“Alagaan Mo ang Punong Ubas na Ito”!
NILIBOT ng 12 tiktik ang iba’t ibang bahagi ng Lupang Pangako. Sinabi ni Moises sa kanila na obserbahan nila ang mga naninirahan doon at mag-uwi sila ng ilan sa mga bunga ng lupain. Anong partikular na produkto ang nakaagaw ng kanilang pansin? Nakakita sila malapit sa Hebron ng isang ubasan kung saan napakalaki ng mga ubas anupat dalawang tiktik ang kinailangang bumuhat ng isang kumpol lamang. Dahil lubhang kahanga-hanga ang pananim na ito sa lugar na iyon, tinawag ng mga tiktik ang matabang lupaing iyon na “agusang libis ng Escol,” o “Kumpol ng mga Ubas.”—Bilang 13:21-24.
Noong ika-19 na siglo, isang bisita sa Palestina ang nag-ulat: “Napakarami pa ring puno ng ubas sa Escol, o libis ng Ubas, . . . at ang mga ubas nito ang pinakamaiinam at pinakamalalaki sa Palestina.” Bagaman namumukod-tangi ang mga punong ubas sa Escol, ang kalakhang bahagi ng Palestina ay pinagmumulan din ng maiinam na ubas noong panahon ng Bibliya. Ipinakikita ng mga ulat ng mga Ehipsiyo na nag-angkat ang mga Paraon ng alak mula sa Canaan.
“Ang mabatong mga dalisdis ng burol [sa Palestina], na may buhaghag na lupa at bilad sa araw, ang mainit na tag-araw, at ang mabilis na pagsipsip ng lupa sa tubig-ulan sa panahon ng taglamig ay pawang nakatulong upang ang lugar na ito ay maging isang natatanging lupain ng mga punong ubas,” ang paliwanag ng aklat na The Natural History of the Bible. Ipinahiwatig ni Isaias na mga sanlibong punong ubas ang nakatanim sa ilang piling lugar.—Isaias 7:23.
“Lupain ng mga Punong Ubas”
Sinabi ni Moises sa bansang Israel na maninirahan sila sa lupain ng “mga punong ubas at mga igos at mga granada.” (Deuteronomio 8:8) Ayon sa Baker Encyclopedia of Bible Plants, “napakaraming punong ubas sa sinaunang Palestina anupat natagpuan ang mga buto ng ubas sa karamihan, kung hindi man sa lahat, ng hinukay na lugar.” Hitik na hitik sa bunga ang mga punong ubas sa Lupang Pangako anupat maging noong taóng 607 B.C.E. nang wasakin ng mga hukbo ni Nabucodonosor ang Juda, ang mga taong naiwan sa lupain ay ‘nagtipon ng alak at mga bungang pantag-araw na pagkarami-rami.’—Jeremias 40:12; 52:16.
Upang makagawa ng maraming alak, kailangang alagaang mabuti ng mga magsasakang Israelita ang kanilang mga punong ubas. Inilalarawan ng aklat ni Isaias kung paano binubungkal ng karaniwang Israelita na tagapag-alaga ng ubasan ang lupa sa dalisdis ng burol at inaalis ang anumang malalaking bato bago itanim ang kaniyang “piling punong ubas na pula.” Pagkatapos, maaari siyang magtayo ng batong pader, gamit ang mga batong inalis niya sa lupa. Makatutulong ang pader na ito upang maipagsanggalang ang kaniyang ubasan mula sa mga baka na maaaring makatapak sa mga ito. Nagsisilbi rin itong proteksiyon mula sa mga sorra, baboy-ramo, at mga magnanakaw. Maaari din siyang humukay ng pisaan ng ubas at magtayo ng isang maliit na tore na magsisilbing preskong tirahan sa panahon ng pag-aani kapag nangangailangan ang mga punong ubas ng karagdagang proteksiyon. Pagkatapos ng lahat ng patiunang trabahong ito, makaaasa siya ng magandang ani ng mga ubas.—Isaias 5:1, 2.a
Upang makatiyak ng magandang ani, regular na pinupungusan ng magsasaka ang punong ubas upang dumami ang ani at inaasarol ang lupa upang huwag kumapal ang mga panirang-damo at mga tinik. Maaari niyang patubigan ang mga punong ubas sa mga buwan ng tag-araw kung ang ulan sa tagsibol ay hindi nakapaglaan ng sapat na tubig.—Isaias 5:6; 18:5; 27:2-4.
Ang panahon ng pag-aani ng ubas sa pagtatapos ng tag-araw ay panahon ng malaking pagsasaya. (Isaias 16:10) Ang tatlo sa mga awit ay may superskripsiyon na may kasamang salitang “Gitit.” (Awit 8, 81, at Aw 84) Ang di-matiyak na ekspresyong ito sa musika ay isinalin bilang “mga pisaan ng ubas” sa bersiyong Septuagint at maaaring nagpapahiwatig na inaawit ng mga Israelita ang mga awit na ito sa panahon ng pag-aani ng ubas. Bagaman ang mga ubas ay pangunahin nang para sa paggawa ng alak, kumakain din ang mga Israelita ng sariwang ubas o pinatutuyo ang mga ito upang maging pasas, na maaari nilang gawing kakanin.—2 Samuel 6:19; 1 Cronica 16:3.
Ang Punong Ubas ng Israel
Ilang ulit na inilarawan sa Bibliya ang bayan ng Diyos bilang punong ubas—isang angkop na metapora dahil napakahalaga ng punong ubas sa mga Israelita. Sa Awit 80, inihambing ni Asap ang bansang Israel sa isang punong ubas na itinanim ni Jehova sa Canaan. Hinawan ang lupa upang ang punong ubas ng Israel ay magkaugat at tumubong matatag. Ngunit sa paglipas ng panahon, ang pananggalang na mga pader nito ay bumagsak. Hindi na nagtitiwala ang bansa kay Jehova, at inalis niya ang kaniyang proteksiyon sa kanila. Tulad ng isang baboy-ramo na pumasok sa ubasan at inubos ang mga bunga nito, paulit-ulit na dinambong ng mga kalabang bansa ang kayamanan ng Israel. Nanalangin si Asap na tulungan sana ni Jehova ang bansa upang maisauli ang dati nitong kaluwalhatian. “Alagaan mo ang punong ubas na ito,” ang pamamanhik niya.—Awit 80:8-15.
Inihalintulad ni Isaias ang “sambahayan ng Israel” sa isang ubasan na unti-unting namunga ng “mga ubas na ligáw,” o bulok na mga beri. (Isaias 5:2, 7) Mas maliliit ang mga ubas na ligáw kaysa sa itinatanim na ubas at kakaunti ang laman nito anupat halos buto na lamang ang buong bunga. Hindi mapakikinabangan ang ubas na ligáw sa paggawa ng alak at hindi ito kinakain—isang angkop na sagisag ng apostatang bansa na ang mga bunga ay katampalasanan sa halip na katuwiran. Hindi kasalanan ng Tagapagsaka ng punong ubas kung bakit naging gayon ang mga bunga nito. Ginawa ni Jehova ang lahat ng makakaya niya upang maging mabunga ang bansa. “Ano pa ba ang magagawa para sa aking ubasan na hindi ko pa nagawa roon?” ang tanong niya.—Isaias 5:4.
Yamang napatunayang di-mabunga ang punong ubas ng Israel, binabalaan sila ni Jehova na gigibain niya ang pananggalang na pader na itinayo niya sa palibot ng kaniyang bayan. Hindi na niya pupungusan ang kaniyang makasagisag na punong ubas o aasarulin ang lupa nito. Ang ulan sa tagsibol na inaasahan ng pananim ay hindi darating, at mapupuno ng tinik at panirang-damo ang ubasan.—Isaias 5:5, 6.
Inihula ni Moises na dahil sa apostasya ng Israel, matutuyot maging ang literal na ubasan nila. “Mga ubasan ang iyong itatanim at tiyak na sasakahin, ngunit wala kang maiinom na alak at wala kang matitipong anuman, sapagkat kakainin iyon ng uod.” (Deuteronomio 28:39) Maaaring matuyot ang isang punong ubas sa loob ng ilang araw kapag napasok ng uod ang pinakapuno nito at kainin ang loob nito.—Isaias 24:7.
Ang “Tunay na Punong Ubas”
Kung paanong inihalintulad ni Jehova ang literal na Israel sa punong ubas, gumamit din si Jesus ng nakakatulad na metapora. Noong panahon ng tinatawag ng marami na Huling Hapunan, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ako ang tunay na punong ubas, at ang aking Ama ang tagapagsaka.” (Juan 15:1) Inihalintulad ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa mga sanga ng punong ubas. Ang lakas ng mga sanga ng literal na punong ubas ay nagmumula sa pinakapuno nito, kaya naman ang mga alagad ni Kristo ay kailangang manatiling kaisa niya. “Kung hiwalay sa akin ay wala kayong magagawang anuman,” ang sabi ni Jesus. (Juan 15:5) Kung paanong inaalagaan ng mga magsasaka ang punong ubas upang may anihin sila, inaasahan naman ni Jehova na magluluwal ng mga espirituwal na bunga ang kaniyang bayan. Ito ang nagdudulot ng kasiyahan at kaluwalhatian sa Diyos, ang Tagapagsaka ng punong ubas.—Juan 15:8.
Sa kaso ng literal na punong ubas, magiging mabunga ito kung pupungusan ito at lilinisin, at binanggit ni Jesus ang dalawang gawaing ito. Maaaring pungusan ng tagapag-alaga ng ubasan ang punong ubas nang dalawang beses sa isang taon upang matamo ang pinakamalaking ani. Sa mga buwan ng taglamig, maaaring putulin ang halos lahat ng sanga ng punong ubas. Inaalis ng magsasaka ang karamihan sa mga sangang tumubo nang nakaraang taon. Malamang na mag-iwan siya ng tatlo o apat na pangunahing sanga sa pinakapuno, na ang bawat sanga ay may isa o dalawang supang. Ang mga murang supang na ito, na katulad ng mga murang supang nang nakaraang taon, ay magiging mga sangang namumunga sa susunod na tag-araw. Sa wakas, kapag natapos na siya sa pagpupungos, susunugin na ng tagapag-alaga ng ubasan ang pinutol na mga sanga.
Ang pagpupungos na ito sa halos lahat ng sanga ay inilarawan ni Jesus: “Kung ang sinuman ay hindi nananatiling kaisa ko, siya ay itinatapong gaya ng isang sanga at natutuyo; at tinitipon ng mga tao ang mga sangang iyon at inihahagis sa apoy at ang mga iyon ay sinusunog.” (Juan 15:6) Bagaman ang punong ubas sa puntong ito ay parang wala nang sanga, isa pang maingat na pagpupungos ang gagawin sa tagsibol.
“Ang bawat sanga sa akin na hindi namumunga ay inaalis niya,” ang sabi ni Jesus. (Juan 15:2) Maaaring tumutukoy ito sa pagpupungos sa dakong huli, kapag tumubo na sa punong ubas ang sapat na dami ng mga bagong sanga at kitang-kita na ang maliliit na kumpol ng ubas. Maingat na susuriin ng tagapag-alaga ng ubasan ang bawat bagong sanga upang makita kung alin ang namumunga at kung alin ang hindi. Kapag hindi inalis sa punong ubas ang mga sanga na walang bunga, kukuha pa rin ito ng sustansiya at tubig mula sa pinakapuno. Kaya naman, pinuputol ng mga magsasaka ang mga sangang ito na walang bunga upang ang sustansiya sa punong ubas ay mapunta lamang sa mga sangang namumunga.
Kahuli-hulihan, tinukoy ni Jesus ang proseso ng paglilinis. “Ang bawat isa na namumunga ay nililinis niya, upang mamunga iyon nang higit pa,” ang paliwanag niya. (Juan 15:2) Kapag naalis na ang mga sanga na walang bunga, maingat na sinusuri ng tagapag-alaga ng ubasan ang bawat sanga na namumunga. Malapit sa pinakapuno ng mabungang sanga, lagi siyang makakakita ng maliliit na supang na kailangan ding alisin. Kung hahayaang lumaki, sisipsipin ng mga ito ang napakahalagang dagta mula sa punong ubas na para sana sa mga bunga nito. Maaari ding alisin ang ilang malalaking dahon upang mas mabilad sa araw ang mga ubas. Nakakatulong ang lahat ng hakbang na ito upang mamunga nang marami ang mabungang mga sanga.
‘Patuloy Kayong Mamunga ng Marami’
Ang makasagisag na mga sanga ng “tunay na punong ubas” ay kumakatawan sa pinahirang mga Kristiyano. Ngunit kailangan ding patunayan ng “ibang mga tupa” na sila mismo ay mabungang mga alagad ni Kristo. (Juan 10:16) Maaari din silang ‘mamunga ng marami’ at magdulot ng kaluwalhatian sa kanilang makalangit na Ama. (Juan 15:5, 8) Ipinaaalaala sa atin ng ilustrasyon ni Jesus hinggil sa tunay na punong ubas na ang kaligtasan ay nakasalalay sa pananatili nating kaisa ni Kristo at sa pagluluwal ng mabubuting espirituwal na bunga. Sinabi ni Jesus: “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo ay mananatili sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng Ama at nananatili sa kaniyang pag-ibig.”—Juan 15:10.
Noong panahon ni Zacarias, nangako ang Diyos sa tapat na nalabing mga Israelita na ang lupaing iyon ay muling makararanas ng “binhi ng kapayapaan; ang punong ubas ay magbibigay ng bunga nito, at ang lupa ay magbibigay ng ani nito.” (Zacarias 8:12) Ginamit din ang punong ubas upang ilarawan ang kapayapaan na tatamasahin ng bayan ng Diyos sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Humula si Mikas: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”—Mikas 4:4.
[Talababa]
a Ayon sa Encyclopaedia Judaica, mas gusto ng mga magsasakang Israelita ang mga punong ubas na namumunga ng kulay purpurang ubas na kilala bilang sorek, ang uri ng punong ubas na malamang na binabanggit sa Isaias 5:2. Ang mga ubas na ito ang pinagmumulan ng matamis na pulang alak.
[Larawan sa pahina 18]
Isang punong ubas na natuyot kamakailan
[Larawan sa pahina 18]
Pagpungos sa panahon ng taglamig
[Larawan sa pahina 18]
Pagsunog sa mga itinapong sanga