang grupo ng mga sumalansang kay Jesus na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ang nagharap kay Jesus ng isang tanong upang ipahiya siya. Sa sagot niya sa kanila, isiniwalat niya na “yaong mga ibinilang na karapat-dapat magkamit ng sistemang iyon ng mga bagay at ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay ay hindi mag-aasawa ni ibibigay man sa pag-aasawa.”—Luc 20:34, 35; Mat 22:30.
Makasagisag na mga Paggamit. Sa buong Kasulatan, tinutukoy ni Jehova ang kaniyang sarili bilang isang asawang lalaki. Itinuring niya ang kaniyang sarili na asawa ng bansang Israel. (Isa 54:1, 5, 6; 62:4) Nang maghimagsik ang Israel laban kay Jehova sa pamamagitan ng pagsasagawa ng idolatriya o ng iba pang kasalanan laban sa kaniya, sinabing ito ay nagpatutot tulad ng isang di-tapat na asawang babae, kaya naman diniborsiyo niya ito.—Isa 1:21; Jer 3:1-20; Os 2.
Sa Galacia kabanata 4, inihalintulad ng apostol na si Pablo ang bansang Israel sa aliping si Hagar, ang kinakasamang babae ni Abraham, at ang mga Judio naman sa anak ni Hagar na si Ismael. Kung paanong si Ismael ay anak ng pangalawahing asawa ni Abraham, gayundin naman ang mga Judio ay mga anak ng pangalawahing “asawang babae” ni Jehova. Ang nagbubuklod sa Israel kay Jehova ay ang tipang Kautusan. Inihalintulad ni Pablo ang “Jerusalem sa itaas,” ang “babae” ni Jehova, kay Sara, ang malayang asawang babae ni Abraham. Ang mga Kristiyano naman ang malalayang espirituwal na anak ng malayang babaing ito na “Jerusalem sa itaas.”—Gal 4:21-31; ihambing ang Isa 54:1-6.
Bilang ang dakilang Ama, pinangangasiwaan ng Diyos na Jehova, tulad ni Abraham, ang pagpili ng isang kasintahang babae para sa kaniyang anak na si Jesu-Kristo—hindi isang babae sa lupa, kundi ang kongregasyong Kristiyano. (Gen 24:1-4; 2Te 2:13; 1Pe 2:5) Ang unang mga miyembro ng kongregasyon ni Jesus ay iniharap sa kaniya ng “kaibigan ng kasintahang lalaki,” si Juan na Tagapagbautismo, na isinugo ni Jehova sa unahan ng kaniyang Anak. (Ju 3:28, 29) Ang kongregasyong kasintahang babaing ito ay ‘kaisang-espiritu’ ni Kristo, bilang kaniyang katawan. (1Co 6:17; Efe 1:22, 23; 5:22, 23) Kung paanong pinaliliguan at ginagayakan ng kasintahang babae sa Israel ang kaniyang sarili, tinitiyak ni Jesu-Kristo na bilang paghahanda para sa kasalan, ang kaniyang kasintahang babae ay napaliguan, anupat malinis at walang batik o dungis man. (Efe 5:25-27) Sa Awit 45 at Apocalipsis 21, ipinakikitang ang babae ay nagagayakan nang maganda para sa kasalan.
Sa aklat din ng Apocalipsis, inihula ni Jehova ang pagdating ng panahon kapag ang kasal ng kaniyang Anak ay malapit na at nakahanda na ang kasintahang babae, anupat nagagayakan ng maningning, malinis at mainam na lino. Inilarawan niya yaong mga inanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero bilang maliligaya. (Apo 19:7-9; 21:2, 9-21) Noong gabi bago siya mamatay, pinasinayaan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, at tinagubilinan niya ang kaniyang mga alagad na patuloy itong ipagdiwang. (Luc 22:19) Ang pagdiriwang na ito ay patuloy na tutuparin “hanggang sa dumating siya.” (1Co 11:26) Kung paanong noong sinaunang panahon ay dumarating ang kasintahang lalaki sa bahay ng kasintahang babae upang kunin ito mula sa mga magulang nito at dalhin ito sa tahanang inilaan niya para rito sa bahay ng kaniyang ama, gayundin ang pagdating ni Jesu-Kristo upang kunin ang kaniyang mga pinahirang tagasunod mula sa kanilang dating makalupang tahanan, anupat isasama niya sila upang kung nasaan siya ay dumoon din sila, sa bahay ng kaniyang Ama, sa langit.—Ju 14:1-3.
Tingnan ang PAG-AASAWA BILANG BAYAW.