PAGBUBUWIS
Isang pagtatakda ng halaga (maaaring sa anyong salapi, mga pag-aari, o pagtatrabaho) na ipinapataw ng isang awtoridad sa mga tao o mga ari-arian. Matagal nang ginagamit ang iba’t ibang uri ng pagbubuwis upang tustusan ang mga serbisyo ng pamahalaan, ng mga pampublikong opisyal, at pati ng mga saserdote. Noong sinauna, kabilang sa mga buwis na ipinapataw ang ikapu, tributo, singil, pangulong buwis o buwis na pantao, at buwis sa mga kalakal na ibinebenta, iniluluwas, inaangkat, at mga panindang idinaraan ng mga mangangalakal sa isang bayan.
Mga Buwis Para sa Panustos ng Santuwaryo ni Jehova. Ang paglilingkod sa santuwaryo ay tinustusan sa pamamagitan ng pagbubuwis. Ang katungkulang ikapu ang pangunahing pinagmulan ng panustos para sa mga Aaronikong saserdote at mga Levita, at noong isang pagkakataon, tumanggap sila ng isang bahagi ng samsam sa digmaan alinsunod sa isang buwis na itinakda ni Jehova. (Bil 18:26-29; 31:26-47; tingnan ang IKAPU.) Tinagubilinan din ni Jehova si Moises na pagkatapos niyang kunin ang isang sensus, bawat taong nakarehistro ay magbibigay ng kalahating siklo ($1.10) bilang “abuloy kay Jehova,” anupat iyon ay para sa tolda ng kapisanan. (Exo 30:12-16) Waring naging kaugalian ng mga Judio na magbigay ng isang takdang halaga bawat taon, bagaman hindi taun-taon ang pagkuha ng sensus. Halimbawa, siningil ni Jehoas ang “sagradong buwis na itinagubilin ni Moises.” (2Cr 24:6, 9) Noon namang panahon ni Nehemias, inubliga ng mga Judio ang kanilang sarili na magbayad ng isang katlo ng isang siklo (mga 75 sentimo [U.S.]) sa taun-taon para sa paglilingkod sa templo.—Ne 10:32.
Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, nagbabayad ang mga Judio ng dalawang drakma sa templo. Nang tanungin si Pedro kung tinutupad ni Jesus ang ganitong pagbubuwis, tumugon siya ng “Oo.” Sa kalaunan, nang tinatalakay ang bagay na ito, itinawag-pansin ni Jesus na hindi naniningil ng buwis ang mga hari mula sa kanilang mga anak, yamang ang mga anak nila ay bahagi ng maharlikang sambahayan na siyang ipinangongolekta ng buwis. Gayunman, bagaman siya ang bugtong na Anak ng Isa na sinasamba sa templo, tiniyak ni Jesus na mabayaran ang buwis na iyon upang hindi magbigay ng dahilang ikatitisod ng iba.—Mat 17:24-27.
Mga Buwis na Ipinataw ng mga Tagapamahala. Nang hari na ang namamahala sa Israel, may mga buwis, kabilang na ang ikasampung bahagi ng kawan at ng ani, na ipinataw upang matustusan ang hari, ang kaniyang sambahayan, at ang iba’t ibang mga opisyal at mga lingkod ng pamahalaan. (1Sa 8:11-17; 1Ha 4:6-19) Sa pagtatapos ng paghahari ni Solomon, naging napakabigat para sa bayan ang pangangalap ukol sa puwersahang pagtatrabaho at ang pagtustos sa pamahalaan anupat hiniling nila sa anak at kahalili ni Solomon, si Rehoboam, na pagaanin ‘ang mahirap na paglilingkod at ang mabigat na pamatok.’ Dahil tumanggi si Rehoboam na gawin iyon, sampung tribo ang naghimagsik.—1Ha 12:3-19; tingnan ang PUWERSAHANG PAGTATRABAHO; SAPILITANG PAGLILINGKOD.
Nang mapasailalim sa pamumuno ng mga banyaga, kinailangan ng mga Israelita na magpasakop sa iba pang uri ng pagbubuwis. Halimbawa, nang gawing basalyo ni Paraon Necoh si Jehoiakim at magpataw siya ng mabigat na multa o tributo sa Juda, nilikom ni Jehoiakim ang kinakailangang pondo sa pamamagitan ng paniningil sa kaniyang mga sakop ng isang espesipikong halaga “ayon sa pang-indibiduwal na takdang buwis ng bawat isa.”—2Ha 23:31-35.
Noong yugtong Persiano, ang mga Judio (maliban sa mga saserdote at iba pang naglilingkod sa santuwaryo, na pinalibre ni Artajerjes Longimanus) ay kinailangang magbayad ng buwis (sa Aramaiko, mid·dahʹ o min·dahʹ), tributo (belohʹ), at singil (halakhʹ). (Ezr 4:13, 20; 7:24) Ipinapalagay na ang mid·dahʹ ay tumutukoy sa pang-indibiduwal na buwis sa mga tao; ang belohʹ, isang buwis sa mga kalakal na ginagawa, ibinebenta o kinokonsumo; at ang halakhʹ, isang singil sa mga naglalakbay kapag dumaraan sila sa mga istasyon sa daan o sa mga tawiran ng ilog. Ang mid·dahʹ (sa Ne 5:4, isinalin sa AS, KJ, NW bilang “tributo”) ay malamang na napakataas, sapagkat marami sa mga Judio ang nangailangan pang manghiram ng salapi upang mabayaran ito. Bukod sa kailangan nilang paglaanan ang mga buwis na ipinapataw ng mga Persiano, karaniwan nang kailangan ding magbayad ng mga Judio ng para sa panustos ng gobernador.—Ne 5:14, 15.
Noong unang siglo C.E., lubhang kinaiinisan ng mga Judio ang pagbabayad ng mga buwis, hindi lamang dahil sa katiwaliang laganap sa mga maniningil ng buwis kundi dahil napipilitan din silang kilalanin na sakop sila ng Roma kapag nagbabayad sila nito. (Tingnan ang MANININGIL NG BUWIS.) Gayunman, ipinakita kapuwa ni Jesu-Kristo at ng apostol na si Pablo na wastong magbayad ng mga buwis kay “Cesar,” o sa “nakatataas na mga awtoridad.” (Mat 22:17-21; Ro 13:1, 7; tingnan ang CESAR [Ang Diyos at si Cesar].) Kabilang sa iba’t ibang uri ng buwis na binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang teʹlos (isang di-tuwirang buwis, impuwesto, o tributo; Mat 17:25; Ro 13:7). May pagtukoy rin sa kenʹsos (isang pangulong buwis o buwis na pantao; Mat 17:25; 22:17, 19; Mar 12:14) at phoʹros (isang mas malawak na termino na ipinapalagay na tumutukoy sa isang buwis na ipinapataw sa mga bahay, mga lupa, at mga tao; Luc 20:22; 23:2).