KABUTIHAN
Ang katangian o kalagayan ng pagiging mabuti; kahusayan sa moral; kagalingan. Ang kabutihan ay lubus-lubusan anupat walang anumang bahid ng kasamaan o kabulukan. Isa itong positibong katangian at naipamamalas ito sa pamamagitan ng mabubuti at kapaki-pakinabang na mga gawa para sa iba. Sa Bibliya, ang pinakakaraniwang mga salita para sa “mabuti” ay ang Hebreong tohv at ang Griegong a·ga·thosʹ; ang a·ga·thosʹ ay kadalasang ginagamit sa moral o relihiyosong diwa.
Ang Kabutihan ni Jehova. Ang Diyos na Jehova ay mabuti sa lubos at sakdal na diwa. Sinasabi ng Kasulatan: “Mabuti at matuwid si Jehova” (Aw 25:8), at bumubulalas ito: “O pagkalaki ng kaniyang kabutihan!” (Zac 9:17) Bagaman taglay ni Jesu-Kristo ang katangiang ito ng kahusayan sa moral, hindi niya tinanggap ang titulong “Mabuti,” anupat sinabi niya sa isa na tumawag sa kaniya na “Mabuting Guro”: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.” (Mar 10:17, 18) Sa gayo’y kinilala niya na si Jehova ang sukdulang pamantayan ng kung ano ang mabuti.
Nang hilingin ni Moises na makita ang Kaniyang kaluwalhatian, tumugon si Jehova: “Pararaanin ko ang aking buong kabutihan sa harap ng iyong mukha, at ipahahayag ko ang pangalan ni Jehova sa harap mo.” Tinabingan ni Jehova si Moises upang huwag nitong makita ang kaniyang mukha, ngunit habang siya’y nagdaraan (maliwanag na sa pamamagitan ng kaniyang anghelikong kinatawan [Gaw 7:53]), ipinahayag niya kay Moises: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan.”—Exo 33:18, 19, 22; 34:6, 7.
Dito, makikita natin na ang kabutihan ay isang katangiang kinapapalooban ng awa, maibiging-kabaitan, at katotohanan ngunit sa anumang paraan ay hindi ito nangungunsinti o nakikipagtulungan sa kasamaan. Kaya naman makapananalangin si David kay Jehova na patawarin ang kaniyang mga kasalanan ‘alang-alang sa kabutihan ni Jehova.’ (Aw 25:7) Ang kabutihan ni Jehova, gayundin ang kaniyang pag-ibig, ay kasangkot sa pagbibigay niya ng kaniyang Anak bilang isang hain para sa mga kasalanan. Sa pamamagitan nito, inilaan niya ang paraan upang matulungan ang mga nagnanais niyaong tunay na mabuti, at kasabay nito’y hinatulan niya ang kasamaan at inilatag ang saligan upang lubusang matugunan ang katarungan at katuwiran.—Ro 3:23-26.
Isang Bunga ng Espiritu. Ang kabutihan ay isang bunga ng espiritu ng Diyos at ng liwanag mula sa kaniyang Salita ng katotohanan. (Gal 5:22; Efe 5:9) Dapat itong paunlarin ng isang Kristiyano. Malilinang ang kabutihan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ni Jehova; walang tao ang likas na nagtataglay ng kabutihan. (Ro 7:18) Ganito ang pamamanhik ng salmista sa Diyos na Bukal ng kabutihan: “Turuan mo ako ng kabutihan, ng katinuan at ng kaalaman, sapagkat nanampalataya ako sa iyong mga utos,” at, “Ikaw ay mabuti at gumagawa ng mabuti. Ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.”—Aw 119:66, 68.
Ang Kabutihan ay Nagkakaloob ng mga Pakinabang. Ang kabutihan ay maaari ring mangahulugan ng pagiging mapagbiyaya, ang pagkakaloob ng kapaki-pakinabang na mga bagay sa iba. Nais ni Jehova na magpamalas ng kabutihan sa kaniyang bayan, gaya ng ipinanalangin ng apostol na si Pablo para sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Lagi kaming nananalangin para sa inyo, na ibilang nawa kayo ng ating Diyos na karapat-dapat sa kaniyang pagtawag at isagawa nang lubusan ang lahat ng kabutihang kaniyang kinalulugdan at ang gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan.” (2Te 1:11) Maraming halimbawa na doo’y nagpamalas ang Diyos ng saganang kabutihan sa mga umaasa sa kaniya. (1Ha 8:66; Aw 31:19; Isa 63:7; Jer 31:12, 14) Karagdagan pa, “si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.” (Aw 145:9) May layunin ang pagpapakita niya ng kabutihan sa lahat, upang dahil sa kaniyang kabutihan ay marami ang maudyukang maglingkod sa kaniya at sa gayo’y magkamit sila ng buhay. Samantala, ang sinumang indibiduwal na nagpapakita ng kabutihan ay isang pagpapala sa kaniyang mga kasamahan.—Kaw 11:10.
Bilang mga lingkod ng Diyos at mga tagatulad niya, ang mga Kristiyano ay inuutusang patunayan kung ano ang mabuti at sakdal na kalooban ng Diyos para sa kanila (Ro 12:2); sila ay dapat kumapit sa mabuti (Ro 12:9), gumawa ng mabuti (Ro 2:10; 13:3), itaguyod iyon (1Te 5:15), maging masigasig para roon (1Pe 3:13), tularan ang mabuti (3Ju 11), at daigin ang masama sa pamamagitan niyaon (Ro 12:21). Lalo na silang dapat gumawa ng mabuti sa mga may kaugnayan sa kanila sa pananampalatayang Kristiyano; karagdagan pa, dapat din silang gumawa ng mabuti sa lahat ng tao.—Gal 6:10.
Isang Kaugnay na Termino. Kahawig ng salitang Griego para sa mabuti (a·ga·thosʹ) ang isa pang salita, ka·losʹ. Ang huling nabanggit ay tumutukoy roon sa likas na mabuti, maganda, nababagay sa mga kalagayan o mga layunin nito (gaya ng mainam na lupa; Mat 13:8, 23), at doon sa may mainam na uri, lakip yaong mabuti, tama, o marangal ayon sa etika (gaya ng pangalan ng Diyos; San 2:7). Ito ay may malapit na kaugnayan sa mabuti, ngunit maisasalin din bilang “mainam,” “sa mahusay na paraan,” “tama,” o “matapat.”—Mat 3:10; 1Ti 3:4; San 4:17; Heb 13:18; Ro 14:21.