PATUBO, INTERES
Ang patubo o interes ay ang halaga na ibinabayad ng isang may utang para sa paggamit niyaong hiniram niya.
Noon pa mang ikalawang milenyo B.C.E., mayroon nang napakaunlad na sistema ng pagpapautang ang Babilonya. Sa Kodigo ni Hammurabi, binabanggit ang 20-porsiyentong halaga ng patubo sa salapi at mga butil, at itinatakda nito na kung mas mataas pa roon ang sisingilin ng isang mangangalakal, maiwawala niya ang halagang ipinahiram niya. Sa kabaligtaran, ipinagbawal ng kautusan ng Diyos sa Israel ang pagpapautang nang may patubo sa mga kapuwa Israelita na nagdarahop. Hindi dapat makinabang ang sinuman mula sa paghihirap ng iba sa pananalapi. (Exo 22:25; Lev 25:36, 37; Deu 23:19) At sinasabi ng Kawikaan 28:8 na ang kayamanang natamo mula sa interes na siningil sa maling paraan ay magiging pag-aari ng “isa na nagpapakita ng lingap sa mga maralita.”
Gayunman, ang mga Israelita ay maaaring sumingil ng patubo mula sa mga banyaga. (Deu 23:20) Inuunawa ng mga Judiong komentarista na kumakapit ito, hindi sa mga kaso ng pagdarahop, kundi sa mga pautang para sa negosyo. (The Pentateuch and Haftorahs, inedit ni J. H. Hertz, London, 1972, p. 849) Karaniwan na, pansamantala lamang ang pananatili sa Israel ng mga banyaga, kadalasa’y bilang mga mangangalakal, at makatuwirang asahan na magbabayad sila ng patubo, lalo na’t may patubo rin ang pagpapahiram nila sa iba.
Bagaman sinunod ng matuwid na mga Israelita ang kautusan ng Diyos tungkol sa pagpapautang nang walang patubo (Aw 15:5; Eze 18:5, 8, 17), lumilitaw na naging pangkaraniwan ang pagpapahiram na may patubo at nagdulot ito ng paghihirap sa mga nagdarahop na may utang. (Ne 5:1-11; Isa 24:2; Eze 18:13; 22:12) Gayunman, itinaguyod ni Jesu-Kristo ang kautusan ng Diyos sa bagay na ito at binigyan pa nga niya ito ng mas malawak na pagkakapit, sa pagsasabing: “Patuloy na . . . magpahiram nang walang patubo, na hindi umaasa ng anumang kapalit.” (Luc 6:34, 35) Samakatuwid, magiging mali na pagkaitan ng tulong ang isang tao dahil sa pangambang hindi siya makabayad ng utang bunga ng kaniyang patuloy na kahirapan, bagaman hindi niya iyon kasalanan. Ngunit kung ang pautang ay hindi naman gagamitin upang maibsan ang karalitaan, walang masama kung sumingil ng patubo ang isang tao. Ipinahiwatig mismo ni Jesus na wastong tumanggap ng patubo mula sa ipinuhunang kapital nang sabihin niya na ang balakyot na alipin sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon ay hinatulan dahil hindi nito inilagak ang salapi ng panginoon nito sa mga bangkero upang kumita iyon ng patubo.—Mat 25:26, 27; Luc 19:22, 23.