KERUBIN
Anghelikong nilalang na may mataas na ranggo, pantanging mga tungkulin, at naiiba sa mga serapin. Sa Bibliya, ang una sa 92 pagbanggit sa kanila ay nasa Genesis 3:24. Doon, sinasabi na matapos palayasin ng Diyos sina Adan at Eva mula sa Eden, naglagay siya ng mga kerubin (sa Heb., keru·vimʹ) sa S pasukan at ng nagliliyab na talim ng tabak “upang bantayan ang daan patungo sa punungkahoy ng buhay.” Hindi sinasabi kung ilan ang eksaktong bilang ng mga kerubing inilagay roon.
Kasama sa mga dekorasyon ng tabernakulong itinayo sa ilang ang mga disenyong kerubin. Dalawang kerubin na yari sa pinukpok na ginto ang nasa ibabaw ng magkabilang dulo ng takip ng Kaban. Ang mga ito ay magkaharap at nakayukod sa takip at parang sumasamba. Bawat isa ay may dalawang pakpak na nakaunat nang paitaas at nakalilim sa takip na para bang binabantayan at pinoprotektahan ito. (Exo 25:10-21; 37:7-9) Mayroon ding ibinurdang mga pigura ng mga kerubin sa mga telang pantolda na nagsisilbing panloob na pantakip ng tabernakulo, at sa kurtinang partisyon sa pagitan ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan.—Exo 26:1, 31; 36:8, 35.
Di-tulad ng paniwala ng ilan, ang mga disenyong kerubin na ito ay hindi nakatatakot na mga pigurang kinopya sa dambuhalang may-pakpak na mga imaheng sinasamba noon ng mga bansang pagano. Ayon sa sinaunang tradisyong Judio (walang sinasabi ang Bibliya tungkol dito), ang mga kerubing ito ay may anyong tao. Ang mga ito’y mahuhusay na mga likhang-sining, na naglalarawan sa mga anghelikong nilalang na may maluwalhating kagandahan, at ang bawat detalye ng mga ito ay ginawa “ayon sa . . . parisan” na tinanggap ni Moises mula kay Jehova mismo. (Exo 25:9) Inilalarawan ng apostol na si Pablo ang mga ito bilang “maluwalhating mga kerubin na lumililim sa panakip na pampalubag-loob.” (Heb 9:5) Ang mga kerubing ito’y iniugnay sa presensiya ni Jehova: “At doon ako haharap sa iyo at magsasalita ako sa iyo mula sa ibabaw ng takip, mula sa pagitan ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo.” (Exo 25:22; Bil 7:89) Kaya naman sinasabing si Jehova ay “nakaupo sa [o, sa pagitan ng] mga kerubin.” (1Sa 4:4; 2Sa 6:2; 2Ha 19:15; 1Cr 13:6; Aw 80:1; 99:1; Isa 37:16) Sa makasagisag na paraan, ang mga kerubin ay nagsilbing “kawangis ng karo” na sinasakyan ni Jehova (1Cr 28:18), at ang mga pakpak ng mga kerubin ay naglalaan ng proteksiyon at mabilis na paglalakbay. Kaya naman, sa matulaing awit, inilarawan ni David kung gaano kabilis siya sinaklolohan ni Jehova, na gaya ng isa na ‘dumating na nakasakay sa isang kerubin at dumating na lumilipad’ at “nasa mga pakpak ng isang espiritu.”—2Sa 22:11; Aw 18:10.
Ayon sa detalyadong mga arkitektural na plano ng maringal na templo ni Solomon, dalawang pagkalaki-laking kerubin ang dapat ilagay sa Kabanal-banalan. Ang mga ito’y gawa sa kahoy ng punong-langis na kinalupkupan ng ginto, at bawat isa ay may taas na sampung siko (4.5 m; 14.6 piye). Ang mga ito’y nasa bandang gitna ng silid at parehong nakaharap sa S, ang isa ay nakatayo sa H at ang isa naman ay nasa T. Bagaman sampung siko ang layo nila sa isa’t isa, ang tig-isang dulo ng kanilang nakaunat na mga pakpak ay nagpapang-abot sa gitna ng silid, at ang mga pakpak na iyon ay lumililim sa kaban ng tipan at sa mga pingga nito, na nasa ibaba. Ang kabilang pakpak ng isang kerubin ay umaabot sa pader sa H at ang kabilang pakpak naman ng isa pa ay umaabot sa pader sa T. Sa gayon, okupado ng nakaunat na mga pakpak ng mga kerubin ang buong 20-sikong lapad ng silid. (Tingnan ang TEMPLO.) Mayroon ding nililok na inukit na mga kerubing kinalupkupan ng ginto sa dekorasyon ng mga pader at mga pinto ng templo. Napapalamutian din ng mga kerubin ang mga gilid ng mga tansong karwahe para sa tubig. (1Ha 6:23-35; 7:29-36; 8:6, 7; 1Cr 28:18; 2Cr 3:7, 10-14; 5:7, 8) Gayundin, may mga nakaukit na kerubing nakapalamuti sa mga pader at mga pinto ng templong nakita ni Ezekiel sa pangitain.—Eze 41:17-20, 23-25.
Naglahad din si Ezekiel ng ilang pangitain kung saan nakakita siya ng makasagisag na mga kerubin na di-pangkaraniwan ang kaanyuan. Matapos niyang tukuyin ang mga ito bilang “mga nilalang na buháy” (Eze 1:5-28), ipinakilala niya ang mga ito bilang “mga kerubin.” (Eze 9:3; 10:1-22; 11:22) Sa mga pangitaing ito, ang mga kerubin ay ipinakikitang may malapit na kaugnayan sa maluwalhating persona ni Jehova at palagiang naglilingkod sa kaniya.
Sa makahulang aklat ni Ezekiel, sinabihan din siya na “magpailanlang . . . ng isang panambitan may kinalaman sa hari ng Tiro,” at doo’y tinukoy niya ang hari bilang maluwalhating kerubing tumatakip, na dati’y nasa “Eden, na hardin ng Diyos,” ngunit hinubaran ng kagandahan nito at ginawang gaya ng abo sa lupa. “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: . . . ‘Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip, at itinatag kita. Sa banal na bundok ng Diyos ay naroon ka. Sa gitna ng maaapoy na bato ay nagpalakad-lakad ka. Ikaw ay walang pagkukulang sa iyong mga lakad mula nang araw na lalangin ka hanggang sa ang kalikuan ay masumpungan sa iyo. . . . Aalisin kita bilang lapastangan mula sa bundok ng Diyos, at pupuksain kita, O kerubin na tumatakip [“O kerubing nagsasanggalang,” Vg].’”—Eze 28:11-19.