HUKBO, I
[sa Ingles, army].
Isang malaking pangkat ng kalalakihan na inorganisa at sinanay para sa pakikipagdigma sa katihan. Ang karaniwang terminong Hebreo para sa “hukbo” (tsa·vaʼʹ) ay kadalasang ginagamit may kaugnayan sa hukbong sandatahan ng mga tao (Bil 1:3), ngunit maaari rin itong tumukoy sa mga espiritung nilalang sa langit (1Ha 22:19) at sa pisikal na mga bagay sa kalangitan. (Deu 4:19) Ang Hebreong chaʹyil, maliwanag na mula sa salitang-ugat na nangangahulugang ‘mamalagi’ (Job 20:21), ay ginagamit upang tumukoy sa isang “hukbong militar” at sa isang “puwersang pandigma” (2Sa 8:9; 1Cr 20:1), ngunit nangangahulugan din ito ng “kakayahan; kalakasan; yaman.” (1Cr 9:13; Deu 33:11; Kaw 31:29; Isa 8:4; Eze 28:4) Ang Hebreong gedhudhʹ naman ay tumutukoy sa isang “pangkat ng mandarambong” o “mga pulutong.” (2Sa 22:30; 2Cr 25:9) Sa apat na terminong Griego sa Kasulatan na tumutukoy sa hukbo, ang tatlo (stra·ti·aʹ, straʹteu·ma, at stra·toʹpe·don) ay nagmula sa salitang-ugat na Griego na stra·tosʹ, pangunahin nang tumutukoy sa isang nagkakampong hukbo, na naiiba sa hukbong nakahanay para sa pakikipagbaka. Ang stra·toʹpe·don, na nilakipan ng elementong peʹdon (lupa), ay angkop na isinaling ‘nagkakampong hukbo.’ (Luc 21:20) Ang terminong Griego na pa·rem·bo·leʹ (mula sa pa·raʹ [katabi] at balʹlo [ihagis]) ay literal na tumutukoy sa paghahati-hati o pag-aayos ng mga kawal sa hanay ng pagbabaka. Maaari itong mangahulugan ng “hukbo,” “kuwartel ng mga kawal,” o “kampo.”—Heb 11:34; Gaw 21:34; Apo 20:9.
Mula pa noong panahon ni Abraham, nakilahok na sa nasasandatahang pakikipagdigma ang mga lingkod ni Jehova bago ang panahong Kristiyano. Matapos kunin ng Elamitang si Kedorlaomer at ng kaniyang mga kaalyado ang pamangkin ni Abraham na si Lot at ang sambahayan nito, pinisan ni Abraham ang kaniyang hukbo ng “mga sinanay na lalaki, na tatlong daan at labingwalong alipin,” at kasama ang mga kakampi niya sa kalapit na mga lugar, tinugis nila ang mga ito hanggang sa Dan, mga 200 km (120 mi) sa HHS. Pagkatapos ay hinati-hati niya ang mga hukbo at sumalakay sila nang gabi, isang estratehiya na maraming beses na ginamit noong panahon ng Bibliya.—Gen 14:13-16.
Israelita. Pagkaraan ng mahigit 400 taon, ang bansang Israel ay apurahang umalis sa Ehipto, ngunit sa napakaorganisadong “hanay ng pakikipagbaka,” posibleng tulad ng isang hukbo na may limang bahagi na binubuo ng isang pangunahing kalipunan at may bantay sa unahan, bantay sa likuran, at dalawang pangkat na panggilid. (Exo 6:26; 13:18) Ang tumutugis na hukbong Ehipsiyo ay binubuo ng “anim na raang piling karo at lahat ng iba pang karo ng Ehipto.” Kadalasan, bawat karo ay may sakay na tatlong lalaki, isa ang nagpapatakbo ng mga kabayo at dalawa ang nakikipaglaban, malamang ay mga mamamana, yamang busog ang pangunahing sandatang pansalakay ng mga Ehipsiyo. Kasama nila ang mga mangangabayo. (Exo 14:7, 9, 17) Ayon kay Josephus (Jewish Antiquities, II, 324 [xv, 3]), ang mga Hebreo ay “tinugis ng 600 karo kasama ang 50,000 mangangabayo at makapal na impanterya na may bilang na 200,000.”—Tingnan ang AYUDANTE.
Di-nagtagal pagkatapos ng Pag-alis, nakipaglaban ang mga Israelita sa kanilang unang militar na pakikipagbaka bilang isang pinalayang bayan. Sinalakay sila ng mga Amalekita sa Repidim, sa rehiyon ng Bundok Sinai. Sa utos ni Moises, kaagad na nagtipon si Josue ng isang hukbong pandigma. Halos buong maghapon silang nakipagbaka, at bagaman wala silang karanasan sa pakikipagdigma, ibinigay ni Jehova sa Israel ang tagumpay.—Exo 17:8-14.
Mga isang taon pagkatapos ng Pag-alis, binilang yaong mga kuwalipikado para sa paglilingkod sa hukbo, mga lalaking 20 taóng gulang at pataas. Ang sensus ay may kabuuang bilang na 603,550. (Bil 1:1-3, 45, 46) Ipinakita ng isang katulad na pagbilang noong papatapos na ang paglalakbay sa ilang na ang hukbo ay bumaba nang kaunti sa 601,730. (Bil 26:2, 51) Yamang eksemted ang mga Levita sa paglilingkod sa hukbo, hindi sila kasama sa mga bilang na ito kundi binilang sila nang bukod.—Bil 1:47-49; 3:14-39; 26:57, 62.
Mga eksemsiyon. Bukod sa tribo ni Levi, ang mga sumusunod ay pinagkalooban ng eksemsiyon mula sa paglilingkod militar: (1) ang tao na “nagtayo ng isang bagong bahay at hindi pa ito napasisinayaan”; (2) ‘ang tao na nagtanim ng isang ubasan at hindi pa ito napakikinabangan’; (3) ‘ang lalaki na nakipagtipan sa isang babae at hindi pa niya ito nakukuha’ (4) ang isa na nag-asawa ay ‘huwag lumabas na kasama ng hukbo, kundi mananatili siyang malaya sa kaniyang bahay sa loob ng isang taon’; (5) ‘ang tao na matatakutin at mahina ang loob.’—Deu 20:5-8; 24:5.
Mga kaayusan para sa hukbo matapos sakupin ang Canaan. Nang makapamayan na sa Canaan ang karamihan, hindi na gaanong kinailangan ng Israel ang isang malaki at permanenteng hukbo; ang maliliit na labanan sa mga hanggahan ay kadalasang inaasikaso ng lokal na mga tribong nasasangkot. Nang kailanganing bumuo ng isang mas malaki at nagkakaisang hukbong pandigma mula sa iba’t ibang tribo, nagbangon si Jehova ng mga Hukom na mangunguna. Ang panawagan sa pakikipagdigma ay ginagawa sa iba’t ibang paraan: maaaring gumamit ng mga hudyat ng trumpeta, mga mensahero, o mga sagisag upang pakilusin ang mga lalaking mandirigma.—Bil 10:9; Huk 3:27; 6:35; 19:29; 1Sa 11:7.
Waring ang mga mandirigma mismo ang naglaan ng sarili nilang mga sandata: mga tabak, mga sibat, mga tunod, mga panghilagpos, mga busog, at mga palaso. Karaniwan na, ang mga lalaking ito ang bahalang maglaan ng sarili nilang pagkain; kaya naman nagpadala si Jesse ng mga panustos para sa kaniyang mga anak na nasa hukbo ni Saul. (1Sa 17:17, 18) Gayunman, sa isang kaso, 10 porsiyento ng mga boluntaryo ang ibinukod upang kumuha ng mga panustos para sa iba.—Huk 20:10.
Dahil sa presensiya ni Jehova sa kampo ng Israel, kinailangan ang kabanalan, ang seremonyal na kalinisan ng mga kawal. (Deu 23:9-14) Yamang sa ilalim ng Kautusan ay nagiging marumi ang isang lalaki hanggang sa kinabukasan dahil sa seksuwal na pakikipagtalik, maingat itong iniwasan kapuwa ni David at ni Uria habang aktibo sila sa tungkulin. (Lev 15:16-18; 1Sa 21:1-6; 2Sa 11:6-11) Kadalasan, ginagahasa ng mga hukbo ng mga bansang pagano ang kababaihan ng nalupig na mga lunsod, ngunit hindi gayon ang ginagawa ng nagtagumpay na mga kawal ng Israel. Kailangan muna nilang magpalipas ng isang buwan bago sila pahintulutang mag-asawa ng isang babaing bihag.—Deu 21:10-13.
Bagaman kay Jehova nakasalig ang pangwakas na mga tagumpay ng Israel, kinailangan din ang mahusay na pangangasiwa sa hukbo. Nakaatang ang pananagutang ito sa inatasang mga opisyal at mga pinuno ng libu-libo at ng daan-daan. Ang mga saserdote ay inatasang magpatibay-loob at magbigay ng patnubay at layunin sa mga kampanya. (Bil 31:6, 14; Deu 20:2-4, 9) Noong mga araw ng mga Hukom, ang taong inatasan ni Jehova ang personal na nangunguna sa hukbo sa pakikipagbaka. Ang hukom din ang nagpaplano ng mga taktika at estratehiya. Ikinakalat niya ang kaniyang mga hukbo sa iba’t ibang paraan: paghahati-hati sa mga yunit (kadalasan ay tatlo), biglaang pagsalakay, pagtambang, harapang pagdaluhong, pagbihag sa mga tawiran ng ilog, at iba pa.—Jos 8:9-22; 10:9; 11:7; Huk 3:28; 4:13, 14; 7:16; 9:43; 12:5.
Sa ilalim ng monarkiya. Palibhasa’y hindi nasiyahan ang bayan sa teokratikong kaayusan sa ilalim ng mga Hukom, ninais nila na maging “gaya ng lahat ng mga bansa,” na may haring hahayo sa unahan nila at makikipaglaban sa kanilang mga pagbabaka. (1Sa 8:20) Gayunman, binabalaan sila ni Samuel na ang gayong hari ay hindi makikipaglabang mag-isa; kukunin niya ang kanilang mga anak “at ilalagay sila bilang kaniya sa kaniyang mga karo at sa gitna ng kaniyang mga mangangabayo, at ang ilan ay tatakbo sa unahan ng kaniyang mga karo.” (1Sa 8:11, 12; tingnan ang MANANAKBO, MGA.) Ang hari ang punong kumandante, at ang pinuno ng hukbo ang ikalawa sa kaniya.—1Sa 14:50.
Depende sa pangangailangan, iba-iba ang laki at lakas ng hukbo ni Saul. Noong isang pagkakataon, pumili siya ng 3,000 lalaki, anupat ang 1,000 ay isinailalim sa pangunguna ng kaniyang anak na si Jonatan. (1Sa 13:2) Para sa isa pang pakikipagbaka, 330,000 naman ang tinipon. (1Sa 11:8) Ngunit kung ihahambing sa mga hukbo ng mga Filisteo na may maraming kasangkapang pandigma, na ayon sa tekstong Masoretiko ay may kakayahang magtipon ng 30,000 karo, 6,000 mangangabayo, at “mga taong gaya ng mga butil ng buhangin . . . dahil sa dami,” gaya ng ginawa nila sa Micmash, waring kulang na kulang ang kasangkapan ng Israel. “Nangyari nga, nang araw ng pagbabaka ay walang isa mang tabak o sibat ang masumpungan sa kamay ng sinuman sa bayan,” maliban kina Saul at Jonatan.—1Sa 13:5, 22.
Noong panahon ng paghahari ni David, higit na pinalaki at pinahusay ang hukbo ng Israel. Mahigit sa 300,000 lalaking nasasandatahan para sa digmaan ang dumating sa Hebron upang isalin kay David ang paghahari ni Saul. (1Cr 12:23-38) May naglingkod din sa hukbo ni David na mga di-Israelita.—2Sa 15:18; 20:7.
Pinanatili ni David ang marami sa dating mga kaayusan para sa hukbo, gaya ng paghawak niya mismo sa posisyon ng punong kumandante, pag-aatas ng mga kumandanteng panlarangan tulad nina Joab, Abner, at Amasa, at paglalagay sa ilalim nila ng mga ulo ng libu-libo at ng daan-daan. (2Sa 18:1; 1Ha 2:32; 1Cr 13:1; 18:15) Gayunman, pinasimulan ni David ang ilang bagong plano na siya mismo ang lumikha. Isang sistema ng buwanang rilyebo ang naglaan ng 12 grupo na tig-24,000 bawat isa (may kabuuang 288,000), anupat ang isang kawal ay karaniwang naglilingkod lamang nang isang buwan sa bawat taon. (1Cr 27:1-15) Hindi ito nangangahulugan na ang buong 24,000 sa isang buwan ay nagmula sa iisang tribo, kundi sa halip, ang bawat tribo ay nagpapadala ng kani-kanilang bahagi sa buwanang kota sa buong taon.
Mga mangangabayo at mga karo. Ang mga karo, na nagsilbing umaandar na tuntungan ng mga manunudla, ay naging napakahalaga sa mga Babilonyo, mga Asiryano, at mga Ehipsiyo dahil mabibilis at madaling maniobrahin ang mga ito. Kaya naman ang mga ito ay naging angkop na sagisag ng lakas-militar ng pangunahing mga imperyong pandaigdig. Sa ilalim ng pangunguna ni David, ang pinakadakilang kumandante ng militar ng Israel, ang buong hukbo ay binubuo ng mga kawal na naglalakad na may mga sandatang pangkamay—tabak, sibat, busog, o panghilagpos. Tiyak na natandaan ni David na nagpayo si Jehova na huwag manalig sa kabayo ukol sa tagumpay (Deu 17:16; 20:1), na ang mga kabayo at mga karo ni Paraon ay “ibinulid [ni Jehova] sa dagat” (Exo 15:1, 4), at na binuksan ni Jehova ang mga pintuan ng tubig ng langit sa “siyam na raang karong pandigma [ni Sisera] na may mga lingkaw na bakal” anupat ‘tinangay ng ilog ng Kison’ ang kaaway.—Huk 4:3; 5:21.
Dahil dito, kung paanong pinilay ni Josue ang nabihag na mga kabayo at sinunog niya ang mga karo ng kaaway, gayundin ang ginawa ni David sa mga kabayong nakuha kay Hadadezer na hari ng Zoba. Pinilay niya ang lahat ng kabayong nabihag mula sa hari ng Zoba maliban sa isang daan. (Jos 11:6-9; 2Sa 8:4) Sa isang awit, ipinaliwanag ni David kung paanong nanalig sa mga karo at mga kabayo ang kaniyang mga kaaway, “ngunit, para sa amin, ang tungkol sa pangalan ni Jehova na aming Diyos ang aming babanggitin.” “Ang kabayo ay isang panlilinlang sa pagliligtas.” (Aw 20:7; 33:17) Gaya nga ng sinasabi ng kawikaan: “Ang kabayo ay inihahanda para sa araw ng pagbabaka, ngunit ang kaligtasan ay kay Jehova.”—Kaw 21:31.
Nang mamahala si Solomon, isang bagong kabanata ang napasulat sa kasaysayan ng hukbo ng Israel. Bagaman maituturing na mapayapa ang kaniyang paghahari, nagparami siya ng mga kabayo at mga karo. (Tingnan ang KARO.) Ang karamihan sa mga kabayong ito ay binili at inangkat mula sa Ehipto. Buu-buong mga lunsod ang kinailangang itayo sa buong teritoryo upang maging himpilan ng bagong mga dibisyong ito ng militar. (1Ha 4:26; 9:19; 10:26, 29; 2Cr 1:14-17) Ngunit hindi kailanman pinagpala ni Jehova ang bagong ideyang ito ni Solomon, at nang mamatay siya at mahati ang kaharian, humina ang hukbo ng Israel. Gaya ng isinulat ni Isaias nang maglaon: “Sa aba niyaong mga bumababa sa Ehipto upang magpatulong, yaong mga nananalig sa hamak na mga kabayo, at naglalagak ng kanilang tiwala sa mga karong pandigma, dahil marami ang mga iyon, at sa mga kabayong pandigma, dahil napakalakas ng mga iyon, ngunit hindi tumitingin sa Banal ng Israel at hindi humahanap kay Jehova.”—Isa 31:1.
Noong panahong mahati ang kaharian. Pagkatapos na mahati ang kaharian, nagkaroon ng madalas na pagkakapootan sa pagitan ng Juda at ng Israel. (1Ha 12:19, 21) Ang kahalili ni Rehoboam na si Abias ay mayroon lamang 400,000 lalaki sa kaniyang hukbo nang umahon si Jeroboam laban sa kaniya kasama ang 800,000. Bagaman doble ang bilang ng kalaban, nagtagumpay ang timugang kaharian “sapagkat sumandig sila kay Jehova.” Namatayan naman ang Israel ng 500,000 lalaki.—2Cr 13:3-18.
Bukod sa hidwaan sa pagitan ng mga tribo, nariyan din ang pakikipag-alit ng mga bansang pagano sa palibot. Napilitan ang Israel na magpanatili ng isang permanenteng hukbo dahil sa maigting na kaugnayan nito sa Sirya sa gawing hilaga. (2Ha 13:4-7) Kinailangan din ng Juda na labanan ang pagsalakay ng mga hukbong pagano. Noong minsan, ang Ehipto ay sumalakay sa Juda at tumangay ng maraming samsam. (1Ha 14:25-27) Noong isang pagkakataon naman, ang Juda ay nilusob ng Etiopia na may isang hukbo ng 1,000,000 lalaki at 300 karo. Ang hukbo ni Haring Asa ay binubuo lamang ng 580,000, ngunit nang ‘magsimula siyang tumawag kay Jehova na kaniyang Diyos,’ “tinalo ni Jehova ang mga Etiope,” at wala ni isa man sa mga ito ang natirang buháy.—2Cr 14:8-13.
Noong isa pang pagkakataon, nang umahon ang Moab, Ammon, at ang mga Ammonim laban kay Jehosapat, bagaman ang kaniyang hukbo ay may bilang na 1,160,000, ‘itinalaga ni Jehosapat ang kaniyang mukha upang hanapin si Jehova,’ na nagbigay-katiyakan naman sa kaniya, “Ang pagbabaka ay hindi inyo, kundi sa Diyos.” (2Cr 17:12-19; 20:1-3, 15) Namumukod-tangi ang okasyong iyon sa kasaysayan ng militar, sapagkat isang koro ng sinanay na mga mang-aawit ang ‘lumabas sa unahan ng mga nasasandatahang lalaki,’ habang umaawit, “Magbigay kayo ng papuri kay Jehova.” Dahil sa kalituhan, nagpatayan ang mga hukbo ng kaaway.—2Cr 20:21-23.
Romano. Ang pagkakaorganisa ng hukbong Romano, na tinatayang may bilang na 300,000 noong panahong naghahari si Augusto, ay ibang-iba kung ihahambing sa mga hukbo ng naunang mga imperyo. Ang pangunahing bahagi ng Romanong sandatahang-lakas ay ang hukbo (sa Ingles, legion). Isa itong malaking independiyenteng yunit, isang kumpletong hukbo sa ganang sarili nito, sa halip na isang pantanging bahagi ng mas malaking puwersa. Kung minsan, magkakasamang nakikipaglaban ang mga hukbong ito, anupat pinagsasanib ang kanilang mga kagamitan at lakas sa ilalim ng isang sentral na pamunuan, gaya noong magsama-sama ang apat na hukbo sa ilalim ng pangunguna ni Tito para kubkubin ang Jerusalem noong 70 C.E. Ngunit kadalasan ay mag-isang kumikilos ang hukbo upang gampanan ang sarili nitong atas na tungkulin. Bilang pantulong sa mga miyembro ng hukbo, may auxilia na binubuo ng mga hindi mamamayan ng Roma mula sa lahat ng bahagi ng imperyo, kadalasan ay mga boluntaryo mula sa lokal na distrito. Ang mga auxiliary, na inaalalayan ng mga hukbo, ay nakahimpil sa mga hanggahan. Pagkatapos ng marangal na pamamaalam ng isa mula sa auxilia, pinagkakalooban siya ng pagkamamamayang Romano.
Nagkakaiba-iba ang bilang ng mga hukbo sa iba’t ibang panahon, mula sa 25 o mas kaunti pa rito hanggang sa mga 33. Gayundin, nagbabagu-bago ang bilang ng mga kawal na bumubuo ng hukbo, mula sa mga 4,000 hanggang sa 6,000; noong unang siglo, ang hukbo ay kadalasang may bilang na 6,000. Dahil dito, lumilitaw na ang pagkakagamit ng “hukbo” sa Kasulatan ay nangangahulugan ng isang di-matiyak at malaking bilang. (Mat 26:53; Mar 5:9; Luc 8:30) Ang bawat hukbo ay may sarili nitong kumandante, na sa emperador lamang nananagot, at sa ilalim niya ay may anim na tribune, tinatawag na mga chiliarch (mga kumandante ng militar, NW).—Mar 6:21; Ju 18:12; Gaw 21:32–23:22; 25:23; tingnan ang KUMANDANTE NG MILITAR.
Ang hukbo ay nahahati sa sampung cohort, o pangkat. Kaya naman, bumabanggit ang Kasulatan ng “pangkat na Italyano” at “pangkat ni Augusto.” (Gaw 10:1; 27:1; tingnan ang AUGUSTO, PANGKAT NI.) Nang mamatay si Herodes Agripa noong 44 C.E., may limang cohort sa Cesarea. Hinahati-hati pa ang hukbo sa 60 century, kadalasan ay tig-100 lalaki bawat isa, na nasa ilalim naman ng pangunguna ng isang senturyon (opisyal ng hukbo, NW). Naging napakahalaga ng mga opisyal na ito, palibhasa’y sila ang may pananagutang magsanay sa mga kawal. (Mat 8:5-13; 27:54; Gaw 10:1; 21:32; 22:25, 26; 23:17, 23; 24:23; 27:1, 6, 11, 31, 43; tingnan ang OPISYAL NG HUKBO.) Ang bawat hukbo ay may sampung opisyal na may pantanging ranggo na gumaganap bilang mga tagapagbantay, mga sugo, at, kung minsan, bilang mga tagapaglapat ng parusang kamatayan.—Mar 6:27.
Ang mga hukbong Romano ay may iba’t ibang estandarte at bandera na may mga larawan ng agila o ng iba pang mga hayop; nang maglaon ay idinagdag ang maliliit na estatuwa ng emperador. Ang mga bandilang ito ay may relihiyosong kahulugan, itinuring na sagrado at banal anupat sinamba pa nga ang mga ito, at iningatan kailanganin mang ibuwis ng bantay ang kaniyang buhay. Ito ang dahilan kung bakit tutol na tutol ang mga Judio na ipasok ang mga ito sa Jerusalem.
Yaong mga Kilala Bilang Unang mga Kristiyano. Tumanggi ang unang mga Kristiyano na maglingkod sa hukbong-sandatahan ng Roma, kapuwa sa mga hukbo at mga auxilia, anupat itinuring na ang gayong paglilingkod ay lubusang di-kasuwato ng mga turo ng Kristiyanismo. Sinabi ni Justin Martyr, na nabuhay noong ikalawang siglo C.E., sa kaniyang “Dialogue With Trypho, a Jew” (CX): “Sa buong daigdig, kami na lipos ng pakikipagdigma, at pagpapatayan, at bawat kabalakyutan, ay pawang nagbago ng aming mga sandatang pandigma,—ang aming mga tabak tungo sa mga sudsod, at ang aming mga sibat tungo sa mga kagamitang pambungkal.” (The Ante-Nicene Fathers, Tomo I, p. 254) Sa kaniyang akdang “The Chaplet, or De Corona” (XI), nang tinatalakay ni Tertullian (noong mga 200 C.E.) “kung wasto bang makipagdigma ang mga Kristiyano,” nangatuwiran siya mula sa Kasulatan na kahit ang buhay-militar ay labag sa kautusan, anupat nagtapos siya, “itinatakwil ko mula sa amin ang buhay-militar.”—The Ante-Nicene Fathers, 1957, Tomo III, p. 99, 100.
“Ipinakikita ng isang maingat na pag-aaral sa lahat ng makukuhang impormasyon na hanggang noong panahon ni Marcus Aurelius [121-180 C.E.], walang Kristiyano ang naging kawal; at walang kawal, pagkatapos na maging Kristiyano, ang nanatili sa paglilingkod militar.” (The Rise of Christianity, ni E. W. Barnes, 1947, p. 333) “Makikita sa kasalukuyan na halos walang katibayan na nagkaroon ng isang kawal na Kristiyano sa pagitan ng 60 at mga 165 A.D.; . . . kahit man lamang hanggang noong paghahari ni Marcus Aurelius, walang Kristiyano ang naghangad na maging kawal pagkatapos niyang mabautismuhan.” (The Early Church and the World, ni C. J. Cadoux, 1955, p. 275, 276) “Noong ikalawang siglo, pinagtibay ng Kristiyanismo . . . na ang paglilingkod militar ay hindi kasuwato ng Kristiyanismo.” (A Short History of Rome, nina G. Ferrero at C. Barbagallo, 1919, p. 382) “Ang paggawi ng mga Kristiyano ay ibang-iba sa paggawi ng mga Romano. . . . Yamang kapayapaan ang ipinangaral ni Kristo, tumanggi silang maging mga kawal.” (Our World Through the Ages, nina N. Platt at M. J. Drummond, 1961, p. 125) “Iniisip ng unang mga Kristiyano na mali ang makipaglaban, at ayaw nilang maglingkod sa hukbo kahit noong mangailangan ng mga kawal ang Imperyo.” (The New World’s Foundations in the Old, nina R. at W. M. West, 1929, p. 131) “Ang mga Kristiyano . . . ay umiwas sa panunungkulan sa pamahalaan at paglilingkod militar.” (Editoryal na introduksiyon sa “Persecution of the Christians in Gaul, A.D. 177,” sa The Great Events by Famous Historians, inedit ni R. Johnson, 1905, Tomo III, p. 246) “Bagaman binigyang-diin nila [ng mga Kristiyano] ang mga simulain ng walang-tutol na pagsunod, tumanggi silang magkaroon ng anumang aktibong bahagi sa pangangasiwang sibil o sa depensa militar ng imperyo. . . . Imposibleng magampanan ng mga Kristiyano ang papel ng mga kawal, mga mahistrado, o mga prinsipe nang hindi tinatalikuran ang isang mas sagradong tungkulin.”—The Decline and Fall of the Roman Empire, ni Edward Gibbon, Tomo I, p. 416.
Makalangit. Ang makalangit na mga hukbo, bilang isang lubhang organisadong karamihan, ay hindi lamang tumutukoy sa pisikal na mga bituin kundi mas malimit na tumutukoy sa makapangyarihang mga hukbo ng anghelikong mga espiritung nilalang na nasa ilalim ng kataas-taasang pamumuno ng Diyos na Jehova. (Gen 2:1; Ne 9:6) Ang pananalitang “Jehova ng mga hukbo” ay lumilitaw nang 283 beses sa Hebreong Kasulatan, ang una ay nasa 1 Samuel 1:3, at ang dalawang katumbas nito ay nasa Griegong Kasulatan. (Ro 9:29; San 5:4; tingnan ang JEHOVA NG MGA HUKBO.) Kapag tinutukoy ang mga anghelikong mandirigma, ginagamit ang mga terminong pangmilitar na gaya ng “hukbo,” “mga pandigmang karo,” “mga mangangabayo,” at iba pa. (2Ha 2:11, 12; 6:17; Mat 26:53) Ang kampo ng di-nakikitang mga hukbo ni Jehova ay may “sampu-sampung libo, libu-libong paulit-ulit pa” na mga karong pandigma. (Aw 68:17) Bilang isang hukbong pandigma ay hindi sila malulupig. Ang “prinsipe ng hukbo ni Jehova” na may hugót na tabak ay nagpakita kay Josue at nagbigay ng mga tagubilin kung paano bibihagin ang Jerico. (Jos 5:13-15) Isang anghel naman mula sa makalangit na mga hukbong ito ang pumatay sa 185,000 Asiryano sa isang gabi. (2Ha 19:35) Nang sumiklab ang digmaan sa langit, inihagis ni Miguel at ng kaniyang mga anghel si Satanas at ang mga demonyo nito sa kapaligiran ng lupa. (Apo 12:7-9, 12) Karagdagan pa, imposibleng makatakas kapag “ang mga hukbo na nasa langit” ay sumunod sa “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon” habang pinupuksa niya “ang mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo.” (Apo 19:14, 16, 19, 21) Ngunit kasabay nito, ipagsasanggalang ng makapangyarihan at di-nakikitang hukbo ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod sa lupa.—2Ha 6:17; Aw 34:7; 91:11; Dan 6:22; Mat 18:10; Gaw 12:7-10; Heb 1:13, 14.
Tingnan din ang ARMAS, BALUTI; DIGMAAN; KAWAL.