KABAYARAN
[sa Ingles, compensation].
Isang bagay na ibinibigay o tinatanggap katumbas o kapalit ng mga serbisyo, kalugihan, o pinsala. Ang pandiwang Hebreo na isinasalin bilang “magbayad” (sha·lemʹ; sa Ingles, make compensation) ay nauugnay sa sha·lohmʹ, nangangahulugang “kapayapaan.” (Exo 21:36; 1Ha 5:12) Sa gayon, ang pandiwang ito ay nagpapahiwatig ng pagpapanumbalik ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagbabayad o ng pagsasauli. Sa ilalim ng Kautusang ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni Moises, hinihingan ng kabayaran ang pinsala o kalugihan sa anumang larangan ng ugnayan ng mga tao. Kailangan ding bayaran ang pagtatrabaho o mga serbisyo. Ang kabayaran ng mga upahang trabahador, Israelita man, naninirahang dayuhan, o iba pa, ay dapat ibigay sa mismong araw na ipinagtrabaho nila.—Lev 19:13; Deu 24:14, 15.
Mga Pinsala sa mga Tao. Kung mapinsala ng isang tao ang kaniyang kapuwa dahil nasaktan niya ito samantalang nag-aaway sila, kailangan siyang magbigay ng kabayaran sa taong napinsala para sa panahong nawala rito sa pagtatrabaho, hanggang sa lubusan itong gumaling.—Exo 21:18, 19.
Kung sa pag-aaway ng mga tao, isang babaing nagdadalang-tao ang mapinsala o “lumabas” ang (mga) anak nito, ngunit walang nangyaring nakamamatay na sakuna, sisingilin ng may-ari ng babae ng bayad-pinsala ang taong nagkasala. (Sakaling napakalaki ng hinihingi ng asawang lalaki, ang mga hukom ang magtatakda ng halagang babayaran.)—Exo 21:22.
Kung ang isang toro ay may ugaling manuwag at binabalaan na ang may-ari nito tungkol sa bagay na iyon ngunit hindi niya binantayan ang hayop, kung magkagayon, sakaling manuwag ito ng isang alipin at mamatay iyon, ang panginoon ng alipin ay tatanggap ng kabayarang 30 siklo ($66) mula sa may-ari ng toro. Ayon sa mga Judiong komentarista, kapit ito sa mga aliping banyaga, hindi sa mga Hebreo. Kung ang toro ay nanuwag ng isang malayang tao, dapat mamatay ang may-ari nito. Gayunman, kung sa pangmalas ng mga hukom, ang mga kalagayan o ang iba pang mga salik ay nagpapahintulot ng isang mas magaan na parusa, isang pantubos ang maaaring ipataw sa kaniya. Sa gayong kaso, kailangang bayaran ng may-ari ng nanuwag na toro ang anumang halagang ipapataw ng mga hukom. Bukod pa rito, mawawala sa may-ari ang torong iyon yamang babatuhin iyon hanggang sa mamatay. Hindi maaaring kainin ang karne niyaon. (Exo 21:28-32) Maliwanag na kapit din noon ang kautusang ito sa iba pang hayop na maaaring makapatay.
Kung dinaya ng isang lalaki ang isang dalaga na hindi pa naipakikipagtipan upang masipingan ito, kailangan niya itong kunin bilang kaniyang asawa; kahit tahasang tumanggi ang ama ng babae na ibigay ito sa kaniya, kailangan niyang magbayad sa ama nito ng halagang pambili na kapalit ng mga dalaga (50 siklo; $110), ang karaniwang dote, sapagkat dapat bayaran ang bumabang halaga nito bilang isang babaing pakakasalan.—Exo 22:16, 17; Deu 22:28, 29.
Paninirang-Puri. Kung may-kabulaanang pinaratangan ng isang lalaki ang kaniyang asawa na mapanlinlang itong nag-angking dalaga o birhen noong panahong ikasal sila, kailangan niyang bayaran ang ama ng babae ng doble ng halaga na kapalit ng mga dalaga (2 × 50 siklo; $220) dahil nagdala siya ng masamang pangalan laban sa isang dalaga ng Israel.—Deu 22:13-19.
May nasasangkot ding isang uri ng kabayaran kapag may-kabulaanan namang pinaratangan ng kawalang-katapatan ng isang lalaki ang kaniyang asawa. Kung totoo ang paratang, daranas ang babae ng panghihina ng kaniyang mga sangkap sa pag-aanak, anupat hindi na siya magkakapribilehiyong magkaanak, samantalang kung masumpungan siyang walang-sala, kailangang pangyarihin ng kaniyang asawa na magdalang-tao siya. Sa gayon ay maaari siyang pagpalaing magkaroon ng anak.—Bil 5:11-15, 22, 28.
Pagnanakaw. Nakahadlang sa pagnanakaw ang Kautusan. Kung tungkol sa isang magnanakaw, iyon ay kababasahan: “Siya ay magbabayad nang walang pagsala. Kung siya ay walang-wala, ipagbibili nga siya kapalit ng mga bagay na ninakaw niya. Kung walang alinlangang masumpungan sa kaniyang kamay ang ninakaw, toro man o asno o tupa, na buháy, siya ay magbabayad ng doble.” Kapit din ito sa salapi o sa iba pang kagamitan at hayop na ninakaw. Kung pinatay ng magnanakaw ang hayop na ninakaw o ipinagbili niya ito, mas malaking kabayaran ang ibibigay niya, samakatuwid nga, lima mula sa bakahan para sa isang toro, at apat mula sa kawan para naman sa isang tupa. (Exo 22:1, 3, 4, 7) Dahil sa kautusang ito, naipagsasanggalang at nababayaran noon ang biktima at napipilitang magtrabaho ang magnanakaw upang makabayad sa kaniyang krimen, sa halip na umupo lamang siya sa loob ng piitan at maging isang pinansiyal na pasanin ng komunidad samantalang hindi nababayaran ang biktima sa nawala sa kaniya.
Mga Pinsala at Bayad-Pinsala sa mga Ari-arian. Kung mapatay ng isang tao ang alagang hayop ng kaniyang kapuwa, kailangang bayaran niya iyon. (Lev 24:18, 21) Kapag napatay ng isang toro ang isa pang toro, ang buháy na hayop ay ipagbibili, at kapuwa ang halaga nito at ng patay na hayop ay hahatiin nang pantay sa mga may-ari ng mga ito. Gayunman, kung kilala nang mabangis ang torong iyon, babayaran ng may-ari nito ang may-ari ng napatay na toro anupat bibigyan niya ito ng isang buháy na toro at mapapasakaniya naman ang patay na toro, na higit na mas mababa ang halaga.—Exo 21:35, 36.
Ang pinakamainam ng sariling bukid o ubasan ng isang tao ang dapat ibigay na kabayaran sa pinsalang ginawa ng isang hayop na pumasok at nanginain sa bukid ng iba. Kapag nagpaningas ng apoy ang isang tao at kumalat ito sa bukid ng iba anupat naging sanhi ng pinsala, dapat bayaran ang may-ari ng katumbas ng nasunog. Mas mabigat ang hatol sa pinsalang ginawa ng hayop na pumasok sa bukid ng iba dahil mas madaling kontrolin ang mga hayop kaysa sa apoy, gayundin dahil di-makatuwirang nakinabang ang nanginaing hayop gaya ng isang magnanakaw; kaya naman, higit kaysa sa katumbas na kabayaran lamang ng nawala ang dapat ibigay.—Exo 22:5, 6.
Mga Ipinagkatiwala. Kapag may mga bagay o mga pag-aaring iniwan sa isang tao upang ingatan at nanakaw ang mga ito sa panahong iyon, ang magnanakaw, kung masumpungan, ay magbabayad ng doble gaya ng karaniwang ipinapataw. Ang salapi at mga kagamitang iniwan sa isang tao ay hindi naman kailangang pakaingatan nang husto ngunit dapat ilagay ang mga ito sa isang ligtas na dako. Sa kaso ng pag-iingat ng alagang hayop para sa ibang tao, dapat alagaan ng tagapag-ingat ang hayop na iyon, gaya ng ginagawa niya sa sarili niyang kawan. Kadalasan ang gayong mga tagapag-ingat ay binabayaran para sa pagkaing kailangan ng mga hayop, at kung minsan, malamang na binabayaran din sila para sa pagod nila sa pag-iingat sa mga hayop. Kapag basta na lamang namatay ang isang hayop, o nilapa iyon ng isang mabangis na hayop, o tinangay ng pangkat ng mandarambong, hindi dapat sisihin ang tagapag-ingat. Hindi niya kontrolado ang pagkawalang ito. Maaari itong mangyari sa sarili niyang mga alagang hayop, ngunit kung iyon ay nanakaw (ng isang tao na maaari sanang napigilan ng tagapag-ingat, o dahil sa kapabayaan niya), may pananagutan ang tagapag-ingat at dapat siyang magbayad.—Exo 22:7-13; tingnan ang Gen 31:38-42.
Kung humiram ang isang tao ng isang hayop sa kaniyang kapuwa para sa pansarili niyang gamit, magbabayad siya para sa anumang pinsalang nangyari. (Exo 22:14) Kung ang may-ari ay kasama ng hayop, hindi kailangang magbigay ng anumang kabayaran, salig sa simulaing babantayan ng indibiduwal ang sarili niyang pag-aari. Kung ang hayop ay upahan, ang may-ari nito ang aako sa kalugihan sapagkat kapag itinatakda ang halaga ng pagpapaupa, karaniwan nang isinasaalang-alang kung magkano ang posibleng malugi sa isa.—Exo 22:15.
Tingnan din ang UPA, KABAYARAN.