SIKLO
[sa Ingles, shekel].
Ang saligang Hebreong yunit ng timbang (1Sa 17:5, 7; Eze 4:10; Am 8:5) at ng halaga ng salapi. Batay sa katamtamang bigat ng mga 45 piraso ng may-ukit na siklong panimbang, ang siklo ay maaaring 11.4 g (0.403 onsa avdp; 0.367 onsa t). Ang isang siklo ay katumbas ng 20 gerah (Bil 3:47; 18:16), at may katibayan na ang 50 siklo ay katumbas naman ng isang mina. (Tingnan ang MINA.) Kung kakalkulahin ayon sa makabagong halaga, ang isang siklong pilak ay magkakahalaga ng $2.20, at ang isang siklong ginto naman ay $128.45.
Kadalasan na, ang siklo ay binabanggit kaugnay ng pilak o ginto. (1Cr 21:25; Ne 5:15) Bago nagpasimula ang paggamit ng mga barya, mga piraso ng pilak (at, sa ilang kaso, ginto) ang ginagamit noon bilang salapi, anupat tinitimbang ang mga iyon sa panahon ng transaksiyon. (Gen 23:15, 16; Jos 7:21) Kung minsan, ang mga bagay na may kaugnayan sa tabernakulo ay binabanggit batay sa siklo “ayon sa siklo ng dakong banal.” (Exo 30:13; Lev 5:15; 27:2-7, 25) Maaaring ito’y upang idiin na ang timbang ng mga iyon ay dapat na eksakto o, marahil, dapat na kaayon ng isang pamantayang panimbang na ginagamit sa tabernakulo.
Karaniwan nang ipinapalagay na ang mga “pirasong pilak” na madalas banggitin sa Hebreong Kasulatan ay mga siklong pilak, ang pamantayang yunit ng salapi. (Huk 16:5; 1Ha 10:29; Os 3:2) Pinatototohanan ito ng Septuagint (kung saan magkapareho ang mga salitang Griego para sa ‘pirasong pilak’ sa Genesis 20:16 at para sa ‘siklo’ sa Genesis 23:15, 16) at maging ng mga Targum. Ayon sa Jeremias 32:9, nagbayad ang propeta ng “pitong siklo at sampung pirasong pilak” para sa isang bukid. Marahil ay isa lamang itong legal na pormula na nangangahulugang 17 siklong pilak (AS, Da, NE, RS), o posibleng ito ay nangangahulugang pitong siklong ginto at sampung siklong pilak.
Maaaring ipinahihiwatig sa 2 Samuel 14:26 na may “maharlikang” siklo na iba pa sa pangkaraniwang siklo, o maaaring ang tinutukoy nito ay isang pamantayang panimbang na ginagamit sa maharlikang palasyo.