Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Levitico
WALA pang isang taon nang palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Organisado na ngayon bilang isang bagong bansa, sila ay patungo na sa lupain ng Canaan. Layunin ni Jehova na manahan doon ang isang banal na bansa. Gayunman, napakasama ng paraan ng pamumuhay at ng relihiyosong mga gawain ng mga Canaanita. Kaya binigyan ng tunay na Diyos ang kongregasyon ng Israel ng mga tuntunin na magbubukod sa kanila para sa paglilingkod sa kaniya. Nakaulat ang mga ito sa aklat ng Bibliya na Levitico. Isinulat ni propeta Moises sa ilang ng Sinai, maliwanag noong 1512 B.C.E., ang aklat ay sumasaklaw sa isang buwang lunar lamang ng kasaysayan ng Israel. (Exodo 40:17; Bilang 1:1-3) Paulit-ulit na ginanyak ni Jehova ang kaniyang mga mananamba na magpakabanal.—Levitico 11:44; 19:2; 20:7, 26.
Wala na ngayon ang mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng Kautusan na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises. Pinawi ng kamatayan ni Jesu-Kristo ang Kautusang iyan. (Roma 6:14; Efeso 2:11-16) Gayunman, kapaki-pakinabang para sa atin ang mga tuntunin na nasa Levitico, anupat maraming itinuturo sa atin tungkol sa pagsamba sa ating Diyos, si Jehova.
MGA BANAL NA HANDOG—KUSANG-LOOB AT IPINAG-UUTOS
Ang ilan sa mga handog at mga hain sa Kautusan ay kusang-loob, samantalang ang iba naman ay ipinag-uutos. Halimbawa, ang handog na sinusunog ay kusang-loob. Buo itong inihahandog sa Diyos, kung paanong kusang-loob na ibinigay ni Jesu-Kristo ang kaniyang buhay bilang haing pantubos. Pinagsasaluhan ang kusang-loob na haing pansalu-salo. Ang isang bahagi nito ay inihahandog sa Diyos sa altar, ang isang bahagi ay kinakain ng saserdote, at ang isa naman ay sa tagapaghandog. Sa katulad na paraan, para sa pinahirang mga Kristiyano, ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay isang salu-salo.—1 Corinto 10:16-22.
Ipinag-uutos ang mga handog ukol sa kasalanan at mga handog ukol sa pagkakasala. Ang una ay pagbabayad-sala sa mga kasalanang di-sinasadya. Ang ikalawa ay pampalubag sa Diyos kapag may nalabag na karapatan, o kaya ay nagsasauli ng ilang karapatan sa nagsisising nagkasala—o pareho. May mga handog na mga butil din bilang pagkilala sa saganang paglalaan ni Jehova. Interesado tayo sa lahat ng bagay na ito sapagkat ang mga hain na ipinag-uutos sa ilalim ng tipang Kautusan ay umaakay ng pansin kay Jesu-Kristo at sa kaniyang hain o sa mga pakinabang na nagmumula rito.—Hebreo 8:3-6; 9:9-14; 10:5-10.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:11, 12—Bakit hindi kaayaaya kay Jehova ang pulot-pukyutan “bilang handog na pinaraan sa apoy”? Ang pulot-pukyutan na binabanggit dito ay hindi maaaring tumukoy sa pulot-pukyutan ng mga bubuyog. Bagaman hindi ipinahihintulot “bilang handog na pinaraan sa apoy,” kabilang ito sa “mga unang bunga ng . . . bunga sa bukid.” (2 Cronica 31:5) Maliwanag na ang pulot-pukyutang ito ay ang katas, o sirup, ng mga prutas. Yamang maaari itong umasim, hindi ito kaayaaya bilang handog sa altar.
2:13—Bakit kailangang ihandog ang asin kasama ng “lahat ng handog”? Hindi ito ginawa bilang pampalasa ng mga hain. Sa buong daigdig, ginagamit na preserbatibo ang asin. Malamang na inihahandog ito kasama ng mga handog sapagkat sumasagisag ito sa kawalan ng kasiraan o kabulukan.
Mga Aral Para sa Atin:
3:17. Yamang itinuturing na pinakamainam o piling-piling bahagi ang taba, ang pagbabawal sa pagkain nito ay maliwanag na nagdiin sa mga Israelita na ang pinakamainam na bahagi ay nauukol kay Jehova. (Genesis 45:18) Ipinaaalaala sa atin nito na dapat nating ibigay kay Jehova ang ating pinakamainam na maibibigay.—Kawikaan 3:9, 10; Colosas 3:23, 24.
7:26, 27. Hindi dapat kumain ng dugo ang mga Israelita. Sa paningin ng Diyos, ang dugo ay kumakatawan sa buhay. “Ang kaluluwa [buhay] ng laman ay nasa dugo,” ang sabi ng Levitico 17:11. Ipinag-uutos pa rin sa tunay na mga mananamba sa ngayon na umiwas sa dugo.—Gawa 15:28, 29.
ITINATAG ANG BANAL NA PAGKASASERDOTE
Sinu-sino ang binigyan ng pananagutang gumanap ng mga tungkuling may kinalaman sa mga hain at mga handog? Ipinagkatiwala ito sa mga saserdote. Gaya ng iniutos ng Diyos, idinaos ni Moises ang seremonya ng pagtatalaga para kay Aaron, ang mataas na saserdote, at para sa kaniyang apat na anak, na magiging katulong na mga saserdote. Maliwanag na tumagal nang pitong araw ang seremonya, at nagsimula na ang pagkasaserdote kinabukasan.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
9:9—Bakit mahalaga ang pagbubuhos ng dugo sa paanan ng altar at ang paglalagay nito sa iba’t ibang bagay? Ipinakikita nito na tinatanggap ni Jehova ang dugo bilang pambayad-sala. Ang buong kaayusan ng pagbabayad-sala ay salig sa dugo. “Halos lahat ng bagay ay nililinis ng dugo ayon sa Kautusan,” ang isinulat ni apostol Pablo, “at malibang magbuhos ng dugo ay walang kapatawarang magaganap.”—Hebreo 9:22.
10:1, 2—Ano ang maaaring sangkot sa kasalanan ng mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu? Di-nagtagal pagkatapos gumawi nang di-angkop nina Nadab at Abihu sa pagganap ng kanilang mga tungkulin bilang saserdote, ipinagbawal ni Jehova sa mga saserdote ang paggamit ng alak o nakalalangong inumin habang naglilingkod sa tabernakulo. (Levitico 10:9) Ipinahihiwatig nito na ang dalawang anak ni Aaron ay maaaring nasa ilalim ng impluwensiya ng alkohol sa pagkakataong binabanggit dito. Gayunman, ang aktuwal na dahilan ng kanilang kamatayan ay ang paghahandog nila ng “kakaibang apoy, na hindi . . . iniutos [ni Jehova] sa kanila.”
Mga Aral Para sa Atin:
10:1, 2. Dapat sumunod sa banal na mga kahilingan sa ngayon ang mga lingkod ni Jehova na may mabibigat na pananagutan. Isa pa, hindi sila dapat maging pangahas habang gumaganap ng kanilang mga pananagutan.
10:9. Hindi tayo dapat gumanap ng bigay-Diyos na mga tungkulin habang nasa ilalim ng impluwensiya ng mga inuming de-alkohol anupat lango na.
HUMIHILING NG KALINISAN ANG BANAL NA PAGSAMBA
Nakinabang ang mga Israelita sa dalawang paraan sa mga tuntunin sa pagkain na may kinalaman sa mga hayop na malilinis at marurumi. Ipinagsanggalang sila ng mga tuntuning ito mula sa mga sakit na dulot ng nakapipinsalang mga organismo at pinatibay nito ang halang sa pagitan nila at ng mga tao sa nakapalibot na mga bansa. Ang ibang mga tuntunin ay may kinalaman sa karumihan mula sa mga bangkay, pagpapadalisay ng mga babae pagkapanganak, mga hakbang na dapat gawin may kaugnayan sa ketong, at karumihan mula sa seksuwal na agas ng babae at lalaki. Ang mga saserdote ang mag-aasikaso ng mga bagay na may kinalaman sa karumihan ng mga indibiduwal.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
12:2, 5—Bakit nagiging “marumi” ang isang babae dahil sa panganganak? Ginawa ang mga sangkap sa pag-aanak upang ipasa ang sakdal na buhay-tao. Gayunman, dahil sa namanang mga epekto ng kasalanan, naipasa ang di-sakdal at makasalanang buhay sa supling. Ipinagugunita ng panandaliang mga yugto ng ‘karumihan’ na iniuugnay sa panganganak, at sa iba pang bagay, gaya ng pagreregla at paglalabas ng semilya, ang minanang pagkamakasalanang ito. (Levitico 15:16-24; Awit 51:5; Roma 5:12) Ang ipinag-uutos na mga tuntunin sa pagpapadalisay ay tutulong sa mga Israelita na maunawaan ang pangangailangang magkaroon ng haing pantubos upang matakpan ang pagkamakasalanan ng sangkatauhan at maibalik ang kasakdalan ng tao. Sa gayong paraan naging “tagapagturo [nila] na umaakay tungo kay Kristo” ang Kautusan.—Galacia 3:24.
15:16-18—Ano ang ‘inilabas na semilya’ na binabanggit sa mga talatang ito? Maliwanag na tumutukoy ito sa paglabas ng semilya sa gabi o sa pagtatalik ng mag-asawa.
Mga Aral Para sa Atin:
11:45. Ang Diyos na Jehova ay banal at humihiling na magpakabanal ang mga nag-uukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod. Dapat silang magtaguyod ng kabanalan at manatiling malinis sa pisikal at espirituwal.—2 Corinto 7:1; 1 Pedro 1:15, 16.
12:8. Pinahintulutan ni Jehova ang mga dukha na maghandog ng mga ibon sa halip na mas magastos na tupa bilang haing handog. Makonsiderasyon siya sa mga dukha.
DAPAT PANATILIHIN ANG KABANALAN
Ang pinakamahahalagang hain para sa mga kasalanan ay inihahandog sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. Inihahandog ang isang toro para sa mga saserdote at sa tribo ni Levi. Inihahain ang isang kambing para sa di-makasaserdoteng mga tribo ng Israel. Isa pang kambing ang pinakakawalan nang buháy sa ilang pagkatapos banggitin sa ibabaw nito ang mga kasalanan ng bayan. Itinuturing na iisang handog ukol sa kasalanan ang dalawang kambing. Inaakay ng lahat ng ito ang pansin sa katotohanang ihahain si Jesu-Kristo at mag-aalis din ng mga kasalanan.
Idiniriin sa atin ng mga tuntunin hinggil sa pagkain ng karne at hinggil sa iba pang bagay ang pangangailangang maging banal kapag sumasamba tayo kay Jehova. Angkop naman, dapat magpakabanal ang mga saserdote. Ang tatlong taunang mga kapistahan ay mga pagkakataon para magsaya at magpasalamat sa Maylalang. Nagbigay rin si Jehova sa kaniyang bayan ng mga tuntunin may kinalaman sa paglapastangan sa kaniyang banal na pangalan, pangingilin ng mga Sabbath at ng Jubileo, pakikitungo sa mga dukha, at pagtrato sa mga alipin. Inihahambing ang mga pagpapala na matatamo mula sa pagsunod sa Diyos at ang mga sumpa na mararanasan dahil sa pagsuway. May mga tuntunin din tungkol sa mga handog na may kinalaman sa mga panata at mga pagtatakda ng halaga, panganay sa mga hayop, at pagbibigay ng ikasampung bahagi bilang “banal kay Jehova.”
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
16:29—Sa anong paraan ‘pipighatiin ng mga Israelita ang kanilang mga kaluluwa’? Ang gawaing ito, na sinusunod kapag Araw ng Pagbabayad-Sala, ay may kaugnayan sa paghingi ng kapatawaran para sa mga kasalanan. Nang panahong iyon, maliwanag na iniuugnay ang pag-aayuno sa pagkilala ng pagkamakasalanan. Kung gayon, malamang na tumutukoy sa pag-aayuno ang ‘pagpighati sa kaluluwa.’
19:27—Ano ang kahulugan ng utos na huwag ‘gupitin nang maikli ang buhok sa palibot ng ulo’ o ‘sirain ang dulo’ ng balbas? Lumilitaw na ibinigay ang kautusang ito upang hindi gupitin ng mga Judio ang kanilang balbas o buhok sa paraang katulad sa ilang kaugaliang pagano. (Jeremias 9:25, 26; 25:23; 49:32) Gayunman, ang utos ng Diyos ay hindi nangangahulugan na hindi na maaaring gupitin ng mga Judio ang kanilang balbas o buhok sa mukha.—2 Samuel 19:24.
25:35-37—Lagi bang mali para sa mga Israelita ang magpataw ng interes? Kung ang salapi ay ipinahiram para gamitin sa negosyo, ang nagpautang ay maaaring magpataw ng interes. Gayunman, ipinagbabawal ng Kautusan ang pagpapataw ng interes sa mga utang na gagamitin upang makaraos sa karalitaan. Mali ang makinabang sa pang-ekonomiyang paghihirap ng nagdarahop na kapuwa-tao.—Exodo 22:25.
26:19—Paano maaaring maging ‘tulad ng bakal ang langit at tulad ng tanso ang lupa’? Dahil sa kakulangan ng ulan, ang langit sa ibabaw ng lupain ng Canaan ay magmimistulang matigas at solidong bakal. Kung walang ulan, ang lupa ay magiging kulay-tanso at kikintab na gaya ng metal.
26:26—Ano ang kahulugan ng ‘sampung babae na nagluluto ng tinapay sa iisang pugon’? Karaniwan nang kakailanganin ng bawat babae ang isang hiwalay na pugon para sa lahat ng paglulutong gagawin niya. Ngunit idiniriin ng mga salitang ito kung gaano kalubha ang kakapusan sa pagkain anupat sasapat na ang isang pugon para sa lahat ng paglulutong gagawin ng sampung babae. Isa ito sa inihulang magiging bunga ng hindi pananatiling banal.
Mga Aral Para sa Atin:
20:9. Sa paningin ni Jehova, ang espiritung lipos ng pagkapoot at mabalasik ay kasinsama ng pagpaslang. Kaya iisang parusa ang ipinataw niya para sa panlalait sa sariling magulang at sa aktuwal na pagpaslang sa kanila. Hindi ba’t dapat tayong udyukan nito na magpakita ng pag-ibig sa mga kapananampalataya?—1 Juan 3:14, 15.
22:32; 24:10-16, 23. Hindi dapat maupasala ang pangalan ni Jehova. Sa kabaligtaran, dapat nating purihin ang kaniyang pangalan at ipanalangin na mapabanal ito.—Awit 7:17; Mateo 6:9.
Kung Paano Nakaaapekto ang Levitico sa Ating Pagsamba
Wala na ngayon sa ilalim ng Kautusan ang mga Saksi ni Jehova. (Galacia 3:23-25) Gayunman, yamang ang sinasabi sa Levitico ay nagbibigay sa atin ng kaunawaan hinggil sa pananaw ni Jehova sa iba’t ibang bagay, nakaaapekto ito sa ating pagsamba.
Habang ginagawa mo ang lingguhang pagbasa sa Bibliya bilang paghahanda sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, walang pagsalang maidiriin sa iyo ang katotohanang hinihiling ng Diyos na maging banal ang kaniyang mga lingkod. Mapakikilos ka rin ng aklat na ito ng Bibliya na ibigay sa Kataas-taasan ang pinakamainam na maibibigay mo, anupat laging pinananatili ang kabanalan sa kaniyang ikapupuri.
[Larawan sa pahina 21]
Ang mga haing inihandog sa ilalim ng Kautusan ay umakay ng pansin kay Jesu-Kristo at sa kaniyang hain
[Larawan sa pahina 22]
Ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay okasyon para sa matinding kagalakan
[Larawan sa pahina 23]
Ang taunang mga kapistahan, gaya ng Kapistahan ng mga Kubol, ay mga pagkakataon para magpasalamat kay Jehova