Exodo
13 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Ialay mo sa akin* ang lahat ng panganay na lalaki* ng mga Israelita. Ang unang lalaki na ipanganganak ng tao o hayop ay sa akin.”+
3 At sinabi ni Moises sa bayan: “Alalahanin ninyo ang araw na iyon nang lumabas kayo sa Ehipto,+ kung saan kayo naging alipin,* dahil inilabas kayo ni Jehova mula rito gamit ang kaniyang makapangyarihang kamay.+ Kaya hindi kayo puwedeng kumain ng anumang may pampaalsa. 4 Lumabas kayo sa araw na iyon, sa buwan ng Abib.*+ 5 Kapag dinala na kayo ni Jehova sa lupain ng mga Canaanita, Hiteo, Amorita, Hivita, at Jebusita,+ na ipinangako* niya sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo,+ isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,+ patuloy ninyo itong alalahanin sa buwang ito. 6 Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa,+ at sa ikapitong araw ay magkakaroon ng kapistahan para kay Jehova. 7 Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw;+ at hindi kayo puwedeng magkaroon ng anumang may pampaalsa,+ at hindi puwedeng magkaroon ng pinaasim na masa sa buong teritoryo* ninyo. 8 At sasabihin ninyo sa inyong anak sa araw na iyon, ‘Dahil ito sa ginawa ni Jehova para sa akin nang lumabas ako sa Ehipto.’+ 9 Ipapaalaala nito sa inyo ang pangyayaring ito na para bang nakasulat ito sa inyong kamay at sa inyong noo,*+ para lumabas sa inyong bibig ang kautusan ni Jehova, dahil inilabas kayo ni Jehova sa Ehipto gamit ang kaniyang makapangyarihang kamay. 10 Susundin ninyo ang batas na ito taon-taon sa itinakdang panahon para dito.+
11 “Kapag dinala na kayo ni Jehova sa lupain ng mga Canaanita, na ipinangako niya sa inyo at sa inyong mga ninuno,+ 12 ialay ninyo kay Jehova ang lahat ng panganay na lalaki,* pati na ang lahat ng unang anak na lalaki ng inyong mga alagang hayop. Ang mga lalaki ay kay Jehova.+ 13 Bawat panganay ng asno ay tutubusin ninyo ng isang tupa, at kung hindi ninyo iyon tutubusin, babaliin ninyo ang leeg nito. Tutubusin din ninyo ang bawat panganay na lalaki sa inyong pamilya.+
14 “Kung sakaling magtanong sa inyo ang inyong mga anak, ‘Ano ang ibig sabihin nito?’ sabihin ninyo sa kanila, ‘Ginamit ni Jehova ang kaniyang makapangyarihang kamay para ilabas kami sa Ehipto, kung saan kami naging alipin.*+ 15 Nang magmatigas ang Paraon at hindi niya kami payagang umalis,+ pinatay ni Jehova ang lahat ng panganay sa Ehipto, mula sa panganay ng tao hanggang sa hayop.+ Kaya naman iniaalay ko kay Jehova ang lahat ng panganay na lalaki,* at tinutubos ko ang bawat panganay na lalaki sa pamilya ko.’ 16 Ipapaalaala nito sa inyo ang pangyayaring ito na para bang nakatali ito sa inyong kamay at sa inyong noo,*+ dahil inilabas tayo ni Jehova sa Ehipto gamit ang kaniyang makapangyarihang kamay.”
17 Nang pumayag ang Paraon na umalis ang bayan, hindi sila idinaan ng Diyos sa lupain ng mga Filisteo, kahit na mas maikli ang rutang iyon. Dahil sinabi ng Diyos: “Baka magbago ang isip ng bayan kapag napaharap sila sa digmaan at bumalik sila sa Ehipto.” 18 Kaya idinaan sila ng Diyos sa mahabang ruta, sa ilang na malapit sa Dagat na Pula.+ Pero ang mga Israelita ay nakahanay na gaya ng isang hukbo nang umalis sila sa Ehipto. 19 Dinala rin ni Moises ang mga buto ni Jose, dahil pinasumpa ni Jose ang mga anak ni Israel: “Tiyak na tutulungan kayo ng Diyos. Dalhin ninyo ang mga buto ko paglabas ninyo rito.”+ 20 Umalis sila sa Sucot at nagkampo sa Etham, na malapit sa ilang.*
21 Inaakay sila ni Jehova sa pamamagitan ng isang haliging ulap sa araw para patnubayan sila sa daan+ at ng isang haliging apoy sa gabi para bigyan sila ng liwanag, kaya nakapaglalakbay sila sa araw at sa gabi.+ 22 Ang haliging ulap ay hindi umaalis sa unahan ng bayan sa araw, gayundin ang haliging apoy sa gabi.+