SAMPUNG SALITA
Ang saling ito ng pananalitang Hebreo na ʽaseʹreth had·deva·rimʹ, masusumpungan lamang sa Pentateuch, ay tumutukoy sa sampung saligang kautusan ng tipang Kautusan; karaniwan itong tinatawag na Sampung Utos. (Exo 34:28; Deu 4:13; 10:4) Ang pantanging kodigong ito ng mga kautusan ay tinutukoy rin bilang ang ‘mga Salita’ (Deu 5:22) at bilang ang “mga salita ng tipan.” (Exo 34:28) Ang Griegong Septuagint (Exo 34:28; Deu 10:4) ay kababasahan naman ng deʹka (sampu) loʹgous (mga salita), anupat mula sa kombinasyong ito hinalaw ang salitang “Dekalogo.”
Ang Pinagmulan ng mga Tapyas. Ang Sampung Salita ay unang ibinigay nang bibigan sa Bundok Sinai sa pamamagitan ng anghel ni Jehova. (Exo 20:1; 31:18; Deu 5:22; 9:10; Gaw 7:38, 53; tingnan din ang Gal 3:19; Heb 2:2.) Pagkatapos, umakyat si Moises sa bundok upang tanggapin ang Sampung Salita na isinulat sa dalawang tapyas na bato, pati na ang iba pang mga utos at mga tagubilin. Sa panahon ng matagal niyang pamamalagi sa bundok nang 40 araw, ang bayan ay nabalisa at gumawa ng isang binubong guya upang sambahin. Habang pababa ng bundok, nakita ni Moises ang tagpong ito ng idolatriya at kaniyang inihagis “ang mga tapyas [na] gawa ng Diyos,” ang mismong mga tapyas na pinagsulatan ng Sampung Salita, at binasag niya ang mga iyon.—Exo 24:12; 31:18–32:19; Deu 9:8-17; ihambing ang Luc 11:20.
Nang maglaon ay sinabi ni Jehova kay Moises: “Umukit ka para sa iyo ng dalawang tapyas ng bato na tulad ng mga nauna, at isusulat ko sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas, na iyong binasag.” (Exo 34:1-4) Kaya naman, pagkaraan niyang muling gumugol ng 40 araw sa bundok, isang kopya ng Sampung Salita ang tinanggap ni Moises. Iningatan ni Moises ang mga ito sa isang kaban na yari sa kahoy ng akasya. (Deu 10:1-5) Ang dalawang tapyas ay tinawag na “mga tapyas ng tipan.” (Deu 9:9, 11, 15) Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit ang kaban na kinalupkupan ng ginto at ginawa ni Bezalel noong dakong huli, kung saan iningatan ang mga tapyas noong maglaon, ay tinawag na “kaban ng tipan.” (Jos 3:6, 11; 8:33; Huk 20:27; Heb 9:4) Ang mga batas na ito ng Sampung Salita ay tinawag ding “ang patotoo” (Exo 25:16, 21; 40:20) at ang ‘mga tapyas ng Patotoo’ (Exo 31:18; 34:29), anupat dito nanggaling ang mga pananalitang “ang kaban ng patotoo” (Exo 25:22; Bil 4:5), at gayundin “ang tabernakulo ng Patotoo,” samakatuwid nga, ang tolda na kinalalagyan ng Kaban.—Exo 38:21.
May kinalaman sa unang pares ng mga tapyas, sinasabing ang mga ito ay hindi lamang ginawa ni Jehova kundi “sinulatan [din] ng daliri ng Diyos,” maliwanag na tumutukoy sa espiritu ng Diyos. (Exo 31:18; Deu 4:13; 5:22; 9:10) Sa katulad na paraan, bagaman si Moises ang umukit ng ikalawang pares ng mga tapyas, si Jehova ang sumulat sa mga iyon. Sa Exodo 34:27, nang sabihan si Moises, “Isulat mo sa ganang iyo ang mga salitang ito,” hindi ang mismong Sampung Salita ang tinutukoy, kundi, sa halip, gaya noong isang pagkakataon bago nito (Exo 24:3, 4), isusulat niya ang ilan sa iba pang mga detalye may kinalaman sa mga tuntunin ng tipan. Kaya sa Exodo 34:28b, ang panghalip na “niya” ay tumutukoy kay Jehova nang sabihin nito: “At isinulat niya [ni Jehova, hindi ni Moises] sa mga tapyas ang mga salita ng tipan, ang Sampung Salita.” Ipinakikita ng talata 1 na ganito nga ang nangyari. Nang maglaon, noong inaalaala ni Moises ang mga pangyayaring ito, pinatotohanan niya na si Jehova ang gumawa ng kopya ng mga tapyas.—Deu 10:1-4.
Ang Nilalaman ng mga Utos. Ang introduksiyon sa Sampung Salitang ito ay isang tuwirang pananalita na nasa unang panauhan: “Ako ay si Jehova na iyong Diyos, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng mga alipin.” (Exo 20:2) Hindi lamang nito sinasabi kung sino ang nagsasalita at kung sino ang kinakausap kundi ipinakikita rin nito kung bakit noong panahong iyon pantanging ibinigay sa mga Judio ang Dekalogo. Hindi iyon ibinigay kay Abraham.—Deu 5:2, 3.
Ang unang utos, “Huwag kang magkakaroon ng iba pang mga diyos laban sa aking mukha,” ay naglalagay kay Jehova sa pangunahing dako. (Exo 20:3) Kasangkot dito ang kaniyang matayog na katungkulan at natatanging posisyon bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Kataas-taasan, ang Kataas-taasang Soberano. Ipinahiwatig ng utos na ito na hindi dapat magkaroon ang mga Israelita ng iba pang mga diyos na magiging kaagaw ni Jehova.
Ang ikalawang utos ay makatuwiran lamang na maging kasunod ng una yamang ipinagbawal nito ang anumang uri o anyo ng idolatriya bilang tahasang paghamak sa kaluwalhatian at Persona ni Jehova. ‘Huwag kang gagawa ng inukit na imahen o ng anyo na tulad ng anumang nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig sa ilalim ng lupa, ni yuyukuran mo man o paglilingkuran ang mga iyon.’ Ang pagbabawal na ito ay idiniriin ng ganitong kapahayagan: “Sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.”—Exo 20:4-6.
Ang ikatlong utos, na nasa wasto at lohikal na dako sa pagkakasunud-sunod, ay nagpahayag: “Huwag mong gagamitin ang pangalan ni Jehova na iyong Diyos sa walang-kabuluhang paraan.” (Exo 20:7) Kasuwato ito ng importansiyang iniuukol sa pangalan ni Jehova sa buong Hebreong Kasulatan (6,979 na ulit sa NW; tingnan ang JEHOVA [Kahalagahan ng Pangalan ng Diyos]). Maging sa ilang talata pa lamang na ito ng Sampung Salita (Exo 20:2-17), walong ulit nang lumilitaw ang pangalang iyon. Ang pariralang ‘huwag gamitin’ ay may diwa na “huwag bigkasin” o “huwag sambitin (dalhin).” Ang paggamit sa pangalan ng Diyos sa “walang-kabuluhang paraan” ay nangangahulugang pagsambit sa pangalang iyon ukol sa kabulaanan, o “nang walang katuturan.” (Bibliya ng Sambayanang Pilipino) Ang mga Israelita na nagkapribilehiyong magtaglay ng pangalan ni Jehova bilang kaniyang mga saksi at nag-apostata nang dakong huli ay, sa diwa, gumamit at nagdala sa pangalan ni Jehova sa walang-kabuluhang paraan.—Isa 43:10; Eze 36:20, 21.
Ang ikaapat na utos ay nagsabi: “Bilang pag-alaala sa araw ng sabbath upang ituring itong sagrado, ikaw ay maglilingkod at gagawin mo ang lahat ng iyong gawain sa anim na araw. Ngunit ang ikapitong araw ay sabbath kay Jehova na iyong Diyos. Huwag kang gagawa ng anumang gawain, ikaw ni ang iyong anak na lalaki man ni ang iyong anak na babae, ang iyong aliping lalaki ni ang iyong aliping babae ni ang iyong alagang hayop ni ang iyong naninirahang dayuhan na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan.” (Exo 20:8-10) Kung ituturing nila ang araw na ito bilang banal kay Jehova, ang lahat, pati mga alipin at mga alagang hayop, ay makikinabang sa nakarerepreskong kapahingahan. Naglaan din ng pagkakataon ang araw ng Sabbath upang makapagbuhos sila ng pansin sa espirituwal na mga bagay nang walang abala.
Ang ikalimang utos, “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina,” ay maaaring malasin bilang nag-uugnay sa unang apat na utos, na nagtatakda sa mga tungkulin ng tao sa Diyos, at sa nalalabing mga utos, na nagsasaad naman ng mga katungkulan ng tao sa kaniyang mga kapuwa nilalang. Yamang ang mga magulang ay nagsisilbing mga kinatawan ng Diyos, kung tutuparin ng isa ang ikalimang utos, pinararangalan at sinusunod niya kapuwa ang Maylalang at ang mga nilalang na pinagkalooban ng Diyos ng awtoridad. Sa sampung utos, ito lamang ang nilakipan ng pangako: “upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.”—Exo 20:12; Deu 5:16; Efe 6:2, 3.
Ang sumunod na mga utos sa kodigo ay maikli at tuwiran: ang ikaanim, “Huwag kang papaslang”; ang ikapito, “Huwag kang mangangalunya”; ang ikawalo, “Huwag kang magnanakaw.” (Exo 20:13-15) Ganito ang pagkakasunud-sunod ng pagkakatala ng mga kautusang ito sa tekstong Masoretiko—mula sa mga kautusan na may kinalaman sa mga krimen na nagdudulot ng pinakamalaking pinsala sa kapuwa hanggang sa kautusan na may kinalaman sa mga krimen na nagdudulot ng pinakamaliit na pinsala. Sa ilang manuskritong Griego (Codex Alexandrinus, Codex Ambrosianus), ang pagkakasunud-sunod ay ‘pagpaslang, pagnanakaw, pangangalunya’; ang kay Philo (The Decalogue, XII, 51) ay “pangangalunya, pagpaslang, pagnanakaw”; sa Codex Vaticanus naman, ‘pangangalunya, pagnanakaw, pagpaslang.’ Pagkatapos ng mga gawang ito, pinagtuunan naman ng pansin ang mga salita, anupat sinasabi ng ikasiyam: “Huwag kang magpapatotoo nang may kabulaanan bilang saksi laban sa iyong kapuwa.”—Exo 20:16.
Ang ikasampung utos (Exo 20:17) ay natatangi sapagkat ipinagbawal nito ang kaimbutan, samakatuwid nga, ang maling pagnanasa sa ari-arian at mga pag-aari ng kapuwa, pati na sa asawa nito. Walang mga taong mambabatas ang nagpasimula ng gayong kautusan, sapagkat, ang totoo, hindi ito posibleng maipatupad ng mga tao. Sa kabilang dako naman, sa pamamagitan ng ikasampung utos na ito, ang bawat isa ay tuwirang pinapanagot ni Jehova sa Kaniya bilang ang isa na nakakakita at nakababatid sa lahat ng lihim na kaisipan ng puso ng isang tao.—1Sa 16:7; Kaw 21:2; Jer 17:10.
Iba Pang mga Pagkakatala ng mga Kautusang Ito. Ang nabanggit na paghahati-hati ng Sampung Utos gaya ng masusumpungan sa Exodo 20:2-17 ay lohikal. Kapareho ito niyaong ibinigay ni Josephus, isang Judiong istoryador na nabuhay noong unang siglo C.E. (Jewish Antiquities, III, 91, 92 [v, 5]), at ng Judiong pilosopo na si Philo, nabuhay rin noong unang siglo C.E., sa akdang The Decalogue (XII, 51). Gayunman, pinagsama ng iba, kabilang na rito si Augustine, ang dalawang kautusan laban sa mga banyagang diyos at mga imahen (Exo 20:3-6; Deu 5:7-10) upang maging isang utos, at pagkatapos, upang magkaroon ng ikasampu, hinati nila sa dalawang utos ang Exodo 20:17 (Deu 5:21), anupat ginawang ikasiyam ang utos laban sa pag-iimbot sa asawa ng isang lalaki, at ikasampu naman ang utos laban sa pag-iimbot sa kaniyang bahay, at iba pa. Sinikap ni Augustine na suportahan ang kaniyang teoretikal na paghahati-hati salig sa mas huli at katulad na pagkakatala ng Dekalogo sa Deuteronomio 5:6-21, kung saan dalawang magkaibang salitang Hebreo ang masusumpungan sa talata 21 (“Ni nanasain [anyo ng Heb. na cha·madhʹ] mo man . . . Ni may-kasakiman mo mang hahangarin [anyo ng Heb. na ʼa·wahʹ]”), sa halip na salig sa mas naunang teksto sa Exodo 20:17, kung saan iisang pandiwa (nasain) ang lumilitaw nang makalawang ulit.
May iba pang maliliit na pagkakaiba-iba ang mga pananalita ng magkatulad na pagtatala ng Sampung Utos sa Exodo at Deuteronomio, ngunit sa paanuman ay hindi nakaaapekto ang mga ito sa puwersa o sa kahulugan ng mga kautusang ito. Bagaman sa naunang talaan ay inilalahad ang Sampung Salita sa istilong pormal na hanay ng mga batas, nasa anyong pasalaysay naman ang pag-ulit dito nang maglaon, sapagkat noong pangyayaring iyon ay inuulit lamang ni Moises ang utos ng Diyos bilang paalaala. Lumilitaw din ang Sampung Salita sa iba pang mga talata sa iba namang mga anyo, yamang madalas sipiin o banggitin ang mga ito kasama ng iba pang mga tagubilin ng mga manunulat ng Bibliya kapuwa ng Hebreo at Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Exo 31:14; 34:14, 17, 21; Lev 19:3, 11, 12; Deu 4:15-19; 6:14, 15; Mat 5:27; 15:4; Luc 18:20; Ro 13:9; Efe 6:2, 3.
Ang Diyos ang nagbigay ng Sampung Salita, kaya naman isa itong sakdal na kodigo ng kautusan. Nang isang lalaking “bihasa sa Kautusan” ang magtanong kay Jesu-Kristo, “Guro, alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?”, sinipi ni Jesus ang isang utos na sa diwa ay pinakabuod ng unang apat (o posibleng ng unang lima) na kautusan ng Sampung Utos, anupat sinabi niya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” Pagkatapos ay binuod ni Jesus ang nalalabing bahagi ng Dekalogo sa iilang salita ng isa pang utos: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—Mat 22:35-40; Deu 6:5; Lev 19:18.
Ang mga Kristiyano ay Wala sa Ilalim ng Dekalogo. Ipinanganak si Jesus sa ilalim ng Kautusan, at buong-kasakdalan niya itong tinupad, anupat nang bandang huli ay ibinigay niya ang kaniyang buhay bilang pantubos para sa sangkatauhan. (Gal 4:4; 1Ju 2:2) Karagdagan pa, sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan sa pahirapang tulos, pinalaya niya yaong mga nasa ilalim ng Kautusan (kalakip ang saligang Sampung Salita o Utos) “sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa na kapalit” nila. Ang kamatayan niya ang nagsilbing paglalaan upang ‘mapawi ang sulat-kamay na dokumento,’ anupat ipinako ito sa pahirapang tulos.—Gal 3:13; Col 2:13, 14.
Gayunpaman, mahalagang pag-aralan ng mga Kristiyano ang Kautusan lakip na ang Sampung Salita nito, sapagkat isinisiwalat nito ang pangmalas ng Diyos sa mga bagay-bagay, at mayroon itong “anino ng mabubuting bagay na darating,” ng katunayan na nasa Kristo. (Heb 10:1; Col 2:17; Gal 6:2) Ang mga Kristiyano ay ‘hindi walang kautusan sa Diyos kundi nasa ilalim ng kautusan kay Kristo.’ (1Co 9:21) Ngunit hindi sila hinahatulan ng kautusang iyon bilang mga makasalanan, sapagkat ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay naglalaan ng kapatawaran para sa kanilang mga kamalian na bunga ng kahinaan ng laman.—Ro 3:23, 24.