UNANG BUNGA, MGA
Ang pinakamaaagang bunga ng isang kapanahunan; ang unang mga resulta o produkto ng anumang bagay. Ang salitang Hebreo na reʼ·shithʹ (mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “ulo”) ay ginamit sa diwa na unang bahagi, pinanggalingan, o “pasimula” (Deu 11:12; Gen 1:1; 10:10); ang “pinakamainam” (Exo 23:19, tlb sa Rbi8); at “mga unang bunga” (Lev 2:12). Ang pananalitang “mga unang hinog na bunga” ay isinalin mula sa Hebreong bik·ku·rimʹ, na pantanging ginagamit may kinalaman sa mga butil at prutas. (Na 3:12) Ang terminong Griego naman para sa mga unang bunga (a·par·kheʹ) ay nagmula sa isang salitang-ugat na may saligang kahulugan na “pagkapangunahin.”
Iniutos ni Jehova sa bansang Israel na ihandog nila sa kaniya ang mga unang bunga, iyon man ay tao, hayop, o bunga ng lupa. (Exo 22:29, 30; 23:19; Kaw 3:9) Ang pagtatalaga ng mga unang bunga kay Jehova ay magsisilbing katibayan ng pagpapahalaga ng mga Israelita sa pagpapala ni Jehova, gayundin sa kanilang lupain at sa ani nito. Magsisilbi itong kapahayagan ng pasasalamat sa Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob.”—Deu 8:6-10; San 1:17.
Iniutos ni Jehova na ang bansa, sa pamamagitan ng mga kinatawan nito, ay maghandog sa kaniya ng mga unang bunga, lalo na sa panahon ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa. Pagkatapos, pagsapit ng Nisan 16, sa santuwaryo, ikinakaway ng mataas na saserdote sa harap ni Jehova ang ilan sa mga unang bunga ng inaning butil, samakatuwid nga, isang tungkos ng sebada, na siyang unang inaaning pananim ng taon batay sa sagradong kalendaryo. (Lev 23:5-12) Muli, pagsapit ng Pentecostes, na ika-50 araw pagkatapos ikaway ang tungkos ng sebada, inihahandog naman bilang handog na ikinakaway ang mga unang bunga ng inaning trigo, sa anyong dalawang tinapay na may lebadura at gawa sa mainam na harina.—Lev 23:15-17; tingnan ang KAPISTAHAN.
Bukod sa mga butil na ito na inihahandog ng mataas na saserdote para sa bansa, ang mga Israelita ay inutusan na ihandog ang mga unang bunga ng lahat ng kanilang ani. Ang bawat panganay na lalaki ng tao at hayop ay pinababanal kay Jehova, anupat inihahandog o kaya nama’y tinutubos. (Tingnan ang PANGANAY.) Ang mga unang bunga ng harinang magaspang ay dapat ihandog sa anyong mga tinapay na hugis-singsing. (Bil 15:20, 21) Ang mga bunga ng lupa ay inilalagay rin sa mga basket at dinadala ng mga Israelita sa santuwaryo (Deu 26:1, 2), at doo’y binibigkas nila ang ilang pananalita na nakaulat sa Deuteronomio 26:3-10. Sa katunayan, ang mga pananalitang iyon ay isang sumaryo ng kasaysayan ng bansa mula noong pumasok sila sa Ehipto hanggang noong iligtas sila at dalhin sa Lupang Pangako.
Nang maglaon, upang hindi na umahon sa Jerusalem ang lahat ng tumatahan sa bawat lokalidad sa tuwing hinog na ang kanilang mga unang bunga, sinasabing bumangon ang kaugalian na sila’y nagsusugo na lamang ng isang kinatawan na magdadala ng mga unang bungang iniabuloy mula sa distritong iyon. Hindi itinakda ng Kautusan kung gaano karami sa mga unang bunga na ito ang dapat ihandog; lumilitaw na ipinaubaya ito sa pagkabukas-palad at mapagpahalagang espiritu ng nagbibigay. Gayunpaman, ang pinakapiling mga bahagi, yaong pinakamaiinam sa mga unang bunga, ang dapat nilang ihandog.—Bil 18:12; Exo 23:19; 34:26.
Sa kaso ng isang bagong-tanim na punungkahoy, itinuturing itong marumi, anupat waring di-tuli, sa unang tatlong taon nito. Sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga nito ay nagiging banal kay Jehova. Pagkatapos, sa ikalimang taon, maaari nang tipunin ng may-ari ang mga bunga nito para sa kaniyang sarili.—Lev 19:23-25.
Ang mga unang bungang iniaabuloy ng 12 di-Levitikong tribo ng Israel para kay Jehova ay ginagamit ng mga saserdote at mga Levita, yamang wala silang tinanggap na mana sa lupain. (Bil 18:8-13) Nagdulot ng kaluguran kay Jehova at ng pagpapala sa lahat ng mga nasasangkot ang tapat na paghahandog ng mga unang bunga. (Eze 44:30) Ang hindi naman pagdadala ng mga ito sa Diyos ay ituturing niyang pagnanakaw sa kaniya ng mga bagay na nauukol sa kaniya at ikagagalit niya. (Mal 3:8) Sa kasaysayan ng Israel, may mga panahong napabayaan ang gawaing ito, anupat sa ilang pagkakataon ay isinauli ng mga tagapamahalang naging masigasig sa tunay na pagsamba. Noong magsagawa si Haring Hezekias ng mga reporma, nagdaos siya ng pinalawig na Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa okasyong iyon, tinagubilinan ni Hezekias ang bayan na tuparin ang kanilang tungkulin may kinalaman sa pag-aabuloy ng mga unang bunga at mga ikapu. Masayang tumugon ang bayan sa pamamagitan ng pagdadala ng napakaraming mga unang bunga ng butil, bagong alak, langis, pulot-pukyutan, at ng lahat ng bunga sa bukid mula noong ikatlong buwan hanggang noong ikapitong buwan. (2Cr 30:21, 23; 31:4-7) Pagkatapos silang maisauli mula sa Babilonya, pinangunahan ni Nehemias ang bayan sa panunumpa na sila’y lalakad sa kautusan ni Jehova, lakip na ang pagdadala sa Kaniya ng bawat uri ng mga unang bunga.—Ne 10:29, 34-37; tingnan ang HANDOG, MGA.
Makalarawan at Makasagisag na Paggamit. Si Jesu-Kristo ay inianak sa espiritu noong panahon ng kaniyang bautismo, at siya’y binuhay-muli bilang espiritu noong Nisan 16, 33 C.E., sa mismong araw ng taon kung kailan inihahandog sa harap ni Jehova sa santuwaryo ang mga unang bunga ng unang inaaning butil. Dahil dito, siya’y tinatawag na unang bunga, anupat sa katunayan ay ang kauna-unahan sa mga unang bunga sa Diyos. (1Co 15:20, 23; 1Pe 3:18) Ang tapat na mga tagasunod ni Jesu-Kristo, yaong kaniyang espirituwal na mga kapatid, ay mga unang bunga rin sa Diyos, ngunit hindi sila ang pangunahing unang bunga, anupat katulad sila ng ikalawang inaaning butil, ang trigo, na inihahandog kay Jehova sa araw ng Pentecostes. Sila’y may bilang na 144,000 at tinatawag na mga “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero” at “isang uri ng mga unang bunga ng kaniyang mga nilalang.”—Apo 14:1-4; San 1:18.
Tinukoy rin ng apostol na si Pablo bilang “mga unang bunga” ang tapat na mga Judiong nalabi na naging unang mga Kristiyano. (Ro 11:16) Ang Kristiyanong si Epeneto ay tinawag na “isang unang bunga ng Asia para kay Kristo” (Ro 16:5), at ang sambahayan ni Estefanas ay tinawag naman na “mga unang bunga sa Acaya.”—1Co 16:15.
Yamang ang mga pinahirang Kristiyano ay inianak sa espiritu upang maging mga anak ng Diyos na may pag-asa ng pagkabuhay-muli tungo sa imortalidad sa langit, sinasabi na sa panahong nabubuhay sila sa lupa, sila’y “nagtatamo ng mga unang bunga, samakatuwid nga, ng espiritu . . . habang marubdob nating hinihintay ang pag-aampon bilang mga anak, ang pagpapalaya mula sa ating mga katawan sa pamamagitan ng pantubos.” (Ro 8:23, 24) Sinabi ni Pablo na taglay niya at ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano na may pag-asang mabuhay bilang mga espiritu ang “palatandaan niyaong darating, samakatuwid nga, ang espiritu,” na ayon din sa kaniya ay “isang paunang tanda ng ating mana.”—2Co 5:5; Efe 1:13, 14.