HEBREO, I
Ang katawagang “Hebreo” ay unang ginamit kay Abram, sa gayon ay ipinakikita ang kaibahan niya sa kaniyang mga kapitbahay na Amorita. (Gen 14:13) Pagkatapos nito, sa halos lahat ng kaso ng paggamit dito, ang terminong “(mga) Hebreo” ay patuloy na ginamit bilang isang katawagang nagpapahiwatig ng pagiging naiiba—anupat ang nagsasalita ay mula sa isang bansang di-Israelita (Gen 39:13, 14, 17; 41:12; Exo 1:16; 1Sa 4:6, 9), o isang Israelita na nagsasalita sa isang banyaga (Gen 40:15; Exo 1:19; 2:7; Jon 1:9), o may binabanggit na mga banyaga (Gen 43:32; Exo 1:15; 2:11-13; 1Sa 13:3-7).
Gaya ng ipinakikita sa nabanggit na mga teksto, ang katawagang “Hebreo” ay pamilyar na sa mga Ehipsiyo noong ika-18 siglo B.C.E. Waring ipinahihiwatig nito na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nakilala nang malawakan, anupat alam ng marami ang bansag na “Hebreo.” Nang banggitin ni Jose ang “lupain ng mga Hebreo” (Gen 40:15) sa dalawa sa mga lingkod ni Paraon, tiyak na ang tinukoy niya ay ang rehiyon sa palibot ng Hebron na matagal nang ginagamit ng kaniyang ama at mga ninuno bilang pinakasentro ng mga gawain. Pagkaraan ng mga anim na siglo, tinutukoy pa rin ng mga Filisteo ang mga Israelita bilang “mga Hebreo.” Noong panahon ni Haring Saul, ang “mga Hebreo” at “Israel” ay magkatumbas na mga termino. (1Sa 13:3-7; 14:11; 29:3) Noong ikasiyam na siglo B.C.E. ang propetang si Jonas ay nagpakilala bilang isang Hebreo sa mga magdaragat (posibleng mga taga-Fenicia) na nasa isang barko mula sa daungang-dagat ng Jope. (Jon 1:9) Ipinakita rin ng Kautusan ang kaibahan ng mga aliping “Hebreo” sa mga aliping may ibang lahi o nasyonalidad (Exo 21:2; Deu 15:12), at sa pagtukoy rito, ipinakikita ng aklat ng Jeremias (noong ikapitong siglo B.C.E.) na ang terminong “Hebreo” ay katumbas noon ng “Judio.”—Jer 34:8, 9, 13, 14.
Nang maglaon, ang karaniwang tawag ng mga manunulat na Griego at Romano sa mga Israelita ay “mga Hebreo” o kaya’y “mga Judio,” hindi “mga Israelita.”
Pinanggalingan at Kahulugan ng Termino. Ang mga pangmalas tungkol sa pinanggalingan at kahulugan ng terminong “Hebreo” ay karaniwan nang nauuwi sa mga sumusunod:
Ayon sa isang pangmalas, ang pangalang iyon ay nagmula sa salitang-ugat na ʽa·varʹ, nangangahulugang “dumaan; lumampas; tumawid; bumagtas.” Kaya ang termino ay kakapit kay Abraham bilang ang isa na kinuha ng Diyos “mula sa kabilang ibayo ng Ilog [Eufrates].” (Jos 24:3) Gayon ang pagkaunawa ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint sa termino kung kaya sa Genesis 14:13 ay tinukoy si Abraham bilang “ang dumaan” sa halip na ang “Hebreo.” Bagaman napakapopular ng teoriyang ito, mayroon din itong mga depekto. Ang hulapi ng terminong ʽIv·riʹ (Hebreo) ay katulad niyaong ginagamit sa ibang mga termino na walang alinlangang mga patronymic, samakatuwid nga, mga pangalang binubuo sa pamamagitan ng paglalakip ng isang unlapi o hulapi na nagpapahiwatig ng kaugnayan sa pangalan ng ama o ninuno ng magulang ng isa. Halimbawa, ang Moh·ʼa·viʹ (Moabita) ay pangunahin nang tumutukoy sa isa na nagmula kay Moab (Moh·ʼavʹ) sa halip na sa isa mula sa isang heograpikong rehiyon; gayundin ang ʽAm·moh·niʹ (Ammonita), Da·niʹ (Danita), at marami pang iba.
Karagdagan pa, kung ang “Hebreo” ay kakapit kay Abraham dahil lamang sa ‘pagtawid’ niya sa Eufrates, waring napakalawak ng termino, anupat maikakapit sa sinumang tao na gayon din ang ginawa—at malamang na maraming nandayuhang gaya niya sa paglipas ng mga siglo. Sa gayong pinagmulan, magiging pantangi lamang ang termino kung ang pagtawid ni Abraham sa Eufrates ay kinilalang dahil sa pagtawag ng Diyos. Pinag-aalinlanganan kung ang bagay na ito ay kinilala ng mga paganong gumamit ng terminong iyon, bagaman hindi naman ito maituturing na imposible.
Ang ikalawang pangmalas, na itinataguyod ng ilang iskolar, ay na tumutukoy ang pangalan sa mga nakikipamayan, samakatuwid nga, ‘dumaraan,’ na naiiba sa mga tumatahan o mga namamayan sa isang lugar. (Ihambing ang paggamit ng ʽa·varʹ sa Gen 18:5; Exo 32:27; 2Cr 30:10.) Bagaman ang mga Israelita ay talagang namuhay nang pagala-gala sa loob ng ilang panahon, hindi ganito ang nangyari pagkatapos na masakop ang Canaan. Gayunman, ang pangalang Hebreo ay patuloy na kumapit sa kanila. Maaaring ang isa pang pagtutol sa ideyang ito ay na napakalawak nito anupat sasaklaw ito sa lahat ng grupong pagala-gala. Yamang ipinakikilala si Jehova sa Bibliya bilang ang “Diyos ng mga Hebreo,” maliwanag na hindi ito nangangahulugang ‘lahat ng mga pagala-gala,’ yamang maraming pagala-galang grupo ng mga tao ang sumasamba sa huwad na mga diyos.—Exo 3:18; 5:3; 7:16; 9:1, 13; 10:3.
Ang ikatlong pangmalas na lubhang kaayon ng katibayan sa Bibliya ay na ang “Hebreo” (ʽIv·riʹ) ay nanggaling sa Eber (ʽEʹver), ang pangalan ng apo sa tuhod ni Sem at isang ninuno ni Abraham. (Gen 11:10-26) Totoo na walang anumang nalalaman tungkol kay Eber maliban sa kaniyang pampamilyang kaugnayan bilang isang kawing sa pagkakasunud-sunod ng angkan mula kay Sem hanggang kay Abraham. Walang anumang namumukod-tanging gawa o iba pang personal na katangian na napaulat na maaaring maging saligan ng napakaprominenteng paggamit ng mga inapo ni Eber sa kaniyang pangalan. Gayunpaman, mapapansin na si Eber ay espesipikong binanggit sa Genesis 10:21, anupat doon ay tinukoy si Sem bilang ang “ninuno ng lahat ng mga anak ni Eber.” Ipinakikita sa hula ni Balaam noong ika-15 siglo B.C.E. na ang pangalang Eber ay ikinapit sa isang bayan o rehiyon maraming siglo pagkamatay niya. (Bil 24:24) Ang paggamit sa pangalan bilang isang patronymic ay magsisilbi ring kawing ng mga Israelita sa isang partikular na tao na bahagi ng “mga angkan” mula kay Noe, gaya ng nakatala sa Genesis 10:1-32.
Gaya ng iba pang mga pangmalas na natalakay na, bumabangon ang tanong kung bakit ang “Hebreo,” kung hinalaw sa pangalang Eber, ay ikakapit nang lubhang espesipiko at bukod-tangi sa mga Israelita. Nagkaroon si Eber ng iba pang mga inapo, sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Joktan, na wala sa linya ng angkan hanggang kay Abraham (at kay Israel). (Gen 10:25-30; 11:16-26) Waring ang terminong ʽIv·riʹ (Hebreo) ay kakapit sa lahat ng gayong inapo na matuwid na makapag-aangkin na si Eber ay kanilang ninuno. Iminumungkahi ng ilang iskolar na maaaring ganito ang nangyari sa pasimula, ngunit sa paglipas ng panahon, ang pangalan ay nilimitahan sa mga Israelita bilang ang pinakaprominente sa mga Eberita, o mga Hebreo. May mga katulad na pangyayari rin sa ulat ng Bibliya. Bagaman si Abraham ay maraming mga di-Israelitang inapo, kabilang na ang mga Edomita, mga Ismaelita, at ang mga inapo ni Abraham sa pamamagitan ng kaniyang asawang si Ketura, ang mga Israelita ang bukod-tanging tinatawag na “binhi ni Abraham.” (Aw 105:6; Isa 41:8; ihambing ang Mat 3:9; 2Co 11:22.) Sabihin pa, ito ay dahil sa pagkilos ng Diyos alang-alang sa kanila may kaugnayan sa tipang Abrahamiko. Ngunit ang mismong bagay na ginawa sila ng Diyos na isang bansa at ibinigay niya sa kanila ang lupain ng Canaan bilang mana, gayundin ang mga tagumpay laban sa maraming makapangyarihang mga kaaway, ay tiyak na magpapakita ng kaibahan ng mga Israelita hindi lamang sa iba pang mga inapo ni Abraham kundi gayundin sa lahat ng iba pang mga inapo ni Eber. May posibilidad din na naiwala ng marami sa gayong mga inapo ang kanilang pagkakakilanlang “Eberita” dahil sa pakikipag-asawa sa ibang mga bayan.
Kung gayon, malamang na si Eber ay pinili sa mga talaan ng angkan bilang isang pahiwatig mula sa Diyos na ang pagpapala ni Noe na binigkas kay Sem ay pantanging matutupad sa mga inapo ni Eber, anupat ipinakikita ng sumunod na mga pangyayari na mga Israelita ang pangunahing tumanggap ng pagpapalang iyon. Ang gayong espesipikong pagbanggit kay Eber ay magsisilbi rin sa layuning ituro ang linya ng angkan ng ipinangakong Binhi na binanggit sa hula ni Jehova sa Genesis 3:15, sa gayon si Eber ay naging isang espesipikong kawing sa pagitan nina Sem at Abraham. Ang gayong kaugnayan ay lubos na makakasuwato rin ng katawagan kay Jehova bilang “Diyos ng mga Hebreo.”
Ang hula ni Balaam. Ang pagkaunawa sa hula ni Balaam sa Bilang 24:24 ay depende sa kung ang Eber ay ginagamit doon bilang isang terminong heograpiko na tumutukoy sa ‘lupain (o mga tao) sa kabilang ibayo,’ o bilang isang patronymic na pantanging kumakapit sa mga Hebreo (mga Israelita). Kinikilala ng karamihan sa mga komentarista na ang Kitim, na sa baybayin nito manggagaling ang mga barkong pipighati sa Asirya at Eber, ayon sa hula, ay, pangunahin na, ang sinaunang katawagan sa Ciprus. Gayunman, gaya ng ipinakikita ng mga artikulong CIPRUS at KITIM, ang Ciprus ay sumailalim ng malaking impluwensiya ng mga Griego; gayundin, maaaring ang pangalang Kitim ay may mas malawak na pagkakapit, bukod pa sa pulo ng Ciprus, na marahil ay nagpapahintulot ng higit pang pag-uugnay sa Gresya. Sa gayon, itinuturing ng karamihan sa mga iskolar na ang hula ay kaugnay ng panlulupig ng Gresya, o ng Macedonia, sa mga bansa sa Gitnang Silangan, kabilang na ang Asirya. Yaong mga naniniwala na ginagamit dito ang Eber sa heograpikong paraan ay nagsasabi na ang pagpighati sa Eber ay nangangahulugang hindi lamang ang Asirya kundi ang lahat ng mga kapangyarihan sa Mesopotamia (ang mga tao ‘sa kabilang ibayo’) ay sasailalim ng pamumuno ng mga taga-Kanluran. Iminumungkahi niyaong mga naniniwalang tumutukoy ang Eber sa mga Hebreo na ang inihulang kapighatian ay sumapit sa kanila pagkamatay ni Alejandrong Dakila at sa ilalim ng linya ng mga tagapamahalang Seleucido, partikular na si Antiochus Epiphanes. Kung paanong ang pangalang Asirya sa tekstong ito ay aktuwal na ang pangalang Asur sa Hebreo, lumilitaw na ang “Eber” din, sa katunayan, ay isang patronymic na tumutukoy sa mga Hebreo sa halip na isang heograpikong katawagan lamang.
Ang Pagkagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong “Hebreo” ay partikular na ginagamit upang tukuyin ang wikang sinalita ng mga Judio (Ju 5:2; 19:13, 17, 20; Gaw 21:40; 22:2; Apo 9:11; 16:16), ang wika na ginamit ng binuhay-muli at niluwalhating si Jesus sa pakikipag-usap kay Saul ng Tarso. (Gaw 26:14, 15) Sa Gawa 6:1, ipinakikita ang kaibahan ng mga Judiong nagsasalita ng Hebreo sa mga Judiong nagsasalita ng Griego.—Tingnan ang GRESYA, MGA GRIEGO (Mga Helenista).
Inilarawan ni Pablo ang kaniyang sarili bilang, una, isang Hebreo; ikalawa, isang Israelita; at ikatlo, mula sa binhi ni Abraham. (2Co 11:22) Ang ‘Hebreo’ ay maaaring ginamit dito upang ipakita ang kaniyang lahing pinanggalingan (ihambing ang Fil 3:4, 5) at marahil pati wika; ang ‘Israelita,’ ang kaniyang pagiging likas na miyembro ng bansang unang itinatag ng Diyos bilang bayang nagtataglay ng Kaniyang pangalan (ihambing ang Ro 9:3-5); at ang ‘binhi ni Abraham,’ ang kaniyang pagiging kabilang sa mga magmamana ng ipinangakong mga pagpapala ng tipang Abrahamiko.
Ang mga “Habiru.” Sa maraming mga rekord na cuneiform na mula pa noong pasimula ng ikalawang milenyo B.C.E., ang terminong Akkadiano (Asiro-Babilonyo) na habiru, o hapiru, ay lumilitaw. Ang mga Habiru ay aktibo noon sa timugang Mesopotamia at Asia Minor at maging sa mga lugar sa Haran at Mari. Gayundin, sa mga 60 sa Amarna Tablets, na natagpuan sa Ehipto, ang mga basalyong Canaanitang tagapamahala na sumulat sa Paraon ng Ehipto (na kanilang punong-panginoon noon) ay nagreklamo, bukod sa iba pang mga bagay, dahil sa mga pagsalakay laban sa kanilang mga lunsod ng ilang tagapamahala na kasabuwat ng mga “Habiru.”
Ang mga “Habiru” ay lumitaw sa Mesopotamia bilang mga manggagawa sa agrikultura, mga mersenaryong kawal, mga mandarambong, mga alipin, at iba pa. Bagaman sinisikap ng ilang iskolar na iugnay ang mga Habiru sa pananakop ng Israel sa Canaan, hindi sinusuportahan ng katibayan ang gayong pangmalas. Sa bagay na ito, ang The New International Dictionary of Biblical Archaeology ay nagkomento: “Mula nang unang masiwalat ang mga Habiru sa mga tekstong Amarna noong pagtatapos ng ikalabinsiyam na siglo, ang mga iskolar ay natuksong iugnay ang mga Habiru sa biblikal na ʽibrim o ‘mga Hebreo,’—isang salita na lumilitaw nang tatlumpu’t apat na ulit sa LT, kadalasan ay ginagamit ng mga banyaga o kaya’y sa harap ng mga banyaga. . . . Tinatanggihan ng karamihan sa mga iskolar ang anumang tuwirang pag-uugnay ng mga Hebreo sa mga Habiru dahil sa sumusunod na mga pagtutol: (1) pilolohikal na mga suliranin sa ganitong pag-uugnay; (2) ang posibilidad na ang Habiru ay isang bansag na termino na naglalarawan sa isang pangkat, samantalang ang ʽibri ay isang etnikong termino; (3) ang malalaking pagkakaiba sa pangangalat, gawain, at katangian ng dalawang grupo.”—Inedit nina E. Blaiklock at R. Harrison, 1983, p. 223, 224.
Ang “Habiru” ay lumilitaw sa mga dokumentong Ehipsiyo sa ilalim ng pangalang ʽapiru. Ginamit sila bilang mga manggagawa sa tibagan, mga tagapisa ng ubas, at mga tagahakot ng bato. Kung wika ang pag-uusapan, hindi posibleng iugnay ang salitang Ehipsiyo na ʽapiru sa salitang Hebreo na ʽIv·riʹ. Karagdagan pa, binabanggit sa mga dokumento na ang mga “Habiru” ay naroon sa Ehipto kahit matagal nang nakaalis sa lupaing iyon ang mga Hebreo.