Genesis
29 Pagkatapos, nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay, at pumunta siya sa lupain ng mga taga-Silangan. 2 At may nakita siyang isang balon sa parang at nakahiga sa tabi nito ang tatlong kawan ng tupa, dahil karaniwan nang doon nila pinaiinom ang mga kawan. May isang malaking bato na nakatakip sa balon. 3 Kapag natipon na roon ang lahat ng kawan, iginugulong nila ang bato na nakatakip sa balon at pinaiinom ang mga kawan, pagkatapos ay ibinabalik nila ang bato na nakatakip sa balon.
4 Kaya sinabi ni Jacob sa kanila: “Mga kapatid ko, tagasaan kayo?” Sumagot sila: “Taga-Haran kami.”+ 5 Sinabi niya: “Kilala ba ninyo si Laban+ na apo ni Nahor?”+ Sumagot sila: “Oo.” 6 Kaya sinabi niya: “Kumusta siya?” Sumagot sila: “Mabuti naman siya. Heto ang anak niyang si Raquel,+ dumarating kasama ang mga tupa!” 7 Pagkatapos, sinabi niya: “Tanghali pa lang. Hindi pa oras para tipunin ang mga kawan. Painumin ninyo ang mga tupa at pagkatapos ay pakainin ang mga ito.” 8 Pero sinabi nila: “Hindi namin puwedeng gawin iyon hanggang sa matipon ang lahat ng kawan at igulong nila ang bato na nakatakip sa balon, saka lang namin mapaiinom ang mga tupa.”
9 Habang nakikipag-usap pa siya sa kanila, dumating si Raquel kasama ang mga tupa ng kaniyang ama, dahil isa siyang pastol. 10 Nang makita ni Jacob si Raquel, na anak ni Laban na kapatid ng kaniyang ina, at ang mga tupa ni Laban, kaagad na lumapit si Jacob at iginulong ang batong nakatakip sa balon at pinainom ang mga tupa ni Laban, ang kapatid ng kaniyang ina. 11 Pagkatapos, hinalikan ni Jacob si Raquel at umiyak nang malakas. 12 Sinabi ni Jacob kay Raquel na kamag-anak* siya ng ama nito at na anak siya ni Rebeka. Kaya tumakbo si Raquel at sinabi ito sa kaniyang ama.
13 Nang marinig ni Laban+ na naroon si Jacob na anak ng kapatid niya, tumakbo siya para salubungin ito. Niyakap niya ito, hinalikan, at isinama sa bahay niya. At ikinuwento nito kay Laban ang lahat ng nangyari sa kaniya. 14 Sinabi ni Laban: “Talaga ngang kadugo kita.”* Kaya nanirahan itong kasama niya nang isang buong buwan.
15 Pagkatapos, sinabi ni Laban kay Jacob: “Dahil ba sa kamag-anak* kita,+ maglilingkod ka na sa akin nang walang bayad? Sabihin mo sa akin, ano ang magiging kabayaran mo?”+ 16 At si Laban ay may dalawang anak na babae. Ang pangalan ng nakatatanda ay Lea, at ang nakababata ay Raquel.+ 17 Ang mga mata ni Lea ay walang ningning, pero si Raquel ay isang kaakit-akit at napakagandang babae. 18 At minahal ni Jacob si Raquel, kaya sinabi niya: “Handa akong maglingkod sa iyo nang pitong taon para sa nakababata mong anak na si Raquel.”+ 19 Sinabi naman ni Laban: “Mas mabuting ibigay ko siya sa iyo kaysa ibigay ko siya sa ibang lalaki. Patuloy kang manirahang kasama ko.” 20 At naglingkod si Jacob nang pitong taon para kay Raquel,+ pero katumbas lang iyon ng ilang araw para sa kaniya dahil sa pag-ibig niya rito.
21 Pagkatapos, sinabi ni Jacob kay Laban: “Ibigay mo siya sa akin para maging* asawa ko, dahil tapos na ang mga araw ng paglilingkod ko, at hayaan mong sipingan ko siya.” 22 Dahil dito, tinipon ni Laban ang lahat ng tagaroon at naghanda ng malaking salusalo. 23 Pero noong gabi na, ang anak niyang si Lea ang ibinigay niya kay Jacob para masipingan nito. 24 Ibinigay rin ni Laban sa anak niyang si Lea ang kaniyang alilang babae na si Zilpa para maging alila nito.+ 25 Kinaumagahan, nakita ni Jacob na si Lea ang katabi niya! Kaya sinabi niya kay Laban: “Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba naglingkod ako sa iyo para kay Raquel? Bakit mo ako niloko?”+ 26 Sumagot si Laban: “Hindi kaugalian dito na ibigay ang nakababatang babae bago ang panganay. 27 Patapusin mo muna ang isang-linggong pagdiriwang para sa panganay kong anak. Pagkatapos, ibibigay ko rin sa iyo ang isa ko pang anak kapalit ng pitong taon mo pang paglilingkod sa akin.”+ 28 Iyon ang ginawa ni Jacob, at pagkatapos ng isang-linggong pagdiriwang para sa panganay na anak, ibinigay sa kaniya ni Laban ang anak nitong si Raquel bilang asawa. 29 Ibinigay rin ni Laban sa anak niyang si Raquel ang kaniyang alilang babae na si Bilha+ para maging alila nito.+
30 Pagkatapos, sinipingan din ni Jacob si Raquel, at mas minahal niya si Raquel kaysa kay Lea, at naglingkod siya kay Laban nang pitong taon pa.+ 31 Nang makita ni Jehova na si Lea ay hindi mahal* ng asawa nito, hinayaan niya itong magdalang-tao,*+ pero baog si Raquel.+ 32 At nagdalang-tao si Lea at nagsilang ng isang lalaki at pinangalanan itong Ruben,*+ at sinabi niya: “Nakita kasi ni Jehova ang paghihirap ko,+ kaya mamahalin na ako ngayon ng asawa ko.” 33 Nagdalang-tao siya ulit at nagsilang ng isang lalaki at sinabi niya: “Narinig ako ni Jehova dahil hindi ako mahal ng asawa ko, kaya ibinigay rin niya ang isang ito sa akin.” At pinangalanan niya itong Simeon.*+ 34 At nagdalang-tao siya ulit at nagsilang ng isang lalaki at sinabi niya: “Ngayon, mapapalapít na sa akin ang asawa ko dahil nagkaanak ako sa kaniya ng tatlong lalaki.” Kaya pinangalanan niya itong Levi.*+ 35 At nagdalang-tao pa siya ulit at nagsilang ng isang lalaki at sinabi niya: “Pupurihin ko ngayon si Jehova.” Kaya pinangalanan niya itong Juda.*+ Pagkatapos, huminto na siya sa panganganak.