Ayon kay Mateo
25 “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng 10 dalaga na nagdala ng kanilang lampara+ at lumabas para salubungin ang lalaking ikakasal.+ 2 Ang lima sa kanila ay mangmang, at ang lima ay matalino.+ 3 Dinala ng mga mangmang ang mga lampara nila pero hindi sila nagdala ng langis. 4 Ang matatalino naman ay nagdala ng reserbang langis para sa kanilang mga lampara. 5 Hindi agad dumating ang lalaking ikakasal, kaya silang lahat ay inantok at nakatulog. 6 Pagdating ng kalagitnaan ng gabi, may sumigaw, ‘Nandiyan na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo para salubungin siya.’ 7 Kaya tumayo ang lahat ng dalagang iyon at inayos ang mga lampara nila.+ 8 Sinabi ng mga mangmang sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng kaunting langis dahil mamamatay na ang mga lampara namin.’ 9 Sumagot ang matatalino: ‘Baka hindi na ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa, magpunta kayo sa mga nagtitinda nito, at bumili kayo ng para sa inyo.’ 10 Pag-alis nila para bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga dalagang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa bahay na pagdarausan ng handaan,+ at isinara na ang pinto. 11 Pagkatapos, dumating din ang ibang dalaga at sinabi nila, ‘Ginoo, Ginoo, pagbuksan mo kami!’+ 12 Sumagot siya, ‘Hindi ko kayo kilala.’
13 “Kaya patuloy kayong magbantay+ dahil hindi ninyo alam ang araw o ang oras.+
14 “Ang Kaharian ay gaya ng isang taong maglalakbay sa ibang bayan. Ipinatawag niya ang mga alipin niya at ipinagkatiwala sa kanila ang mga pag-aari niya.+ 15 Binigyan niya sila ng talento ayon sa kakayahan ng bawat isa: sa isa ay lima, sa isa naman ay dalawa, at sa isa pa ay isang talento.+ Pagkatapos, pumunta siya sa ibang bayan. 16 Ang tumanggap ng limang talento ay kumilos agad at ginamit ang mga iyon sa negosyo, at kumita siya ng lima pa. 17 Ang tumanggap naman ng dalawang talento ay kumita ng dalawa pa. 18 Pero ang alipin na tumanggap lang ng isa ay umalis, humukay sa lupa, at ibinaon doon ang pera ng panginoon niya.
19 “Pagkatapos ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon at inalam kung ano ang ginawa nila sa pera niya.+ 20 Kaya ang tumanggap ng limang talento ay lumapit dala ang limang karagdagang talento at nagsabi, ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang limang talento sa akin; tingnan mo, kumita ako ng lima pang talento.’+ 21 Sinabi sa kaniya ng panginoon niya: ‘Mahusay! Mabuti at tapat kang alipin! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Aatasan kita sa maraming bagay.+ Makipagsaya ka sa panginoon mo.’+ 22 Pagkatapos, ang tumanggap ng dalawang talento ay lumapit at nagsabi, ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo sa akin ang dalawang talento; tingnan mo, kumita ako ng dalawa pang talento.’+ 23 Sinabi sa kaniya ng panginoon niya: ‘Mahusay! Mabuti at tapat kang alipin! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Aatasan kita sa maraming bagay. Makipagsaya ka sa panginoon mo.’
24 “Panghuli, ang aliping tumanggap ng isang talento ay lumapit at nagsabi, ‘Panginoon, alam kong mahigpit* ka. Umaani ka nang hindi nagtatanim at nagtitipon nang hindi nagtatahip.+ 25 Kaya natakot ako at umalis, at ibinaon ko ang talento mo sa lupa. Heto na ang talento mo.’ 26 Sinabi sa kaniya ng panginoon niya: ‘Masama at tamad na* alipin! Alam mo palang umaani ako kahit hindi nagtatanim at nagtitipon kahit hindi nagtatahip. 27 Kaya dapat ay idineposito mo ang pera ko sa bangko, para pagdating ko ay makukuha ko ito nang may interes.
28 “‘Kunin ninyo sa kaniya ang talento at ibigay ito sa may 10 talento.+ 29 Dahil ang bawat isa na mayroon ay bibigyan pa, at magiging masagana siya. Pero ang sinumang wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin.+ 30 Itapon ninyo ang walang-kuwentang alipin sa kadiliman sa labas. Iiyak siya roon at magngangalit ang mga ngipin niya.’
31 “Sa pagdating ng Anak ng tao+ na may malaking awtoridad, kasama ang lahat ng anghel,+ uupo siya sa kaniyang maluwalhating trono. 32 Ang lahat ng bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukod-bukurin niya ang mga tao, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. 33 At ilalagay niya ang mga tupa+ sa kaniyang kanan, pero ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.+
34 “Pagkatapos, sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang Kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang itatag ang sanlibutan. 35 Dahil nang magutom ako, binigyan ninyo ako ng makakain; nang mauhaw ako, binigyan ninyo ako ng maiinom. Tagaibang bayan ako, at pinatuloy ninyo ako sa bahay ninyo.+ 36 Hubad ako at dinamtan ninyo.+ Nagkasakit ako at inalagaan ninyo. Nabilanggo ako at dinalaw ninyo.’+ 37 Sasabihin ng mga matuwid: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom at pinakain ka, o uhaw at binigyan ka ng maiinom?+ 38 Kailan ka naging tagaibang bayan at pinatuloy ka namin sa bahay namin? Kailan ka namin nakitang hubad at dinamtan ka? 39 Kailan ka namin nakitang may sakit o nakabilanggo at dinalaw ka?’ 40 Sasagot sa kanila ang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo, anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamababa sa mga kapatid ko ay ginawa ninyo sa akin.’+
41 “Pagkatapos, sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: ‘Lumayo kayo sa akin,+ kayong mga isinumpa, papunta sa walang-hanggang apoy+ na inihanda para sa Diyablo at sa mga anghel niya.+ 42 Dahil nang magutom ako, hindi ninyo ako binigyan ng makakain; at nang mauhaw ako, hindi ninyo ako binigyan ng maiinom. 43 Tagaibang bayan ako, pero hindi ninyo ako pinatuloy sa bahay ninyo. Nakita ninyo akong hubad, pero hindi ninyo ako dinamtan; may sakit at nakabilanggo, pero hindi ninyo ako inalagaan.’ 44 Sasabihin naman nila: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom o uhaw o naging tagaibang bayan o hubad o may sakit o nakabilanggo at hindi ka namin inasikaso?’ 45 Sasagot siya sa kanila: ‘Sinasabi ko sa inyo, ang hindi ninyo ginawa sa isa sa mga pinakamababang ito ay hindi ninyo ginawa sa akin.’+ 46 Sila ay paparusahan ng walang-hanggang kamatayan,+ pero ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”+